Huwebes, Oktubre 9, 2008

Salamisim sa Dalawang Bayani

SALAMISIM SA DALAWANG BAYANI
Maikling maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan sa isang gabing payapa, sa langit ako’y nakatingala. Hawak ang plumang tutula, kahit ako noo’y parang tulala.

Maya-maya’y pumasok sa diwa ang dalawang bayaning sa dibdib ng bayan ay nagpunla ng kabayanihang di matingkala.

Hindi man totoo itong kwento pagkat walang ebidensya’t batayang magpapatunay rito, ngunit silang dalawa’y dinalaw ako’t tila sa aking balintataw ay isang pangitain ito.

Pangitaing kay-ikli ngunit akin pang natatandaan, hanggang ngayon ay umuukilkil pa rin sa aking isipan.

Ito kaya’y tunay na naganap, o ito’y akin lamang hinagap?

Gayunpaman, nais kong maibahagi ang napag-usapan nila, at baka may mahalaw na aral dito ang masa:


Minsa'y nagkita sa kalawakan ang dalawang bayaning Pilipino. Nagkamayan sila at agad ring nagkumustahan.

Ani Bonifacio kay Rizal: "Mabuti't namatay ka sa kamay ng mga kaaway, ngunit ako'y..." sabay buntunghininga, "ako'y pinaslang ng mga kapanalig sa paglaya ng bayan."

Tumango-tango lamang si Rizal, at nakatungong umalis.

Panawagan Nila'y Katarungan

PANAWAGAN NILA’Y KATARUNGAN
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(PAUNAWA: Ang akdang ito'y iniaalay sa lahat ng naghahangad ng naghahangad ng progresong may hustisyang panlipunan. Binigyang halimbawa lamang dito ang nangyari sa North Triangle sa Lunsod Quezon, ngunit marami pang kasong ganito ang nangyayari sa iba pang lugar. Nawa’y makakita ang may mga mata, makarinig ang may mga tenga, makaramdam ang may mga puso, at makaunawa ang marunong umunawa.)

Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi. Ito’y ipinaglalaban. Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi kaninuman, lalo na sa burgesya, lalo na sa naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa isang gobyernong pinatatakbo ng kapital. Sagad na hanggang sa buto, hanggang sa laman, hanggang sa kaliit-liitang himaymay ng kalamnan ang kaapihang kanilang dinanas. Ang kasalukuyang lipunan ay hindi parehas.

Nobyembre 25, 1997. Nabigla ang mga taga-North Triangle sa Lunsod Quezon nang biglaang winasak ng tropa ng demolisyon, kasama ang mga unipormadong pulis, na ginamit pa ang gaya nilang mga mahihirap, ang kanilang mga tahanan. Pinalayas sila dahil nais ng pamahalaan na pagtayuan ito ng MRT III, isang makabagong transportasyong tatahak sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ayaw lumisan ng mga nakatirang maralita sa kanilang lugar, dahil walang naganap na matinong negosasyon. Ngunit sila’y pwersahang pinaalis. Oo, pwersahan! Para silang mga hayop na itinaboy sa kanilang mga tirahan. Maraming nawalan ng tahanan. Maraming nasaktan! Ni hindi man lang nagbigay ng pagkakataon sa mga pamilyang naririto na magkaroon ng matinong pag-uusap. May alokasyon daw para sa makataong relokasyon, pero hindi pala ito totoo. Mahigit sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tahanan. Magpapasko noon nang itinirik ng mga taga-North Triangle ang kanilang pansamantalang silungan sa mismong harapan ng gate ng Kongreso. Sa ilalim ng init ng araw at sa kalamigan ng gabi, bagamat nasa loob ng manipis na tabing, ipinagdiwang nila doon ang kapaskuhan at bagong taon. Tunay ngang kaawaawa ang kanilang kalagayan. Ang kailangan nila’y katarungan.

Ang MRT III ay isang makabagong teknolohiya para sa transportasyon. Malaki ang maiaambag nito sa tuluy-tuloy na progreso ng ating bansa. Pero progreso para kanino? Sila sa North Triangle ay hindi laban sa progreso. Ngunit sila’y laban sa progresong walang hustisyang panlipunan! Oo, walang hustisya ang pagpapademolis sa kanila. Wala silang malilipatan. Walang maayos na pag-uusap. Kung may malilipatan man, itatapon sila sa malalayong lugar na hindi abot ng kanilang hanapbuhay, hindi abot ng kanilang nag-aaral na mga anak. Iyan ba, iyan ba ang klase ng progresong ipinagmamalaki ng pamahalaan?

Sa nangyaring ito sa kanila, sino ang magsasabing umiiral ang hustisya? Hanggang ngayon, sumisigaw sila ng katarungan, dahil labing-apat na ang namatay sa kanila. Labing-apat na! oo, labing-apat! Labingdalawa sa mga namatay ay pawang mga bata. Mga batang wala pang muwang sa mundong ito! Mga batang sana’y magiging kaagapay ng kanilang mga magulang. Mga batang mayroong mumunting pangarap na gusto nilang abutin. Halos sila’y namatay sa sakit sa loob ng sira-sirang tent sa mismong harapan ng Kongreso. Sila na namatay dahil tinanggal ng burgesyang ito ang kanilang dapat sana’y makataong karapatan sa paninirahan. Sila na namatay dahil hindi maipaospital at maipagamot ng kanilang mga magulang dahil nawalan din ng hanapbuhay. Mahal pa naman ang pagpapagamot. Dahil sa mismong ospital, kailangan mo munang magdeposito bago ka magamot. Ganyan kaganid ang sistema ng burgesya. Halos lahat ay may katapat na pera. Oo, ang burgesyang ito ang dahilan. Pinatay ng burgesyang ito ang pangarap ng kanilang mga magulang! Oo, ang burgesyang ito, ang marahas na kapitalistang sistemang ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay!

Hihintayin pa ba nating may mamatay pa? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa ginawang makahayop na pagpapalayas sa kanila? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa kapabayaan ng pamahalaan? Hihintayin pa ba nating ito’y maging labinlima, dalawampu, limampu, isandaan? Hihintayin pa ba nating mangyari rin ito sa iba dahil may kinikilingan ang batas? May halaga pa ba ang buhay sa lipunang ito? May halaga pa ba ang buhay sa mapang-aping sistemang ito? Nasaan na ang katarungan?

Hindi mababayaran gaano mang halaga ng ginto o salapi ang nararamdamang sakit ng isang magulang. Hindi nito mapapantayan ang halaga ng buhay na nalagas dahil sa kainutilan ng gobyernong ito sa kapakanan ng mga mahihirap. Nasaan na ang katarungang sinasabi ng gobyernong ito, ng gobyernong “para sa mahirap” kung lagi itong nakalingon sa mga taong tumulong sa pagpipinansya ng kanyang kandidatura noong eleksyon? Buti pa ang mga ngising-asong kapitalista, nalilingon, napapasalamatan. Pero ang mga mahihirap na nagkandahirap magdikit ng kanyang mga mukha sa pader at magbigay ng kanyang polyetos dahil sa kanyang pangakong “para sa mahirap” ay hindi man lamang natinag para intindihin ang kanilang abang kalagayan. Aaahhh, laway lang pala ang islogang “para sa mahirap”.

Kanino pa sila tatakbo kung ang mismong namumuno sa pamahalaan na siyang kanilang ibinoto nuong halalan, pinaghirapang maipanalo, dahil ang kandidatong ito raw ay “para sa mahirap”, ay hindi sila matulungan sa kanilang mga problema? Kanino pa sila susuling? Saan pa sila pupunta? Sa Presidential Action Center ba na pinagpapasa-pasahan lamang sila? Sa HUDCC? Sa mga ahensya ng gobyerno? O kakapit na lang sila sa patalim? Sa dulo ng baril? O lalahok sila sa isang madugong rebolusyong papawi sa pagsasamantala ng tao sa tao?

Paano kaya kung sa burgesya ito mangyari? Tiyak na ito’y pakikinggan, kung paanong agarang imbestigasyon agad ang ginawa ng burgesya sa pagkamatay ng isang Ong, o isang Charlene Sy, mga batang anak-mayaman. Magkaibang taon at lugar, pero parehong kinidnap ngunit napatay ng kidnaper nang hindi kaagad makapagbigay ng ransom ang kanilang mga magulang. Sa bawat pagkamatay ng mga anak-mayamang ito, pinag-usapan sa mga pahayaga, radyo at telebisyon, at nagluksa ang bayan. Ano ang kaibahan ng pagkamatay ng isang Ong, ng isang Sy, sa labing-apat na batang mahihirap na namatay nang dinemolis ang kanilang mga tahanan? Ano ang kaibahan ng nabanggit na dalawang batang anak-mayaman sa labing-apat na batang mahihirap? Pare-pareho silang biktima ng sistemang umiiral. Ang una’y biktima ng mga naghahangad ng ransom upang yumaman, samantalang ang huli’y biktima ng kahirapan.

Anong klaseng sistema ito na pinaiiral lang sa palad ng mga maysalapi? Hindi na nga pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan, pati ang batas ay mayroon na ring kinikilingan! Anong klaseng gobyerno mayroon tayo!? Ang gobyernong ito na sumisigaw ng progreso, pero isang progresong huwad, progresong makaisang panig, progresong walang hustisyang panlipunan! Magkano na ba ang buhay ngayon? Katarungan, nasaan ka na? katarungan, sadya bang wala ka nang nakikita kaya’t lagi nang nakapiring ang iyong mga mata? Katarungan, bulag ka na bang talaga? Katarungan, magkano ka na?

Kapag nakidnap ay isang batang mayaman, mabilis pa sa alas-kwatro’y nandiyan kaagad ang lahat ng pwersa ng pulisya at pamahalaan upang magsagawa ng imbestigasyon at hulihin kaagad ang maysala. Kapag namatayan ng bata ang isang pamilyang mahirap, nasaan ang hustisya? Kapag namatay ay isang batang mahirap dahil sa kapabayaan ng gobyernong ito, nasaan ang hustisya? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng burgesya sa kanilang mga eskwelahan? O sadyang bulok ang sistema ng edukasyon sa ating bansa, kaya hindi nila alam na ang hustisya’y para sa lahat? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon? O baka naman ang itinuturo ng relihiyon ay “magtiis ka muna, anak, dahil hindi dito ang ating mundo.” O baka naman sila’y katulad ng mga pariseo at hentil na tinuligsa ni Hesus dahil ang kanilang kabanalan ay pagpapakitang-tao lamang? Anong klasng hustisya ang itinuturo sa mga Law Schools, o sa akademya ng militar at pulis? O baka naman ang itinuturo sa kanila’y hindi hustisya para sa lahat, kundi kung papaano dedepensahan ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing-uri, hindi ang ipagtanggol at ipaglaban ang buhay at karapatan ng mamamayan? Anong klaseng hustisya ang pinaiiral ng burgesya? Sa kasalukuyang sistemang kapitalismong umiiral ngayon, maaasahan pa ba natin ang hustisyang ito? Tunay ngang malupit ang sistemang ito!

Ang mga maralitang taga-North Triangle ay sa harapan na ng Kongreso nagtayo ng kanilang pansamantalang tahanan. Ngunit nasaan ang mga kongresistang halos linggu-linggo’y naririto sa Kongresong ito? Nasaan sila? Sila ba’y kasama na rin sa mga bulag at bingi, gaya ng karamihan sa ating pamahalaan? Ilang beses na ba nilang dinaanan ang mga bahay-bahayang ito kung papasok sila sa kanilang malalamig na opisina sa Kongreso? O baka naman lagi silang absent, kaya hindi nila napapansin ang mga paghihirap ng mga maralitang taga-North Triangle? O baka naman natulad na rin ang mga kongresistang ito sa mga kapitalistang balyena? Silang mga kongresistang nangakong tutulong sa mga mahihirap nuong panahon ng halalan, nasaan sila sa laban ng mga maralitang ito? Nasaan sila sa laban ng iba pang maralitang nawalan at mawawalan din ng tahanan? Nasaan na rin ang mga taga-media? Sila na may sinumpaang tungkuling ipagtatanggol ang katotohanan, nasaan sila? Ah, sana’y hindi lang nagpapasarap ang mga taga-media’t kongresistang ito.

Ang nangyari sa North Triangle ay simbolo ng pagkamatay ng karapatang pantao. Tuwing ika-10 ng Disyembre ay “International Human Rights Day”, pero para saan? Kung sila ngang taga-North Triangle na nagtirik na ng kanilang pansamantalang tirahan sa harapan mismo ng gate ng Kongreso ay hindi mapansin at mabigyan ng kasagutan ang kanilang mga kahilingan, eh, paano na iyung iba pang madedemolis din? Sila na ang tanging hangad lamang ay simpleng pamumuhay at kabutihan ng kanilang mga anak. Sila na ang hangad ay ipaglaban ang kanilang karapatan. Sila na ang tanging hangad ay katarungan para sa kanilang mga namatay na anak! Kanino pa sila dudulog, kung mismong gobyerno ay bulag kahit nakakakita, at bingi kahit naririnig na ang hinaing ng mga mahihirap? Ang gobyernong ito na hindi nga pipi dahil sigaw ng sigaw ng progreso, pero progresong hindi para sa lahat! Progreso para kanino? Hustisya para kanino? Para lang sa mga maypera. Para lang sa mga kauri nila. Para lang sa mga kapitalistang hindi na makontento sa laksa-laksa nilang kinikita. Laksa-laksa nilang tinutubo. Sa nangyaring ito, ang mismong karapatang pantao ng karaniwang mamamayan ay harap-harapang niyuyurakan. Paano na kaya kung ang nangyari sa kanila’y mangyari din sa iyo, sa pamilya mo, sa mga mahal mo sa buhay? Oo, tama ka. Hindi nga makatao ang sistemang ito, ang sistemang umiiral sa ating lipunan. Inutil na lang siguro ang maniniwalang makatwiran pa ang sistemang ito. Panahon na upang baguhin ang sistema, ang paghahari ng burgesya, ang marahas na paninibasib ng kapital.

Kailangan nang baguhin ang lipunan. Kailangan nang tapusin ang mga pagsasamantala at mismong bulok na kultura ng mismong mga naghahari sa lipunan. Ngunit magagawa lang ito kung ang uring inaapi ay lalaban sa uring mapang-api, uring mapagsamantala, uring kapitalista. Panahon na upang magising ang uring anakpawis sa kinahihinatnan ng kanyang kapwa anakpawis. Panahon na upang lumaya ang mga anakpawis mula sa kuko ng mga mapang-api.

Kaya para sa mga aktibistang gaya ko, hanggang sa huling sandali man ng aming buhay, ipaglalaban namin ang pagbabago, hindi lang ng pamahalaan, kundi pagpawi ng burgesyang naging dahilan ng maagang pagkamatay ng labing-apat na batang ito. Hindi ko kailanman pinangarap maging isang aktibista, ngunit dahil nakikita at nararamdaman ko ang kainutilan ng umiiral na sistema ng lipunan, mas ninais ko pa na makiisa sa mga mahihirap na ito, sa mga pakikibakang ito, kaysa manatiling nasa panig ng burgesya na wala namang saysay ang pagkatao dahil bulag at bingi sa mga nangyayari sa paligid. Isang burgesyang walang katiting na karangalan dahil binulag na ng pag-iisip kung paano laging magkakamal ng mas malaking tubo at hindi iniisip kung sino ang mapeperwisyo. Isang burgesyang ang nakikita lang ay ang kinang ng ginto at ang naririnig lang ay ang kalansing ng salapi. Ayaw kong maging bahagi ng sistemang yumuyurak sa dignidad ng aking kapwa. Para sa mga naghaharing uri sa lipunan, ang tingin nila sa mga mahihirap ay mga al
iping sagigilid, walang dangal, patay-gutom, madaling mabili pati kaluluwa, at walang karapatan sa mundo. Para sa aming mga aktibista, pantay-pantay dapat ang pagtingin sa lahat, dahil ang bawat tao ay may dignidad, may karangalan, may damdamin. Kaya’t dapat lang umiral ang hustisya para sa lahat.

Alam namin, malagutan man kami ngayon ng hininga, may magpapatuloy pa rin ng aming mga pangarap. Hangga’t nananatili ang ganitong uri ng sistema sa lipunan, patuloy na magsusulputan ang mga bagong aktibista. Na katulad namin ay naghahangad din ng pagbabago at pagkakapantay-pantay ng karapatan. Alam namin, nauunawaan kami ng aming sariling pamilya, lalo na ng sariling inang nagmamahal sa amin. Dahil alam nila, ito’y hindi lang para sa amin. Ito’y para rin sa mga susunod na henerasyon. Para sa aming magiging mga anak, mga apo. Hangga’t nananatili ang marahas na sistemang kapitalismo na yumuyurak sa ating dangal at unti-unting pumapatay sa ating pagkatao, mananatiling buhay ang aming mga pangarap. At patuloy namin itong ipaglalaban. Hanggang sa huling pugto ng aming hininga. Alam ko, kasama kita sa pakikibakang ito.

(Sinulat ang akdang ito bandang 1998.)

Martes, Oktubre 7, 2008

Ang Anino ni Macario Sakay

ANG ANINO NI MACARIO SAKAY
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kumukutitap ang ilaw ng lampara ng gabing yaon habang nagmumuni-muni sa kanyang pag-iisa si Dr. Dominador Gomez. Naaalala niya ang kanyang malayong nakaraan.

Sa edad 20 ay nagtungo na siya sa Madrid upang mag-aral ng medisina. Noong 1895 ay nakomisyon siya sa ranggong kapitan sa pangkat medical ng Hukbong Kastila at naglingkod sa Cuba bilang doktor. Nang bunalik siya sa Pilipinas, nakilala niya si Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang ama ng unyonismo sa bansa. Isang magaling na orador, naging pangulo si Gomez ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) nang makulong si Isabelo delos Reyes dahil sa pag-uunyon at pag-aaklas ng manggagawa.

Si Gomez ay isa ring magaling na manunulat sa wikang Kastila. Katunayan, nanalo ang sulatin niyang “Cervantes de las Filipinas” bilang pinakamagandang sanaysay sa El Mercantil. Nagsulat din siya sa Los Obreros, ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang pangmanggagawa sa Pilipinas. Siya an glider na nakapagmobilisa ng umano’y may 100,000 manggagawa sa harap ng Malacañang noong Araw ng Paggawa ng 1903, at doo’y kanilang isinigaw: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Sumapit sa kanyang gunita na ilang taon na rin ang nakalilipas nang bitayin sina Macario Sakay at Lucio de Vega, mga rebolusyonaryo ng digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa pamamagitan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide, nakipagnegosasyon si Gomez kay Sakay upang sumuko na ito sa mga Amerikano.

Sa pakikipag-usap niya kay Sakay sa kampo nito sa bundok, sinabi ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang nakakabalam sa pagkakamit ng kasarinlan ng bayan. Na kung susuko sina Sakay at ititigil ang pakikidigma laban sa mga Amerikano ay maitatatag ang isang pambansang asamblea na magsisilbing unang hakbang para sa pagtatayo ng sariling pamahalaang Pilipino.

Maya-maya’y nagulat si Gomez sa paglapit ng isang anino sa kanyang harapan ngunit hindi niya ito gaanong maaninaw.

“Ikaw ay isang taksil sa adhikain ng rebolusyon! Ikaw ang dahilan kung bakit kami binitay!” ang sabi ng anino.

“Macario, ginawa ko iyon dahil sa paniniwalang kayo ang dahilan kung bakit nababalam ang independensyang hinahangad natin para sa ating bayan.”

“Hindi nahihingi ang kalayaan ng bayan, ito’y ipinaglalaban. Bakit mas pinaniwalaan mo ang kagustuhan ng mga dayuhan kaysa aming iyong kababayan? Ang aming tanging hangad ay kalayaan ng ating Inang Bayan. Nang malaman nating pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio ang pakikibaka para sa kalayaan ng bayan, kami’y agad sumapi sa Katipunan at nakipaglaban hanggang sa malaman naming siya’y pataksil na pinatay ng mismong mga kababayan at kapanalig sa himagsikan. Lumaya tayo sa mga Espanyol upang magpasakop naman sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy namin ang laban. Itinuring kaming mga bandido ng mga mananakop na Amerikano, gayong kami’y mga rebolusyonaryong kumikilos upang mapalaya ang bayan. Ngunit dahil sa iyong matatamis na salita at pangako ay napahinuhod mo kami. Pumayag kaming wakasan ang aming paglaban sa bagong mananakop sa kondisyong ipagkakaloob sa aking mga tauhan ang pangkalahatang amnestiya, payagan kaming makapagdala ng baril at pahintulutan kami at ang aking mga tauhan na makalabas ng bansa ng tiyak ang personal na kaligtasan. Iniwan namin ang aming kuta sa Tanay, ngunit…”

“Hintay ka, Macario, ako’y tumutupad lamang sa aking tungkulin, ngunit ang mga Amerikano ang hindi tumupad sa usapan. Hindi ko akalaing nang imbitahan kayo ni Kor. Bandholtz sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni gobernador Van Schaik, ay isang kapitang Amerikano ang sumunggab sa iyo at dinisarmahan ka, pati na rin ang iyong mga tauhan. Wala na rin kayong laban doon dahil napapaligiran na ng mga sundalo ang bahay.”

“Sino ka ba talaga, Dominador Gomez? Magiting na lider-manggagawa o taksil na Pilipino?” ang panunumbat ng anino. “Ang paanyaya’y naging isang bitag, hanggang sa kami’y mahatulan ng kamatayan. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

Hindi makapagsalita si Gomez, habang patuloy niyang pinagninilayan ang kanyang nakaraan.

Halos mamatay ang apoy sa lampara dahil sa mahinang hampas ng malamig na hangin. Siya na isang batikang organisador at lider-manggagawa ang siyang dahilan ng pagkabitay ng isang rebolusyonaryo? Isa itong batik sa kanyang katauhan.

Isinulat nga noon ng bayani, manggagawa, at Supremong si Gat Andres Bonifacio, “Matakot tayo sa kasaysayan?” at ngayon, si Dr. Dominador Gomez ay nanghihilakbot. Dahil sa kanyang kagagawan ay nabitay ang isang kababayang tulad niya’y naghahangad din ng paglaya.

“Ah, sadyang malupit ang kasaysayan. Maaari pa ba itong mabago?” Nasa gayong paglilimi si Gomez nang unti-unting naglaho ang anino sa kanyang harapan, habang ang tinig nito ay umaalingawngaw sa buong kapaligiran, na kasabay ng hampas ng hangin ay tila paulit-ulit na sinasabi, “Hindi kami mga bandido. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 31, Marso 2007, p.7)

Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap

ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan:

“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na kalagayan ng mga mahihirap.”

Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar.

Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang hanapbuhay.

Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon.

Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon.

Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador. Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”

Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.

Ang Huling Gabi ni Itay

ANG HULING GABI NI ITAY
ni Greg Bituin Jr.

Bang! Bang!

Nagising ang buong komunidad sa alingawngaw ng mga putok. Humagulgol si Inay. Si Itay, duguan, may tama ng bala. Ang aming mga kapitbahay, isa-isang silang nagpuntahan sa bahay. At ako… Nanginig ang aking laman. Nangangatal ang aking buong pagkatao. Iyon ang gabing hindi ko makalilimutan.

At hanggang ngayong nailibing na si Itay, hindi pa rin matahimik ang kalooban ko. Paano na kami ni Inay? Paano na kami ng mga kapatid ko, ngayong wala na siya. Ah, kailangan ko nang magtrabaho para  matulungan si Inay na buhayin kaming magkakapatid. Pero bakit nila binaril si Itay? Ang alam ko, mabuting tao si Itay. Wala siyang kaaway.

Nuong kailan nga lang, ipinagtanggol pa niya ang mga kaibigan niya laban sa mga de-baril na unipormado na nagpunta sa plasa at nagpatawag ng malaking pulong. Nagkaroon ng pulong dahil nais daw makausap ng mga sundalo ang mga kapitbahay namin. Pati sina Inay at Itay, nagpunta rin doon. Nung gabing yaon, ayaw pa akong pasamahin ni Itay sa pulong na iyon, pero dahil wala naman akong ginagawa sa bahay, sumunod ako. Naroon nga rin sa plasa yung ilan kong kababata’t mga kaibigan, pero tahimik lang sila doon. Habang ako, tumabi lang kay Inay.

Maraming sundalo sa plasa, nagkaroon ng talakayan. Pulos sundalo ang mga nagsasalita. May pinakita pa sila sa isang malaking TV, mga nagrarali. Ang sabi nila, masama raw yung ginagawa ng mga nagrarali dahil kalaban daw sila ng rehimen.

At saka, hindi raw dapat sumama sina Itay sa rali dahil ang malalaman nilang sumama sa rali, ikukulong daw ng mga sundalo.

Ngunit nangatwiran si Itay sa mga sundalo. Sinabi ni Itay, “Ang anumang pagkilos na nakadirekta upang marinig ng pamahalaan ang hinaing ng kanyang mamamayan ay karapatan ng bawat indibidwal. Ang pagrarali ay isa sa mga karapatang iyon, dahil isinasatinig nito ang mga hinaing at panawagang pagbabago. Isa itong porma ng pagpapahayag ng sama-samang kumikilos na mamamayan. Ito’y karapatan. Tulad din ng karapatan naming magkaroon ng sapat na pagkain, maayos na paninirahan, magandang edukasyon para sa mga bata, malusog na pangangatawan, at marami pang iba. Tulad din ng karapatang magpahayag.”

Tila nairita ang hepe ng mga sundalo, at sinabi nitong, “Ang mga katwiran ninyong iyan ay baluktot. Dapat kayong sumunod kung anong nais ng gobyerno!”

Sumagot uli si Itay, “Nagiging baluktot ang katwiran kung sadya itong binabaluktot para lang sa kapakinabangan ng iilan. Pang-unawa at hindi pamimilit at karahasan ang tamang paraan. Kung may magrali man sa amin, iyon ay dahil alam namin ang aming karapatan. Sino ang makaririnig ng hinaing ng nakararami kung kami’y magmumukmok na lang sa isang tabi? Anong mangyayari sa amin kung susundin namin ang mga kautusang ang nakikinabang lamang ay iilan? Kung nagrarali man kami, iyon ay dahil sa aming paghahangad ng hustisya at pagbabago. At walang masama sa pangangarap ng pagbabago. Dahil ang pagbabagong hangad namin ay hindi lamang para sa amin kundi para sa susunod pang mga henerasyon.”

Doon ko nakita ang katapangan at paninindigan ni Itay. Dahil marahil estudyante pa ako kaya bihira kong marinig kay Itay ang mga karapatang iyon, dahil pulos hinggil sa pag-aaral ko ang karaniwang pangaral niya sa akin.

Sumagot uli ang hepe ng mga sundalo, “Baka naman isa kang rebelde kaya ganyan ka mangatwiran? Ang mga rebelde ay kaaway ng gobyerno. At ikaw, ang dami-dami mong nalalaman sa karapatan! Kailangan nyong sumunod sa anumang polisiya ng gobyerno, at ang polisiya, huwag kayong sumama sa mga rali kundi malilintikan kayo! Bawal na rin ang pag-uumpukan ng tatlo’t higit pang katao, at may curfew na rin sa gabi.”

“Nasa martial law na ba tayo?” ang agad na tanong ni Itay. “Tinatanggalan nyo na kami ng aming mga karapatang magpahayag. Ayaw naming mabuhay sa takot dahil lang sa mga polisiyang baluktot!” Nanginginig ang tinig ni Itay, habang inaalalayan naman siya ni Inay. Ang ibang mga kaibigan ni Itay at kapitbahay namin ay hindi rin nakapagsalita.

Magkasabay kaming umuwi nina Itay at Inay at ramdam kong may namumuong galit at pangamba sa kanilang dibdib, pati sa aming mga kapitbahay.

Natulog na sina Itay at Inay sa salas, habang nasa loob naman ng silid kaming magkakapatid. Hindi pa rin ako agad nakatulog dahil sumasagi sa isipan ko ang aking mga nasaksihan. Matapang at matatag manindigan si Itay.

Naalimpungatan ako ng may kumatok sa pinto at tinatawag si Itay. Madilim pa sa labas, palagay ko’y mga alas-dos ng madaling araw. “Tao po, Ka Rigor!”

Naramdaman kong tumayo si Itay para tingnan kung sinong tumawag, kaya ako’y tumayo rin upang sumilip. Ngunit sa pagbukas niya ng pinto, isang taong may takip sa mukha ang bumungad at agad na binaril si Itay. Agad itong tumakas. Hanggang sa marinig kong humarurot ng takbo ang isang motorsiklo.

Ngayon, wala na si Itay. Sumisigaw kami ng katarungan. Sabi ni Ka Domeng, si Itay daw ang nadagdag sa talaan ng mga biktima ng pamamaslang. Hindi ko maunawaan iyon dati, basta naririnig ko lang sa usapan ng mga matatanda kapag nag-uumpukan sila sa bahay. Ngayon si Itay, wala na.

Bakit nila pinatay si Itay? Sino sila?

Ang pagtatanggol ba sa karapatan ay masama? Hindi ba’t ito’y nakabubuti sa higit na nakararami? Simple lang naman ang gusto nina Itay, maayos at payapang pamumuhay. Iyon bang nakakakain ng tatlong beses kaming mga anak niya, napapag-aral nang maayos. Pero ang problema, kahit gaano kasipag sina Itay sa pagtatrabaho sa pabrika ng sigarilyo diyan malapit lang sa amin, hindi pa rin ito sapat para sa aming anim na magkakapatid.

Si Inay, mahina na rin ang katawan, kaya kadalasan hindi na siya makapaglabada sa kapitbahay. Napupunta lang sa gamot ni Inay ang malaking bahagi ng sahod ni Itay.

Masipag si Itay, at mahal niya kami. Pero bakit siya pinatay? Ang katanungang iyan ang madalas umuukilkil sa aking isipan. Hanggang ngayon ay tila bangungot iyon na simusundan ako kahit saan. Kailangang mabigyan ng hustisya ang kanyang maagang kamatayan.

Ang huling gabi ng lamay ay naging isang parang pyesta sa dami ng tao. May malaking programang inihanda ang mga kasamahan ni Itay bilang pagpupugay sa kanya. Ang tawag nila sa gawaing iyon ay “luksang parangal”.

Maraming mga kasamahan niya sa trabaho ang nagsalita sa entablado, na karaniwan ay papuri sa mga nagawa ng aking ama noong siya’y nabubuhay pa, habang karugtong ng talumpati ang pagtuligsa sa mga may kagagawan ng maaga niyang kamatayan.

Isa sa mga laging kasa-kasama ni Itay ay si Ka Celso, isang lider-manggagawa sa pabrika ng bakal. Mataman kong pinakinggan ang kanyang sinabi. “Ang kadakilaan ng ating kasamang Rigor ay nanunuot sa kaibuturan ng aking pagkatao. Matagal ko siyang nakasama at siya ang dahilan kung bakit ako narito. Patuloy na nakikipaglaban para sa karapatan at kapakanan ng ating mamamayan. Ang kanyang pataksil na kamatayan ay kagagawan ng mga kaaway ng uring manggagawa. Hindi sila mga tao. Sila’y mga hayop!!! Silang mga ganid sa kapangyarihan. Ayaw nilang mapuwing sila ng tulad ni Ka Rigor na naninindigan. Ngunit matatakot ba tayo, mga kasama? Ituloy ang laban ni Ka Rigor! Katarungan para sa ating kasamang walang-awang pinaslang!”

Nagtitiimbagang ang marami. Halatang kinukuyom sa kanilang dibdib ang galit.

Si Ka Ente ay nagsalita rin at kanyang binigyang-diin ang mga nangyayaring pamamaslang. “Matindi na ang mga balita sa mga radyo, pahayagan at telebisyon. Marami na ang nangamatay. Marami na ang mga naulila. Lagi na lang laman ng mga balita ang mga pamamaslang, lalo na sa mga aktibista, mga lider-manggagawa, mamamahayag, pari, at mga lider ng mga progresibong organisasyon. Bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito? Sino ang may pakana ng mga pamamaslang na ito? Maraming ispekulasyon. Maraming suspek. Nariyang ang bumibira umano’y mga vigilante na galit sa kanila dahil sila raw ay mga nanggugulo sa gobyerno. Nariyang sabihin ding ito’y labanan ng mga grupong makakaliwa. Kagagawan din daw umano ito ng mga militar. Nariyan ding ang gobyerno mismo ang may pakana. Ngayon, humihingi kami ng katarungan, ng hustisyang panlipunan, para sa mga pinaslang!”

Tiim ang bagang at kuyom ang kamaong nagtanguan ang karamihan.

“Katarungan!” ang sabay-sabay nilang sigaw. “Katarungan!”

Pinagnilayan ko ang kanilang mga sinabi. Inilagay ko sa aking puso ang kanilang mga payo, at ang kanilang mga aral ay kumintal sa aking isipan.

Sa aking bahagyang pag-idlip ay dinalaw akong muli ng pangyayari.

Bang. Bang. Nagbalik sa aking gunita ang mga putok. Sadyang nakagigimbal sa sinumang nakaririnig. Lalo na kung malalaman nilang mahal nila sa buhay o kaya’y isa sa kanilang kasamahan ang siyang tinamaan ng putok na ito.

Si Itay ay isa lamang sa daan-daang pinaslang sa panahong iyon ng rehimen. At pinilit kong hanapin ang ilang mga kasagutan. Sino nga ba ang mga biktima? Karapat-dapat nga ba silang paslangin dahil sa kanilang mga paniniwala? Kung karamihan sa kanila’y tinutuligsa ang gobyerno dahil sa mga kapalpakan ng serbisyo nito sa masa, o kaya’y pinipigilan ng rehimeng ito ang karapatang magpahayag ng mamamayan, ibig sabihin ba, ang utak ng mga pamamaslang ang mismong rehimen? Bakit nga ba sila pinaslang? Dahil ba hindi na kaya ng rehimeng ito na pigilan ang pagsisiwalat ng katotohanan at paninindigan ng mga taong ito? Dahil ba ang gusto lamang ng gobyernong ito ay manatili sila sa poder at maprotektahan ang kanilang mga sarili?

Kinaumagahan ay nagkatipun-tipong muli ang maraming tao sa harapan ng bahay. Ihahatid na si Itay sa kanyang huling hantungan.

Ang huling gabi ni Itay bago siya pinaslang ay isang karanasang hindi ko na malilimutan habang ako’y nabubuhay. Nakaukit na iyon sa aking puso, diwa at dignidad, at dadalhin ko iyon hanggang sa hukay. Ang inaasam ko’y mabigyan ng hustisya si Itay, pati na ang ibang aktibistang pinaslang.

Iyon ang gabing marami akong natutunan kay Itay, ang gabing huli ko na siyang nakita. Masakit na alaala, ngunit tama pala siya na dapat na alam natin ang ating mga karapatan. At ipinapangako ko sa harap ng puntod ni Itay, ipagpapatuloy ko ang kanyang paninindigan. Itutuloy ko ang kanyang mga adhikain. Oo, itutuloy ko ang laban ni Itay.

Ang Ugat ng Kahirapan

ANG UGAT NG KAHIRAPAN
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan, ang mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.

Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas.

Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran.

Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal.

Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan.

Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran.

Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan.

Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi.

Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.

Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.

Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.

Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay.

Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para mapawi ang kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t hindi pantay ang hatian ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika, makina’t lupain, marami ang lalo pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga produktong galing sa mga pabrika at ani sa mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na ang tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap.

Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang daluhan ang isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay nagsiuwing bigo, pagkat sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga pabrika’t makina, ay hindi makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito.

Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na tinagurian nilang Unang Internasyunal.

nalathala sa Taliba ng Maralita, Hulyo-Setyembre 2003

Pagkamulat

PAGKAMULAT
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako lumaki sa iskwater o sa slum area. Ngunit sa aking mga paglalakbay, dahil ako’y layas at hindi mapirmi sa bahay, marami akong napupuntahang mga lugar at nakikilalang mga bagong kaibigan. Samutsari ang istorya na minsan, kung aking pagninilayan, ay napapanood ko lamang sa sinehan, o kaya’y sa telebisyon. Bukod sa isa akong manunulat na naghahanap ng maisusulat, isa rin akong lagalag na naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Sa paglalagalag ko’y nakarating ako sa Sitio Estero, isang pamayanang itinayo ng mga maralita ilang taon na ang nakararaan sa lugar na iyon ng Maynila. Maraming pamilya ang nakatira rito. Malapit iyon sa Ilog Pasig. Tahimik ang komunidad na ito, lalo na sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes. Karaniwang maririnig lamang ang halakhakan ng mga kalalakihang nag-iinuman kapag araw ng Sabado at Linggo, o kaya’y tuwing gabi. Maliban sa mangilan-ngilang walang trabaho, ang mga kalalakihan dito’y umaalis sa madaling-araw ng Lunes upang pumasok sa kani-kanilang trabaho, at kadalasang gabi na ang uwi, o kung minsan, doon na natutulog sa trabaho (stay-in) at umuuwi lamang tuwing Sabado sa Sitio Estero upang umalis muli kinalunesan. Naiiwan naman ang mga kababaihan sa pag-aasikaso ng tahanan at pag-aalaga ng mga bata. Tabi-tabing barung-barong ang mga kabahayan sa komunidad na iyon ng maralita.

Kahit hirap sa buhay, masisilayan mo ang mga ngiti sa kanilang mukha at tila wala silang problema. Magaling silang magdala ng problema o kaya’y idinadaan na lang nila sa tawa ang hirap nilang dinaranas. Katwiran nga nila, hirap ka na nga, sisimangot ka pa. Eh, di, hindi ka na naging masaya. Ang kanilang mga ngiti, kahit medyo kapos sa pang-araw-araw na pangangailangan, ay di nila ipinagdaramot.

Maaaring tingin ng marami, ang mga maralitang nakatira sa barung-barong ay karaniwan na lamang. At wala ka nang mapipiga pa sa kanila. Kaya bakit pa sila pagtutuunan ng pansin. Sila’y mga patay-gutom, hampaslupa. At kung anu-ano pang mga katawagang maririnig lamang natin kung ang isa o ilan sa kanila ay nahuling nang-umit ng pagkain o nagnakaw kaya. Dahil sa ganitong palasak na pagtingin, mismong ang mga maykapangyarihan ay wala nang pakialam kung masagasaan man nila o mademolis kaya ang mga maralitang iskwater. Katwiran nila, iskwater naman iyan, kaya dapat mawala dito sa kalunsuran. Kulang na lang na sabihin nilang mawala na ang mga iskwater sa ibabaw ng mundo.

Ngunit sila’y mga tao ring tulad natin. Maliban doon sa problemang lagi silang walang pera, malalaman mo lamang ang kanilang mga pansariling problema kung makikihalubilo ka sa kanila.

Maayos silang namumuhay nang makilala ko si Mang Pedro, ang pinuno ng samahang nakatayo roon, ang Samahang Maralita ng Sitio Estero (SMSE). Nabuo ang kanilang samahan nang minsang may nakapagsabi na idedemolis ang kanilang lugar. Naalarma sila pagkat wala naman silang paglilipatang lugar kung sakaling dumating ang mga teroristang demolition team at wasakin ang kanilang tirahan. Dagdag pa rito, kung sila’y ililipat sa malayong relokasyon, tiyak na mapapalayo sila sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay. At di rin sila nakatitiyak na may maayos na serbisyong panlipunan sa paglilipatang lugar.

Katwiran pa nila, baka mapagaya lamang sila sa mga kakilala nila sa kabilang sityo na nademolis at nailipat sa isang malayong lugar. Pero dahil walang mapagkunan ng ikabubuhay sa lugar ay nagbalikan sa dati nilang tirahan upang maging iskwater muli. Hindi naman daw makakain ang bahay na pinaglipatan nila kung mamamatay naman daw sila sa gutom. Mas gugustuhin nilang maging iskwater na muli basta’t may pagkukunan ng makakain. Ang mga katwirang ito ang nagpatibay sa ilang mga nakatira roon upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pamumuhay at paninirahan, bagamat ang marami ay nagkikibit-balikat na lamang dahil naging manhid na sa mga bantang demolisyon na hindi natutuloy. Hanggang sa dumating ang araw na di nila inaasahan.

Isang umaga, Lunes, habang wala ang mga kalalakihang nagsipasok na sa trabaho, nabigla ang pamayanan ng Sitio Estero nang may dumating na mga unipormadong kalalakihang pawang naka-kulay asul na t-shirt, at may mga hawak ng maso. Nasa likuran nila ang mga unipormadong pulis. Ayon sa pinuno ng grupong iyon, idedemolis daw ang lugar bilang pagtalima sa utos ni Mayor, dahil gagamitin daw iyon para tayuan ng mega-pumping.

Medyo makulimlim ang umagang iyon, at tila babagsak ang isang malakas na ulan. Ngunit hindi iyon alintana ng dalawang panig. Ang isa ay nais sumunod sa nag-utos at nagbayad sa kanila, samantalang ang isa naman ay nais ipagtanggol ang kanilang karapatang gustong agawin sa kanila.

Hinanapan ng notice of demolition ng isang lider ng samahan ang mga dumating. Walang naipakitang notice, ngunit nag-umpisa na ang pagdemolis. Nagsigawan at nag-iyakan ang mga kababaihan. Nagbarikada ang ilang mga kalalakihang natira doon, pero wala silang nagawa sa dami ng mga unipormadong magdedemolis.

Kahit ang tahimik na si Aling Petra na may apat na anak, kasama ang bunsong dalawang buwang gulang pa lamang, ay hindi pinatawad ng demolition team. Winasak ang kanyang tahanan. Unang natanggal ang dingding, sunod ay bubong at ang huli’y ang haligi ng barung-barong. Ang kanyang asawa’y wala roon at nasa trabaho. Tulad ng maraming pamilyang naroroon, litong-lito siya sa pagsagip sa kanilang kagamitan dahil medyo umaambon.

Sa kanyang pagkalito kung aling gamit ang uunahin, hindi na niya napansin ang kanyang maysakit na anak. Kagabi’y inaapoy ng lagnat ang bata, ngunit hindi maitakbo sa ospital dahil walang pera. Kaya’t nagkasya na lamang si Aling Petra sa pagpapainom sa kanyang bunso ng isang tableta kagabi, kaya medyo bumaba ang lagnat.

Mahina ang pag-ambon nang idemolis ang kanilang tahanan ng umagang iyon, gayong sinasabi sa batas na bawal magdemolis kapag masama ang panahon. Saka lamang napansin ni Aling Petra ang maysakit na anak nang ilibot niya ang kanyang mata kung ano pang gamit ang sasagipin. Dahil natanggal ang bubong ng kanilang bahay, naambunan ang bata.

Dali-dali niyang kinuha ang sanggol na nakatalukbong ng kumot. Hindi umiiyak ang kanyang bunso. Natutulog, pakiwari niya. Ngunit nang kanyang pagmasdan ang mukha ng bata, ito’y namumutla. Nataranta siya. Niyugyog ang sanggol.

“Bunso? Anak? Gising, anak?” Ngunit sawimpalad, hindi na muling masisilayan ni Aling Petra ang halakhak, iyak at maging ang maamong ngiti ng kanyang munting anghel.

Nagpalahaw ng iyak si Aling Petra, at sa galit ay nagsabing “Bakit ang anak ko pa? Walanghiyang mga demolition team kayo! Pinatay n’yo ang anak ko! Anak ko!”

Narinig ng kanyang mga kapitbahay ang kanyang palahaw at agad ang mga itong sumaklolo. Nang makita ng mga myembro ng demolition team ang nangyari, tuloy pa rin ang karamihan sa trabaho na para bang walang nangyari. Natigil lamang ang pagdemolis nang dumarami na ang mga tao, dahil ang iba’y nagtawag ng saklolo sa kabilang sityo, at nagbarikada ang mga tao.

Maraming mga kabahayan ang nawasak. Maraming mga kagamitan ang nangawala at ang iba’y nakitang kinuha ng ilang myembro ng demolition team. At isang walang malay na sanggol ang nawalan ng buhay. Ah, sadyang terorismo ang demolisyon. Marahas, walang paggalang sa batayang karapatan ng bawat tao.

Halos madilim na nang dumating si Mang Ramon, ang kabiyak ni Aling Petra. Tulad ng iba pang tagaroon na kararating lamang mula sa trabaho, nanlumo ito nang malaman ang nangyaring demolisyon, lalo na nang makitang wala nang buhay ang kanyang bunso. Walang sabi-sabing sinuntok nito ang dingding na kahoy.

“Hindi ko nailigtas ang anak natin. Patawad. Hindi ko naligtas si Bunso,” ang tanging lumabas sa bibig ni Aling Petra na halos natuyo na ang luha sa pisngi.

Nakatitig sa kawalan si Mang Ramon. Halata sa kanyang mukha ang pagtitimpi.

Nang gabi ring iyon, nagpulong ang mga lider at kasapi ng SMSE, kasama ang ilang lider sa kabilang pampang ng ilog na naniniwalang umpisa pa lamang ang pag-atake sa Sitio Estero at susunod na ang Sitio Ibabaw at Sitio Ilalim.

“Mga kasama, kung hindi tayo magtutulungan, tiyak na isa-isang magigiba ang ating kabahayan. Tama lamang na kumilos tayo ngayon upang hindi na maulit pa ang karahasang nangyari kanina,” ani Mang Pedro, ang lider ng komunidad na yaon.

“Dapat din tayong maging handa sa kanilang susunod na pag-atake. Alalahanin natin na walang maayos na paglilipatan sa atin kung saan mabubuhay tayo ng maayos at malapit sa pinagkukunan ng ikabubuhay,” dagdag naman ni Mang Danny, ang lider sa Sitio Ibabaw.

Napagkaisahan din sa pulong na bawat isa’y mag-ambag ng anumang makakaya para sa pagpapalibing sa anak ni Mang Ramon. Napagkaisahan ding bago ilibing ang bata ay dalhin ito sa munisipyo upang humingi ng katarungan.

Napagkaisahan ding gumawa ng mga placard na nagpapahayag ng kanilang damdamin sa nangyaring karahasan. Ang ilan dito ay nakasulat: “Negosasyon, hindi demolisyon!” “Itigil ang demolisyon hangga’t walang relokasyon!” “Ang demolisyon ay terorismo sa maralita. Dapat labanan!” “Teroristang demolition teams, huwag papasukin!” “Labanan ang teroristang demolisyon!” “Katarungan kay Baby Angeline na namatay sa demolisyon!”

Mula nang araw na iyon, maraming nagbago. Hindi lamang lumakas ang pagkakaisa ng mga taong nakatira doon para ipaglaban ang kanilang karapatan. Kundi nagbago rin ang aking pananaw na ang mga mahihirap pala’y tunay ang pagdadamayan, lalo na’t buhay at karapatan na nila ang nakasalang. Hindi sila hampaslupa na kadalasang ipinapakita sa mga sinehan at telebisyon. Sila pala’y mga tao ring tulad ng bawat isa sa atin.

Nakita ko sa kanila na may pagkakamali rin ang pamahalaan, lalo na sa oryentasyon nito kung paano mabigyan ng solusyon ang kanilang problema sa iskwater. Para sa maralita, dapat na walang iskwater sa sariling bayan. Pero para sa pamahalaan, dapat umalis ang mga maralitang iskwater sa kalunsuran dahil nagmumura ang halaga ng lupa para sa negosyo kapag may mga iskwater. Ang problema pa sa pamahalaan, pabahay lang ang tangi nilang solusyon sa iskwater. Na kung kanilang uugatin lamang ang problema ng maralitang iskwater, hindi bahay ang dahilan nila kung bakit sila naging iskwater, kundi pagkukunan ng ikabubuhay. Sila’y nagluwasan sa kalunsuran dahil sa kakapusan ng hanapbuhay sa kanilang probinsya. Nag-alisan sa mga relokasyon at resettlement area dahil wala sila roong pagkakitaan. At nagbabaka-sakali sa kalunsuran para hanapin ang inaakala nilang maalwang pamumuhay.

Ang sitwasyon sa Sitio Estero ay bumagabag sa akin. Iminulat ako ng isang insidenteng hindi ko akalaing magaganap, kung saan ang karapatan ng maralita sa paninirahan ay nilalabag. Iminulat ako mismo ng aking paglalagalag, at ng mismong mga maralitang siyang sarili kong kababayan, mga maralitang hindi dapat naging ‘iskwater sa sariling bayan’.

Natagpuan ko ang aking sarili na nakikiisa na sa kanilang ipinaglalaban. O marahil, ang karanasang iyon ang nagbigay sa akin ng isang pagpapasiya. Ang mapagpasiyang pakikiisa sa laban ng mga maralita ng Sitio Estero. At sa laban ng mga tulad pa nila. Kahit hindi ako tagaroon.

Sa Iyo ang Batas, Sa Akin ang Katarungan

SA IYO ANG BATAS, SA AKIN ANG KATARUNGAN
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ang buong lupain ng Santa Barbara ay akin!” Ito ang mariing pahayag ni Don Facundo sa kanyang mga tauhan. Kaaalis lamang ng kanyang mga tauhan sa mansyon nang maya-maya’y dumating ang hinihintay na panauhin ng Don.

“Salamat naman, Daniel, at pinaunlakan mo ang aking paanyaya na mag-usap tayo hinggil sa pagkakautang ng namayapa mong ama.”

“Sumainyo nawa ang katarungan, Don Facundo!” Ito ang agad na bati ni Daniel San Rafael.

“Bata, tila may kahulugan ang iyong pagbati. Alalahanin mo, Bata, dapat mong pagbayaran ang malaking pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Ganoon ba, Tanda? Ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin nalalaman kung sino ang maykagagawan ng pagkamatay ng aking ama. Hanggang ngayo’y sumisigaw ng katarungan ang aking damdamin.”

“Mag-ingat ka sa pananalita mo, Bata. Wala pang taong nangahas na magsalita nang pabalang sa harapan ko. Alalahanin mo, Bata, marami ka pang kakaining bigas bago mo marating ang kinalalagyan ko. Kaya kung ako sa ‘yo, magsisipag akong mabuti para mabayaran ko ang aking mga pagkakautang.”

“Hindi ako kumakain ng bigas, Tanda. Isinasaing ko muna. Ikaw nga, palay pa lang, nilalantakan mo na.”

“Hayop ka ring magsalita, ano? Baka hindi mo nakikilala kung sino’ng kaharap mo?”

“Mas masahol pa siguro sa hayop kung makikilala ko nang lubusan kung sinong pumatay sa aking ama.”

“Pinagbibintangan mo ba ako?”

“Ikaw ang maysabi niyan, Tanda. At hindi ako.”

“Alalahanin mo, Bata, ako ang batas sa bayang ito. Kung ano ang gusto ko, makukuha ko. Naiintindihan mo ba? Kaya mag-ingat-ingat ka sa pananalita mo. Mabuti pang manahimik ka na lang at makinig na lang sa akin.”

“Ang pagiging tahimik ng isang tao ay nagbabadya ng unos. Pag inilabas niya ang nakatagong poot sa kanyang dibdib, para itong bulkang sasabog. Alalahanin mo, Tanda, pag sumabog ang isang bulkan, maraming buhay ang nalalagas. Mabuti bang manahimik na lang? Hindi ako tuod, Tanda.”

“Alam kong hindi ka tuod, Bata. Alam kong malakas ang pakiramdam mo. Kaya pala hindi mo pa alam hanggang ngayon kung sino ang pumaslang sa iyong ama. Malay mo, ang pumatay sa iyong ama’y baka mga kakilala rin niyang naiinggit sa kanya. Alalahanin mo, Bata, saan mang gubat ay may ahas.”

“Hindi lang sa gubat may ahas. Mabuti pa nga ang ahas sa gubat, alam mo ang galaw. Pero ang ahas kayang naglulungga sa bahay na bato, natatahimik kaya ito? Mukhang hindi ito napapakali sa kanyang kinalalagyan.”

“Aaaahhhh….Bata. Ang dami mo pang satsat! Mabuti pang sipagan mo ang pagtatrabaho sa aking asyenda hanggang sa mabayaran mo ang pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Pagkakautang? Ang buhay ba ng aking ama ay di pa sapat na kabayaran. Halos buong buhay niya’y ginugol niya sa lupaing ito. Ngayon nga’y hindi ko pa rin nalalaman kung ano ang utang ng aking ama. Basta ang alam ko, bago siya pinaslang, inihabilin niya sa akin ang lupaing minana pa namin sa aming mga ninuno. Baka ikaw ang may pagkakautang dahil inagaw mo ang lupang ito sa aking ama.”

“Paano mo mapapatunayan iyan. May ebidensya ka ba? Ha? Gusto mo bang ipagdildilan ko sa mukha mo ang mga papeles na nagpapatunay na amin ang lupaing ito?

“Tanda, baka nakalimutan mo na ang sinabi mo kanina na ikaw ang batas sa bayang ito. Kung ikaw ang batas dito, kahit ano pang klaseng papeles iyan ay kaya mong ipagawa. Ang nagagawa nga naman ng pera.”

“Teka muna, Bata. Huwag mo akong pagtataasan ng boses. Nakalimutan mo na yata ang kagandahang asal na minana mo pa sa iyong mga ninuno. Ang paggalang sa nakatatanda.”

“Hindi ko nakakalimutan iyon, Tanda. Ngunit ang hindi ko maatim ay ang igalang ang mga matatandang tumatanda ng paurong.”

“Masyado ka nang namimilosopo, Bata. Baka ikaw ang tumatanda ng paurong dahil hanggang ngayon, hindi ka pa rin umuunlad.”

“Nagsisikap ang mga tao para umunlad, at umalwan ang kanilang pamumuhay. Maraming mahihirap ang masisipag, at sadyang nagsisikap para makaahon sa kahirapan, kabilang na ang aking mga magulang. Ngunit dahil sa mga taong ganid, ang aming pamilya’y tuluyang nasadlak sa kahirapan.”

“Tila may ibig kang ipahiwatig, Bata. Baka ayaw mo nang makalabas ng buhay sa asyendang ito. Alalahanin mong nasa pamamahay kita at kaya kitang ipalapa sa mga alaga kong aso.”

“Ang himig ng pananalita mo’y nagbabadya ng kalupitan. Tunay nga kaya na dito sa bahay na bato naglulungga ang isang ahas?”

“Sobra ka na, Bata. Hindi ko na mapapalampas ang mga ito.” Sabay bunot ni Don Facundo sa kalibre .45 na nakasukbit sa kanyang baywang.

Bang! Bang! Bang!

Lumatag sa sahig ang katawan ni Daniel habang malakas na tumatawa si Don Facundo.

“Ha! Ha! Ha! O, ano ngayon, pilosopong bata. Naisahan din kita! Uuurin na rin ang iyong katawan tulad ng ginawa ko sa iyong ama. Tanga ka, Bata! Napakalaki mong tanga! Pumarito ka sa aking tahanan nang hindi mo dala ang iyong bayag! Ngayon, akin na ang buong lupain ng Santa Barbara. Ha! Ha! Ha!”

Bang!

“Sinong maysabing hindi ko dala ang aking bayag? Ang balang iyan ay para sa hustisya kay ama at sa lahat ng iyong inapi!”

Humakbang paalis si Daniel na may kasiyahan sa dibdib dahil naipaghiganti na rin niya ang kamatayan ng kanyang ama, habang inaalis niya ang bullet-proof vest niya sa dibdib.

Habang papalayo’y tinapunan niya ng huling sulyap ang bangkay ni Don Facundo habang umaagos ang masaganang dugo mula sa bibig nito na tila si Drakula matapos makapambiktima.

“Ngayon, Tanda, sino ang tanga?”

nalathala sa The Featinean Folio, 1997