Sabado, Disyembre 26, 2009

Di kami ang dahilan ng baha

DI KAMI ANG DAHILAN NG BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Humihihip ang malakas na hangin, kasabay ng pagbuhos ng ulan. Magtatanghaling tapat na noon. Akala ng marami, ang bagyong iyon ay tulad ng nakaraan. Karaniwan lamang, at sanay na sila sa taun-taong pag-ulan, pagbagyo at pagbaha. Ngunit sa pagkakataong ito'y hindi.

Mga bahay sa kalunsuran ay naglubugan. Ang ilang oras na pagbaha ay tila pinagsamang anim na buwan ng pag-ulan. Lumubog sa tubig ang kanilang mga bahay. Hindi lamang hanggang tuhod, kundi abot hanggang bubong. Sadyang nakabibigla ito para sa maraming mga maralita ng lungsod.

Ilang oras ng paglubog sa tubig ay humupa rin ito agad, ngunit nag-iwan ng matinding bakas sa mga nangaroon. Lumubog sa baha ang mga naiwang papeles at mga kagamitan. Sa paghupa ng tubig ay pulos putik ang buong bahsay.

Ang mga maralita ang agad na sinisi ng pamahalaan. Sila daw ang dahilan ng naganap na pagbaha kaya nararapat lang silang tanggalin sa mga mapapanganib na lugar. Kaya dagling nag-atas ang pamahalaan na agarang tanggalin sa mga estero at mga danger zones ang mga iskwater.

"Bakit ba kami ang agad sinisisi sa mga pagbahang iyan? Nakagagalit na dahil sa paratang na iyan ay bigla kaming idedemolis! Hindi kami ang dahilan ng mga pagbaha!" mariing sabi ni Mang Pedro, isa sa mga matatanda na sa komunidad na iyon sa tabing ilog.

Sa pulong na naganap kinagabihan, nagkaisa ang mga maralita na ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan. Nagkaisa silang dapat idaan sa tamang proseso at pag-uusap ang anumang balakin ng pamahalaan sa kanila. Hindi ang basta sila idemolis. Hindi ang basta sila itapon sa malalayong relokasyon na sadyang malayo sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay.

"Tanggap namin na mapanganib ang lugar malapit sa ilog, ngunit tumira kami dito noon at nagtirik ng bahay dahil malapit ito sa aming trabaho. At ngayon ay bigla-bigla kaming aalisin at ilalayo sa aming pinagtatrabahuhan. Itatapon doon sa malayong probinsya, sa liblib na lugar sa Calauan." Galit ang tinig ni Aling Elena, isang matandang babaeng tila nasa pitumpu na ang gulang.

Sambit naman ni Aling Teresa, "Paano naman ang pag-aaral ng mga bata? Malayo pa ang Marso at tiyak na apektado sila pag natuloy ang bantang demolisyon. Kawawa naman sila."

Dumating si Estong, isang lider-maralita doon sa kabilang kalsada. Mataas ang lugar nila kaya di sila abot ng pagbaha. Mataman siyang nakinig sa pagpupulong. Maya-maya'y nagsalita siya. Anya, "Bakit hindi sisihin ng gobyerno ang kanyang sarili, imbes na ang mga maralita? Hindi ba't kaya nangyari ang ganyan ay dahil sa kanilang kainutilan pagdating sa ganitong mga kalamidad? Hindi sila handa. Para bang walang programa ang gobyerno pagdating sa ganitong mga sakuna. Mga wala silang silbi."

Dagdag pa ni Estong, "Dapat idaan sa tamang proseso kung sakaling aalisin kayo rito. Hindi maaaring bara-bara na lang sila. Pero dapat muna nating iorganisa ang ating mga sarili. Sa pagpupulong na ito, itayo natin ang isang samahan laban sa demolisyon at para sa ating karapatan sa paninirahan."

"Okey kami diyan!" sambit ng mga kasama sa pulong.

"Teka muna," sabad ni Erning. "Dapat munang maging malinaw sa atin kung ano ang layunin ng samahan. Dapat natin itong pag-usapan at isulat para nagkakaisa tayo ng sinasabi at pinaninindigan."

Ani Estong, "Tama si Erning. Kaya tayo narito ay dapat maging malinaw sa ating lahat ang ating layunin at magkaroon tayo ng mga opisyales na siyang mangangasiwa sa samahan at direktang makikipag-usap sa mga kinauukulan. Ngunit bago iyon, may sinasabi si kasamang Boyet hinggil sa ating mga karapatan sa paninirahan. Mungkahi ko, tutal nandito naman siya, ay talakayin muna ni Boyet ang ating mga karapatan sa paninirahan."

"O, paano Boyet, handa ka na ba?" tanong ng lider na si Mang Pedro

"Handa na po, ayusin lang po natin ang pisara upang ako'y makapagsulat," ani Boyet.

"O, siya, simulan na natin. Mga kaibigan, magsitahimik po lamang at pakinggan natin si Boyet sa pagtalakay niya ng ating karapatan sa paninirahan."

"Magandang umaga sa inyong lahat," bati ni Boyet sa mga nangaroon. "Bawat isa sa atin ay ipinanganak ng may dangal at pantay-pantay. At ang tatlo sa pangunahin nating karapatan bilang tao ay ang karapatan sa paninirahan, pananamit at pagkain. Kahit sa panahong sinauna, ang mga karapatang ito ay alam ng ating mga ninuno. Tanggalin mo sa atin ang isa man sa mga ito, at para ka nang basura at hindi itinuturing na tao. Dahil sa pagkilalang ito mula pa noong unang panahon hanggang ngayon, iniukit ang mga karapatang ito sa iba't ibang mga Pandaigdigang Kasunduan, tulad ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) at International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) na pawang pinangunahan ng mga bansang kasapi ng United Nations (UN). May mga katanungan po ba?"

Nagtaas ng kamay si Estong at nagtalumpati. "Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?"

Nagtaas din ng kamay si Ruben at nagsalita, "Alam nyo, mga kasama, marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay, tulad ng nangyayari sa atin. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Aba, aba, kawawa naman tayo niyan. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

Nagpatuloy si Boyet sa pagsagot sa ibinatong tanong. "May pito pong sangkap para sa sapat na pabahay. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on ESCR. Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Sige, mga kasama, isusulat ko muna ito isa-isa sa pisara."

"Unahin muna natin ang General Comment number 4 na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay. Una, ang ligal na seguridad sa paninirahan o legal security of tenure. Isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad; ikalawa, may makukunang serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure). Ibig sabihin, madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan. Ikatlo po ay ang abot-kayang paninirahan (affordable housing). Hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit. Ikaapat, ang bahay ay dapat matitirahan (habitable housing). Sa madaling salita, ang bahay ay may sapat na espasyo, maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit. Ikalima, kayang puntahang pabahay (accessible housing), madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa. Ikaanim, lokasyon. Ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa. At ikapito, sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing), ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano."

"Aba'y maganda pala't nalaman natin ang mga iyan, mga kasama," ayon kay Erning. "Pero usapin na iyan kung nakamit na natin ang pabahay, kung may ibibigay sa atin. Ngunit sa ngayon, naghahanda tayo sa isang labanan kung saan maaaring dahasin tayo at idemolis ang ating mga tirahan. Hindi tayo papayag na basta na lamang mademolis. Di ba, mga kasama?"

"Tama si Erning," sabi naman ng may di gaanong katangkarang si Berong. "Alam man natin ang ating mga karapatan, ngunit dapat alamin din natin kung paano ba natin dedepensahan ang ating tahanang nais agawin sa atin. Hindi tayo basta dapat mapaalis sa lugar na ito at itapon na lamang na parang daga kung saan mang lupalop nila gusto. Hindi tayo dapat basta pumayag na lang sa anumang gusto nila."

Nagpatuloy si Boyet. "May isinasaad din sa dokumento hinggil naman sa pwersahang pagpaaalis sa inyo. Ayon sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."


(DI PA TAPOS, ITUTULOY...)

Huwebes, Hunyo 11, 2009

Urong Sulong

URONG SULONG
maikling kwento ni greg bituin jr.

1. e4

"Kumain ka na ba?" bati ni Mang Gusting kay Mang Nestor habang sila'y nagsisimulang maglaro ng chess. "May niluto pala ako diyang sinangag at ilang pirasong tuyo."

1. ... e5

"Alam mo, pare, ang hirap ng kalagayan natin dito sa piketlayn," ani Mang Nestor. "Bigla na lang tayong tinanggal sa trabaho. Wala pa naman akong naipon. Kada sahod kasi, pambayad utang. Ngayon, gutom ang pamilya ko."

2. Nf3

"Nang pinagkaisahan nating mag-aklas dahil na-deadlock tayo sa ating usapan sa CBA, alam nating maaari tayong humantong sa ganito. Alam nating puno ng sakripisyo ang ating pakikipaglaban para sa ating karapatan at sa karapatan ng kapwa natin manggagawa," saad naman ni Mang Gusting.

2. ... d6

"Pero paano ang pamilya natin? Tatagal ba tayo dito sa piketlayn? Wala na tayong kinikita, at baka sa bandang huli ay magkawatak-watak din tayo at mabuwag ang piketlayn," pangambang tugon ni Mang Nestor.

3. Bc4

"Kung tutunganga lang tayo at pinagtitiisan ang mababang sahod at masahol na kalagayan sa loob ng pagawaan, wala tayong mahihita kundi lalo't lalong kahirapan. Hindi natin ginustong magpiket, ngunit itinulak tayo ng pagkakataon. Kailangan nating ipaglaban ang ating karapatan bilang manggagawa at bilang taong may dangal," agad namang sagot ni Mang Gusting.

3. ... Bg4

"Nandoon na ako, pinagpasyahan natin ito. Ngunit nagpasya tayong may galit sa dibdib kaya marahil di na natin naisip na gutom ang kahahantungan natin dito sa piketlayn. Parang di pa rin ako kumbinsido sa pasiya natin. Wala na tayong trabaho ngayon. Paano ko na mapapakain ang pamilya ko?" bitaw ni Mang Nestor.

4. Nc3

"Paglaya natin sa hirap ang isa nating pangarap. Nais nating kumawala sa mga maling kalakaran sa kumpanya. Kaunti lang naman ang hinihingi natin kumpara sa napakalaking tubong ipinapasok natin sa kumpanyang ito. Wala pa sa minimum wage ang sahod natin, at ang nais lang naman natin ay madagdagan ang sahod natin batay sa kung ano ang batas, at matiyak ang ating benepisyo sa ilalim ng ating CBA proposal. May mali ba sa ating pasiya? Wala akong nakikitang mali roon, dahil karapatan natin ang ating ipinaglalaban," matigas na pakli ni Mang Gusting.

4. ... h6

Wala agad maitugon si Mang Nestor. Parang patay malisyang isinulong ni Mang Nestor ang pawn sa h6, na para bang wala siyang maitira.

5. Nxe5!

Simbilis ng kidlat na kinain ni Mang Gusting ang pawn ng kalaban. Ngunit nagpalitaw naman sa kanyang reyna upang makain ng bishop ni Mang Nestor. Padalus-dalos kaya si Mang Gusting o baka di niya nakitang sa paggalaw ng kanyang kabayo'y mawawalan siya ng reyna? O may iba siyang iniisip kaya parang lumilipad ang kanyang utak.

Napangiti si Mang Nestor. Pustahan kasi ang laban at may tayang isangdaang piso, at pakiramdam ni Mang Nestor ay siya ang unang mananalo. May maiuuwi siya ngayon sa kanyang pamilya kahit pambili ng maiuulam.

"Gaya niyan, Mang Gusting, tulad ng pabigla-bigla ninyong tira. Parang ibinigay mo na kaagad sa akin ang iyong reyna. Baka naman nabigla rin tayo sa ating desisyong magwelga."

5. … Bxd1

Kinain ni Mang Nestor ang reyna ng kalaban. Iniisip niyang nagkamali si Mang Gusting ng tira.

"O, pano 'yan? Touch move, kain ko na ang reyna mo! Bentahe na ako, matatalo ka na! He he he!" masayang sinabi ni Mang Nestor.

"Iyan ang akala mo!" sabi naman ni Mang Gusting. Naghintay muna siya ng ilang minuto pa at nagsindi ng sigarilyo, saka muling hinarap ang paglalaro ng chess.

6. Bxf7+

Biglang kinain ni Mang Gusting ang pawn sa f7 at tsek ang hari ni Mang Nestor. Biglang pinagpawisan si Mang Nestor. Malagkit na pawis na ilang minuto ring nagpatulala sa kanya.

Wala siyang ibang maitira. Walang maitulong ang kanyang makapangyarihang reyna upang tulungan ang hari, pati kanyang mga alipores na rook, knight at bishop ay walang magawa upang iligtas ang hari. Isa na lamang ang nalalabing paraan, isulong na lamang ang kanyang hari sa e7.

6. … Ke7

Agad namang isinulong ni Mang Gusting ang panghuli niyang tirang sadyang ikinabigla ng kalaro.

7. Nd5 mate

Natulala si Mang Nestor. Panalo si Mang Gusting. Ang panalong inaasahan ni Mang Nestor na maiuuwi sa kanyang pamilya ay nawalang parang bula.

"Sa anumang labanan," ani Mang Gusting, "kailangan ng husay ng utak at hindi lamang basta lakas ng loob. Di natin kailangan ang tsamba, kundi baka masilat tayo. Tulad din ng ating pakikibaka para sa ating karapatan bilang manggagawa. Pinagpasyahan nating lahat iyan ng may pakikipagtalakayan sa bawat myembro ng unyon upang maunawaan din nila ang ating ipinaglalaban, dahil kasama sila sa laban, at kasama tayong lahat sa pagpapasiya. Alam nating maipapanalo natin ang labang ito dahil tayo'y mga manggagawang may dignidad at karapatang mabuhay bilang tao."

Nag-isip ng malalim si Mang Nestor, parang natauhan. "Marahil tama kayo, Mang Gusting. Dapat sa anumang labanan ay gamitin natin ang utak."

"Dapat alam din natin ang larangan ng labanang ating papasukin. Alamin ang pasikut-sikot nito, dahil kung hindi, matutulad lang tayo sa laban sa chess na tinatawag na “fool's mate”, na siya ring pinakamaikling laban sa larangan ng chess, at ito ang tira: 1. f3 e5 2. g4 Qh4 mate. Binabasa natin ang ating karapatang nakasulat sa ating Konstitusyon, ang Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao, at ang mga nakasaad sa Labor Code. Hindi naman susuong ang ating unyon kung hindi natin alam ang ating karapatan, at kung paano natin ito ilalaban. Kaya nating manalo dahil nasa panig natin ang katarungan. May kasabihan nga sa larong chess: "Every move may be your last!" na siyang nangyari sa iyo ngayon. Nakain mo lamang ang aking pinakamakapangyarihang pyesa, ang reyna, ay nag-akala ka na agad na ikaw ang panalo. Gayong sadyang pinakain ko iyon para maging bentahe ang posisyon ko at manalo. Mahalaga ang taktika at pagsusuri sa sitwasyon, lalo na kung saan at paano tayo magkakaroon ng bentaheng posisyon. Kaya nga dapat
bawat tira natin o desisyon ay ating pinag-iisipan nang mabuti," ani Mang Gusting.

"Salamat, Mang Gusting, sa iyong malalim na kaisipan. Alam kong sa inyong gabay bilang pangulo ng ating unyon, ay maipapanalo natin ang laban."

Ilang araw lamang, nagbaba ng desisyon ang National Labor and Relations Commission na dapat nang pabalikin ang mga manggagawa dahil lehitimo ang kanilang ipinaglalaban, at may back pay pa silang natanggap sa panahong sila'y nakawelga. Masaya sina Mang Nestor at ang kanyang mga kasamahan sa tagumpay. Ngunit may sinabi si Mang Gusting na kanyang pinag-isipan at sinang-ayunan.

Ani Mang Gusting, "Nanalo man tayo ngayon, malayo pa ang ganap na tagumpay, pagkat may kasunod pang mga laban. Ang kahilingang dagdag sahod na P125 across the board ay isang laban pang dapat mapagtagumpayan. At higit pa roon, hindi lang tayo ang dapat magtagumpay kundi ang buong sambayanang naghihirap. Dapat tayong patuloy na makibaka upang itayo ang sariling lipunan ng uring manggagawa, na ipapalit natin sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo! Halina't magpatuloy tayo sa pakikibaka! Di pa tapos ang ating laban!"

Tumango sa pagsang-ayon si Mang Nestor at nangakong patuloy silang kikilos hanggang makamit ang sosyalismo.

Huwebes, Marso 12, 2009

Himagsik ng Tupang Pula

HIMAGSIK NG TUPANG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako’y isang tupang pula. Ibig sabihin, hindi ako tupang itim na suwail sa magulang. At hindi rin naman ako tupang puti na sunud-sunuran na lamang kung ano ang gusto nina Ama’t Ina.

Isa akong tupang pula. Ibig sabihin, may prinsipyo. May paninindigan kahit kaiba ito sa kagustuhan ng aking mga magulang. Sa madaling salita, ako’y isang aktibista. Aktibo sa usaping panlipunan. May pakialam sa nangyayari sa aking kapaligiran. At pinag-aaralan ko mismo kung ano ang lipunan. At kung naging aktibista man ako, hindi ibig sabihin noon ay rebelde na ako. ‘Yung iba kasi, ang tingin sa aktibista at rebelde ay pareho lang, gayong malaki ang kaibahan nila. Totoong ang mga aktibista ay nagrerebelde sa mga maling kalakaran sa pamahalaan. Ngunit malaking bilang ng mga rebelde, sa wari ko, ay hindi naman mga aktibista.

Maraming mga api ang humawak ng armas kaya naging rebelde, na pagkatapos makamit ang hinihingi nilang lupa o anupamang kahilingan ay titigil na sa pagiging rebelde. Winawagayway na nila ang bandilang puti tanda ng pagsuko.

Ang aktibista’y pinag-aaralan ang takbo ng lipunan. Karamihan sa kanila’y hindi naman inapi ngunit dahil sa kanilang mga pagsusuri sa lipunan ay nagnanais tumulong at maging bahagi ng pagbabago. Hindi sa kanya pangunahin ang armas, kundi ang teorya ng pagrerebolusyon. Mas lapat sa kanyang tawaging rebolusyonaryo. Siya ang tupang pula. Pero paano nga ba ako naging tupang pula? At bakit pula ang tupa?

Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pagtatanong. At nagtatanong ako dahil nais ko ng kasagutan sa aking mga nakikita, nadarama at nararanasan. Bakit nga ba may mga taong namumulot ng pagkain sa basurahan, ‘yung bang mga tinatawag na “pagpag” na itinapon ng Jollibee o McDo? Bakit nga ba laging pinagbibintangang terorista ang mga Muslim? Kasama ba sa relihiyon nila ang terorismo? At ang mas malalim na tanong, at kadalasang katanungan din ng marami: Bakit nga ba may mahirap at mayaman? At kung lalagyan pa ito ng numero, lalong lalantad ang mapait na katotohanan: Bakit nga ba laksa-laksa ang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan?

Nag-aaral na ako sa kolehiyo noon at kasaping manunulat sa publikasyon ng mag-aaral nang ako’y maanyayahang sumama sa isang pulong ng mga lider-estudyante. Nagpadala sila ng sulat-paanyaya sa aming publikasyon at ako ang naatasang dumalo sa nasabing pulong. Sa madaling salita, nakilala ko ang karamihan sa kanila, na pawang mga iskolar, aktibista at kinikilalang mga lider-estudyante. Doon na nagsimula ang pagsama-sama ko sa kanila.

Hanggang sa bigyan nila ako ng pag-aaral at pinadalo sa mga talakayan hinggil sa mga isyung pang-estudyante tulad ng pagtaas ng presyo ng matrikula. Nang lumaon ay pinag-aralan na rin namin ang mga pang-ekonomya at pampulitikang usapin hinggil sa lipunan. Nariyan din ang aming talakayan at malalimang pag-uusap hinggil sa usapin ng karapatang pantao. Bakit mali ang warrantless arrest? Bakit may tinatawag na desaparecidos, o iyong mga sapilitang nangawala? Bakit sinasabi ng marami na walang kapayapaan kung walang hustisyang panlipunan? Ano nga ba ang hustisyang panlipunan? Bakit dapat panlipunan ang hustisya, at hindi para lamang sa mga nasaktan o nabiktima?

Malalim kong pinag-aralan ang lipunan upang masagot ang ilang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Kung magmamasid lamang tayo, alam nating nakapaglakbay na ang tao sa kalawakan. Napakalayo na ng iniunlad ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para makakuha ng kanyang makakain. Pero kung pagmamasdan natin ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang walang pag-unlad sa kalidad ng kanilang buhay. Kung kailan napakalaki ng itinaas ng produksyon ng pagkain, saka naman milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan nga ang mga gusali at mansyon sa mga sentrong lungsod, pero wala namang matirhan ang daan-daang milyong tao sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya, pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak na trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon, pero pinababayaan naman ang milyon-milyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga estero at pusali ng modernong lipunan. Hanggang ngayon, kalunos-lunos ang kalagayan ng maraming tao, habang nagpapasasa sa karangyaan ang iilan. Patunay nito ang mga datos na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) na nagsasabi ring patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman.

Kaya nagtutumining sa aking isipan: Bakit kailangang walang mahirap at mayaman? Bakit kailangang baguhin ang sistema ng lipunan? Maraming mga katanungang hindi basta masasagot ng basta-basta na lamang.

Sa mga usaping ito umusbong ang aking interes sa aktibismo, sa pag-aaral ng aking kapaligiran, sa mga patakaran ng eskwelahan, at mga polisiya ng pamahalaan. Ang mga temang ito ang siyang naging aking paksa sa karamihan ng aking mga sulatin sa publikasyon. Nang lumaon, sumalamin din ito sa mga tula kong nakatha. Sadyang kailangan ko ngang pag-aralan ang lipunan. Kailangang kahit papaano’y nauunawaan ko ang kasaysayan ng pakikibaka ng ating mga ninuno tulad nina Andres Bonifacio at Ninoy Aquino. Kailangang maunawaan din ang mga sulatin at teorya ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels, Lenin, Gramsci, at ng mga lider-manggagawang sina Crisanto Evangelista, Teodoro Aseddillo, Rolando Olalia at Filemon Lagman.

Ang pagtahak sa landas ng aktibismo’y sadyang masalimuot. Walang magulang na ikatutuwa ang pagpasok ng kanilang mga anak dito. Ngunit kailangan mong manindigan. Kailangan mong magsakripisyo alang-alang sa iyong pinaniniwalaan. Kalaunan, iniwan ko ang magandang buhay upang kumilos sa panig ng mga mahihirap at naghihikahos. Kung kinakailangan, kahit mabugbog ka pa o kaya’y mamatay. Ikaw, handa ka bang mamatay alang-alang sa iyong prinsipyo? Katunayan nga, kailangan ko talagang umalis sa bahay upang ang init ng aktibismo sa akin ay hindi mabuhusan ng malamig na tubig na sermon ni Ina. Ano nga bang pipiliin ko: ang pangaral ni Ina o ang sarili kong desisyon at landas na tatahakin hanggang sa aking kamatayan. Nagpasiya ako. Ipagpapatuloy ko ang pagtahak sa larangan ng aktibismo, sa landas tungo sa pagbabago.

Nagagalit ang aking mahal na ina noong una, ngunit nang minsang mabugbog ako at napanood sa telebisyon, ang ibinilin niya sa akin nang muli kaming magkita, okey lang na sumama na ako sa rali pero huwag lang akong popronta, huwag akong poposisyon sa harapan. Ayaw na niyang mabalitaang nasaktan na naman ako sa rali. Ang sarap na paalala. Syempre, nanay ko ‘yun!

Maraming karanasan at aral ang idinulot ng aktibismo sa akin, na kung hindi ko ito pinili, baka ang sumada ng aking pagkatao’y hindi iba sa karaniwan, na pagkatapos ng pag-aaral ay magtatrabaho, mag-aasawa, at magpapalaki ng mga anak, hanggang sa magretiro. Ganito ang nangyayari sa aking maraming kakilala, lalo na sa aking mga kamag-anak. Ganito rin ba ang tatahakin ko?Taas-noo akong naninindigan bilang aktibista ngunit minsan ay aking napagninilayan: Paano ako magiging taas-noo kung nakikita kong maraming naghihirap ngunit wala akong ginagawa? Hindi naman ako si Batman o si Superman na pwede agad sumaklolo sa kanila. Ang paggawa ba ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Ang maglimos ba sa pulubi ay tamang gawain? Ang magbigay ba ng kaunting mumo sa mga maralitang nagugutom ay sapat na? Basta ba pakiramdam natin, nakagawa na tayo ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Sapat na ba na kada sweldo natin ay magbigay tayo ng limang piso sa bawat pulubi sa Quiapo?

Minsan nga, pinupuri pa ng ilan ang mga mahihirap sa kanilang pagtitipid! Hindi ba’t ito’y insulto? Parang sinasabing ang isang taong nagugutom ay kumain na lamang ng kaunti. Pulos higpit na nga sila ng sinturon, eto’t iinsultuhin pang magtipid, at patuloy pang maghigpit ng sinturon! Ang mga mahihirap ay itinuturing na hayop ng lipunang ito. Ang mga mahihirap ay itinuturing na hampaslupa, magnanakaw, busabos. Pero bakit? Nais ba ng maralita ang ituring nang ganito? O sila’y pawang mga biktima ng maling sistema sa lipunan? Isang sistemang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap, isang sistemang ang mga mayayamang bata ay laging busog na papasok sa paaralan kaya nakakapag-concentrate sa pag-aaral, habang ang mga mahihirap ay gutom na papasok, kaya hindi rin agad nadedebelop ang kanilang utak sa murang gulang dahil sa gutom at kahirapan. Para bang ang mga mayayaman lamang ang may karapatan sa lipunang ito.

Ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. Ang edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y nagiging pribilehiyo ng iilan. Sa kasalukuyan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan.

Dapat bang ikatuwa ng maralita na ang mga tira-tirahang pritong manok ng isang mayaman ay mailimos sa kanya? Hindi ba’t dapat na kasabay na kumakain ng mayaman sa hapag-kainan ang maralita, dahil sila’y parehong tao na may karapatang kumain, mabusog at maging malakas? Kahit sa pagkain, may pribilehiyo ang maykaya kaysa walang-wala, gayong pareho sila ng karapatan. Sinasabi nga, pakainin ang nagugutom, ngunit bakit nga ba may nagugutom? Ang usaping ito ang maaring hindi nasasagot ng nagta-charity. Ayaw nilang talakayin kung bakit may nagugutom. Ang nais lamang nila’y malaman kung sino para malimusan.

Bakit nga ba kailangan ng “charity” gayong hindi ito solusyon, kundi panakip-butas lamang sa tunay na problema. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang lipunan kung saan imposible na ang kahirapan. Imbes na limos o charity, hindi ba’t ang mas dapat nating gawin ay pawiin ang dahilan ng kahirapan ng mamamayan? Para walang nagugutom! Para walang naghihirap! Dapat na tanggalin ang dahilan ng paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap!

Sa pagyapos ko ng taos-puso sa nakita kong aking magiging ambag sa isang dakilang hangarin, nagpatuloy ako sa landas na bihira ring tahakin ng iba, maliban sa mga naniniwalang kayang baguhin ang lipunan.

Hanggang sa mahalal ako bilang isang rehiyonal na opisyal ng isang pambansang organisasyon ng mga kabataang estudyante. Hinawakan ko ang ilang maseselang gawain, at nakadaupang-palad na rin ang iba pang aping sektor ng lipunan. Karamihan sa kanila’y naging guro ko sa Mendiola, ang makasaysayang lugar ng protesta. Ang Mendiola ay naging bahagi na ng buhay ng maraming naging estudyante nito. Dito’y matututunan mo ang mga hinaing, sakripisyo at kasaysayan ng mga taong nakakuyom ang mga kamao habang tangan nila ang mga plakard.

Maalamat ang Mendiola at masarap namnamin ang kasaysayan ng lugar na ito na binahiran ng dugo ng karaniwang tao. Narito ang eskwelahan at entablado ng protesta, ang parlamento ng lansangan. Iba’t ibang mukha ang naging guro ko dito, tulad ng mga lider-manggagawa, mga magsasaka, mga lider-maralita, kababaihan, kabataan, mga maliliit na manininda, kahit na mga estudyante sa kolehiyo. Oo, mga karaniwang tao ang naging guro sa paaralang ito, bagamat minsan ay may mangilan-ngilang pulitikong pulpol na nais magpasikat sa masa, depende sa kanyang interes.

Natutunan ko sa mga manggagawa na sila ang gumagawa ng ekonomya ng bansa, na kung wala sila, hindi tatakbo ang ekonomya, ngunit sila pa itong hindi nakatatanggap ng tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa.

Natutunan ko sa mga magsasaka na sila ang naglilinang ng mga bukirin upang makakain ang marami nating kababayan, ngunit karaniwan, sila pang nagtatanim ng palay ang siyang walang maibiling bigas.

Natutunan ko sa mga lider-kababaihan na hindi sila tulad ni Maria Clara na mahina, lampa at iyakin, kundi sila’y tulad nina Princesa Urduja, Gabriela Silang at Lorena Barros na matatag manindigan at marunong lumaban para sa kalayaan ng bayan.

Marami pang ibang aping sektor sa ating lipunan na kung atin lamang pakikinggan ang kanilang mga hinaing at adhikain sa buhay, walang salang mauunawaan natin kung bakit kailangan talaga ng pagbabago. Pagbabago para sa pangkalahatan, at hindi para sa iilan lamang.

Nagpatuloy ako sa aktibismo sa aming paaralan at sa labas nito, na kahit ang iba pang eskwelahan ay aming pinupuntahan upang makausap at makapagtalakay sa mga lider-estudyante roon.

Dumating ang puntong wala na sa atensyon ko ang aking pag-aaral, at nagpasiya akong umalis sa eskwelahan upang tahakin ang mas malaking hamon sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Ang pasiya kong iyon ay nalathala pa sa aking kolum sa aming publikasyon. Nagpaalam ako sa mga kapwa mag-aaral na umaasang sa mga darating na panahon ay magkikita pa rin kami, hindi na sa aming eskwelahan, kundi sa lansangan at sumisigaw ng pagbabago ng lipunan.

Pakiramdam ko’y nakalaya ako sa isang pagkakakulong nang kumilos na ako sa labas ng eskwelahan. Sunud-sunod ang mga rali kong nilahukan. Nariyan ang masaktan ka, o kaya’y madampot at makulong ng ilang oras sa presinto dahil sa isang rali. Ilang beses na ba akong nabugbog at nasaktan sa mga rali sa Mendiola, sa Senado, sa Kongreso, sa lansangan ng protesta? Di na rin mabilang. Laging may bagong kwento. Laging may mga pagkilos dahil napakaraming isyu na dapat tugunan. Nariyan ang ako’y papuntahin upang sumuporta sa mga manggagawang nakapiket at sa mga maralitang tinanggalan ng bahay. Hindi na puro teorya ito kundi aktwal na mga pangyayari. At sa ganitong pagkakataon mo tinitiyak na naisasapraktika mo ang iyong mga natutunang teorya.

Ilang taon na rin akong nakikibaka para sa pagbabago. At marami ang nagtatanong sa akin, kasama na si Itay, kung hindi ba ako nagsasawa sa aking mga ginagawa? Para bang inip-na-inip siya dahil para sa kanya’y hindi naman iyon ang pinangarap nila ni Ina para sa akin. Nais niyang umalis na ako roon at magbagong-buhay, dahil para sa kanya’y wala naman akong mapapala sa aking mga pinaggagagawa. Pero nagpatuloy pa rin ako. Ano ang magagawa ko kung aking nakikitang maraming mga aping nawawalan ng tahanan, hindi makatarungan ang pasahod, mga maling kalakaran sa kumpanya, maraming mga nabibiktima ng pamamaslang sa mga lider-aktibista, pari, mamamahayag, manggagawa, kababaihan, at iba pang kabilang sa tinatawag nilang progresibo o militanteng organisasyon. Paano nga ba ako magsasawa sa isang gawaing kaakibat na ng aking buhay? Ang aktibismo ko’y nagpapatuloy, at nais kong patunayan na hindi lamang ito simpleng aktibidad lamang na dapat danasin ng isang estudyante sa eskwelahan, na pagka-gradweyt sa akademya ay pagka-gradweyt na rin sa aktibismo.

Nuong ako’y maging aktibista, hindi ko ito itinuring na parang isang aktibidad lamang sa eskwelahan, kundi ito’y pagyakap sa prinsipyo ng pagbabago kahit na umalis ka na ng paaralan. Ang pag-aaral sa lipunan ay hindi natatapos sa paaralan, dahil aanhin mo ang mga natutunan mong mga teorya kung hindi mo naman ito gagamitin upang baguhin ang lipunan. Ayon nga kay Marx, marami na ang nagsulat at naglarawan ng lipunan, ngunit ang punto ay paano ba natin ito babaguhin. Pero paano nga ba? Magsimula muna tayong pag-aralan kung ano nga ba ang lipunan.

Ang lipunan ay ang sistema kung paano nabubuhay ang mga tao batay sa sistema ng produksyon at hindi sa sistema ng kung anong gobyerno ang umiiral. Pag sinabi nating demokrasya, ito’y sistema ng pamamahala ng gobyerno, katulad din ng pasismo at totalitaryanismo. Ang lipunan, dahil batay ito sa inabot na pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon, ay ang pag-iral ng sistemang pangkabuhayan, tulad ng lipunang alipin, lipunang pyudal at lipunang kapitalismo. Ibig sabihin, iba ang lipunan sa gobyerno. Ang gobyerno ay pampulitika at ang lipunan ay pang-ekonomya. Ngunit kadalasan, pinaghahalo ng marami na ang gobyerno at lipunan ay iisa dahil ito ang naituturo sa paaralan. Ngunit sadyang magkaiba sila.

Kaya kung sasagutin natin ang isang katanungan sa itaas, na siyang tanong din ng marami – Bakit may laksa-laksang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan – tiyak na mahihiwatigan agad natin na magkaiba nga ang gobyerno at lipunan. Bakit napakasipag ng trabahador ay mababa ang sweldo, habang ang among may-ari ay ngingisi-ngisi habang nagpapahinga pero hamig niya lahat ng tubo? Bakit kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap? Bakit sa kabila ng dami ng tinda sa palengke ay marami pa rin ang nagugutom? Bakit walang maisaing na bigas ang ating mga kababayan gayong napakaraming nabubulok na kaban ng bigas sa kamalig ng kapitalista? Bakit ang hindi mabentang produkto ay itinatapon na lamang sa dagat kaysa ipamigay sa mahihirap?

Ah, sadyang maraming katanungan ang dapat masagot, kaya palalimin pa natin batay sa aking mga pagsusuri mula sa pagbabasa, talakayan at debate sa aking mga kasama.

Ang gobyerno ay kumakatawan sa isang bansa, may watawat, teritoryo, populasyong pinamumunuan, at mas tutuusin ay pulitikal ang pamamalakad. Ito’y relasyon ng pinuno sa kanyang nasasakupan.

Samantala, ang lipunan naman ay relasyon sa pagitan ng panginoong may-alipin at ng kanyang mga alipin, relasyon ng asendero sa magsasaka, at relasyon ng kapitalista sa manggagawa.

Ang bansa ay binubuo ng nagkakaisang lahi, habang ang lipunan naman ay binubuo ng magkakaibang uri. Sa madaling salita, walang kinalaman ang pagiging Pilipino natin sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman man tayo o mahirap, tayo’y mga Pilipino. Tayo’y ipinanganak sa Pilipinas at may diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pabrika o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan pagkat ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.

Kaya ang pagbabago ng lipunan ay hindi usapin na kailangan mong maging taus-pusong makabayan, dahil hindi lang naman mga dayuhan ang problema, kundi mga Pilipino rin, mga kapitalistang Pilipino laban sa manggagawang Pilipino, mga asenderong Pilipino laban sa magsasakang Pilipino. Ang usapin ay uri, ang makauring interes. Ano ba ang uring iyong pinaglilingkuran, at kaninong interes ang dapat mangibabaw? Ang interes ba ng mga may-ari ng pabrika na lumaki ang kanilang tubo, o ang interes ng mga manggagawa na kunin ang tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa?

Sa ngayon, kung pakasusuriin natin ang lipunan, ang palakad sa lipunan ay tulad ng sistema sa pabrika, sistemang kapitalismo. Lahat ng nagtatrabaho ay sahuran, at kung maaari ay pamurahan ng sweldo. Kaya marami pa rin ang naghihirap.

Kailangan nating baguhin ang lipunan. Paano, gayong napakabilis naman ng pagbabago sa lipunan, kahit wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang nais kong pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang aking pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan.

Dumating ang pag-aalsang Edsa Dos, ngunit ito’y naging trahedya dahil naging relyebo lamang ito ng pamunuan, at wala naman talagang malawakang pagbabagong naganap. Dumating ang Edsa Tres na rebelyon ng tunay na masa, ngunit ang ilang nagsasabing pagsilbihan ang masa ay dinepensahan pa ang ganansya ng Edsa Dos laban sa masang dapat nilang paglingkuran. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng aking aktibismo kung hindi natin ito ilalapat sa tunay na mga pangyayari sa ating lipunan? Sa mga teoryang aking nasuri at napag-aralan, aking natutunang kaya may mahirap at mayaman ay dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika, makina, hilaw na materyales, kwarta, at lupain ang siyang nangingibabaw sa mundo at kinikilala. Habang ang mga walang pagmamay-ari ang siyang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa upang mabuhay. Sila ang mga api at walang boses. Sila ang kinakalinga ng mga aktibista. Nais ng mga aktibistang sila’y maging tunay na taong may dangal, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, nakapag-aaral sa mga desenteng eskwelahan na may libreng matrikula, nakakakuha ng kursong nais nila nang hindi na mag-iisip kung saan kukuha ng pangmatrikula dahil sagot ng estado, nakakapagpagamot at libre ang pagpapagamot, hindi ginagawang negosyo ang mga karapatan sa kalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at edukasyon.

Dahil ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ang siyang ugat ng kahirapan, tama lamang na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-aring ito ng iilan upang gawin itong pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon, lahat ay makikinabang. Hindi na gagawa ng laksa-laksang damit o kotse ang kapitalista para pagtubuan, kundi gagawa lamang ng sapat para sa pangangailangan ng lahat.

Naniniwala akong ang pagbabago ay hindi lamang nanggagaling sa puso, kundi sa mismong pagbabago ng sistema ng lipunan, sa mismong pagtanggal sa kamay ng iilan ng para sa kapakinabangan ng buong lipunan. Kung lahat tayo ay magbabago ng puso, mas magiging maganda ang ating mundong ginagalawan. Ngunit ang tanong: Kailan pa nangyari sa kasaysayan ng tao na nagbago ng sabay-sabay ang puso ng tao? Kailan mangyayari na sabay-sabay magiging mabait ang mga tao kung may umiiral na batayan kung bakit sila nagiging sakim?

Masisisi ba nila kung dumami ang tulad kong tupang pula? Masisisi ba nila kung bakit naghihimagsik ang mga tupang pula? Tama ang desisyon ko at paninindigan ko ito.

Bilang tupang pula, itutuloy ko ang laban, hanggang sa marami na kaming maghangad at magsama-sama tungo sa pagbabago ng lipunan. Para sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.

Ang Pamilya sa Huling Liham ni Che kay Fidel

ANG PAMILYA SA HULING LIHAM NI CHE KAY FIDEL
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan ay nagkita ang magkaibigang sina Mang Dolpo at Mang Cesar sa isang barberya. Magpapagupit si Mang Cesar, habang si Mang Dolpo naman ay nakikipaglaro ng dama.

"Kumusta na, matindi 'yung ginawa n'yong rali sa Mendiola, ah, at nananawagan kayo ng, ano ba yun, bagong sistema ng pamumuno ba yun?", bungad ni Mang Dolpo.

"Ah, iyon ba?" sagot ni Mang Cesar, habang inaayos niya ang kanyang pagkakaupo. "Yung bagong sistemang isinisigaw namin sa rali ay sosyalismo. Ibig sabihin, sumisigaw kami ng pagbabago dahil grabe na ang sitwasyon ngayon. Lahat na lang ay binibili pati karapatan mo sa kalusugan, edukasyon, pagkain, at marahil, pati batas ay nabibili na rin. Ganito kasi ngayon ang kalakaran sa ilalim ng sistemang kapitalismong umiiral sa atin ngayon."

"Ay nako, tama po kayo diyan, Mang Cesar," sabad naman ni Juan, ang barbero. "Kaymahal nga ng matrikula ng aking anak sa kolehiyo, na talagang pilit naming iginagapang. Tapos nang magkasakit naman si misis, aba'y nang dinala namin sa ospital, tinanggihan kami dahil wala daw kaming pang-down payment. Grabe! Nakagalit talaga ang sistema sa bayan natin."

Agad namang sumagot si Mang Cesar, "Alam mo, kaya kami nananawagan ng pagbabago dahil kami man ay di na namin masikmura yung nangyayari sa bayan natin. Lahat na lang ay may presyo. Pati serbisyo ay negosyo na. Pero kung di tayo kikilos at tutunganga na lang, walang mangyayari sa atin. Eto nga, may binabasa akong libro tungkol kay Che Guevara na nilathala ng Aklatang Obrero. Mga kwento ito ng buhay ni Che at kanyang mga sulatin."

"Di ba yung Che, e, yung nasa t-shirt ng mga kabataan na rock star?", agad tanong ni Juan.

"Siya nga yung popular na mukha sa mga t-shirt, pero di siya rock star. Isa siyang rebolusyonaryo, at isa sa mga lider ng kilusang pagbabago sa Cuba. Teka, nandito ako sa artikulong huling liham ni Che kay Fidel Castro na pinuno ng Cuba. Ibahagi ko lang yung sinabi ni Che sa huling liham niya kay Fidel na nagustuhan ko. Ayon kay Che: "Ako’y nakilala na sa patakarang panlabas ng ating rebolusyon, at nagpapatuloy ako. Saanman ako naroroon, ramdam ko ang pananagutan bilang rebolusyonaryong Cubano, at kikilos ako ng ganoon. Hindi ako nagdaramdam na wala akong naiwang mga materyal na bagay sa aking asawa’t mga anak; masaya akong ganoon ang nangyari. Wala akong hihilingin para sa kanila, dahil ibibigay sa kanila ng estado ang sapat na pangangailangan para mabuhay at makapag-aral."

"Napaisip ako, pare, nang sinabi niyang hindi siya nagdaramdam na wala siyang naiwan para sa kanyang asawa't mga anak. At wala pa siyang hihilinging anuman dahil ibibigay naman pala ng estado ang sapat na pangangailangan ng kanyang pamilya para mabuhay. Kaya ako, gusto kong ipagpatuloy ang rebolusyong sosyalista. Ito'y para na rin sa kinabukasan ng aking pamilya at sa mga susunod na henerasyon."

"Ganuon ba? Ibig sabihin, pag nanalo na ang rebolusyon na ipinaglalaban ng mga sinasabi mong sosyalista, aba'y malaking tulong nga iyan para sa ating lahat. Biro mo, yung karapatan natin sa kalusugan at edukasyon ay ibibigay ng estado. Di gaya ngayon, ang mamahal ng gamot. Kailangan pang pumila sa ospital, at yaong nauunang magamot ay yung may pera. Si Pareng Gusting nga, may gamot na para sa sakit niyang TB, pero dahil walang pera ang pamilya niya, namatay na lang siyang di nagagamot," ayon naman kay Mang Dolpo.

"Mukhang napaka-interesado ng librong iyan. Maaari po bang mabasa ko rin iyang hawak nyong libro, at interesado po ako", sabi ni Juan.

"Aba'y walang problema, ikaw pa, malakas ka sa akin. Siyanga pala, magtataas na naman daw ang presyo ng langis, gusto niyo bang sumama sa rali para hilingin nating ibaba naman ang presyo ng langis. Ang pagkilos ay bukas na ng umaga, at may pulong mamayang alas-kwatro." anyaya ni Mang Cesar.

"O. sige, sasama kami kahit di kami tsuper. Pag tumaas ang langis, taas din ang pamasahe, naglalakad na nga lang ako papunta rito para makatipid, ngayon may problema na naman. Kailangan yata talaga magbago na ang sistema sa bayan natin para naman di tayo mahirapan." sabi ni Mang Dolpo.

Tapos nang magpagupit si Mang Cesar, at binayaran na niya ng P35 si Juan sa serbisyo nito.

"O, pa'no, Mang Dolpo, Juan, kita-kita na lang tayo sa bahay nina Mang Erning mamaya. At saka, Juan, ingatan mo sana iyang libro tungkol kay Che para mabasa din ng iba."

Ani Juan, "Asahan nyo po, at marami pong salamat. Malaking tulong tiyak ito sa aking pag-unawa sa inyong, sa atin palang, hinahangad na pagbabago.”