Miyerkules, Marso 28, 2012

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo

ANG DALAGA SA BILIBID VIEJO
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega. Naroon ang lumang kulungan o bilibid, na sa wikang Kastila ay Bilibid Viejo.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya. Ngunit nag-aalangan siya dahil nga sa nangyari.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Emma, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. At may kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo. Siyanga pala, si Mina, kasama ko.” Nakipagkamay naman si Mina kay Brando.

Nahalina si Brando sa magandang ngiti ni Ara at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”

“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Kaya makakapangholdap pa kaya siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.

Miyerkules, Enero 25, 2012

Ang Apat na Sikreto ng Sahod

ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD
Maikling Kwento
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.

Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon. 

Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn?

"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."

"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."

"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"

"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket."

Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.

"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."

"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."

"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit."

"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.

Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig.

"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika." 

"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante.

"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.

"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.

"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod."

Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.

"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.

"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.

"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."

Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero.

"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri.

"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.

"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.

"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.

Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa"

"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo."

Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."

Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa."

Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."

"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”

Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."

"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.