Martes, Hulyo 29, 2025

RA 12216 (NHA Act of 2025), panibagong laban ng maralita


RA 12216 (NHA ACT OF 2025), PANIBAGONG LABAN NG MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagbabaga tulad ng araw ang kinakaharap na panibagong laban ng maralita. Kaya narito na naman ang mga magkakapitbahay na sina Igme, Igor, Isay at Ingrid upang pag-usapan ang panibagong batas na nilagdaan ni BBM nito lang Mayo 29, 2025. Nababahala sila dahil baka bigla silang mademolis at mawalan ng tirahan ang kanilang mga anak.

“Matinding laban na naman nating maralita itong Republic Act 12216. Iyon bang bagong National Housing Authority Act of 2025.” Ani Igme habang napatingin sa kanya ang mga kausap.

“Oo nga, e,” ani Isay, “dahil may probisyon doon na kung hindi raw tayo makakabayad sa pabahay ng NHA, aba’y sampung araw lang ang ibinibigay nila, batay sa batas, upang lisanin natin ang ating tahanan.”

Sumabat si Igor, “Dagdag pa riyan, binigyan na ng police power ang mismong NHA na magdemolis nang hindi na dadaan pa sa korte.”

“Lintik na! Nasaan ang probisyong iyan? Pabasa nga.” Ani Ingrid.

“Teka, hanapin ko,” Sabi ni Isay, “Eto, nasa Seksyon 6, numero IV, titik d. Basahin ko: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the necessity of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot, apartment, or dwelling unit from government resettlement projects, as well as properties owned or administered by it. In all these cases, proper notice of ejectment, either by personal service or by posting the same on the lot or door of the apartment, as the case may be, shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at least ten (10) days before the scheduled ejectment from the premises. Diyan malinaw ang sinabi ni Igor na may police power to demolish na ang NHA. Anong gagawin natin pag binigyan lang tayo ng sampung araw bago idemolis?”

Si Ingrid uli, “Aba’y sa UDHA ay tatlumpung araw ang ibinibigay, ah? Bakit nagkaganyan? Grabe naman ang batas na iyan?”

Si Igme, “Palagay ko, dahil hindi napilit magbayad sa NHA ang mga may delingkwenteng bayarin, kahit na may RA 9507 o Condonation and Restructuring Act of 2008, napilitan silang gawing marahas ang batas, nang mapilitang magbayad ang maralita. Negosyo na kasi ang pabahay.”

“Kaya nga maralita, e, saan naman kukuha ng pambayad ang mga maralitang isang kahig, isang tuka? Dapat tinanong muna nila ang mga maralita kung bakit hindi nakakabayad. At dapat iyon muna ang unahin. Kung may regular na trabaho lang ang maralita, hindi iyan magtitiis sa iskwater manirahan. Dapat lutasin muna ng pamahalaan na hinalal natin kung paano lulutasin ang kahirapan.” Sabi ni Igor.

Sumabat ang nanggagalaiting si Ingrid. “Karapatan ninuman ang pabahay. Pag tinanggalan ka ng bahay, aba’y giyera patani talaga. Pabahay nga ang isang karapatan ng bawat tao, tapos tatanggalan ka ng bahay. Aba’y maghahalo talaga ang balat sa tinalupan!”

Si Inggo naman ang nagsalita, “Kumbaga, wala na ang due process sa pagsasagawa ng demolisyon, lalo na’t tatamaan ang mga nasa relokasyon. Kung walang due process, paglabag sa karapatang pantao. Dinemolis ka na dati at naitapon sa malayong relokasyon. Ngayong nasa relokasyon ka na'y idedemolis ka ulit, dahil hindi ka nakabayad sa NHA ng iyong pagkakautang. Ibig sabihin, wala nang PDC o Pre-Demolition Conference at LIAC (Local Inter-Agency Committee) na dapat daanan bilang bahagi ng due process bago magdemolis. Kaya nakababahala ang batas na ito para sa mga maralita. Dapat nang magkaisa tayong maralita upang labanan ang tindi ng batas na itong magpapalayas sa atin.”

“Ang mabuti pa, magpatawag tayo ng pulong ng ating mga magkakapitbahay upang pag-usapan ang bagong batas na ito!’ Ani Igme.

“Sasama ako sa pulong na iyan upang maliwanagan tayo. At kung maaari, mag-imbita rin tayo ng taga-NHA upang ipaliwanag kung ano talaga ang balak nila sa ating mga maralita.” Sabi naman ni Isay.

“Dadalo rin ako sa ipapatawag na pulong.” ani Igor, “May hindi kasi sinasagot ang pamahalaan, o ang NHA. Ang pabahay na ibinigay ay hindi makakain ng maralita. Kaya ang tendensiya babalik ang dinemolis sa pinanggalingan dahil naroroon ang hanapbuhay. Kumakalam na sikmura ang unang inaatupag ng maralita, imbes pabahay na di niya mangata.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 16-31, 2025, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 14, 2025

Tortyur, desaparesidos, impeachment at ang paghahanda sa SONA

TORTYUR, DESAPARESIDOS, IMPEACHMENT AT ANG PAGHAHANDA SA SONA 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan, Hulyo 11, 2025, ay nagsagawa ng pagkilos ang iba’t ibang samahan at ginunita ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano, apatnapung taon na ang nakararaan. At nagkakwentuhan ang ilang sumama roon pagkauwi na nila sa kanilang lugar. 

“Katatapos lang ng aktibidad natin noong Hunyo 26 dahil ginunita natin ang mga biktima ng tortyur. At nabanggit na may ilang kaso na, tulad ng pulis na nangtortyur kay Jeremy Corre, ay nakasuhan. Ang Hunyo 26 kasi ay International Day in Support of Victims of Torture. At dahil ilan sa atin ang nakaranas ng tortyur noong tayo’y talubata pa, ay isa ako sa nagsalita.” Ani Igme.

Sumagot si Isay, “Oo nga, marami kasi tayong karanasan sa diktadurang Marcos noong araw, at heto. Bukod sa tortyur ay ginunita rin natin ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez na nadukot noong Hunyo 11, 1985. Tapos maghahanda rin tayo sa SONA dahil sa samutsaring isyung kinakaharap ng taumbayan.”

“Ako nga, hindi ko pa napapanood ang pelikulang Alipato at Moog na tungkol sa pagkawala ni Jonas Burgos, na umano’y dinukot noong 2007. Nariyan din ang pagkawala ng mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong Hunyo 26, 2006, ayon sa ulat. Buti na lang ay lumitaw na ang dalawang dinukot na environmental activist na sina Jonila Castro and Jhed Tamano, na umano'y sumuko sa mga militar, subalit dinukot pala.” Sabi naman ni Ingrid na kasapi ng isang organisasyon sa karapatang pantao.

Sumabat si Inggo. “Ay, napakaraming mga isyung dapat gunitain, daluhan, ralihan. Di pa natatapos ang pagkilos kahit tumanda na tayo, dahil di pa rin nakakamit ng bayan ang hustisyang panlipunan. Kaya sa SONA, na taon-taon na lang nating ginagawa, dadalo pa rin tayo, at magsama pa ng iba. Hindi lang ang pangulong nangako ng bente pesos na bigas, na ngayon nga ay P20 kada 1/3 kilo ng bigas, ang ating pupunahin, kundi ang isyu ng impeachment kay Inday Lustay.”

“Pilit na itinatago ng mga senador ang katotohanan. Pilit nilang ikinukubli ang pandarambong sa kaban ng bayan ng isa sa matataas na hinalal pa naman ng taumbayan. Ganyan ba ang nais nating maging lider sa hinaharap?” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Igme sa mga kaharap na kanyang kaumpukan sa karinderya ni Ingrid.

“Paano pa pag naging pangulo ang ganyan? Aba’y sakit sa ulo ng bayan. Gayunman, kung mapapabilis naman ang rebolusyon upang mabago na ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga oligarko, aba’y sige lang. Ang mabago ang sistemang ito ang nais kong maabutan bago man lang ako mamatay.” Medyo emosyonal na sabi ni Isay.

Nagtanong si Igme, “Paano tayo maghahanda sa SONA? Paano natin mapapasama ang iba, na alam talaga ang isyu ng bayan? At hindi lang basta sumama, at yaon bang hindi na magtatanong kung mayroon bang pamasahe. Bagamat kailangan talaga natin iyan.”

Sumagot si Ilya, “Magagawan naman ng paraan ang pamasahe. Ngunit dapat ay maipaunawa natin sa masa ang mga isyu ng bayan na tatama sa kanila. Tulad na lang ng Republic Act 12216 na nilagdaan ng pangulo nitong Mayo 29, na ang mga nasa relokasyon ay maaari nang paalisin ng National Housing Authority dahil binigyan na ito ng police power upang magdemolis nang di daraan sa korte at magbigay ng notice ng sampung araw lang. Sa UDHA (Urban Development and Housing Act), tatlumpung araw ang binibigay sa mga maralita bago idemolis.”

“Sige, sige,” ani Igme, “ipunin natin ang mga isyung ilalatag natin sa SONA, at paghandaan din natin ang ating ambag, tulad ng pamasahe at pagkain sa mga padadaluhin natin. Bago iyon, maglunsad muna tayo ng talakayang edukasyunal hinggil sa mga isyung kinakaharap ng bayan.”

“Kailan naman iyan?” Tanong ni Ingrid. “May padadaluhin ako.”

“Teka,” sabi ni Isay, “idagdag natin sa isyu iyang political dynasty at oligarkiya dahil ilan iyan sa dahilan kung bakit napagsasamantalahan ang maliliit. Pati iyang kaisipang ayuda upang iboto sila ng mahihirap.”

“Tama, Isay, isama natin ang isyung iyan. Sa Sabado, alauna ng hapon natin ilunsad ang pulong at talakayang edukasyunal. Imbitahan natin si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) upang magtalakay sa atin. Ayos ba sa inyo?”

Sumagot ang marami, “Ayos!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2025, pahina 18-19.

Huwebes, Agosto 29, 2024

Nang minsang mapadaan sa marker ni Kian Delos Santos, biktima ng EJK

NANG MINSANG MAPADAAN SA MARKER NI KIAN DELOS SANTOS, BIKTIMA NG EJK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napadaan ako sa isang simbahan sa Kalookan dahil sa nakatakdang aktibidad ng aming samahan, at habang naghihintay sa mga kasamang hindi pa nakararating ay nakita ko ang marker na inilagay doon hinggil sa pagpaslang sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos.

Mula pa nang magsimula ang administrasyong Digong ay naging madugo na ang lansangan ng kalunsuran. Dahil na rin sa pananalita ng pangulo sa unang araw pa lang ng panunungkulan. Dapat mawala na ang mga adik na tingin niya’y walang karapatang mabuhay sa mundo.

At isa nga sa naging biktima ay ang estudyanteng si Kian Delos Santos, na sinasabi’y napagkamalan o kaya’y nanlaban kaya pinaslang. Isa umanong inosenteng biktima ng war on drugs ni Digong.

Ayon sa ulat sa mga balita, napaslang noong Agosto 2017 ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Kalookan na sinasabing dapat ay protektor ng mamamayan. Gabi iyon nang makuha si Kian ng mga pulis sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagmamakaawa pa si Kian na mapakawalan dahil iniisip niya ang kanyang exam kinabukasan: “Huwag po, may exam pa po ako bukas”. 

Subalit sawimpalad na napatay ang estudyanteng si Kian. Mabuti na lamang at may CCTV sa lugar na siyang naging ebidensya laban sa mga pulis. Nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sanhi ng kamatayan ni Kian. Gayunman, napakarami pa ring walang hustisya at patuloy pa rin ang mga patayan kaugnay sa kampanyang war on drugs.

Sa panahong iyon ng tokhang, o toktok bangbang, maraming basta na lamang pinaslang nang walang due process o wastong proseso ng batas. Nakilala ko ang ilan sa mga nanay ng mga namatayan dahil sa naging aktibo ako sa kilusan para sa karapatang pantao.

Tagos sa puso’t isipan ko ang mga nakasulat sa marker ni Kian: “SA ALAALA NI KIAN DELOS SANTOS

“Sa alaala ni Kian Delos Santos, 17 taong gulang, na naging biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. 160, Caloocan City. Si Kian ay pinaslang sa araw ng kapistahan ni San Roque, Patron ng Diocese of Kalookan. Isa lamang siya sa 81 katao na pinatay sa loob ng apat na araw (Agosto 15-18, 2017) sa Kalakhang Maynila. Ayon sa talaan,  libu-libo  na ang mga mamamayang naging  biktima  ng patuloy na itinataguyod na giyera sa ilegal na droga ng kasalukuyang pamahalaan. Ang marahas at abusadong pamamaraan na ito ay taliwas sa pananampalatayang Kristyano ukol sa dangal ng buhay ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.”

“Nawa ang panandang ito ay magsilbing alaala sa mga buhay na pinaslang, mga asawang nabalo at mga anak na naulila. Nawa'y antigin ng Diyos ang budhi ng mga nasa kapangyarihan upang matigil na ang pagpatay, masimulan na ang paghilom ng mga kababayang biktima ng adiksyon sa droga, at makamtan ang tunay na katarungan para sa lahat.”

Matapos kong basahin iyon ay nakita ko na ang aking mga kasama upang simulan na namin ang aming aktibidad. Subalit sa aking pag-iisa ay aking napagninilayan ang nakasulat sa marker na nagpatibay pa sa aking pagtaya o commitment bilang aktbista para sa karapatang pantao. At bilang makata ay nakapagsulat ako ng maraming tula hinggil sa EJK o sa extrajudicial killings na balang araw ay nais kong malathala bilang ambag sa panawagang hustisya ng mga namatayang pamilya, at sa panawagang due process kung may pagkakasala. Sana’y wala nang mga salvagings at EJK sa hinaharap. At wala na ring nagdudroga dahil naisip nilang hindi iyon ang kasagutan sa anumang problema.

Mabuti’t napadaan ako sa marker na iyon na nagbigay sa akin ng bagong alab at inspirasyon bilang makata at aktibista upang ipagpatuloy na ipaglaban ang pangarap na kamtin ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 29, 2024

Bigong-Bigo ang Masa

BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.

Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”

Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”

Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”

“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”

“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”

“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.

“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.

“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.

Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang  tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.” 

Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 19, 2024

Budul-Budol sa Maralita

BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).

Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.

Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.

Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”

Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”

Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”

“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”

"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."

Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"

Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”

“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 14, 2024

Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.