Biyernes, Marso 29, 2024

Imbes Malakanyang, sa FEU na ang rali


IMBES MALAKANYANG, SA FEU NA ANG RALI
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang ulit na itong nangyari. O marahil ilang ulit na.

Dalawang beses nasaksihan ng aking mga mata ang pagharang ng mga pulis sa ating mga sinamahang pagkilos. Nasaksihan ko iyon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan nitong Marso 8, 2024, at sa isinagawang Kalbaryo ng Maralita nitong Marso 26, 2024, na sa mga Katoliko ay Martes Santo.

Nasabi tuloy sa akin ng isang lider-maralitang si Aling Isay, “Aba’y dapat Malakanyang ang punta natin, dahil naroon ang trono ng pangulo o seat of government. Dapat doon tayo sa Mendiola. 

Aba’y hinarang tayo ng mga pulis dito sa Morayta, at magkabilaan pa ng kalsada ang hinarang nilang trak sa atin. Para bang wala na tayong karapatan, ah.”

Narinig ko si Mang Igme, na sumabat sa usapan. “Hanggang dito na lang tayo sa Morayta. Ayaw ng mga pulis makarating tayo sa Mendiola.”

Sumabat na rin si Inggo. “Baka gusto ng mga pulis na maglahad na lang tayo ng ating mga hinaing dito sa mga guro at mag-aaral ng FEU. Baka nga maka-recruit pa rito ng maraming kabataan at estudyante ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK). Kaya nga kung tatawagin tayo mamaya upang magsalita, idirekta na natin sa FEU ang ating hinaing, at baka sila pa ay makinig, at buksan ang kanilang pintuan sa atin. Mukha kasing dito tayo gustong dumulog ng kapulisan, at hindi sa Malakanyang. Ano po sa tingin ninyo?”

Sumagot si Aling Isay, “Dapat  pa rin nating igiit ang ating karapatan. Marahil sa ngayon lang ito, subalit gagawa tayo ng paraan upang maiparating sa Malakanyang ang ating mga hinaing. Tulad ng tinututulan nating ChaCha na nais gawing 100% na pag-aari ng dayuhan ang ating kalupaan. Aba’y nais pa nilang gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan. Nais pa nilang magtayo ng maraming coal plants, fossil gas at natural gas na lalong magpapalala ng klima ng mundo. Hindi ba naiisip ng mga kapulisan iyon? O basta sunod lang sila ng sunod sa mga nakakataas sa kanila, na kahit nakikita na nilang mali ay susunod sila.”

Maya-maya ay narinig nilang nagtalumpati si Mang Igor sa Morayta habang sila’y nagkakatipon. Hawak nito ang isang megaphone.

Si Mang Igor, “Sa mga guro at estudyante ng FEU, naririto po kami sa harap ng eskwelahan ninyo upang idulog sa inyong pangulo ang aming mga karaingan! Itigil na ang ChaCha para sa iilan, sa elitista’t dayuhan! Ibaba ang kaymahal na presyo ng bilihin! Hirap na ang sambayanan!”

Kuyom ang kamao namin habang nakikinig, tanda ng paggalang sa nagsasalita at paglaban sa mga kuhila. May mga nakaunipormeng estudyante naman ang matamang nakikinig, tila nais mabatid ang isyu.

Tinawag magsalita si Aling Isay, “Bilang kababaihan, nananawagan kami sa ating pangulo na pakinggan naman ang hinaing ng kanyang mga mamamayan, lalo na kaming mga maralitang nahihirapan, dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, salot na kontraktwalisasyon na dapat nang wakasan, ang 4PH na hindi pala para sa aming maralita, at higit sa lahat, tinututulan namin ang ChaCha, dahil nais nilang ibuyangyang ang ating bansa sa pananalasa ng dayuhan! No to ChaCha!”

Pumatak din ang ulan, subalit hindi natinag ang mga raliyista, dahil para sa kanila, ang kanilang iginigiit ay ang karapatan at paglaban sa bulok na sistemang dahilan ng lalo pang kahirapan ng sambayanan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Marso 14, 2024

Bawal Bastos Law


BAWAL BASTOS LAW
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkita ang mga magkakapitbahay na sina Ingrid, Ines, Isay, at Inday, at napag-usapan nila ang bagong batas na Bawal Bastos Law, dahil na rin sa isang kaso ng panghihipo sa kanilang kapitbahay na si Isabel. Umano’y kinasuhan ni Isabel ng panghihipo ang lasing na lalaki sa dyip na nasakyan niya. Hinuli ang lalaki ng mga pulis sa tulong na rin ng ibang pasahero, subalit itinatanggi umano ito ng lalaki nang mahimasmasan.

“Hoy, alam n’yo ba?” Pagsisimula ni Ingrid, “May bagong batas pala na tinatawag na Bawal Bastos Law, na siyang ginamit ni Isabel na batas upang kasuhan ang lalaking nanghipo sa kanya.”

Sumagot si Ines, “Hindi ko alam na may ganyang batas na pala. Dapat alam natin iyan. Lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan, mga amiga, buwan natin ngayon. Ano nga pala iyang Bawal Bastos Law.”

Si Isay ang nagpaliwanag, dahil aktibong kasapi siya ng Oriang Women’s Movement. “Ang tinatawag na Bawal Bastos Law sa batas ay ang Safety Spaces Act o Republic Act No. 11313, na isinabatas noong Agosto 3 2019, habang ang implementing rules and regulations nito (IRR) ay inaprubahan noong Oktubre 28, 2019. Ang panghihipo at pagsipol dahil nagagandahan sila sa atin, aba’y kabastusan na iyan, hindi ba? Pati nga malisyosong akto at komento ay pinagbabawal na ng batas.”

“Subalit may Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na, hindi ba? Di pa ba sapat iyon?” Tanong ni Inday.

Sumagot si Ines, “Mas pinaigting ng Bawal Bastos Law ang batas, na hindi lang panggagahasa ang kakasuhan kundi maging ang simpleng pagtitig sa katawan ng babae ay kahalayan na. Halimbawa, nakasakay ka sa dyip, bus o tren, at may isang pasahero na kung makatingin sa suso mo ay parang gusto ka agad sunggaban. Aba’y kaso na iyon.”

“Kaya pala agad nakasuhan ni Isabel ang lalaking lasing na iyon. Dahil may batas na palang ganyan.” Sabi ni Inday. “Buti naman.”

Naririnig pala sila nina Inggo at Igme na kanina pa nakaupo sa tabi habang nagkakape. Sumabat si Inggo, “Kung ganoon pala, pag sumipol pala ako habang naglalakad ka sa kalsada, maaari na akong kasuhan?”

“Aba’y oo, Inggo. Kung ako ang dalagang sinipulan mo, baka hindi lang kita isumbong sa pulis at kasuhan, makakatikim ka talaga sa akin. Subukan mo lang. Kahit ako’y matanda na, pag bastos ka, kakasuhan kita sa Safe Spaces Act. Kaya nga safe space, eh, wala dapat bastos.”

Si Igme naman, “Ibig nilang sabihin, pareng Inggo, iyang Bawal Bastos Law ay nagbabawal sa pambabastos sa sinumang tao, babae man o lalaki, bakla man o tomboy, anuman ang kasarian. Ipinagbabawal ang pangbabastos ng personal, harapan man o talikuran, at online.”

Sumagot muli si Isay, “Buti pa iyang kumpareng Igme mo, Inggo, ay alam kung ano ba itong pinag-uusapan natin. Aba’y ayaw din niyang pati sila ng kanyang mga anak na lalaki ay makasuhan ng pambabastos, kahit simpleng sipol lang iyan.”

Muling nagtanong si Ines, “Bukod sa pagsipol at panghihipo, ano pa ang mga bawal?”

Si Isay, “Iyong nasabi ko na, bawal iyang catcalling o pagsipol o pagtawag ng “sexy” sa mga dumaraan. Bawal din ang stalking o ang pagsunod-sunod nang walang pahintulot, pagtitig at paglapit sa isang tao na nagdudulot sa kanya ng takot. Pati mga kapraningan nga, ayon sa batas ay bawal, tulad ng pagma-masturbate sa pampublikong lugar, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan sa plasa o palengke, o paghawak sa katawan ng isang tao na wala siyang pahintulot. Bawal din ang pagpapakalat ng mga nakakabastos na larawan ng iba, pambubully dahil sa kasarian, pagcocomment sa facebook ng mga mahahalay na salita. Bawal na rin ang paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng waitress o pagyayayang makipagtalik sa saleslady.”

Nagtanong muli si Inggo, “Paano naman pag menor de edad ang nambastos, dahil hindi naman nila alam ang batas?”

“Alam mo, pareng Inggo,” sabi ni Igme, “May kasabihan ngang ignorance of the law excuses no one.”

Si isay muli, “May batas para riyan, at kung menor de edad, irereport ang bata sa Department of Social Welfare and Development o DSWD upang mabigyan ng kaukulang pagdisiplina.”

Tugon ni Ines, “Maraming salamat, Isay, sa mga paliwanag. Gabi na, uwi muna ako. Kita na lang tayo sa rali ng kababaihan sa Marso Otso.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2024, pahina 18-19.