Lunes, Abril 29, 2024

Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?


NASAAN ANG URING MANGGAGAWA SA BANGAYAN NG MGA NAGHAHARING URI?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila wasak na ang UniTeam. Nagbabatuhan na sila ng baho. Tila ba sila’y naging UniThives na!” Ani Mang Igme sa isang umpukan ng mga kabarangay sa karinderya ni Aling Ines.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ni Inggo.

“Mantakin n’yo, ha? Nagpakawala na ng maaanghang na salita ang dating pangulo, dahil marahil malalim na ang epekto sa kanya ng imbestigasyon ng International Criminal Court na hinahayaan lang ng kasalukuyang pangulo. Aba’y tinanggal din ang confidential fund ng bise presidente na anak ng dating pangulo. Ginagamit pa ng isang paksyon ang isyu ng Charter Change, hindi pa dahil ayaw nilang madistrungka ang protectionist provision ng Konstitusyong 1987, kundi kung sino ang dapat tumimon dito. “ Mahabang litanya ni Mang Igme.

Sumabat si Aling Isay, “Halos lahat naman ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng ChaCha. Yaong mga tumututol ay hindi pa dahil mapagmahal sila sa bayan, kundi ang karibal na paksyon ang titimon at makikinabang diyan. Ang tanong lang natin: Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?”

Sumagot si Mang Igme, “Aba’y dapat namang makapwesto ang uring manggagawa sa ganyang bangayan. Tayong mga manggagawa ay dapat magkaisa upang tangayin na sa burgesya iyang kapangyarihang pampulitika. Subalit ang ChaCha ay hindi lamang itinutulak ng mga damuhong dinastiya, kundi ng oligarkiya o yung mayayamang indibidwal o pamilyang may kontrol sa ating ekonomya.”

“Masyado nang malalim ang pinag-uusapan ninyo. Hindi na ako makahabol, lalo na sa mga terminong, ano iyon? Oligarka, oligarkya, dinastiya? Yung isa pa, bu-burgisya? Tanong ko pa. Paano naman makakapwesto iyang uring manggagawa kung hindi naman ito nagkakaisa?” Tanong muli ni Inggo.

“Ang mabuti pa, maglunsad tayo ng talakayan hinggil diyan, at upang maiparating din natin sa ating mga kabarangay ang planong kilos-protesta laban sa ChaCha na ang makikinabang lang ay mga mayayaman, iyang tinatawag nating burgesya.” Ani Mang Igme.

“Payag ako. Kailan naman iyan?” Tanong ulit ni Inggo.

“Ayos ba sa inyo, Sabado ng hapon, alauna?” Tanong ni Mang Igme.

"Sige, darating ako." "Ako rin." "Mag-iimbita rin ako ng mga katropa." Iyan ang sunod-sunod na sabi nila na interesado sa paksa.

Dumating ang araw ng Sabado, nagkita-kita  ang mga naimbitahan. Agad na banat ni Mang Igme, "Kuntento na lang ba tayo na maging manonood na lang o tagapakinig na lang sa bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri? Parang telenobela na ang alitan na animo'y inililigaw lang nila tayo sa totoong mga isyu ng bayan. Nasaan na ang uring manggagawa sa mga bangayang iyan? Mayorya ng masang Pilipino ay mga manggagawa. Dapat may gawin sila upang makapwesto sa poder, at hindi magkunot-noo lang sa alitan ng mga naghaharing uri."

"Mukhang napakahaba ng iyong mga hinaing, kasama." Ani Igor. "Dapat talagang pag-usapan iyan, matagal nang pinagsasamantalahan ng mga trapo’t dinastiyang iyan, ng mga  elistista’t oligarkiyang iyan, tayong anakpawis na tingin nila’y mga ekstensyon lang tayo ng makina."

Nagsalita si Ingrid, “Kaylalalim naman ng mga hugot ninyo, na hindi agad maunawaan ng mananahi tulad ko.”

“Kaya nga tayo nagdaos ng ganitong pag-aaral, ay pulong pala, dahil maganda talagang maunawaan natin ang mga iyan.” Ani Isay.

Sumagot si Igme, “Sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, dapat makapwesto ang uring manggagawa sa unahan ng pakikibaka. Ibig sabihin, huwag na nating tangkilikin ang mga trapo sa halalan. Huwag iboto ang mga pahirap sa bayan. Patuloy lang tayong mag-organisa, bagamat wala na tayo sa unyon, at nasa komunidad ng maralita na tayo, ang mahalaga’y ang tinig at tindig ng manggagawa sa mga isyu ay umalingawngaw. Ano ang tingin sa sahod at tubo? 

Sabi naman ni Igor, “Ito pa ang mahalaga. Ipanalo natin ang mga manggagawang tumatakbo sa halalan, tulad sa Kongreso at Senado. Sakaling manalo sila’y magkaroon naman tayo ng matino sa gobyerno’t ipaglalaban ang ating kapakanan. Hanggang maagaw ng uring manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2024

Pagkilos para sa bayan at kinabukasan


PAGKILOS PARA SA BAYAN AT KINABUKASAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagtanong ang aking panganay na anak na si Malaya na nasa Grade 7 na, “Itay, bakit ba lagi kayo ni Inay sa rali. Nagpupunta kayo roon kahit mainit. Para saan po ba iyan, Itay? Dapat ba talaga sumasama kayo sa rali? Pati ako?”

Napilitan akong sumagot. “Tama ka, anak. Minsan, naisasama ka namin sa rali, lalo na’t walang mapag-iwanan sa iyo pag umalis kami ng bahay. Ang pagrarali, anak, ay tungkulin namin tungo sa pagmumulat sa masa upang sila’y magsikilos din, lalo na’t ang mga nakaupo sa gobyerno ay pawang mga tiwali, at kinukurakot ang kaban ng bayan.”

Nagtanong uli si Malaya, “Bakit hindi mga pulis at sundalo ang gumawa niyan para mapigilan na ang mga nangungurakot sa gobyerno? Bakit kayong karaniwang mamamayan, na wala namang kapangyarihan ang gumagawa niyan? Hindi ba kayo natatakot, Itay?”

“Alam mo, anak, bata pa kami ng iyong ina, ay kumilos na kami dahil nais naming lumaya ang bayan laban sa ganyang maling kalakaran. Sa kalaunan, pinag-aralan namin ang lipunan, bakit ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may bilyonaryong nabibilang lang sa daliri. Tamad ba kami, anak, kaya tayo mahirap, gayong kay-aga naming pumasok sa pagawaan, at nagsisipag kami upang maabot ang kota ng manedsment. Ginagawa namin ang lahat para sa inyong mga magkakapatid, upang mapag-aral kayo at hindi tayo sumala sa pagkain. Gayunman, kung may mga isyung panlipunang nakakaapekto sa atin, lalo na’t pamahal ng pamahal ang presyo ng pangunahing bilihin, tulad ng bigas na halos bente pesos na ang 1/3 kilo. Nariyan pa ang salot na kontraktwalisasyon na imbes regular na manggagawa ka na sa inyong kumpanya, at taon na ang binibilang, kontrakrwal ka pa rin. Anong klaseng sistema iyan, anak, na lagi na lang nanlalamang sa kapwa ang mga naghahari-harian sa ating lipunan> Masisisi mo ba kami, anak, kung kumilos kami at sumama sa malawakang rali upang dinggin naman ng pamahalaan ang aming mga hinaing?”

Si Malaya muli, “Nauunawaan ko na po, Itay. Tulad nina Jacinto at Bonifacio noon, na lumaban upang lumaya ang bayan natin mula sa mga mananakop na dayuhang mapag-imbot. Subalit, Itay, wala nang mga Kastila, subalit kayrami pa ring mahihirap. Paglaki ko po ba, magiging katulad din ba ako ninyo, na lumalaban pa rin sa kalsada?”

“Alam mo, anak, ang nais namin ng iyong ina, ay mapagtapos muna namin ng pag-aaral kayong magkakapatid. Bagamat lagi man kaming dumadalo sa mga pagkilos ng masa, ang mahalaga’y mabigyan muna namin kayo ng sapat na edukasyon. Hindi namin pinangarap na maging tulad namin kayo. Tulad din ng hindi namin pinangarap maging aktibista kundi dumaan iyon sa proseso. Sa eskwelahan noon, pataas ng pataas ang tuition fee. Nagtatrabaho na lang ang aming magulang upang habulin ang taas ng presyo ng matrikula. Kaya nararapat kaming tumutol bilang mga estudyante upang di naman mahirapan ang aming mga magulang na iginagapang talaga kami upang mag-aral.”

“Salamat, Itay, sa pagsagot sa mga tanong ko. Mag-aaral po kaming mabuting magkakapatid. At saka pag nakatapos, papasok agad ako sa kumpanya upang magtrabaho at makatulong sa inyo.”

“Subalit, huwag mong kalilimutan, anak, kung saan ka nanggaling. Halimbawang may nakita kang mali sa inyong kumpanya, alam kong mapipilitan ka ring organisahin ang iyong kapwa manggagawa upang mas gumanda pa ang inyong kalagayan doon. Higit sa lahat, anak, ito lang ang bilin ko, pag-aralan mo rin ang lipunan. Huwag kang maging bulag, pipi at bingi sa mga nakikita mong katampalasanan sa iyong paligid. Kung kailangang kumilos, dapat kumilos. Subalit sa ngayon, anak, mag-aral muna kayo. Ang pagiging aktibo ay nasa proseso, hindi pinipilit. Ikaw ang makakaalam kung anong landas ang pipiliin mo. Sa amin ng iyong ina, pinili namin ang landas na makapagpapalaya sa sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan. Kaya, heto, narito kami pag may pagkilos. Hindi ka naman pakikinggan ng pamahalaan kung mag-isa ka lang, subalit kung sa sama-samang pagkilos, tayo’y may mararating. Hindi masama ang magrali. Ang masama ay yumayaman ang bulsa ng kapitalista dahil sa pagsasamantala sa manggagawa.”

“Muli, salamat, Itay, sa inyong mga payo. Magiging mabuti akong mag-aaral, at magiging mapanuri sa nagaganap sa ating bayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2024, pahina 18-19.