Martes, Hulyo 29, 2025

RA 12216 (NHA Act of 2025), panibagong laban ng maralita


RA 12216 (NHA ACT OF 2025), PANIBAGONG LABAN NG MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagbabaga tulad ng araw ang kinakaharap na panibagong laban ng maralita. Kaya narito na naman ang mga magkakapitbahay na sina Igme, Igor, Isay at Ingrid upang pag-usapan ang panibagong batas na nilagdaan ni BBM nito lang Mayo 29, 2025. Nababahala sila dahil baka bigla silang mademolis at mawalan ng tirahan ang kanilang mga anak.

“Matinding laban na naman nating maralita itong Republic Act 12216. Iyon bang bagong National Housing Authority Act of 2025.” Ani Igme habang napatingin sa kanya ang mga kausap.

“Oo nga, e,” ani Isay, “dahil may probisyon doon na kung hindi raw tayo makakabayad sa pabahay ng NHA, aba’y sampung araw lang ang ibinibigay nila, batay sa batas, upang lisanin natin ang ating tahanan.”

Sumabat si Igor, “Dagdag pa riyan, binigyan na ng police power ang mismong NHA na magdemolis nang hindi na dadaan pa sa korte.”

“Lintik na! Nasaan ang probisyong iyan? Pabasa nga.” Ani Ingrid.

“Teka, hanapin ko,” Sabi ni Isay, “Eto, nasa Seksyon 6, numero IV, titik d. Basahin ko: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the necessity of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot, apartment, or dwelling unit from government resettlement projects, as well as properties owned or administered by it. In all these cases, proper notice of ejectment, either by personal service or by posting the same on the lot or door of the apartment, as the case may be, shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at least ten (10) days before the scheduled ejectment from the premises. Diyan malinaw ang sinabi ni Igor na may police power to demolish na ang NHA. Anong gagawin natin pag binigyan lang tayo ng sampung araw bago idemolis?”

Si Ingrid uli, “Aba’y sa UDHA ay tatlumpung araw ang ibinibigay, ah? Bakit nagkaganyan? Grabe naman ang batas na iyan?”

Si Igme, “Palagay ko, dahil hindi napilit magbayad sa NHA ang mga may delingkwenteng bayarin, kahit na may RA 9507 o Condonation and Restructuring Act of 2008, napilitan silang gawing marahas ang batas, nang mapilitang magbayad ang maralita. Negosyo na kasi ang pabahay.”

“Kaya nga maralita, e, saan naman kukuha ng pambayad ang mga maralitang isang kahig, isang tuka? Dapat tinanong muna nila ang mga maralita kung bakit hindi nakakabayad. At dapat iyon muna ang unahin. Kung may regular na trabaho lang ang maralita, hindi iyan magtitiis sa iskwater manirahan. Dapat lutasin muna ng pamahalaan na hinalal natin kung paano lulutasin ang kahirapan.” Sabi ni Igor.

Sumabat ang nanggagalaiting si Ingrid. “Karapatan ninuman ang pabahay. Pag tinanggalan ka ng bahay, aba’y giyera patani talaga. Pabahay nga ang isang karapatan ng bawat tao, tapos tatanggalan ka ng bahay. Aba’y maghahalo talaga ang balat sa tinalupan!”

Si Inggo naman ang nagsalita, “Kumbaga, wala na ang due process sa pagsasagawa ng demolisyon, lalo na’t tatamaan ang mga nasa relokasyon. Kung walang due process, paglabag sa karapatang pantao. Dinemolis ka na dati at naitapon sa malayong relokasyon. Ngayong nasa relokasyon ka na'y idedemolis ka ulit, dahil hindi ka nakabayad sa NHA ng iyong pagkakautang. Ibig sabihin, wala nang PDC o Pre-Demolition Conference at LIAC (Local Inter-Agency Committee) na dapat daanan bilang bahagi ng due process bago magdemolis. Kaya nakababahala ang batas na ito para sa mga maralita. Dapat nang magkaisa tayong maralita upang labanan ang tindi ng batas na itong magpapalayas sa atin.”

“Ang mabuti pa, magpatawag tayo ng pulong ng ating mga magkakapitbahay upang pag-usapan ang bagong batas na ito!’ Ani Igme.

“Sasama ako sa pulong na iyan upang maliwanagan tayo. At kung maaari, mag-imbita rin tayo ng taga-NHA upang ipaliwanag kung ano talaga ang balak nila sa ating mga maralita.” Sabi naman ni Isay.

“Dadalo rin ako sa ipapatawag na pulong.” ani Igor, “May hindi kasi sinasagot ang pamahalaan, o ang NHA. Ang pabahay na ibinigay ay hindi makakain ng maralita. Kaya ang tendensiya babalik ang dinemolis sa pinanggalingan dahil naroroon ang hanapbuhay. Kumakalam na sikmura ang unang inaatupag ng maralita, imbes pabahay na di niya mangata.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 16-31, 2025, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 14, 2025

Tortyur, desaparesidos, impeachment at ang paghahanda sa SONA

TORTYUR, DESAPARESIDOS, IMPEACHMENT AT ANG PAGHAHANDA SA SONA 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan, Hulyo 11, 2025, ay nagsagawa ng pagkilos ang iba’t ibang samahan at ginunita ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano, apatnapung taon na ang nakararaan. At nagkakwentuhan ang ilang sumama roon pagkauwi na nila sa kanilang lugar. 

“Katatapos lang ng aktibidad natin noong Hunyo 26 dahil ginunita natin ang mga biktima ng tortyur. At nabanggit na may ilang kaso na, tulad ng pulis na nangtortyur kay Jeremy Corre, ay nakasuhan. Ang Hunyo 26 kasi ay International Day in Support of Victims of Torture. At dahil ilan sa atin ang nakaranas ng tortyur noong tayo’y talubata pa, ay isa ako sa nagsalita.” Ani Igme.

Sumagot si Isay, “Oo nga, marami kasi tayong karanasan sa diktadurang Marcos noong araw, at heto. Bukod sa tortyur ay ginunita rin natin ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez na nadukot noong Hunyo 11, 1985. Tapos maghahanda rin tayo sa SONA dahil sa samutsaring isyung kinakaharap ng taumbayan.”

“Ako nga, hindi ko pa napapanood ang pelikulang Alipato at Moog na tungkol sa pagkawala ni Jonas Burgos, na umano’y dinukot noong 2007. Nariyan din ang pagkawala ng mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong Hunyo 26, 2006, ayon sa ulat. Buti na lang ay lumitaw na ang dalawang dinukot na environmental activist na sina Jonila Castro and Jhed Tamano, na umano'y sumuko sa mga militar, subalit dinukot pala.” Sabi naman ni Ingrid na kasapi ng isang organisasyon sa karapatang pantao.

Sumabat si Inggo. “Ay, napakaraming mga isyung dapat gunitain, daluhan, ralihan. Di pa natatapos ang pagkilos kahit tumanda na tayo, dahil di pa rin nakakamit ng bayan ang hustisyang panlipunan. Kaya sa SONA, na taon-taon na lang nating ginagawa, dadalo pa rin tayo, at magsama pa ng iba. Hindi lang ang pangulong nangako ng bente pesos na bigas, na ngayon nga ay P20 kada 1/3 kilo ng bigas, ang ating pupunahin, kundi ang isyu ng impeachment kay Inday Lustay.”

“Pilit na itinatago ng mga senador ang katotohanan. Pilit nilang ikinukubli ang pandarambong sa kaban ng bayan ng isa sa matataas na hinalal pa naman ng taumbayan. Ganyan ba ang nais nating maging lider sa hinaharap?” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Igme sa mga kaharap na kanyang kaumpukan sa karinderya ni Ingrid.

“Paano pa pag naging pangulo ang ganyan? Aba’y sakit sa ulo ng bayan. Gayunman, kung mapapabilis naman ang rebolusyon upang mabago na ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga oligarko, aba’y sige lang. Ang mabago ang sistemang ito ang nais kong maabutan bago man lang ako mamatay.” Medyo emosyonal na sabi ni Isay.

Nagtanong si Igme, “Paano tayo maghahanda sa SONA? Paano natin mapapasama ang iba, na alam talaga ang isyu ng bayan? At hindi lang basta sumama, at yaon bang hindi na magtatanong kung mayroon bang pamasahe. Bagamat kailangan talaga natin iyan.”

Sumagot si Ilya, “Magagawan naman ng paraan ang pamasahe. Ngunit dapat ay maipaunawa natin sa masa ang mga isyu ng bayan na tatama sa kanila. Tulad na lang ng Republic Act 12216 na nilagdaan ng pangulo nitong Mayo 29, na ang mga nasa relokasyon ay maaari nang paalisin ng National Housing Authority dahil binigyan na ito ng police power upang magdemolis nang di daraan sa korte at magbigay ng notice ng sampung araw lang. Sa UDHA (Urban Development and Housing Act), tatlumpung araw ang binibigay sa mga maralita bago idemolis.”

“Sige, sige,” ani Igme, “ipunin natin ang mga isyung ilalatag natin sa SONA, at paghandaan din natin ang ating ambag, tulad ng pamasahe at pagkain sa mga padadaluhin natin. Bago iyon, maglunsad muna tayo ng talakayang edukasyunal hinggil sa mga isyung kinakaharap ng bayan.”

“Kailan naman iyan?” Tanong ni Ingrid. “May padadaluhin ako.”

“Teka,” sabi ni Isay, “idagdag natin sa isyu iyang political dynasty at oligarkiya dahil ilan iyan sa dahilan kung bakit napagsasamantalahan ang maliliit. Pati iyang kaisipang ayuda upang iboto sila ng mahihirap.”

“Tama, Isay, isama natin ang isyung iyan. Sa Sabado, alauna ng hapon natin ilunsad ang pulong at talakayang edukasyunal. Imbitahan natin si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) upang magtalakay sa atin. Ayos ba sa inyo?”

Sumagot ang marami, “Ayos!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2025, pahina 18-19.