Biyernes, Nobyembre 14, 2025

Maraming salamat, Sierra Madre!


MARAMING SALAMAT, SIERRA MADRE!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang supertyphoon ang nanalasa sa bansa nitong Nobyembre lang. Nitong Nobyembre 2 nang manalasa ang bagyong Tino at petsang Nobyembre 8-10 naman ang bagyong Uwan. At naging paksa iyon ng usapan ng magkaklase, lalo na ang Sierra Madre na kilalang tanggulan ng bansa laban sa mga bagyo.

"Uy, alam n'yo ba?" sabi ni Lina kina Lara, Lani at Lorna.

"Ang alin?" agad na tanong ni Lara.

"May Sierra Madre palang pelikula si FPJ at Sierra Madre rin ang titulo ng bantog na kanta ni Coritha." Ani Lina.

"Ay, ganuon ba? Talaga palang kilala ang Sierra Madre, di lang noon, kundi ngayong nanalasa ang dalawang matitinding bagyo sa atin, ang Tino at ang Uwan." Sagot naman ni Lani.

“Meron pa,” tanong muli ni Lina. “Alam n'yo rin bang may Presidential Proclamation No. 413 na nagdedeklarang ang Setyembre 26 ng bawat taon bilang Save Sierra Madre Day. Nilagdaan ito ng dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 19, 2012, bilang pag-alala sa bagyong Ondoy at pagligtas ng Sierra Madre sa atin.”

“Parang pinangalan sa Save Sierra Madre Network, ah. ‘Yun bang sinamahan natin noong 2009 na Lakad Laban sa Laiban Dam.” Ani Lani.

“Napag-aralan naman natin sa agham na naipagtatanggol tayo ng 540-kilometrong bulubundukin ng Sierra Madre sa matitinding bagyo. Gayunman, may mga sumasalungat dito, tulad ng Amerikanong storm chaser na si Josh Morgerman, na nakadestino sa Baler, Aurora upang subaybayan ang Uwan at sinabi sa kanyang Facebook page na ang Sierra Madre ay hindi nagpapahina sa bagyo mula simula.” Ani Lina.

“Para siyang climate denier na nais lang guluhin ang bansa upang maagaw nila ang mineral sa Sierra Madre,” tugon naman ni Lara. “Ano pa bang aasahan mo sa mga dayuhan, lalo na’t baka pakawala ng mga kapitalista? Ang mabuti pa’y aralin din natin ang agham niyan at alamin mula sa karanasan ng mga matatanda at mga katutubo ng Sierra Madre ang buting idinulot nito, lalo na sa panahon ng bagyo.”

Sumagot si Lorna, “Ang Sierra Madre bilang tagapagtanggol laban sa matitinding bagyo ay isang kuwentong kasingtanda na ng panahon. Ayon sa isang alamat, si Inang Sierra ay lubos na pinoprotektahan ang kanyang dalawang anak na lalaking sina Iloco at Tagalo. Nang patayin ng kanyang manliligaw, si Bugsong Hangin (ang hari ng mga hanging silangan), ang mandirigmang minamahal niya, si Lusong, ihinarap ni Sierra ang kanyang dalawang anak na lalaki at pinrotektahan sila mula sa mga pag-atake ni Bugsong Hangin gamit ang kanyang likuran.”

Ito naman ang tugon ni Lina, “May ilang pananaliksik din talagang nagsasabi hinggil sa agham, tulad ng natuklasan nina Gerry Bagtasa at Bernard Alan Racoma ng Unibersidad ng Pilipinas.”

“Bakit? Ano naman ang nasaliksik nila?” Tanong ni Lara.

Tumugon si Lina, “Sa pagsusuri sa 45 bagyong tumama sa Luzon mula 2000 hanggang 2022 gamit ang mga bagong modelo ng pananaliksik at pagtataya ng panahon, natuklasan nina Gerry Bagtasa at Bernard Alan Racoma ng Unibersidad ng Pilipinas na ang pagdaan ng bagyo sa Sierra Madre ay hindi nagpapahina sa bagyo – na nagmumula sa silangan at kumikilos pakanluran – bago tumama sa lupa at sa unang anim na oras ay tumatawid ito sa lupa.”

“Matinding agham iyan na talagang dapat pa nating aralin at suriin. Anuman ang kanilang saliksik, ang mahalaga ngayon,” ani Lorna, “ay naipagtatanggol tayo ni Inang Sierra Madre. At pasalamatan natin siya sa kanyang mga ginawang pagprotekta sa atin. Panahon naman na tayo ang magprotekta sa kanya laban sa mga sumisira ng kanyang kagubatan at kabundukan.” Agad siyang nagtulos ng kandila sa tabi ng isang puno.

“Bakit ka nagtulos ng kandila riyan?” Tanong ni Lani.

“Tara. Magsindi rin kayo ng kandila.” ani Lorna, “Pasalamatan natin si Inang Sierra Madre sa kanyang tungkuling pangalagaan tayo.”

Nagsindi rin ng kandila ang mga kausap niya. At sabay-sabay silang nagsabi ng “Maraming salamat, Sierra Madre!”

Isang pagkakataon iyon upang muli nilang itaguyod ang marangal na misyong alagaan ang Sierra Madre, at manawagan din sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang pangalagaan ang nasabing kabundukan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2025, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 29, 2025

Bubonic Plague, Pied Piper, Lestospirosis, at mga pagbaha dahil sa mga palpak na flood control projects

BUBONIC PLAGUE, PIED PIPER, LESTOSPIROSIS, AT MGA PAGBAHA DAHIL SA MGA PALPAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nanalasa nitong mga nakaraan ang mga bagyong Emong, Fabian, katukayong bagyong Gorio, Huaning, at Isang. Nagbaha ang maraming kalsada sa kalunsuran na bunsod upang imbestigahan sa Senado ang mga umano’y palpak at pinagkaperahang flood control projects ng DPWH. Kaya sa karinderya ni Aling Isay na binaha ay napapag-usapan nila ang palpak na flood control projects na dahilan ng baha, at pagkalat ng lestospirosis na umano’y galing sa ihi ng daga na humalo sa baha.

“Napakasakit. Bukod sa gastos ay nagka-leptospirosis pa ang anak ko dahil lumusong sa baha sa kasagsagan ng bagyong Isang. Gusto kasing bumili ng tsokolate sa tindahan kaya lumusong sa baha nang walang suot na bota. Tsk, tsk, ang batang iyon talaga, oo! Dinala ko sa klinik sa barangay. Kauuwi lang namin.” Himutok ni Mang Igme.

Sumagot si Isay, “Naku! Matindi iyang lestospirosis dahil humalo ang ihi ng daga sa baha. Naalala ko tuloy ang istorya ng Bubonic Plague sa Europa kung saan milyon-milyong katao ang namatay. Ang bubonic plague ay isang impeksiyon na kadalasang kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng mga nahawaang pulgas na kumakapit sa mga daga. Tinawag nga iyong Black Death, dahil pinatay nito ang nasa 75 milyong Europeano noong Middle Ages, ayon sa nabasa ko.”

Napangiti si Inggo, “Ang husay mo pala sa kasaysayan. Baka diyan din nagsimula ang istorya ng Pied Piper of Hamelin, na ang mga dagang nanalasa sa isang bayan ay inakit niya ng pagtugtog ng musika sa  trumpeta hanggang mahulog sa tubig ang mga daga’t namatay.”

“Teke, bibili lang ako ng niresetang gamot kay Ines. Naubusan kasi sa barangay dahil sa dami ng tinamaan ng lestospirosis.” Sabi ni Igme. “Punta muna akong botika. Kaya kasi nagbaha ng ganyan ay hindi pa dahil sa pagbabara ng mga kanal dahil sa basura natin, eh. Kundi dahil sa mga palpak na flood control project ng gobyerno. Sige, alis muna ako.”

Sumagot si Ingrid, na kaharap si isay sa upuan sa karinderya, “Ingat kayo, medyo baha pa. Buti nakabota na kayo. Sana, gumaling na si Ines.”

Si Inggo uli, “Mabuti’t binanggit ni Igme ang mga flood control na iyan. Aba’y meron daw mga ghost flood control. Nasa papel ngunit sa aktwal ay wala naman. Kaya iyan ang ikinagalit ng pangulo sa SONA.”

“Aba’y hindi lang pangulo ang dapat magalit diyan, kundi tayong mga mamamayan. Aba’y buwis natin ang ipinanggastos diyan, tapos palpak, tapos kinurakot, tapos wala palang proyekto, guniguning proyekto lang pala. Sino ang kawawa? Tayong taumbayan! Dapat may managot diyan!” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Ingrid.

Biglang dumating si Isko, ang kapatid ni Igme at tiyuhin ni Ines. “Nasaan si Igme? Ang taas na ng lagnat ni Ines. Dalhin natin sa ospital.”

Buti’t dumating si Igor, sakay ng kanyang traysikel. Kakain sana siya sa karinderya dahil gutom na. Subalit tumulong na rin siyang dalhin si Ines sa ospital. Sumama na rin sina Isay, Isko, at Ime, na asawa ni Igme.

“Ingrid, ikaw muna ang bahala sa karinderya.” Bilin ni Aling Isay.

“Opo.” Sagot ni Ingrid habang papaalis ang traysikel.

Tangan ni Inggo ang isang pahayagan, “Nakupo! Sana’y maagapan si Ines. Delikado talagang basta lumusong sa baha. Aba’y dito nga sa pahayagang Remate na may petsang Agosto 8, 2025, ibinalita nga, ‘Patay sa leptospirosis sa San Lazaro Hospital sumipa na sa 13.’ kaya sana nga’y maagapan pa si Ines.”

“Iyan kasing mga flood control project na palpak at mga ghosts projects ang dahilan ng mga pagbahang iyan. Hindi inaayos, kinukurakot lang ng mga damuho sa DPWH. Aba’y makinig kayo sa radyo at talagang manggagalaiti ka. Lalo na pag may nangyari riyan kay Ines.” Ani Ingrid.

“Buksan mo nga ang radyo, Ingrid, nang makapakinig tayo ng balita.” Ani Inggo. Subalit dumating na si Igme at ibinalita ni Ingrid na dinala na sa ospital si Ines. Dahil sa nabalitaan, agad nang umalis si Igme patungo sa ospital.

Ilang sandali pa ay dumating na si Aling Isay, “Iko-confine muna sa ospital si Ines upang maobserbahan. Nagbabantay si Ime kay Ines.”

“Sana po ay walang mangyaring masama kay Ines.” Ani Ingrid. “At sana po, mapanagot ang mga walanghiyang gumawa ng mga palpak na flood control projects. Dahil taumbayan ang kanilang pinuperwisyo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2025, pahina 18-19.

Martes, Hulyo 29, 2025

RA 12216 (NHA Act of 2025), panibagong laban ng maralita


RA 12216 (NHA ACT OF 2025), PANIBAGONG LABAN NG MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagbabaga tulad ng araw ang kinakaharap na panibagong laban ng maralita. Kaya narito na naman ang mga magkakapitbahay na sina Igme, Igor, Isay at Ingrid upang pag-usapan ang panibagong batas na nilagdaan ni BBM nito lang Mayo 29, 2025. Nababahala sila dahil baka bigla silang mademolis at mawalan ng tirahan ang kanilang mga anak.

“Matinding laban na naman nating maralita itong Republic Act 12216. Iyon bang bagong National Housing Authority Act of 2025.” Ani Igme habang napatingin sa kanya ang mga kausap.

“Oo nga, e,” ani Isay, “dahil may probisyon doon na kung hindi raw tayo makakabayad sa pabahay ng NHA, aba’y sampung araw lang ang ibinibigay nila, batay sa batas, upang lisanin natin ang ating tahanan.”

Sumabat si Igor, “Dagdag pa riyan, binigyan na ng police power ang mismong NHA na magdemolis nang hindi na dadaan pa sa korte.”

“Lintik na! Nasaan ang probisyong iyan? Pabasa nga.” Ani Ingrid.

“Teka, hanapin ko,” Sabi ni Isay, “Eto, nasa Seksyon 6, numero IV, titik d. Basahin ko: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the necessity of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot, apartment, or dwelling unit from government resettlement projects, as well as properties owned or administered by it. In all these cases, proper notice of ejectment, either by personal service or by posting the same on the lot or door of the apartment, as the case may be, shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at least ten (10) days before the scheduled ejectment from the premises. Diyan malinaw ang sinabi ni Igor na may police power to demolish na ang NHA. Anong gagawin natin pag binigyan lang tayo ng sampung araw bago idemolis?”

Si Ingrid uli, “Aba’y sa UDHA ay tatlumpung araw ang ibinibigay, ah? Bakit nagkaganyan? Grabe naman ang batas na iyan?”

Si Igme, “Palagay ko, dahil hindi napilit magbayad sa NHA ang mga may delingkwenteng bayarin, kahit na may RA 9507 o Condonation and Restructuring Act of 2008, napilitan silang gawing marahas ang batas, nang mapilitang magbayad ang maralita. Negosyo na kasi ang pabahay.”

“Kaya nga maralita, e, saan naman kukuha ng pambayad ang mga maralitang isang kahig, isang tuka? Dapat tinanong muna nila ang mga maralita kung bakit hindi nakakabayad. At dapat iyon muna ang unahin. Kung may regular na trabaho lang ang maralita, hindi iyan magtitiis sa iskwater manirahan. Dapat lutasin muna ng pamahalaan na hinalal natin kung paano lulutasin ang kahirapan.” Sabi ni Igor.

Sumabat ang nanggagalaiting si Ingrid. “Karapatan ninuman ang pabahay. Pag tinanggalan ka ng bahay, aba’y giyera patani talaga. Pabahay nga ang isang karapatan ng bawat tao, tapos tatanggalan ka ng bahay. Aba’y maghahalo talaga ang balat sa tinalupan!”

Si Inggo naman ang nagsalita, “Kumbaga, wala na ang due process sa pagsasagawa ng demolisyon, lalo na’t tatamaan ang mga nasa relokasyon. Kung walang due process, paglabag sa karapatang pantao. Dinemolis ka na dati at naitapon sa malayong relokasyon. Ngayong nasa relokasyon ka na'y idedemolis ka ulit, dahil hindi ka nakabayad sa NHA ng iyong pagkakautang. Ibig sabihin, wala nang PDC o Pre-Demolition Conference at LIAC (Local Inter-Agency Committee) na dapat daanan bilang bahagi ng due process bago magdemolis. Kaya nakababahala ang batas na ito para sa mga maralita. Dapat nang magkaisa tayong maralita upang labanan ang tindi ng batas na itong magpapalayas sa atin.”

“Ang mabuti pa, magpatawag tayo ng pulong ng ating mga magkakapitbahay upang pag-usapan ang bagong batas na ito!’ Ani Igme.

“Sasama ako sa pulong na iyan upang maliwanagan tayo. At kung maaari, mag-imbita rin tayo ng taga-NHA upang ipaliwanag kung ano talaga ang balak nila sa ating mga maralita.” Sabi naman ni Isay.

“Dadalo rin ako sa ipapatawag na pulong.” ani Igor, “May hindi kasi sinasagot ang pamahalaan, o ang NHA. Ang pabahay na ibinigay ay hindi makakain ng maralita. Kaya ang tendensiya babalik ang dinemolis sa pinanggalingan dahil naroroon ang hanapbuhay. Kumakalam na sikmura ang unang inaatupag ng maralita, imbes pabahay na di niya mangata.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 16-31, 2025, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 14, 2025

Tortyur, desaparesidos, impeachment at ang paghahanda sa SONA

TORTYUR, DESAPARESIDOS, IMPEACHMENT AT ANG PAGHAHANDA SA SONA 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan, Hulyo 11, 2025, ay nagsagawa ng pagkilos ang iba’t ibang samahan at ginunita ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano, apatnapung taon na ang nakararaan. At nagkakwentuhan ang ilang sumama roon pagkauwi na nila sa kanilang lugar. 

“Katatapos lang ng aktibidad natin noong Hunyo 26 dahil ginunita natin ang mga biktima ng tortyur. At nabanggit na may ilang kaso na, tulad ng pulis na nangtortyur kay Jeremy Corre, ay nakasuhan. Ang Hunyo 26 kasi ay International Day in Support of Victims of Torture. At dahil ilan sa atin ang nakaranas ng tortyur noong tayo’y talubata pa, ay isa ako sa nagsalita.” Ani Igme.

Sumagot si Isay, “Oo nga, marami kasi tayong karanasan sa diktadurang Marcos noong araw, at heto. Bukod sa tortyur ay ginunita rin natin ang pagkawala ni Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez na nadukot noong Hunyo 11, 1985. Tapos maghahanda rin tayo sa SONA dahil sa samutsaring isyung kinakaharap ng taumbayan.”

“Ako nga, hindi ko pa napapanood ang pelikulang Alipato at Moog na tungkol sa pagkawala ni Jonas Burgos, na umano’y dinukot noong 2007. Nariyan din ang pagkawala ng mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong Hunyo 26, 2006, ayon sa ulat. Buti na lang ay lumitaw na ang dalawang dinukot na environmental activist na sina Jonila Castro and Jhed Tamano, na umano'y sumuko sa mga militar, subalit dinukot pala.” Sabi naman ni Ingrid na kasapi ng isang organisasyon sa karapatang pantao.

Sumabat si Inggo. “Ay, napakaraming mga isyung dapat gunitain, daluhan, ralihan. Di pa natatapos ang pagkilos kahit tumanda na tayo, dahil di pa rin nakakamit ng bayan ang hustisyang panlipunan. Kaya sa SONA, na taon-taon na lang nating ginagawa, dadalo pa rin tayo, at magsama pa ng iba. Hindi lang ang pangulong nangako ng bente pesos na bigas, na ngayon nga ay P20 kada 1/3 kilo ng bigas, ang ating pupunahin, kundi ang isyu ng impeachment kay Inday Lustay.”

“Pilit na itinatago ng mga senador ang katotohanan. Pilit nilang ikinukubli ang pandarambong sa kaban ng bayan ng isa sa matataas na hinalal pa naman ng taumbayan. Ganyan ba ang nais nating maging lider sa hinaharap?” Ito ang nanggagalaiting sabi ni Igme sa mga kaharap na kanyang kaumpukan sa karinderya ni Ingrid.

“Paano pa pag naging pangulo ang ganyan? Aba’y sakit sa ulo ng bayan. Gayunman, kung mapapabilis naman ang rebolusyon upang mabago na ang bulok na sistemang pinaghaharian ng mga oligarko, aba’y sige lang. Ang mabago ang sistemang ito ang nais kong maabutan bago man lang ako mamatay.” Medyo emosyonal na sabi ni Isay.

Nagtanong si Igme, “Paano tayo maghahanda sa SONA? Paano natin mapapasama ang iba, na alam talaga ang isyu ng bayan? At hindi lang basta sumama, at yaon bang hindi na magtatanong kung mayroon bang pamasahe. Bagamat kailangan talaga natin iyan.”

Sumagot si Ilya, “Magagawan naman ng paraan ang pamasahe. Ngunit dapat ay maipaunawa natin sa masa ang mga isyu ng bayan na tatama sa kanila. Tulad na lang ng Republic Act 12216 na nilagdaan ng pangulo nitong Mayo 29, na ang mga nasa relokasyon ay maaari nang paalisin ng National Housing Authority dahil binigyan na ito ng police power upang magdemolis nang di daraan sa korte at magbigay ng notice ng sampung araw lang. Sa UDHA (Urban Development and Housing Act), tatlumpung araw ang binibigay sa mga maralita bago idemolis.”

“Sige, sige,” ani Igme, “ipunin natin ang mga isyung ilalatag natin sa SONA, at paghandaan din natin ang ating ambag, tulad ng pamasahe at pagkain sa mga padadaluhin natin. Bago iyon, maglunsad muna tayo ng talakayang edukasyunal hinggil sa mga isyung kinakaharap ng bayan.”

“Kailan naman iyan?” Tanong ni Ingrid. “May padadaluhin ako.”

“Teka,” sabi ni Isay, “idagdag natin sa isyu iyang political dynasty at oligarkiya dahil ilan iyan sa dahilan kung bakit napagsasamantalahan ang maliliit. Pati iyang kaisipang ayuda upang iboto sila ng mahihirap.”

“Tama, Isay, isama natin ang isyung iyan. Sa Sabado, alauna ng hapon natin ilunsad ang pulong at talakayang edukasyunal. Imbitahan natin si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) upang magtalakay sa atin. Ayos ba sa inyo?”

Sumagot ang marami, “Ayos!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2025, pahina 18-19.

Huwebes, Agosto 29, 2024

Nang minsang mapadaan sa marker ni Kian Delos Santos, biktima ng EJK

NANG MINSANG MAPADAAN SA MARKER NI KIAN DELOS SANTOS, BIKTIMA NG EJK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napadaan ako sa isang simbahan sa Kalookan dahil sa nakatakdang aktibidad ng aming samahan, at habang naghihintay sa mga kasamang hindi pa nakararating ay nakita ko ang marker na inilagay doon hinggil sa pagpaslang sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos.

Mula pa nang magsimula ang administrasyong Digong ay naging madugo na ang lansangan ng kalunsuran. Dahil na rin sa pananalita ng pangulo sa unang araw pa lang ng panunungkulan. Dapat mawala na ang mga adik na tingin niya’y walang karapatang mabuhay sa mundo.

At isa nga sa naging biktima ay ang estudyanteng si Kian Delos Santos, na sinasabi’y napagkamalan o kaya’y nanlaban kaya pinaslang. Isa umanong inosenteng biktima ng war on drugs ni Digong.

Ayon sa ulat sa mga balita, napaslang noong Agosto 2017 ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Kalookan na sinasabing dapat ay protektor ng mamamayan. Gabi iyon nang makuha si Kian ng mga pulis sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagmamakaawa pa si Kian na mapakawalan dahil iniisip niya ang kanyang exam kinabukasan: “Huwag po, may exam pa po ako bukas”. 

Subalit sawimpalad na napatay ang estudyanteng si Kian. Mabuti na lamang at may CCTV sa lugar na siyang naging ebidensya laban sa mga pulis. Nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sanhi ng kamatayan ni Kian. Gayunman, napakarami pa ring walang hustisya at patuloy pa rin ang mga patayan kaugnay sa kampanyang war on drugs.

Sa panahong iyon ng tokhang, o toktok bangbang, maraming basta na lamang pinaslang nang walang due process o wastong proseso ng batas. Nakilala ko ang ilan sa mga nanay ng mga namatayan dahil sa naging aktibo ako sa kilusan para sa karapatang pantao.

Tagos sa puso’t isipan ko ang mga nakasulat sa marker ni Kian: “SA ALAALA NI KIAN DELOS SANTOS

“Sa alaala ni Kian Delos Santos, 17 taong gulang, na naging biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. 160, Caloocan City. Si Kian ay pinaslang sa araw ng kapistahan ni San Roque, Patron ng Diocese of Kalookan. Isa lamang siya sa 81 katao na pinatay sa loob ng apat na araw (Agosto 15-18, 2017) sa Kalakhang Maynila. Ayon sa talaan,  libu-libo  na ang mga mamamayang naging  biktima  ng patuloy na itinataguyod na giyera sa ilegal na droga ng kasalukuyang pamahalaan. Ang marahas at abusadong pamamaraan na ito ay taliwas sa pananampalatayang Kristyano ukol sa dangal ng buhay ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.”

“Nawa ang panandang ito ay magsilbing alaala sa mga buhay na pinaslang, mga asawang nabalo at mga anak na naulila. Nawa'y antigin ng Diyos ang budhi ng mga nasa kapangyarihan upang matigil na ang pagpatay, masimulan na ang paghilom ng mga kababayang biktima ng adiksyon sa droga, at makamtan ang tunay na katarungan para sa lahat.”

Matapos kong basahin iyon ay nakita ko na ang aking mga kasama upang simulan na namin ang aming aktibidad. Subalit sa aking pag-iisa ay aking napagninilayan ang nakasulat sa marker na nagpatibay pa sa aking pagtaya o commitment bilang aktbista para sa karapatang pantao. At bilang makata ay nakapagsulat ako ng maraming tula hinggil sa EJK o sa extrajudicial killings na balang araw ay nais kong malathala bilang ambag sa panawagang hustisya ng mga namatayang pamilya, at sa panawagang due process kung may pagkakasala. Sana’y wala nang mga salvagings at EJK sa hinaharap. At wala na ring nagdudroga dahil naisip nilang hindi iyon ang kasagutan sa anumang problema.

Mabuti’t napadaan ako sa marker na iyon na nagbigay sa akin ng bagong alab at inspirasyon bilang makata at aktibista upang ipagpatuloy na ipaglaban ang pangarap na kamtin ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 29, 2024

Bigong-Bigo ang Masa

BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.

Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”

Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”

Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”

“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”

“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”

“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.

“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.

“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.

Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang  tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.” 

Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 19, 2024

Budul-Budol sa Maralita

BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).

Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.

Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.

Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”

Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”

Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”

“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”

"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."

Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"

Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”

“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 14, 2024

Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hunyo 30, 2024

Tax the Rich, Not the Poor! Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!

TAX THE RICH, NOT THE POOR!
KAHIRAPAN WAKASAN! KAYAMANAN BUWISAN! 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan lang iyon sa mga islogan sa plakard na aking nakita nang ako’y dumalo sa isang Wealth Tax Assembly ngayong taon: “Tax the Rich, Not the Poor!” “Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!” Subalit dalawang taon na ang nakararaan, sa kampanyahan ng Halalan Pampanguluhan 2022 ko pa unang nabatid ang hinggil sa wealth tax. Isa iyon sa plataporma ng noon ay tumatakbo para maging pangulo ng Pilipinas, si Ka Leody de Guzman, isang kilalang lider-manggagawa.

Mataman akong nakinig sa asembliyang iyon kung saan mula sa iba’t ibang saray ng sagigilid o marginalized sector ang tagapagsalita. Ilan sa mga naging tagapagsalita ay sina Tita Flor ng Oriang na grupo ng kababaihan, Ka Luke ng BMP, Rovik ng Freedom from Debt Coalition (FDC), Sir Benjo mula sa Teachers Dignity Coalition (TDC), ang lider kabataang si John na ngayon ay nasa Asian People’s Movement on Debt and Development (APMDD), si Jing mula sa Women, si Paolo sa kalusugan, ako sa maralita, at umawit din ang grupong Teatro Pabrika.

Maghapon iyon, at nang mag-uwian na ay nagkausap kami nina Mang Igme, Aling Isay, Mang Inggo, Aling Ines, Mang Igor, at Aling Ising, na pawang mga lider-maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Animo’y pagtatasa iyon malapit sa sakayan ng dyip mula UP patungong Philcoa.

“Alam n’yo, mga kasama, “ panimula ni Mang Igme. “Tama naman na magkaroon tayo ng ganitong pag-uusap hinggil sa wealth tax. Aba’y minsan nga, nababalitaan natin na hindi raw nagbabayad ng tamang tax ang mga bilyonaryo, tulad ni Lucio Tan. Habang tayong nagdaralita ay nagbabayad pa rin ng buwis, kahit indirect tax tulad ng 12% VAT sa bawat produkto, na siya ring binabayaran ng mayayaman sa bawat produkto. Aba’y hindi yata patas ang ganoon,”

Sumagot si Aling Isay, “Natatandaan ba ninyo noong nakaraang halalan, nang binanggit ni Ka Leody na plataporma niya ang wealth tax, aba’y agad tinutuian iyon ng Makati Business Club, na isa sa malalaking grupo ng mayayamang negosyante sa ating bansa. Ibig sabihin, talagang matindi ang isyu ng wealth tax na iyan pagkat kukunan ng pera ay ang mga mayayaman. Ano ba namang kunan sila ng malaking buwis ay hindi naman nila mauubos iyon sa buong buhay nila?!”

“Para bagang tinamaan ang kanilang sagradong pag-aaring pribado, kaya sila umaaray!” Sabi ni Aling Ising.

“Sinabi mo pa,” sabat naman ni Mang Inggo, “Kaya bukod sa 4PH na di naman makamaralita, iyang wealth tax ang maganda nating maibabahagi sa mga kapwa maralita na dapat nating ipaglaban!”

Nagtanong si Aling Ines, “Subalit paano ba natin maikakampanyang magkaroon ng wealth tax sa mga tao nang malaliman at tagos sa puso, upang maunawaan talaga nila? Eh, ako nga’y di pa malalim ang kaalaman diyan.”

Sumagot si Mang Igme, “Sa ngayon, gagawa muna tayo ng polyeto, at magbibigay ng mga pag-aaral, na matatalakay natin sa mga pulong ng samahan. Isasama natin ang wealth tax sa kursong Aralin sa Kahirapan (ARAK), maging sa kursong Puhunan at Paggawa (PAKUM), Landas ng Uri (LNU), at PAMALU (Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod). Bigyan natin ito ng dalawang linggo upang matapos, at sa ikatlong linggo ay mag-iskedyul na tayo ng mga pag-aaral sa mga kasaping lokal na organisasyon (LOs). Ayos ba sa inyo iyan?”

“Tutulong ako sa pagpa-repro ng polyeto.” Sabi ni Mang Igor.

“Baka nais mong tumulong na rin sa paggawa ng mga metakard para sa pag-aaral dahil wala tayong projector na ginagamit ng mga guro natin. Ayos ba sa iyo, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Sige po, tutulong po ako riyan. Nais ko na po talagang umpisahan na iyan. Maraming salamat po sa tiwala.”

Maya-maya ay may dumating nang dyip patungong Philcoa at sabay-sabay na kaming sumakay. Si Mang Igme ang taya sa pamasahe.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 29, 2024

Hindi Haka-Haka ang Kahirapan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

HINDI HAKA-HAKA ANG KAHIRAPAN

Nabalita sa mga komunidad ng maralita ang sinabi ni Larry Gadon, ang itinalaga ni BBM bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation o PAPA, na haka-haka lang daw ang kahirapan. Katwiran niya, hindi totoong naghihirap ang mga Pilipino, dahil malaki raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang.

Inihalimbawa ni Gadon, kaya niya nasabing haka-haka ang sinasabing naghihirap daw ang mga Pilipino ay ang pagdagsa ng mga tao sa mall, at lagi raw puno ang mga fastfoods. Napakarami rin daw ng mga sasakyan sa kalsada. Dahil sa dami ng sasakyan, kaya nagtatrapik. Kaya sabi ni Gadon, maganda raw ang ekonomiya. Kaya haka-haka lang daw ng marami ang tungkol sa kahirapan. Hindi raw totoong may naghihirap.

Napag-usapan iyon sa maraming komunidad ng maralita. Tulad ng napag-usapan ng mga maralita sa Navotas. Ani Mang Igme, “Malala na ang kahirapan sa bansa ay mas malala pa itong si Gadon. Kung wala nang mahihirap sa bansa ay dapat na siyang umalis sa pwesto dahil ano pang silbi ng kanyang opisina kung wala na palang naghihirap?”

Sumagot din si Aling Isay, “Aba’y hindi siya bumababa sa komunidad at nasa de-erkon lang siyang opisina. Hindi ba niya nakikita ang mga nakatira sa ilalim ng tulay na tinatawag na bat people, at mga walang bahay na nakatira lang sa mga kariton? Habang hindi niya sinasabing may naghihintay na mga maralita sa mga tirang pagkain ng mga kostumer sa fastfood tulad ng Jollibee at McDo upang gawing pagpag. O yaong lulutuin muli ng maralita ang tinapong pagkain upang kanilang kainin. Iyan ba ang haka-haka lang ang kahirapan? ”

Pati si Mang Inggo ay napatanong, “Anong batayan niya kundi ang datos na hindi natin nararamdaman. Bumaba raw ang poverty rate mula  24.7% sa 23.4% subalit baka ang mga numerong ito’y haka-haka lamang, dahil di natin alam paano nila ito sinukat kaya di natin ramdam.”

Nagmungkahi naman si Aling Ising, “Mabuti pa’y maglakad-lakad siya sa komunidad ng maralita. Baka lagi na lang siyang nakakotse at di sumasakay ng dyip. Baka nga kaya hindi siya makatapak sa mga lugar ng iskwater ay nandidiri siya sa ating mga mahihirap. Bumaba siya upang makita talaga niya ang totoong kalagayan nating mga mahihirap!”

“Maganda ang mungkahi ni Aling Ising,” ani Mang Igme, “Bakit hindi natin siya hamuning bumaba sa mga tinatawag na slum area upang makita niya ang totoong kalagayan ng mga maralita.”

“Paano?” Tanong ni Aling Isay.

“Kausapin natin sina Ka Kokoy ng samahang KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod upang ralihan si Larry Gadon, at hamunin siyang bumaba sa ating mga lugar.”

“Bakit pa? Sisikat lang iyon! Sinupalpal na nga iyan ni Ka Luke Espiritu sa debate, papatulan pa natin?” Sabi naman ni Mang Inggo.

“Oo nga.” Susog ni Aling Isay.

“Nais kasi nating ilantad pa siyang lalo, na ang tulad niya’y hindi dapat malagay sa pwesto sa gobyerno. Pupuntahan ko muna si Ka Kokoy bukas din.” Ani Mang Igme.

Kinabukasan, pagtungo ni Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa palengke ay pinag-usapan nila ito. Nabatid ni Mang Igme, na nagpadala na si Ka Kokoy ng pahayag sa midya na hindi totoo ang sinasabi ni Gadon na wala nang mahihirap. Iba pa kung maglulunsad sila ng pagkilos, tulad ng rali sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Napag-usapan nilang magkaroon muna ng talakayan at pag-aaral sa iba’t ibang lugar bago maglunsad ng pagkilos, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan) LSK2 (Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran), at iba pang isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay. 

Gayunman, nais pa rin ni Mang Igme na maikasa ang isang pagkilos upang tuligsain ang sinabi ni Gadon. Kaya napapayag si Ka Kokoy sa kanyang suhestiyon. Matapos ang pag-uusap, nagtakda na sila ng pagkilos sa Miyerkules sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Dumating ang araw ng Miyerkules, nasa limampung maralita ang lumahok sa pagkilos. Nagsalita si Mang Igme gamit ang megaphone.

“Sekretaryo Gadon, hinahamon ka naming pumunta sa lugar ng mga iskwater upang makita mo ang totoong kalagayan ng mahihirap!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Abril 29, 2024

Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?


NASAAN ANG URING MANGGAGAWA SA BANGAYAN NG MGA NAGHAHARING URI?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila wasak na ang UniTeam. Nagbabatuhan na sila ng baho. Tila ba sila’y naging UniThives na!” Ani Mang Igme sa isang umpukan ng mga kabarangay sa karinderya ni Aling Ines.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ni Inggo.

“Mantakin n’yo, ha? Nagpakawala na ng maaanghang na salita ang dating pangulo, dahil marahil malalim na ang epekto sa kanya ng imbestigasyon ng International Criminal Court na hinahayaan lang ng kasalukuyang pangulo. Aba’y tinanggal din ang confidential fund ng bise presidente na anak ng dating pangulo. Ginagamit pa ng isang paksyon ang isyu ng Charter Change, hindi pa dahil ayaw nilang madistrungka ang protectionist provision ng Konstitusyong 1987, kundi kung sino ang dapat tumimon dito. “ Mahabang litanya ni Mang Igme.

Sumabat si Aling Isay, “Halos lahat naman ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng ChaCha. Yaong mga tumututol ay hindi pa dahil mapagmahal sila sa bayan, kundi ang karibal na paksyon ang titimon at makikinabang diyan. Ang tanong lang natin: Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?”

Sumagot si Mang Igme, “Aba’y dapat namang makapwesto ang uring manggagawa sa ganyang bangayan. Tayong mga manggagawa ay dapat magkaisa upang tangayin na sa burgesya iyang kapangyarihang pampulitika. Subalit ang ChaCha ay hindi lamang itinutulak ng mga damuhong dinastiya, kundi ng oligarkiya o yung mayayamang indibidwal o pamilyang may kontrol sa ating ekonomya.”

“Masyado nang malalim ang pinag-uusapan ninyo. Hindi na ako makahabol, lalo na sa mga terminong, ano iyon? Oligarka, oligarkya, dinastiya? Yung isa pa, bu-burgisya? Tanong ko pa. Paano naman makakapwesto iyang uring manggagawa kung hindi naman ito nagkakaisa?” Tanong muli ni Inggo.

“Ang mabuti pa, maglunsad tayo ng talakayan hinggil diyan, at upang maiparating din natin sa ating mga kabarangay ang planong kilos-protesta laban sa ChaCha na ang makikinabang lang ay mga mayayaman, iyang tinatawag nating burgesya.” Ani Mang Igme.

“Payag ako. Kailan naman iyan?” Tanong ulit ni Inggo.

“Ayos ba sa inyo, Sabado ng hapon, alauna?” Tanong ni Mang Igme.

"Sige, darating ako." "Ako rin." "Mag-iimbita rin ako ng mga katropa." Iyan ang sunod-sunod na sabi nila na interesado sa paksa.

Dumating ang araw ng Sabado, nagkita-kita  ang mga naimbitahan. Agad na banat ni Mang Igme, "Kuntento na lang ba tayo na maging manonood na lang o tagapakinig na lang sa bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri? Parang telenobela na ang alitan na animo'y inililigaw lang nila tayo sa totoong mga isyu ng bayan. Nasaan na ang uring manggagawa sa mga bangayang iyan? Mayorya ng masang Pilipino ay mga manggagawa. Dapat may gawin sila upang makapwesto sa poder, at hindi magkunot-noo lang sa alitan ng mga naghaharing uri."

"Mukhang napakahaba ng iyong mga hinaing, kasama." Ani Igor. "Dapat talagang pag-usapan iyan, matagal nang pinagsasamantalahan ng mga trapo’t dinastiyang iyan, ng mga  elistista’t oligarkiyang iyan, tayong anakpawis na tingin nila’y mga ekstensyon lang tayo ng makina."

Nagsalita si Ingrid, “Kaylalalim naman ng mga hugot ninyo, na hindi agad maunawaan ng mananahi tulad ko.”

“Kaya nga tayo nagdaos ng ganitong pag-aaral, ay pulong pala, dahil maganda talagang maunawaan natin ang mga iyan.” Ani Isay.

Sumagot si Igme, “Sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, dapat makapwesto ang uring manggagawa sa unahan ng pakikibaka. Ibig sabihin, huwag na nating tangkilikin ang mga trapo sa halalan. Huwag iboto ang mga pahirap sa bayan. Patuloy lang tayong mag-organisa, bagamat wala na tayo sa unyon, at nasa komunidad ng maralita na tayo, ang mahalaga’y ang tinig at tindig ng manggagawa sa mga isyu ay umalingawngaw. Ano ang tingin sa sahod at tubo? 

Sabi naman ni Igor, “Ito pa ang mahalaga. Ipanalo natin ang mga manggagawang tumatakbo sa halalan, tulad sa Kongreso at Senado. Sakaling manalo sila’y magkaroon naman tayo ng matino sa gobyerno’t ipaglalaban ang ating kapakanan. Hanggang maagaw ng uring manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2024

Pagkilos para sa bayan at kinabukasan


PAGKILOS PARA SA BAYAN AT KINABUKASAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagtanong ang aking panganay na anak na si Malaya na nasa Grade 7 na, “Itay, bakit ba lagi kayo ni Inay sa rali. Nagpupunta kayo roon kahit mainit. Para saan po ba iyan, Itay? Dapat ba talaga sumasama kayo sa rali? Pati ako?”

Napilitan akong sumagot. “Tama ka, anak. Minsan, naisasama ka namin sa rali, lalo na’t walang mapag-iwanan sa iyo pag umalis kami ng bahay. Ang pagrarali, anak, ay tungkulin namin tungo sa pagmumulat sa masa upang sila’y magsikilos din, lalo na’t ang mga nakaupo sa gobyerno ay pawang mga tiwali, at kinukurakot ang kaban ng bayan.”

Nagtanong uli si Malaya, “Bakit hindi mga pulis at sundalo ang gumawa niyan para mapigilan na ang mga nangungurakot sa gobyerno? Bakit kayong karaniwang mamamayan, na wala namang kapangyarihan ang gumagawa niyan? Hindi ba kayo natatakot, Itay?”

“Alam mo, anak, bata pa kami ng iyong ina, ay kumilos na kami dahil nais naming lumaya ang bayan laban sa ganyang maling kalakaran. Sa kalaunan, pinag-aralan namin ang lipunan, bakit ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may bilyonaryong nabibilang lang sa daliri. Tamad ba kami, anak, kaya tayo mahirap, gayong kay-aga naming pumasok sa pagawaan, at nagsisipag kami upang maabot ang kota ng manedsment. Ginagawa namin ang lahat para sa inyong mga magkakapatid, upang mapag-aral kayo at hindi tayo sumala sa pagkain. Gayunman, kung may mga isyung panlipunang nakakaapekto sa atin, lalo na’t pamahal ng pamahal ang presyo ng pangunahing bilihin, tulad ng bigas na halos bente pesos na ang 1/3 kilo. Nariyan pa ang salot na kontraktwalisasyon na imbes regular na manggagawa ka na sa inyong kumpanya, at taon na ang binibilang, kontrakrwal ka pa rin. Anong klaseng sistema iyan, anak, na lagi na lang nanlalamang sa kapwa ang mga naghahari-harian sa ating lipunan> Masisisi mo ba kami, anak, kung kumilos kami at sumama sa malawakang rali upang dinggin naman ng pamahalaan ang aming mga hinaing?”

Si Malaya muli, “Nauunawaan ko na po, Itay. Tulad nina Jacinto at Bonifacio noon, na lumaban upang lumaya ang bayan natin mula sa mga mananakop na dayuhang mapag-imbot. Subalit, Itay, wala nang mga Kastila, subalit kayrami pa ring mahihirap. Paglaki ko po ba, magiging katulad din ba ako ninyo, na lumalaban pa rin sa kalsada?”

“Alam mo, anak, ang nais namin ng iyong ina, ay mapagtapos muna namin ng pag-aaral kayong magkakapatid. Bagamat lagi man kaming dumadalo sa mga pagkilos ng masa, ang mahalaga’y mabigyan muna namin kayo ng sapat na edukasyon. Hindi namin pinangarap na maging tulad namin kayo. Tulad din ng hindi namin pinangarap maging aktibista kundi dumaan iyon sa proseso. Sa eskwelahan noon, pataas ng pataas ang tuition fee. Nagtatrabaho na lang ang aming magulang upang habulin ang taas ng presyo ng matrikula. Kaya nararapat kaming tumutol bilang mga estudyante upang di naman mahirapan ang aming mga magulang na iginagapang talaga kami upang mag-aral.”

“Salamat, Itay, sa pagsagot sa mga tanong ko. Mag-aaral po kaming mabuting magkakapatid. At saka pag nakatapos, papasok agad ako sa kumpanya upang magtrabaho at makatulong sa inyo.”

“Subalit, huwag mong kalilimutan, anak, kung saan ka nanggaling. Halimbawang may nakita kang mali sa inyong kumpanya, alam kong mapipilitan ka ring organisahin ang iyong kapwa manggagawa upang mas gumanda pa ang inyong kalagayan doon. Higit sa lahat, anak, ito lang ang bilin ko, pag-aralan mo rin ang lipunan. Huwag kang maging bulag, pipi at bingi sa mga nakikita mong katampalasanan sa iyong paligid. Kung kailangang kumilos, dapat kumilos. Subalit sa ngayon, anak, mag-aral muna kayo. Ang pagiging aktibo ay nasa proseso, hindi pinipilit. Ikaw ang makakaalam kung anong landas ang pipiliin mo. Sa amin ng iyong ina, pinili namin ang landas na makapagpapalaya sa sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan. Kaya, heto, narito kami pag may pagkilos. Hindi ka naman pakikinggan ng pamahalaan kung mag-isa ka lang, subalit kung sa sama-samang pagkilos, tayo’y may mararating. Hindi masama ang magrali. Ang masama ay yumayaman ang bulsa ng kapitalista dahil sa pagsasamantala sa manggagawa.”

“Muli, salamat, Itay, sa inyong mga payo. Magiging mabuti akong mag-aaral, at magiging mapanuri sa nagaganap sa ating bayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Marso 29, 2024

Imbes Malakanyang, sa FEU na ang rali


IMBES MALAKANYANG, SA FEU NA ANG RALI
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang ulit na itong nangyari. O marahil ilang ulit na.

Dalawang beses nasaksihan ng aking mga mata ang pagharang ng mga pulis sa ating mga sinamahang pagkilos. Nasaksihan ko iyon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan nitong Marso 8, 2024, at sa isinagawang Kalbaryo ng Maralita nitong Marso 26, 2024, na sa mga Katoliko ay Martes Santo.

Nasabi tuloy sa akin ng isang lider-maralitang si Aling Isay, “Aba’y dapat Malakanyang ang punta natin, dahil naroon ang trono ng pangulo o seat of government. Dapat doon tayo sa Mendiola. 

Aba’y hinarang tayo ng mga pulis dito sa Morayta, at magkabilaan pa ng kalsada ang hinarang nilang trak sa atin. Para bang wala na tayong karapatan, ah.”

Narinig ko si Mang Igme, na sumabat sa usapan. “Hanggang dito na lang tayo sa Morayta. Ayaw ng mga pulis makarating tayo sa Mendiola.”

Sumabat na rin si Inggo. “Baka gusto ng mga pulis na maglahad na lang tayo ng ating mga hinaing dito sa mga guro at mag-aaral ng FEU. Baka nga maka-recruit pa rito ng maraming kabataan at estudyante ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK). Kaya nga kung tatawagin tayo mamaya upang magsalita, idirekta na natin sa FEU ang ating hinaing, at baka sila pa ay makinig, at buksan ang kanilang pintuan sa atin. Mukha kasing dito tayo gustong dumulog ng kapulisan, at hindi sa Malakanyang. Ano po sa tingin ninyo?”

Sumagot si Aling Isay, “Dapat  pa rin nating igiit ang ating karapatan. Marahil sa ngayon lang ito, subalit gagawa tayo ng paraan upang maiparating sa Malakanyang ang ating mga hinaing. Tulad ng tinututulan nating ChaCha na nais gawing 100% na pag-aari ng dayuhan ang ating kalupaan. Aba’y nais pa nilang gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan. Nais pa nilang magtayo ng maraming coal plants, fossil gas at natural gas na lalong magpapalala ng klima ng mundo. Hindi ba naiisip ng mga kapulisan iyon? O basta sunod lang sila ng sunod sa mga nakakataas sa kanila, na kahit nakikita na nilang mali ay susunod sila.”

Maya-maya ay narinig nilang nagtalumpati si Mang Igor sa Morayta habang sila’y nagkakatipon. Hawak nito ang isang megaphone.

Si Mang Igor, “Sa mga guro at estudyante ng FEU, naririto po kami sa harap ng eskwelahan ninyo upang idulog sa inyong pangulo ang aming mga karaingan! Itigil na ang ChaCha para sa iilan, sa elitista’t dayuhan! Ibaba ang kaymahal na presyo ng bilihin! Hirap na ang sambayanan!”

Kuyom ang kamao namin habang nakikinig, tanda ng paggalang sa nagsasalita at paglaban sa mga kuhila. May mga nakaunipormeng estudyante naman ang matamang nakikinig, tila nais mabatid ang isyu.

Tinawag magsalita si Aling Isay, “Bilang kababaihan, nananawagan kami sa ating pangulo na pakinggan naman ang hinaing ng kanyang mga mamamayan, lalo na kaming mga maralitang nahihirapan, dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, salot na kontraktwalisasyon na dapat nang wakasan, ang 4PH na hindi pala para sa aming maralita, at higit sa lahat, tinututulan namin ang ChaCha, dahil nais nilang ibuyangyang ang ating bansa sa pananalasa ng dayuhan! No to ChaCha!”

Pumatak din ang ulan, subalit hindi natinag ang mga raliyista, dahil para sa kanila, ang kanilang iginigiit ay ang karapatan at paglaban sa bulok na sistemang dahilan ng lalo pang kahirapan ng sambayanan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2024, pahina 18-19.