Sabado, Nobyembre 9, 2019

Sana'y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25


SANA’Y SA LUNGSOD NG TACLOBAN GANAPIN ANG COP 25
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Matindi pala ang nangyari kung saan gaganapin ang COP 25 o ‘yun bang Conference of Parties. Ito ‘yung pulong taon-taon na ginaganap ang daigdigang pulong hinggil sa klima. Sana’y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25 dahil biglang umatras ang bansang Chile.” Ani Teng.

Sumagot si Myra, “Ngunit mabagal ang Pilipinas sa ganyan, lalo na’t malaking gastos na naman iyan at wala sa nilagdaang taunang badyet kaya mahirap ang iniisip mo.”

“Sabagay, tama ka, Myra,” pagpapatuloy ni Teng, “Mukhang suntok sa buwan ang naiisip ko. Tingin ko nga, wala pang bansa mula sa ASEAN ang nag-host ng COP. Kung meron man, di ko pa nasaliksik.”

“Saan pala gaganapin ang COP 25 kung hindi na sa Chile? At saka bakit umatras ang Chile sa pag-host?” Agad na tanong ni Myra.

Sumagot si Teng na animo’y reporter, “Ayon sa mga ulat, opisyal na napili ang Chile na mag-host ng COP 25 noong Disyembre 2018 sa pagtatapos ng COP 24 sa Katowice, Poland. Ito’y matapos bawiin ng Brazil ang alok nitong mag-host, at napili ang Chile upang pumalit sa pagkapangulo para sa kumperensya ng 2019. Ang kumperensya ay orihinal na nakatakdang maganap sa Santiago, Chile, mula Disyembre 2–13, 2019. Dahil sa malawakang kaguluhan sa bansang Chile at mga protesta sibil, inanunsyo ng Pangulo ng Chile na si Sebastián Piñera nitong Oktubre 30 lang na hindi na magho-host ang Chile ng summit.”

“Ganoon ba? E, di saan na ang COP 25?” Muling tanong ni Myra.

Si Teng, “Ayon sa nabasa ko, agad na nag-alok ang Spain nitong Nobyembre 1 na mag-host ng kumperensya sa Madrid sa itinakdang petsa, bagamat pinanatili ng Chile ang pagkapangulo ng COP 25, na pinalitan ng pangalang Chile-Madrid COP25. Magaganap ang COP 25 sa Feria de Madrid (IFEMA) sa Espanya sa darating na Disyembre 2-13.”

Narinig pala sila ni Mulong na kumakain ng pansit sa kabilang mesa, at sumabat ito. “Palagay ko, tama si Myra. Mabagal talaga ang Pilipinas sa ganyan. Ngunit maganda sana kung sa Tacloban ganapin ang COP 25 dahil isa iyan sa dahilan ng pag-iyak ni Yeb Saño sa United Nations sa kasagsagan ng Yolanda, kung saan siya ang kinatawan ng Pilipinas sa mga pandaigdigang usapan hinggil sa klima. Isa pa, commissioner siya dati ng Climate Change Commission. Na-Yolanda kasi ang kapatid niya.”

“Ganyan pala ang halaga ng Tacloban kung magiging venue siya ng COP. Lalo na’t higit limang libo, kung di man sampung libo, ang opisyal  na bilang ng namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Mas mararamdaman ng mga delegado ng COP 25 kung bakit dapat talagang lutasin ang isyu ng klima, lalo na kung paano hindi umabot ng 1.5 degri ang pag-iinit pa ng mundo.” Sabi ni Myra.

“Siyang tunay, Myra,” ani Mulong. “Bagamat hindi pa marahil iyan mangyayari sa ating panahon. Maliban kung igigiit ng ating mga lider na dumadalo sa taunang COP na dalhin sa Pilipinas ang pulong, halimbawa, ipanawagan ni dating Commissioner Yeb Saño na sa Ground Zero ng Yolanda naman ganapin ang COP, baka may mangyari.”

“May mungkahi ako,” ani Teng. “Ano kaya kung kausapin natin si Sir Yeb? O kaya sina Sir Ian ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at baka may mangyari sa ating naiisip.”

“Subalit sila’y nasa non-government organization o NGO,” sagot ni Myra. “Baka sa mismong Climate Change Commission tayo mag-lobby.”

“Asa ka pa? Sabagay, noong si Sir Yeb ang naroon at nang manalasa ang Yolanda, malaki ang posibilidad na mangyari iyan,” ani Mulong.

“Ganito na lang,” ani Teng, “Gagawa ako ng petisyon na nakasaad ang ating kahilingan, at papirmahan natin sa mga tao. Kung makalikom tayo kahit isang milyong pirma, aba’y baka matupad ang ating naiisip.”

“Sige, sulatin mo, at magpulong agad tayo para sa petisyon at pagpapapirma,” ani Myra. Sumang-ayon naman ang mga kausap.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Oktubre 24, 2019

Itayo ang isang Kagawaran ng Kultura


ITAYO ANG ISANG KAGAWARAN NG KULTURA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko sa karinderya ni Aling Ingrid ang usapan ng ilan nating kababayang kasapi ng isang samahang maralita. Pinag-uusapan nilang dapat may maitayo nang Kagawaran ng Kultura o Department of Culture.

Sabi ni Mang Igme, “Dapat talagang maprotektahan ang ating kalinangan o kultura ng ating lahi. Halimbawa, paano poprotektahan ang mga mahahalagang artifact o artepakto na nawala, nasira o naalis nang kinubkob ang Marawi noong 2017? Ang artifact nga, sa wikang Cebuano, ay karaang butang.”

Agad nagtanong si Aling Ingrid, “Anong ibig mong sabihin?”

Tumugon si Igme, “Sa ngayon kasi ay hindi department level ang kultura sa gobyerno kundi nasa antas komisyon pa lamang. Halimbawa, gagawa ang DPWH ng daan tagos sa bundok upang mapadali ang biyahe, subalit tatamaan naman ang mga hanging coffin sa Sagada. Aba, kung may sekretaryo sa kultura, agad niyang sasabihing huwag ituloy ang balak o kaya’y ilihis ang daraanan dahil may masasagasaan silang mahahalagang artepakto sa ating kultura na baka mawasak.”

Sumabat si Mang Inggo, “Noong panahon namin, noong 80s, may Department of Education, Culture and Sports o DECS na naging DepEd o Department of Education na ngayon. Nawala ang culture and sports. ‘Yung sports yata ay napunta na sa National Sports Commission o Philippine Olympic Committee, ewan ko. Tingin ko lang, ha? ‘Yung culture ay nasa National Commission for Culture and the Arts o NCCA. Tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino, nasa antas komisyon lang din ang NCCA, at hindi pa department level.”

“Siyang tunay, mga kasama,” tugon ni Mang Igme, “Mahalagang maitatag ang isang Kagawaran ng Kultura sa ating bansa upang pagsama-samahin ang mga pira-pirasong ahensya ng kultura, may sekretaryo o nasa antas gabinete na magtitiyak na mapangalagaan ang mga katutubong tradisyon at pamana, at mapalakas ang ekonomiya, ngunit hindi masisira ng turismo, at hindi mapagsasamantalahan ang ating mga katutubong minorya. Iyan ang naiisip ko, ha?”

“Maganda ang iniisip mo,” sabi ni Aling Isay, “Subalit karaniwang tao lang tayo dito sa komunidad. Paano magiging batas iyang sinasabi mo. Dapat yata’y gumawa ng petisyon ang mamamayan upang matupad ang ganyang pangarap. Magpapirma tayo upang maisakatuparan ang pagtatatag ng isang Kagawaran ng Kultura sa ating bansa.”

“Sige, gagawin ko  ang petisyon mamayang gabi, at bukas sa pulong natin ay tingnan n’yo kung ayos na.” Ani Igme.

Kinabukasan, sa pulong ng kanilang samahang magkakapitbahay.

“Ito na ang nagawa kong petisyon,” sabi ni Igme, “pakibasa.”

PETISYON SA PAGTATATAG NG KAGAWARAN NG KULTURA SA ATING BANSA

SAPAGKAT wala pa sa antas-gabinete sa Pamahalaan ng Pilipinas ang mga ahensyang may kinalaman sa kultura;

SAPAGKAT panahon na upang pag-isahin sa iisang kagawaran ang iba't ibang ahensya ng kultura, tulad ng National Commission for Culture and the Arts, Cultural Center of the Philippines, National Museum of the Philippines, at National Archives of the Philippines;

SAPAGKAT mahalagang napapangalagaan ng kasalukuyan at ng mga susunod pang henerasyon ang ating mga makasaysayang lugar at pamana, at hindi napagsasamantalahan ang ating mga katutubo;

SAPAGKAT mahalaga ang pagkakaisa sa ginta ng pagkakaiba, pinagbubuti ang pagkamamamayan at pambansang identidad, kinikilala at iniingatan ang kultura tungo sa pambansang pag-unlad.

KAYA, kaming mga nakalagda rito ay humihiling na gumawa ng batas upang maitatag ang isang Kagawaran ng Kultura ng Pilipinas.

“Aba’y maayos na ang pagkakagawa mo, Igme. Ayos na ako riyan. Magpatawag ka na ng pulong sa ating samahan, at imbitahan na natin sina Kongresman at mga Konsehal upang lumagda at mai-file na rin sa ating Kongreso at Senado ang nilalaman niyan.” Sabi ni Aling Isay.

“Hilingin muna nating muli tayong gagamit ng barangay hall sa susunod na Sabado, ikalawa ng hapon. Magpapatawag tayo ng pulong ng samahan upang mapagtibay ito, at imbitahan na rin natin ang mga kapitbahay at mga ka-barangay upang mapag-usapan ito, at nang masimulan na natin ang pagpapalagda.”

“Okay. Isasama ko pati sina kumare sa pulong.” Ani Aling Ingrid.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 16-31, 2019, pahina 18-19.

Lunes, Oktubre 14, 2019

Sampung daliri, sampung tao, sampung saging na saba


SAMPUNG DALIRI, SAMPUNG TAO, SAMPUNG SAGING NA SABA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang ng paggunita sa ikasampung anibersaryo ng Ondoy at napag-usapan din ang isang bayaning nagbuwis ng buhay para iligtas ang nasa dalawampung katao sa kasagsagan ng Ondoy. Isang pangalang di malilimot si Muelmar Magallanes, isang construction worker na taga-Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon.

Kinabukasan, mayroong pag-aaral hinggil sa paksang ARAK o Aralin sa Kahirapan sa tanggapan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. Napag-usapan ang pag-aalay ng buhay ni Muelmar upang magligtas ng kapwa niya kababayan.

“Dahil pinag-uusapan natin ay hinggil sa kahirapan, at kahapon ang ikasampung anibersaryo ng Ondoy,” pagsisimula ni Mulong, “bakit ba tayo naghihirap, at bakit ang isang mahirap tulad ni Muelmar, kahit nagsisikap tayo, ay nananatiling mahirap? Pansinin natin ang salitang sampu. Ikasampung anibersaryo ng Ondoy, sampu tayo ngayon dito, may sampu tayong daliri, at may dalang sampung saging na saba si Aling Isay. Ano kaya kung kunin ko ang siyam na saging na saba at paghatian ninyong siyam ang isang saba? Makatarungan ba iyon?”

Sumagot si Igme, “Aba’y kasuwapangan na iyan. Hindi parehas ang hatian! Maling-mali ang ganyang palakad.”

“Paano kung apat lang ang kunin ko, at paghatian ninyong siyam ang anim na saba? E, di may tig-dalawang katlo kayo o 2/3 bawat saging. Aba, mabubusog na kayo niyan.” Tanong muli ni Mulong.

Si Ingrid naman ang sumagot, “Mali pa rin iyan dahil hindi pantay ang hatian. Nilalamangan mo na kami.”

“Paano kung ako ang bumili ng sampung saba at nagbayad ng buo kay Aling Isay, at apat lang ang kinuha ko, ibinigay ko sa inyo ang anim upang paghatian ninyo?”

Medyo napaisip ang mga lumahok sa pagsasanay.

“Ayos na rin iyan, ikaw naman ang bumili.” Ani Inggo.

“Ganyan din sa lipunan,” pagpapatuloy ni Mulong, “halimbawa na lang sa lipunang pyudal. Kung sino ang may-ari ng lupa, sa kanya napupunta ang mas malaking bahagi habang ang mga magsasakang nagsikap maglinang ng lupa, mag-araro, magtanim, magdilig, at mag-ani ay siyang kaunti ang nakukuha. Usapan pa nila’y 70-30 ang hatian.”

“Dahil inaaral natin ang ating kalagayan,” sabi ni Igme, “dapat suriin din natin ang di pagkakapantay sa lipunan. Tama ba? Ibig sabihin, dahil sa pribadong pag-aari, kahit ano ang gustong gawin ng may-ari, wala tayong magagawa. Subalit kung walang sinumang nag-aari ng lupa, gaya noong unang panahon, hindi kakain ang sinumang hindi kumakayod.”

“Tama ka, Igme,” ani Mulong. Tulad din ng sampung saging na saba na hahatiin sa ating sampu. Dapat tayo ay may tig-isang saging. Kaya walang lamangan. Ngunit sa umiiral na sistema ng lipunan ngayon, aba’y pulos lamangan. Palibhasa’y sila ang may-ari ng pabrika ay maaari na nilang isahan tayong mga manggagawa.”

“Ibig sabihin pala,” ani Ingrid, “kahit sampu tayo ngunit dahil isa ang bumili para sa atin, maaari niyang kunin ang lima at hatiin ng siyam ang lima pa. Kaya mahirap talagang maging mahirap. Trato sa iyo ay hindi kapwa. Parang pulubing walang karapatang pumili ng iaabot sa kanya.”

“Mabuti’t inyong nauunawaan kung gaano talaga kalupit ang umiiral na sistema. Kaya nga pag may rali o anumang pagkilos tayo, isinisigaw natin ay ‘Baguhin ang sistema’ o kaya’y ‘Wakasan ang bulok na sistema’ dahil nga sa ganyang abuso sa ating mga karapatan. At ano naman ang ipapalit natin sa bulok na sistema? Dapat isang sistemang pantay ang karapatan ng lahat, at kakain yaong mga manggagawang lumilikha ng ekonomya ng bansa, at nagpapakain sa buong lipunan, gaya ng mga magsasaka. Dapat walang hari, walang reyna, walang monarkiya, walang asendero, walang kapitalista, upang lahat ng tao ay makinabang sa kanilang pinagpaguran. Hindi kakain ang uupo-upo lang at kukuya-kuyakoy lang habang kayod-kalabaw ang mga nagdaralita.”

Sumagot si Isay, “Nauunawaan na namin ang kahalagahan ng pantay na hatian sa lipunan. Dapat nga talagang pairalin ang ganyan. Maraming salamat sa ganitong mga pag-aaral na sana’y marami pang makaalam.”

“Maraming salamat din sa inyong lahat sa pagdalo.” Ani Mulong.

Umuwi silang may kislap na pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Setyembre 29, 2019

Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy


SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa harap ng isang dating opisinang tinirahan ko rin ng ilang taon. Tanda ko pa, doon nalunod ang napakarami kong gamit, tulad ng mga papel, kwaderno ng mga tula, mga nabili kong libro, mga nagawa kong aklat, at sangkaterbang damit. 

Setyembre 26, 2009, sa loob ng anim na oras ay umulan ng malakas. Nagkataong wala ako sa opisina ng Bukluran ng Mangggawang Pilipino (BMP) sa K7 St., kundi naroon ako sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Matatag St. Doon sa PLM ay dama namin ang malakas na ulan subalit hindi naman nagbaha sa labas. Subalit sa K7, mababa pala ang lugar na iyon na parang batya, doon ay hanggang tuhod ang baha. Nagkalat ang aking mga gamit, basang-basa. Wala akong naisalba dahil wala nga ako roon. Kung naroon ako’y baka may naisalba pa ako, lalo na ang mga libro ko at damit, at naiakyat iyon sa ikalawang palapag ng inuupahang opisina.

Mabuti na lang din at wala ako roon, kundi ay baka nabasa rin ang kakukuha ko lang na pasaporte. Pagkat dalawang araw matapos iyon, Setyembre 28, 2009, ay kasama ako ng grupong ClimeXchange papunta sa bansang Thailand bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok. 

Giniba na ang apartment ng opisinang iyon kung saan ako nakatayo. Isang alaala na lamang ang mga iyon. Isang dekada na pala ang nagdaan. Ngayon, sampung taon makaraan ang bagyong Ondoy, na ang sinasabi’y isang buwan ng pag-ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras, nasaan na ba tayo ngayon? Anong mga aral kaya ang ating natutunan o  nakuha sa insidenteng iyon?

Sa isang talakayan kasama ang grupo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), napag-usapan namin ang Ondoy, pati na ang iba pang nagdaang matinding bagyo sa bansa, tulad ng Yolanda. Dapat daw pagbayaran ng Annex 1 countries ang kanilang ginawang kapinsalaan sa mga bansa sa Global South, tulad ng Pilipinas. Tanong ng isa sa mga tagapagpadaloy ng talakayan: “Ano ang inyong pagtingin o pag-unawa sa ating tinalakay kanina?” Agad akong nagtaas ng kamay.

Agad akong tumayo, “Sino bang dapat sisihin ng mamamayan kung ang kalikasan na’y masirang tuluyan? Ang mga pabrika nga ng kapitalista ay panay na usok ang ibinubuga. Fossil fuel at coal power plant ang pinaaandar nila. Panay luho lang ang mga elitista.”

Nagtaas din ng kamay si Igme, “Maganda ang iyong tinuran, Gorio. Tila ang burgesya'y walang pakialam, mga elitista'y walang pakiramdam kahit masira man itong kalikasan.”

Patango-tango lang si Isay, na siyang tagapagpadaloy ng talakayan.

Nagsalita si Ka Ruth, “May apat na hakbang na dapat isagawa ang ating pamahalaan: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).“

“Tama ka,” Sabi ko kay Ka Ruth. “Subalit wala pa riyan kung paano natin mapapanagot ang mga Annex 1 countries na mga bansang matindi kung magbuga ng mga usok, tulad ng fossil fuel at coal plants.”

“Iyan ang dapat nating pag-usapan kaya naghahanda rin tayo sa isang kilos-protesta upang iparinig ang ating hinaing.” Ani Gerry. “Kung kinakailangan ay masampahan ng kaso ang mga pabrika, tulad ng Shell, o bansa pangunahin ang US, kaya patuloy ang pag-iinit ng mundo at iba pa. Subalit sa ngayon, tutukan muna natin ang pagtalakay ng isyung klima sa inyong mga komunidad at organisasyon.”

“Sang-ayon ako. Magtalakay muna kami sa aming samahan upang mas maunawaan pa iyan ng ating mga kasapian.” Sabi ko sa kapulungan.

“Maaari ba tayong mag-iskedyul kung kailan kayo magtatalakay sa inyong samahan, at baka makatulong kami,” sabi ni Isay.

“Sige po, Mam Isay. Maaari kami sa susunod na Sabado.” Sabi ko.

Sumagot si Igme, “Kami naman ay sa araw ng Linggo.”

“Teka, ilista ko lang,” ani Isay.

Natapos ang talakayang may babaunin silang pag-asa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

Gawing pista opisyal ang araw ng pagpapatalsik sa mga base militar


GAWING PISTA OPISYAL ANG ARAW NG PAGPAPATALSIK SA MGA BASE MILITAR
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Dapat lang gawing pista opisyal sa ating bansa ang pagpapatalsik sa mga base militar,” ani Mulong. “Alam naman nating simbolo ng pananakop ng mga Kano iyang base militar, kaya nang bumoto ang Senado ng Pilipinas ng 12-11 upang tanggihan ang iminungkahing Treaty of Friendship, Cooperation, and Peace noong Setyembre 16, 1991, aba’y bumoto na sila ng paglaya natin sa kuko ng agila. Sana’y ginawang pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang sagisag ng ating paglaya.”

“Tama ka naman sa sinasabi mo, Mulong, sang-ayon ako,” sabi ni Inggo, “Subalit ang mga nakaupo sa gobyerno ang hindi sang-ayon. Alam nating kahit si Pangulong Cory ay nakiisa sa rali kahit na umuulan noon basta mapagtibay lang muli ang pagpapaalipin natin sa Amerika. Dapat nga kasuhan siya ng pagkakanulo sa kalayaan ng bayan.”

“Teka muna,” sabat ni Ingrid, “Aalis naman talaga ang mga Kano kahit walang botohan sa Senado dahil kasasabog pa lang ng Pinatubo noong Hunyo 15, 1991 na lubhang nakapinsala sa Subic Naval Base at Clark Air Base na natabunan ng makakapal na abo.”

“Dagdag pa,” ani Inggo, “Sarado na ang mga base, pinanatili naman ng U.S. at Pilipinas ang isang alyansa sa seguridad sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty. May Mutual Logistics Support Agreement o MLSA pa nga, na ang kahulugan yata’y Muling Luluhod Sa Amerika. Sa kasalukuyan, may Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)  kaya nakakapagkampo ang mga Kano sa mga kampo militar ng bansa.”

“Baka nga may mga nuclear missiles na riyan. Kaya nga tila pilit kinakalimutan sa kasaysayan ang Setyembre 16, 1991,” ani Mulong. “Kaya marahil hindi agad ginawang pista opisyal ang nasabing petsa dahil maka-Amerikano ang pamahalaan nating palaasa sa mga Kano.”

“Kung ganyang maka-Amerikano ang ating mga namumuno, aba’y anong maganda nating gawin upang maisabatas ang mungkahi mong gawing pista opisyal ang Setyembre 16?” Agad tanong ni Ingrid.

Napaisip si Mulong, sabay sabing “Dapat magpaikot tayo ng isang petisyong may lagda ng nakararaming mamamayang Pilipino na nakasaad ang kahilingan nating gawing pista opisyal ang Setyembre 16. Bahagi na rin ito ng pagmumulat sa sambayanan ng kahalagahan ng araw ng pagpapatalsik sa mga base militar bilang araw din ng paglaya.”

“Mungkahi ko’y sulatin mo na ang petisyon, at magpatawag ka na  muna ng pulong sa ating kapitbahayan upang mapag-usapan iyan. At pag nagkaisa na tayo ay papirmahan na agad natin sa ating mga kasapi. Sunod ay kausapin na natin si Kapitan, at si Kongresman upang gumawa ng panukalang batas para riyan.” Sabi naman ni Ingrid.

“SIge, susulatin ko na ang petisyon. At magpulong na agad tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Ayos ba sa inyo?” Tanong ni Mulong.

“Okay iyan, magpatawag na tayo ng pulong sa kasapian.” Ani Inggo.

Kinasabaduhan, maraming kasapi ang naroon na sa tapat ng bahay ni Mulong, at may mga dala nang upuan, at nagpaskil na rin ng manila paper na susulatan nila bilang pisara.

“Magandang hapon, mga kasama,” ani Mulong, “bilang pangulo ng ating samahang magkakapitbahay, ako’y may mungkahi. Sa pag-aaral ng ating kasaysayan, parang kinakalimutan ng pamahalaan ang halaga ng pagpapatalsik sa mga base militar na minsan na nating nilabanan noong kabataan pa ng marami sa ating narito. Kaya ang petisyong nasa kamay ninyo ay panawagang gawing pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang pag-alala at pagpapahalaga sa pagpapatalsik ng mga base militar na simbolo ng pagsakop ng mga Kano sa ating bansa at pagkaalipin ng ating bayan sa kanila.”

Nagtaas ng kamay si Aling Ines, “Lumagda na ako sa petisyon at sana’y lumagda na rin ang iba pa. Hindi lang dito sa ating lugar kundi sa buong bansa. Maganda ang mungkahing ito at sadyang napapanahon na upang kilalanin ng ating bansa ang paglaya natin mula sa pananakop.”

“Dagdag pa,” ani Mang Nestor, “nang lumaya kuno tayo noong 1946 ay sakop pa rin tayo ng Kano dahil sa mga base militar, at ngayon, kahit napatalsik na ang mga base, may EDSA naman, kaya patuloy pa rin tayong binobola at sinasakop ng mga Kano para sa kanilang posisyong militar dito sa Timog-Silangang Asya. Sana lang ay mapaabot natin sa Kongreso, Senado hanggang sa Pangulo ang petisyong ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 1-15, 2019 pahina 18-19.

Huwebes, Agosto 29, 2019

Ikampanya nating maging National Artist for Literature ang awtor na si Efren Abueg


IKAMPANYA NATING MAGING NATIONAL ARTIST FOR LITERATURE ANG AWTOR NA SI EFREN ABUEG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang magkakapitbahay hinggil sa plano ng gobyerno at ilang eskwelahan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

“Matagal na akong makata at manunulat sa pahayagang maralita, at ngayong Buwan ng Wika ay tinatanong ako ng aking anak kung anong aktibidad ang magandang gawin nila sa eskwelahan.” Sabi ni Pidyong.

“May maganda akong mungkahi, pareng Pidyong,” ani Mulong.

“Ano iyon?” Tanong ni Pidyong.

“Matagal na rin tayong manunulat, ako naman sa pahayagan ng mga manggagawa sa pabrika. Mungkahi ko, lumikha sila ng aktibidad hinggil sa buhay ng manunulat na si Efren Abueg. Kilala naman natin siya dahil ika-55 taon ngayon ng Mga Agos sa Disyerto. Ikampanya natin na gawin siyang National Artist for Literature, at ipakilala natin siya sa bagong henerasyon ngayon.” Mahabang sabi ni Mulong.

“Tama ka, “ani Pidyong. “Aba’y siya na lang ang buhay sa tinaguriang Limang Suwail sa panitikan. Kahit siya man lang sa limang awtor ng Mga Agos sa Disyerto ay maging Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Sasabihin ko sa anak ko, at tutulong ako sa aktibidad nila bilang kasapi ng Parents-Teachers Association sa kanilang paaralan.”

Narinig din pala sila ni Iska na kanina pa nakikinig sa kanila habang nagtitinda ito sa karinderyang tinambayan nila at sumabat ito, “Iyong anak ko rin ay pinagagawa ng kanilang grupo sa iskul para sa Buwan ng Wika. Maaari ko bang imungkahi rin iyan sa aking anak?”

“Aba’y oo, Aling Iska. Kilala mo rin pala si Efren Abueg,” ang sabi ni Mulong.

“Oo naman. Hanggang ngayon kasi, aktibo pang nagsusulat sa magasing Liwayway si Abueg, at nababasa ko pa siya.” ani Iska. “Baka mas maganda ay hindi lang siya sa iskul makilala kung nais natin siyang maging National Artist.”

“Anong ibig mong sabihin?” Tanong ni Mulong.

“Tayo rin mismong mga magulang ay kumilos at magbigay din ng mungkahi sa pamahalaan na gawin nang National Artist for Literature si Efren Abueg sa pamamagitan ng petisyon. Kung hindi tayo kikilos, kailan pa siya kikilalaning National Artist? Pag ang natitirang buhay na may-akda ng Mga Agos sa Disyerto ay mamatay na? Dapat habang naririyan at buhay pa siya’y parangalan na bilang National Artist.” Sabi ni Iska.

“Tama ka, Iska,” ani Mulong. “Lalo na’t otsenta’y dos na siya ngayong taon. 1937 siya ipinanganak. 2019 minus 1937 equals 82. Teka. Ang maganda yata’y pagpulungan din nating magkakapitbahay kung paano tayo gagawa ng petisyon. Sisimulan kong magsulat at kung sang-ayon kayo’y ipalaganap natin. Pag nagawa ko ang petisyon, itakda natin ang ating pulong, na layunin ay paano natin ikakampanyang maging National Artist for Literature si Efren Abueg.”

Sumagot si Pidyong, “Pag nagawa mo ang petisyon, magpapapirma rin ako sa mga kasamahan kong magulang sa PTA, sa iskul ng anak ko.”

Kinabukasan, ipinakita ni Mulong ang nasulat niyang petisyon kina Pidyong at Iska, na nang binasa ay sumang-ayon na kaagad.

“Magpatawag ka na ng pulong, Mulong.” Sabi ni Iska.

“Sige. Sa Sabado ba ay maaari kayo? Ikalawa ng hapon sa Barangay. Nakausap ko kasi si Kapitan nang makasalubong ko kanina. Sang-ayon din siya rito, at nais tumulong sa ating kampanya.” Sabi ni Mulong. “Kung magpupulong daw tayo, may kwarto sa Barangay na magagamit sa pulong. Nais niyang dumalo.”

“Okay,” ani Pidyong, “Sabihan ko na rin ang anak kong dumalo. Magparami rin tayo ng petisyon para ipamigay ko sa mga kakilala ko, pati sa PTA. Imbitahan na rin natin ang ating mga kapitbahay.”

“Ako rin,” ani Iska. “Padadaluhin ko rin sina kumare. Kita-kits sa Sabado.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 14, 2019

Isabatas ang "Birth of the Nation Week" bilang pag-alala sa ating kasaysayan



ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.

“Alam mo, Pareng Indoy, may mga pagdiriwang ngayong Agosto ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Ngunit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.

“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.

“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”

“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Kung si Bonifacio ang unang pangulo, saan siya pangulo?”

Sumagot si Inggo, “Ang pinamumunuan niyang kilusang Katipunan, mula sa pagiging lihim na samahan ay naging rebolusyonaryong pamahalaan nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong 1896."

Si Indoy uli, “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”

“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”

Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”

Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay  Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”

“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”

Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”

Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, apektado ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”

“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”

“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma.”

Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”

“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.

“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.

“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”

Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.