Martes, Marso 7, 2023

Bayanihan sa dyip

BAYANIHAN SA DYIP
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mama, bayad po,” sabi ng babae sa dulo ng sinasakyan kong dyip. Inabot naman ng katabi niyang lalaki sa akin ang isang lukot na bente pesos, na iniabot ko naman sa tsuper ng dyip. Ang ruta niyon ay mula Tayuman hanggang Lardizabal sa Maynila.

“Ito po ang sukli,” ang sabi naman ng tsuper, at iniabot ko naman mula sa tsuper patungo sa lalaki ang baryang otso pesos, hanggang iyon na’y kunin ng babaeng nakaupo sa dulo ng dyip.

Mayroon na namang nagbayad. At ganoon muli ang naging proseso. “Bayad po. Diyan lang sa may España.” “Sukli po, ale.” “Bayad. Pakibaba lang po sa Honradez.” “Para! Ito po ang bayad,” sabay baba.

Minsan, sa tapat ng Pantranco ay sumakay ako ng dyip na may karatulang Quiapo-SM West upang makarating sa SM North. Paano nangyari iyon? Ang West ay kalye, habang mall ang North.

Napansin ko sa araw-araw kong pagsakay ng dyip, rutang Bustillos patungong Divisoria, Pasig-Palengke-Quiapo, Balic-Balic-España, Cubao-Welcome Rotonda,  aba’y ganoon pa rin lagi ang proseso.  Bayad-sukli-bayad-sukli ng mga hindi naman magkakakilala. At saka ko napagtanto na ito ang kasalukuyang bayanihan. Ang alam kasi natin sa bayanihan ay yaong pagtutulungan ng mga magkakanayon sa sama-sama nilang pagbubuhat at paglilipat ng bahay. Subalit bihira na ito ngayon dahil karamihan lalo na sa lalawigan, ay kongkreto na ang mga bahay. Kaya bihira nang nagaganap ang ganoong uri ng bayanihan. Subalit sa loob ng dyip ay kitang-kitang buhay na buhay ang bayanihan.

Matindi pa, ang nagtutulungan at kusang nag-aabot ng bayad at sukli ay mga di magkakilala at doon lang sa dyip unang nagkasama. 

Makikita mo ang diwa ng tiwalaan, dahil di nila ibinubulsa ang iniabot na bayad o sukli ng kapwa pasahero, kundi iniaabot talaga sa tsuper ang bayad at ibinabalik naman ang sukli sa pasaherong nagbayad.

Minsan pa, pag nasiraan ang dyip ay nagkukusa na ang tsuper na ibalik ang bayad ng mga pasahero. Dahil na rin hindi niya nakumpleto ang serbisyo, o hindi niya naihatid ang pasahero sa dapat nitong babaan. Para bang may batas na hindi nakasulat subalit madalas nangyayari. At alam na alam nila iyon. Walang lamangan. Parehas sila kung lumaban.

Sinabi ko ang aking ideya o nakita sa ilan kong mga tula, at nag-usap kami ng isang magaling na guro hinggil dito. Sabi ko’y may makabagong bayanihan na dapat maisalibro rin, at ito nga ang bayanihan sa loob ng mga pampasaherong dyip. Ang mga taong hindi magkakakilala ay nag-aabutan ng bayad at sukli nang walang samaan ng loob, o wala nang anumang usapan. Ang nasabi ng guro, “Tama. Iyan nga ang buhay na halimbawa ng bayanihan na dapat nating ituro sa mga estudyante.”

Subalit sa nakaambang jeepney modernization, imbes na mukhang dyip, ay parang minibus na ang itsura. Ngayon nga sa mga nasasakyan kong ejeep o electronic jeep ay may konduktor na sa dyip, tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Hindi tulad ng mga dyip sa Maynila na bihira ang konduktor. Ang tanong agad na sumagi sa aking isipan, “Mawala kaya ang makabagong bayanihan ng mga pasahero sa dyip?”

Habang isinusulat ito’y nagaganap ang isang linggong protesta ng mga tsuper at opereytor ng dyip upang iparating sa pamahalaan na tutol sila sa PUV modernization, dahil bukod sa uutangin sa Tsina ang dyip, hindi pa kaya ng mga tsuper na bayaran ang milyones na halaga ng bagong dyip. At nakita rin natin sa mga balita na ang Francisco Motors ay handang gumawa ng mga dyip na kailangan. Ngunit bakit di masuportahan ang gawang sariling atin? Dahil ba wala ritong limpak na kickback?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Pebrero 27, 2023

Sariling wika at kapatid na katutubo

SARILING WIKA AT KAPATID NA KATUTUBO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Gamit nating mga maralita ay sariling wika. Nag-uusap tayo sa ating sariling wika. Nagkakaunawaan tayo sa ating sariling wika. Bagamat sinasalita natin ay sariling wika, lahat naman ng mga dokumento at batas ay nakasulat naman sa wikang banyaga, sa wikang Ingles.

Nang sumama ako sa Ala-Lakad Laban sa Laiban Dam ay narinig kong sinabi ni Nanay Conching, isa sa mga lider ng mga katutubong Dumagat-Remontado, ang ganito, “Kaming mga katutubo ay hindi maramot. Subalit kami ay niloko. Lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Kahit ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) na dapat nauunawaan naming katutubo, ay nakasulat sa Ingles. Kaya kami naglakad ng higit isandaan apatnapung kolometro upang ipaunawa sa pamahalaan na kami ay tutol sa Kalwa Dam.” Halos ganyan ang natatandaan kong sinabi niya nang makarating na kami sa Ateneo sa Katipunan, sa Lungsod ng Quezon.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga turo ng Kartilya ng Katipunan, kung saan nasusulat, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Malalim subalit mauunawaan: ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Tagos na tagos sa aking pusong makata ang sinabing iyon ni Nanay Conching. Naisip kong minsan nga’y ginagamit ang wikang Ingles upang maisahan at maloko ang ating kapwa, tulad nilang mga katutubo, tulad naming nasa sektor ng maralita, tulad nating mga mahihirap.

May ginagawa ba ang pamahalaan kung paano ba mas mauunawaan ng mamamayan ang ating mga batas? Bakit ang lahat ng dokumento ay nakasulat lagi sa wikang Ingles, mula birth certificate, diploma, SSS, PhilHealth, hanggang death certificate? May ahensya ng pamahalaan na dapat gumagawa ng pagsasalin nito mula wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. Ito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sila ang ahensya sa wika, subalit wala ang pagsasalin sa kanilang mandato. Kaya mungkahi kong italaga ang KWF bilang tagasalin ng lahat ng mga batas, pati dokumento, ng ating bansa. At tatakan ng “Opisyal na salin ng KWF.”

Siyam na araw kaming naglakad, ngunit labing-isang araw talaga mula sa simula hanggang bago umuwi. Una’y sa Isang dalampasigan, pito naman sa mga tinuluyan namin ay pawang basketball court, at tatlo ang simbahan. Sa isa sa huling tinulugan naming basketball court ay napag-usapan namin ng isang kasama ang hinggil sa sariling wika.

Ikinwento ni Ka Rene ang maraming beses na niyang pakikisalamuha sa mga katutubo. Minsan, nakasama rin siya sa pagsakay sa bangka subalit tumaob dahil sa lakas ng alon. Kwento pa niya, may sariling kultura ang mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at mga sagradong lugar. Mayroon ding silang tinatawag na punduhan kung saan nag-aaral ang kanilang mga anak. Maaaring itinuturo roon ay hindi Ingles, kundi sariling wika ng mga katutubo na marahil ay iba sa wikang Filipino.

Nang sumama ako sa kanilang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay nakausap ko muli ang ilang nakasama sa naunang Lakad Laban sa Laiban Dam, na nais ko muling gumawa ng mga tula sa mahabang lakbaying iyon. Paraan ko ito upang itaguyod ang wikang Filipino, bilang makata, bilang maralita, bilang manunulat, bilang manggagawa, bilang isang mandirigmang nagtataguyod ng kagalingan ng bayan at nangangarap ng isang lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kayraming kwento ng tunggalian na dapat mapagtagumpayan ng mga katutubo, lalo na ang paggamit ng wikang Filipino sa maraming usapin, lalo na sa mga dokumento, upang mas magkaunawaan, at hindi sila matakot makipagbalitaktakan hinggil sa kung ano ang tama at mali, kung ano ang makatarungan para sa mga katutubo, kung paanong hindi masisira ang Sierra Madre, kung paanong hindi na muli silang maloloko ng mga Ingleserong nanghihiram ng respeto sa wikang Ingles, na kung hindi sila magsasalita ng wikang Ingles ay baka bansagan silang walang pinag-aralan. Subalit sa tulad kong makata, patuloy nating ipaglalaban ang wikang Filipino. Upang mas magkaunawaan pa tayo. Hanggang maisabatas na ang KWF ang maging opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng bansa, kahit sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Ito ang ating isyu! Ito ang ating laban!

ITO ANG ATING ISYU! ITO ANG ATING LABAN!
SAMA-SAMA NATING IPANALO ITO!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-usap ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa iba’t ibang isyu nilang kinakaharap.

Ayon sa isang lider ng mga vendor, “Madalas kaming hinahabol sa aming paglalako ng kalakal. Masama bang mabuhay sa sariling sikap. Nais pa nilang sunugin ang aming mga kalakal. Bakit? Sila ba ang namuhunan dito? Inutang nga lang namin ito sa Bumbay!”

Sabi naman ng isang lider-maralita, “Karapatan sa paninirahan ang aming ipinaglalaban. Subalit lagi kaming nangangamba sa mga banta ng ebiksyon at demolisyon. Madalas pang pag dinemolis ang aming bahay ay biglaan at wala man lang negosasyon. Hindi ba kami tao tulad nila? May dignidad din kami kahit mahirap. Paano na ang aming pamilya pag nawalan kami ng tahanan?”

Anang isang lider-manggagawa, “Nais naming maregular sa pinagtatrabahuhan ngunit hanggang ngayon kontraktwakwal pa rin kami. Paano ba maaalis ang salot na kontraktwalisasyon? Mas mataas pa sa minimum wage sa NCR ang isang kilong sibuyas. Aba, paano na namin mabubuhay ng maayos ang aming pamilya?”

Ayon naman sa isang lider ng transportasyon, “Nakaamba sa amin ang PUV modernization kung saan nais ng pamahalaan na palitan na namin ang aming mga sasakyan dahil mausok daw, at dapat bumili kami ng bagong dyip, na itsurang minibus na milyon naman ang presyo. Aba’y saan naman kami kukuha ng ganoong kalaking salapi? Uutangin pa sa Tsina ang mga bagong dyip. Bakit hindi ang nga gawang sariling atin, na mura na, mas matibay pa?”

“Pamahal ng pamahal taun-taon ang presyo ng edukasyon o ng aming matrikula? Hindi ba prayoridad ng pamahalaan ang abotkaya, siyentipiko, ngunit mataas na kalidad ng edukasyon? Nais pa nilang kursong ipakuha sa atin ay yaong magiging alipin tayo sa ibang bansa? Tama ba ang mga ito?”

Sabi ng isang lider ng mga pulubi, “Kami namamalimos lang pero nagbabayad din kami ng buwis pag bumili kaming noodles.”

Sabi naman ng isang lider-kababaihan, “Hindi lang double burden kundi triple-triple burden ang isyu naming kababaihan. Nagtatrabaho na kami, nag-aalaga pa ng mga anak. Nagluluto pa kami habang heto’t ilang buwan nang buntis. Mahal pa naman ang paospital ngayon. Dapat may naipon ka talagang pera, kundi’y mangungutang ka. Buti kung laging may mauutangan. Gipit din ang mga kakilala ko.”

Ayon naman sa isa pang lider-kababaihan, “Napakamahal na rin ng presyo ng kuryente. Hindi ko na mapagkasya ang sweldo ng asawa ko.”

“Tumitindi pa ang kinakaharap nating pabago-bagong klima,” ayon sa isang kabataan. “Hanggang ngayon ay hindi pa nagbabawas ng kanilang emisyon ang mga Annex I countries. May sinasabing naaprubahang Green Climate Fund subalit paano natin ito matatamasa? Kailan pa magdedeklara ng climate emergency ang pamahalaan? Balita ko po’y may mga nakabinbin pang aplikasyon upang magtayo ng coal plants?”

Sinuri nila ang kanilang mga karaingan, at nagtutugma ang nakita nilang problema. Isang lider-manggagawa ang naglagom ng kanilang mga karanasan. “Ang pamahalaang ito talaga ay hindi nagsisilbi sa kanyang mamamayan kundi sa negosyo. Lahat ng ating problema, tulad ng demolisyon, kontaktwalisasyon, mataas na presyo ng pangunahing bilihin, at iba pa, ay dahil ang sistema natin ay kapitalismo. Ito ang salot. Nangayupapa ang ating pamahalaan sa altar ng globalisasyon, kaya nais isapribado ang mga ospital upang lumaki ang tubo ng mga pribado. Kaymahal ng presyo ng tubig, kuryente, at iba pang serbisyo tulad ng kalusugan, dahil bahala na ang merkado. Wala na kasing kontrol ang gobyerno sa mga bilihin. Nariyan ang Oil Deregulation Law na anumang oras na gustong itaas ang presyo ng langis, itataas. Walang kontrol ang pamahalaan. Habang sa sahod ng manggagawa, kontrolado kung hanggang saan lang ang gusto ng kapitalista na isweldo sa manggagawa, dahil may Regional Wage Board, hanggang doon lang. Kapitalismo talaga ang problema. Kaya magsama-sama tayo at kumilos upang ilantad talaga ang kasamaan ng sistemang ito!”

Nagtanguan ang iba’t ibang lider ng sektor at nagkaisa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ayon pa sa kanila, “Isyu natin ito! Ipaglaban natin ang mas makabubuti sa higit na nakararami. Sama-sama tayong kumilos upang kamtin ang isang lipunang patas para sa lahat!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Enero 29, 2023

Makauring Kamalayan


MAKAURING KAMALAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tagos sa puso ang sinabing iyon ng tagapagsalita. Talagang nadama kong kaisa talaga tayo ng uring manggagawa, kahit na tayo’y maralita.” Ito ang sinabi ni Mang Igme sa kanyang kasamang si Mang Igor.

“Ganyan din ang pakiramdam ko! Halos nag-iinit talaga ang aking kalooban, sumisingasing ang aking loob, at kaya agad akong tumindig at pumalakpak. Kailangan talaga natin ng nakauring kamalayan. Sino pa ba itong magtutulungan kundi tayo ring magkakauri.”

Dati silang mga manggagawang regular na nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan. Nalulugi raw. Ngayon ay nagbukas muli at pulos kontraktwal na ang mga manggagawa. Sila naman ay nagbuo ng samahan ng magkakapitbahay at ngayon ay mga lider-maralita sa kanilang lugar.

“Hoy, kayo ngang dalawa riyan. Kung hindi ko pa alam, aba’y nitong eleksyon lang ay nakasuso kayo sa pulitiko, at hindi man lang ikinampanya ang tumatakbong manggagawa sa pagkapangulo. Ano kayo?” ang sabad naman ni Aling Ines na nasa katabing upuan lang.

“Sa totoo lang, Ines, ngayon ko lang kasi nalaman iyang sinasabi nilang makauring kamalayan. Kung noon ko pa nalaman iyan, baka hindi kami pumasok sa pulitikong iyon. Kaya lang, gipit din kami noon, kaya pikit mata na lang na ikinampanya ‘yun basta may pambili lang ng bigas,” ang sabi naman ni Mang Igme.

“Ayuuun! Sinasabi ko na nga ba. Sabagay, nangangailangan din ako noon, marami sa atin. Subalit ikinampanya namin ang kauri natin, isang lider-manggagawa. Yung tumakbo sa pagkapangulo at yung isa naman ay sa pagkasenador. Hindi man sila nanalo ay ipinakita naming mga kababaihan kung para kanino kami.” ganting sagot ni Aling Ines.

Sunmabat si Mang Igor, “Ang mahalaga ay nalaman natin kung ano ba iyang makauring kamalayan, na tayo bilang mga maralita, ay dapat magtiwala sa ating mga kauri, ang mga manggagawa, kapwa maralita, mangingisda, vendor, magsasaka, at iba pang mahihirap. Aba’y kaytagal nang panahong ang lagi nating ibinoboto ay ang mga hindi natin kauri, pulos mayayaman, na hindi naman talaga naglilingkod sa ating mga dukha. Aba’y pag kampanyahan lang naman sila napuputikan sa pagpunta sa iskwater, para mahamig ang ating boto. Pero pag nanalo na sila, nasaan sila? Kaydali raw lapitan, kayhirap naman hanapin, di ba?”

“O, siya. Huwag na tayong magtalo pa. Ang mahalaga ngayon ay kung paano natin mapapalaganap ang makauring kamalayan na iyan, kahit wala na tayo sa pabrika, kundi bilang mga lider-maralita. Ang mga manggagawa naman ay umuuwi sa komunidad ng maralita, habang ang mga maralita’y padiska-diskarte lang para mabuhay.” Sabi ni Aling Ines.

“Ano ang malalim na dahilan ng makauring kamalayan kundi ang sama-sama nating pagkilos upang baguhin ang ating abang kalagayan, kung saan maitatayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, hindi ba? Yaong sistemang hindi nawawasak ang kalikasan dahil sa pagkaganid sa tubo ng iilan. Yaong sistemang ang pakuya-kuyakoy lang ay tiyak na magugutom. Hindi tulad ngayon, ang mga magsasakang anong sipag sa bukid, at ang mga manggagawang kayod-kalabaw ang siyang naghihirap, habang pakuya-kuyakoy lang habang nagkakamal ng ating pinagpaguran ang mga kapitalistang hayok sa tubo. May dapat tayong gawin. Ang imulat ang ating mga kauring maralita sa makauring kamalayan.” Sabi ni Igme.

Agad tumugon si Igor, “Mungkahi ko, pasapiin muna natin ang ating Samahang Maralita sa Pulang Bato (SMPB) sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), saka tayo magplano kasama nila. Makakapagbigay pa sila ng mga aralin tulad ng PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod at LNU o Landas ng Uri. Nabanggit na sa akin iyan ni Ka Kokoy, na pangulo ng KPML.”

Si Aling Ines naman, “Hoy, paalala lang ha? Bilang lider-maralita, mahalaga ang inyong pananagutan, kaya huwag na kayong mag-ano riyan sa mga pulitikong iyan na hindi naman natin kauri. Maano bang magkaroon tayo ng paluwagan para hindi tayo hingi ng hingi sa mga trapo na ang tingin naman sa ating maralita ay basahan.”

“Salamat sa paalala mo, Aling Ines.” Ani Igor. “Mag-iskedyul na tayo ng usap sa KPML upang makarating muli sila rito sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Enero 9, 2023

Bagong Taon, Lumang Sistema


BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusta, pare! Happy New Year! Ano ba ang New Year’s Resolution mo? Natupad mo ba ang dati mong mga resolusyon?” Tanong ni Igme kay Igor, habang nakikinig si Ingrid.

“Alam mo, ‘tol, hindi naman ako mahilig sa ganyang mga new year’s resolution kahit noon pa. Nagbago lang naman ay petsa, subalit hindi naman nagbabago ang sistema. Mas lumala pa. Di hamak na mas mataas na ang presyo ng isang kilong sibuyas kaysa minimum wage natin dito sa Maynila,” ang sagot naman ni Igor.

“Ay, oo nga, tama ka. Subalit isang kasiyahan na ang pagsasama-sama ng pamilya tuwing sasapit ang Bagong Taon. Sama-samang sasalubungin ang Bagong Taon nang masigla, maliwanag, nag-iingay, nagkakainan, nagkukwentuhan kung kumusta na ba ang bawat isa.” Ang sabi muli ni Igme.

“Isa pa iyan. Sinasalubong natin ang Bagong Taon nang may putukan. May nagsisindi ng lusis, may nagpapaputok ng labintador na may iba’t ibang pangalan, tulad ng PlaPla, Goodbye Philippines, at iba pa. Ang wala pa ay ang tawagin ang paputok na Goodbye Daliri, dahil marami nang nawalan ng daliri sa paputok, gayong ang iniisip lang ay masiyahan. May maling kultura na apektadp ay ang kinabukasan ng kabataang naputukan at nawalan ng daliri.” Sabi pa ni Mang Igor.

Sumabad si Ingrid, “May punto ka, Igor. May napapaputok pa ng baril pag Bagong Taon, kaya may mga batang namatay sa tama ng ligaw na bala. Iyon nga pala ang ikinampanya namin nitong bago mag-Bagong Taon, ang huwag magpaputok ng ligaw na bala. Hanggang ngayon kasi’y hindi pa natin nalilimot na namatay ang pitong taong gulang na batang babae, na nagngangalang Stephanie Nicole Ella, na namatay sa ligaw na bala noong Bagong Taon ng 2013 sa Caloocan. Ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer ay sinumpak, Bagong Taon ng 2013 din iyon. Doon naman sa Mandaluyong. Mabuti ay nahuli ang suspek.” 

“Naku, Ingrid,” dagdag pa ni Igor, “balita nga noong 2021 lang, Bagong Taon din, namatay  sa ligaw na bala ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing. Hay naku, Bagong Taon! Kailan tayo titino?”

“Ano ang punto ninyo, mga igan? Huwag na tayong magdiwang ng Bagong Taon? Ang OA n’yo naman?” Sabi ni Igme.

“Hindi naman sa ganoon, ‘tol. Ang sinasabi lang natin, nagbago ang petsa, subalit hindi naman nagbago ang sistema ng ating lipunan. Kahit sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, imbes na pangunahin ay ang kaligtasan ng pamilya, ang daming nasasaktan. Mas nangingibabaw ang komersyalismo, na kahit wala kang pera, naoobligado kang magbigay sa mga namamasko sa iyo, lalo na sa mga inaanak. Sa ganang akin, nagbago lang ang petsa, subalit ganoon pa rin tayo, mga kontraktwal. Ang ating management, mahilig magpamisa sa pabrika dahil blessing daw, subalit hindi naman magawang regular ang kanilang mga manggagawang kaytagal nang nagtatrabaho sa kanila, lalo na’t ang trabaho ay “usually necessary or desirable” sa takbo ng kumpanya. Nagbabait-baitan sila, nagpapamisa, subalit hindi nila makita ang sarili sa pagmamalupit sa manggagawa. Hindi kasi nila tayo kauri. Ang tingin nila sa atin ay manggagawa lang na ekstensyon ng makina.” Ito ang himutok ni Igor.

Napaisip si Igme, “Tama ka, Igor. Kaya kung mayroon man akong New Year’s resolution, aba’y ang resolusyon ko ay dapat tumulpng tayo at maging aktibo upang gumanda ang kalagayan natin sa pabrika, ang ipaglaban na maging regular tayo sa kumpanya, at pag-aralan natin ang lipunan. Tama, sumapi tayo sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP at nang may kakampi tayo na ating mga kauri.”

“Magandang New Year’s resolution iyan, Igme. Iyan na rin ang magiging New Year’s resolution ko, at dapat ipasa natin iyan sa unyon ng mga regular sa ating kumpanya.” Ang nakangiting sabi ni Ingrid.

“Okay din ako, sama ako riyan. At sana maging New Year’s resolutuon din natin na tumulong upang baguhin ang sistema ng lipunang pahirap sa manggagawa’t sa malawak na mamamayan.” Ang pagtatapos naman ni Igor. “Tara, kumain muna tayo. Libre ko kayo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 29, 2022

Pagkatuso ng mga "Lingkod-Bayan"

PAGKATUSO NG MGA “LINGKOD-BAYAN”
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Komento at karugtong ng maikling kwentong “Kahalagahan ng Pagkilos” na nalathala sa isyung Disyembre 1-15, 2022 sa Taliba ng Maralita)

“Ano ba naman iyan? Umatras na nga ang Kongreso sa Maharlika Invesment Fund, sabi nila. Bakit ngayon ay may botohan pa rin sa panukalang batas na iyan? Hindi ba totoo ang kanilang pag-atras?” ngitngit na komento ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

Sumagot naman si Aling Luningning, “Ang inatras lang yata nila ay yaong hindi na kukunin sa pondo ng SSS at GSIS ang magiging pondo ng Maharlika Invesment Fund, dahil sa malakas na pagtutol ng mga tao, hindi ang mismong Maharlika Wealth Fund na iyan, kaya pinagbotohan pa rin nila ang panukalang batas na iyan.”

“Hay, naku, ipinatatanggol mo pa ang mga kolokoy na iyan. Para talaga nilang binibilog ang ating mga ulo. Ipinipilit talaga nila kung ano ang ayaw ng mga tao. Paano natin matitiyak na pag naisabatas iyan, hindi nila kukupitin ang pera natin sa SSS, o sa GSIS man? Sige nga,” ang tugon naman ni Aling Ligaya.

Nakatingin si Mang Igme, na naroong nakikinig. “Magmasid pa tayo. Aba’y matindi ang numerong 279-6 pabor sa panukalang Maharlika Fund. Kaya saludo ako sa anim na tumutol diyan, dahil pahirap talaga iyan sa mamamayan. Kailan kaya titino ang ating pamahalaan?”

“Itay, isa lang talaga ang maisasagot ko sa tanong ninyo? Hangga’t pinaghaharian pa tayo ng mga political dynasty, patuloy ang pamamayagpag ng mga trapo. Hangga’t naririyan ang kapitalismo, patuloy na mamamayagpag ang mga dinastiya. Kaya dapat mapalitan mismo ay ang bulok na sistemang nakasuso palagi sa puhunan ng naghaharing iilan.” Paliwanag ni Maningning.

“Talagang tuso ang mga pulitikong iyan? Imbes na paglilingkod sa bayan, ginagawang negosyo ang serbisyo publiko. Sa tanda ko nang ito, nais ko pa ring sumama sa pagkilos ninyo, anak. Nais kong makiisa sa taumbayan sa anumang pagkilos laban sa anumang pagsasamantala at pang-aapi sa masa. Nais kong mamatay nang may ipinaglalaban.”

“Aba, mahal ko, sasamahan kita riyan. Hindi tayo mag-iiwanan. Aba’y kinabukasan, hindi lang ng bayan, kundi ng mga anak at apo natin ang nakasalalay. Iginapang na natin sila sa hirap, kaya marapat lang na ipaglaban din natin ang kanilang kinabukasan.” Si Aling Ligaya muli.

“Ganito na lang po, Itay. Kung may pagkilos muli kami ay sabihan po namin kayo. At sabihan ko silang pagsalitaan kayo nang inyong nararamdaman, hindi lang sa isyung binanggit ninyo, kundi sa aming isyu rin po. Ang pagbuwag sa salot na kontraktwalisasyon. Sa Lunes po ay may pagkilos kami sa Meralco laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Nais n’yo po bang sumama?”

“Aba’y isyu rin natin iyan, anak. Pati na ang sinasabing climate change. Sige, anak, sasama kami ng Itay mo.” Pagtatapos ni Aling Ligaya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, pahina 18-19.

Miyerkules, Disyembre 14, 2022

Kahalagahan ng Pagkilos

KAHALAGAHAN NG PAGKILOS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ay sos, rali na naman. Wala na ba kayong kapaguran diyan? Wala naman kayong kinikita diyan, ah! Pulos kayo reklamo! Bakit hindi kayo magtrabaho at magbanat ng buto?” ang sermon na naman ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

“Tumaas na naman kasi ang presyo ng bilihin, at hindi na makasabay ang sahod ng mga manggagawa, Inay! Magkano na ang isang kilong sibuyas ngayon, triple na po sa dating presyo! Nakakaiyak na, inay! Pati ang panggatas ni beybi, apektado! Kailangan na itong tutulan!” ang sagot naman ni Maningning.

“Aber, mapapababa ba ninyo ang presyo niyan? Aba’y kailan pa sa kasaysayan nagbabaan ang mga presyo ng bilihin? Tumigil nga kayo diyan, at alagaan mo na lang ang anak mo? Nagpapakapagod ka lang diyan, masisira pa ang kutis mo sa araw.”

“Sandali lang naman ang pagkilos na ito, Inay. Pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” muling sagot ni Maningning.

“Tama naman ang anak mo, Ligaya. Aba’y kung hindi ipinaglaban noon ng mga manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago ang walong oras na paggawa mula sa labing-anim o labingwalong oras na paggawa kada araw, aba’y baka hanggang ngayon ay wala pang batas para sa otso-oras na paggawa. Kung wala ang mga protesta ng mamamayan laban sa mga mapaniil na batas o pangit na kalagayan, aba’y walang magagawang batas sa ating bansa. Dati hindi pwedeng magbuo ng unyon, ngayon ay nakalagay na ito sa ating Saligang Batas dahil ipinaglaban ito.” Ito naman ang sinabi ni Mang Igme.

Si Aling Ligaya ay nagtitinda sa palengke, at naghuhulog din sa SSS para raw may makuha sakaling kailanganin. Si Mang Igme naman ay dating manggagawa sa pabrika, na noong pandemya ay nawalan ng trabaho. Si Maningning naman ay manggagawa sa patahian ng pantalon.

Noong isang araw lang ay nabalitaan nilang may panukalang batas sa Kongreso hinggil sa Maharlika Wealth Fund, kung saan kukunin ang pondo ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS. 

Nagulat si Aling Ligaya, at sinabi niyang bakit pera ng mga kontribyutor sa SSS at GSIS ang pagkukunan ng pondo, gayong maraming mayayaman sa bansa, tulad ng mga pulitiko at bilyonaryo na dapat kunan ng pondo kung magiging maayos lamang ang pagbubuwis. Dapat nga ay mas buwisan ang mayayaman, at hindi ang mga mahihirap.

Kaya nang mabatid ni Aling Ligaya na sasama ang kanyang anak sa rali laban sa bantang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund, agad siyang nagboluntaryong sumama. Sabi niya sa anak, “Oo lang ako ng oo sa mga nangyayari noon. Subalit kung gagalawin na nila ang mga ipon naming mga kontribyutor sa SSS, aba’y hindi na maaari iyan. Hindi ako sanay sa rali, anak, subalit sa pagkakataong ito, sasama ako sa rali ninyo upang isatinig ang aking nararamdaman, at tutulan ang ganyang panukala.” Ikapito ng Disyembre ay sumama silang mag-ina sa rali sa SSS. 

Pagkauwi sa bahay ay ibinalita na sa telebisyon ang pag-atras ng mga kongresista sa pagsasabatas ng panukalang Maharlika Wealth Fund dahil daw baka magalit ang tao sa gagawin nila.

“Tama ka, anak, kung hindi tayo kikilos ngayon, at oo lang tayo ng oo, aba’y baka nagalaw na nila ang aming pinaghirapang hulugan sa SSS. Salamat at may katulad ninyong sama-samang kumikilos at  tumututol sa mga maling gawain at katiwalian. Mabuhay kayo, anak!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.