Huwebes, Hunyo 29, 2023

Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Hunyo 14, 2023

Kung may paglaya ng bansa, dapat may pagkatatag ng bansa


KUNG MAY PAGLAYA NG BANSA, DAPAT MAY PAGKATATAG NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ni Inggo sa pahayagang Abante ang plano ng pamahalaan hinggil sa pagdiriwang ng Hunyo 12 sa bansa pagkat ito’y Araw ng Kalayaan. Sa pandaigdigan naman, ito’y World Day Against Child Labour (Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata). Kaya habang nasa karinderya ni Aling Isay isang hapon, nasabi niya sa mga kasama sa samahang magkakapitbahay: “Hindi ba’t kung may paglaya ang bansa ay dahil may natatag o nabuong bansa? Paano ka lalaya kung wala kang bansang pinalaya? Kailan ba naging bansa ang ating bansa?”

Sumabat si Kanor, “Napapaisip ako sa mga tanong mo, ah, na tama naman. Dapat alam natin kung kailan naging bansa ang ating bansa, na kung lumaya tayo ay napalaya ang bansang nakatayo na. Hindi ba?”

Sumagot si Kosme, “Kung aaralin ang ating kasaysayan, naging bansa tayo o nabuo ang ating bansa ay nang sabay-sabay na punitin ng mga Katipunero ang kanilang sedula noong himagsikan na naging hudyat upang ang Katipunan ay matransporma bilang rebolusyonaryong pamahalaan. Hindi pa ito tinatawag na Pilipinas noon dahil pag sinabing Filipino, Iyon ang mga taong may lahing Espanyol na ipinanganak sa bansa, habang ang mga katutubo ay tinatawag na Indio. Kaya wala pang bansang Pilipinas o Filipinas noon.”

“Ganoon ba?” Sabi ni Kanor. “Ang mabuti yata’y sumangguni tayo sa mga historyador sa kanilang mga sulatin. O kausapin sila upang ating mabatid kung kailan ba talaga naging Pilipinas ang Pilipinas. Sina Andres Bonifacio kasi ay hindi naman Pilipinas ang itinatag kundi Haring Bayang Katagalugan o Sovereign Tagalog Nation. Anong masasabi mo?”

Sumagot si Inggo, “Palagay ko’y tama ang sinasabi ni Kosme dahil palabasa iyan ukol sa kasaysayan. SIge, Kosme, magpaliwanag ka pa.”

Napilitan tuloy magpaliwanag si Kosme sa pakiramdam niya’y isang hamon. “Nabasa ko kasi ang sinulat ng tatlong historyador na sina Dr. Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas. Tamang-tama, narito sa bag ko itong dokumento. Basahin ko ang huling bahagi: The first Filipino national government was established on 24 August 1896. Filipinos should observe the date as National Day, if the 1896 Philippine Revolution and the Katipunan are to have any worth at all. And Filipinos should recognize  Andres Bonifacio not only the founder ofthe Katipunan and leader of the revolution of 1896, but as the first Filipino president: the father of the nation and founder of our democracy.”

“Ibig sabihin ba, noong Agosto 24, 1896 ang ating makasaysayang Birth of the Nation o Pagkakabuo ng Bansa? Aba’y iyan na. Subalit bakit hindi iyan kinikilala sa ngayon?” Tanong ni Inggo.

“Ang masasabi ko na lang ay sarili kong opinyon, ha.” Ani Kosme. “Hindi kinilala iyan dahil baka masapawan ang deklarasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo sa kalayaan ng bayan. Ngunit alam nating siya umano ang nag-utos na patayin ang magkapatid na Bonifacio. At nabuhay pa siya hanggang 1964, na 67 taon matapos paslangin sina Bonifacio. Kaya anong aasahan natin sa ganyang sitwasyon? Subalit kung sususugan ko ang iyong tanong na kung lumaya ang bansa ay dahil may nabuong bansa, at nakibaka tayo upang ang bansang itinayo ay mapalaya. Kaya dapat ngang kilalanin ang pagkakabuo ng bansa.”

“Kaya anong magandang gawin natin.” Tanong ni Inggo.

Si Kanor, “Ang mabuti pa yata’y isulat ni Kosme ang pananaw na iyan sa paraang petisyon at papirmahan natin sa mga tao upang maging batas. Magtatalakay tayo, una, sa ating mga kapitbahayan. Sunod ay sa mga guro ng ating mga anak, at paramihin natin ang petisyon hanggang makaabot sa maraming mamamayan, maunawaan ito, at makaabot ito sa ating mga kongresista, senador at sa pangulo upang maging batas.”

“Ang malinaw dapat sa atin,” ani Kosme, “kaya natin ginagawa ito ay dahil sa pagtinging paano lalaya ang “bansang” hindi pa naman bansa kundi ipinaglaban muna natin iyon hanggang maging bansa. Tama lang na kilalanin ang pagkakabuo ng bansa.”

“Ang Birth of the Nation ay noong Agosto 24, 1896 at ang Araw ng Kalayaan ay noong Hunyo 12, 1898. Dapat sabay maisulat iyan sa ating mga aklat sa kasaysayan. Simulan mo na, Kosme, ang petisyon, at sa Sabado ay magpatawag na tayo ng pulong ng samahan.” Masayang sabi ni Inggo.

 * Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Mayo 29, 2023

Karapatang Pantao at Pangangalaga sa Kalikasan, Idagdag sa Panatang Makabayan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KARAPATANG PANTAO AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN, IDAGDAG SA PANATANG MAKABAYAN

“Alam n’yo ba, pare,” sabi ni Inggo, “nagpalabas pala ng Memo Blg. 4 ang DepEd, nito lang Pebrero 14, 2023,  na pirmado ni VP  Sara Duterte, na ang laman, pinalitan lang ang katagang nagdarasal ng nananalangin sa Panatang Makabayan. Iyon lang ang punto ng memo.”

“Ano ba naman iyan?” sagot ni Igme, “kayraming dapat palitan, iyan lang. Ni hindi man lang mailagay ang mga mahahalagang isyu ng lipunan na dapat alam ng mga kabataan habang bata pa sila.”

“Ano naman ang dapat pang idagdag?” ani Igme, habang nakikinig na rin si Aling Isay sa usapan. “E, nung bata pa tayo, mukha namang maayos na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan, upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang…”

“Ops, Inggo, hindi na iyan tulad noong bata pa tayo. Binago na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Di ko alam kung kailan nila binago.” si Mang Igme, “Gayunpaman, sa mga nagdaang panahon natin ng pakikibaka mula martial law hanggang ngayon, hanggang sa nagkaroon ng malawakang patayan dahil sa War on Drugs sa panahon ng tatay ni Sara, hindi na iginalang ang karapatang pantao, na para bang barya-barya na lang ang buhay. Tapos, tumitindi na rin ang pag-iinit ng mundo dahil sa climate change. Dapat di na umabot sa 1.5 degri ang lalo pang pag-init ng mundo. Iyang dalawang isyung iyan, sa palagay ko, ang dapat maisama sa Panatang Makabayan, ang pagrespeto sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan.”

“Ayos iyan, Igme,” ani Aling Isay, “Sang-ayon ako riyan. Subalit hindi mangyayari iyan sa panahon ni Sara. Bakit? Anak siya ng dating pangulong naging dahilan ng malawakang patayan, na kahit mga bata, tulad nina Danica Mae Garcia, 5, at Althea Berbon, 4, ay napatay din. Subalit maganda ang mungkahi mo.”

“Oo nga, sang-ayon din ako, Igme, sa mungkahi  mo.” Sabi naman ni Inggo, “Ngunit paano mo ba sisimulan iyan? Dapat yata isulat mo iyan. Matatanda na tayo, may maiambag man lang tayo upang isulong pa rin ang karapatang pantao at ang climate emergency na tinalakay sa atin minsan ng mga kasama sa Philippine Movement for Climate Justice.

“Tama kayo, mga kasama, kahit internasyunalista tayo at hindi makabayan, susubukan kong isulat upang maisama sa Panatang Makabayan ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan. Upang mapatimo na sa murang isipan ng mga bata ang kahalagahan ng mga isyung iyan, lalo’t may kaugnayan iyan sa pangarap nating pagtatayo ng lipunang makatao” ani Igme. “Kaya lalabas sa kabuuan ng Panatang Makabayan ay ito:”

Panatang Makabayan,
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

“Aba’y mahusay ang pagkakadugtong mo, di lang pagpapalit ng salita kundi pagdagdag ng konsepto,” sabi ni Aling Isay. “bagamat alam nating baka di gawin iyan ng anak ng dating pangulo, dahil sa mga naganap na malawakang pagpaslang noong panahon nito sa pagiging pangulo.”

“Mahalaga ay maitimo sa isipan ng kabataan iyan ngayon,” ani Igme” at baka sa mga susunod pang panahon, ay mailagay na iyan sa Panatang Makabayan, hindi man sa panahon natin ngayon, kundi tatlumpung taon man o limampung taon pa sa hinaharap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Mayo 14, 2023

Sahod vs. Presyo? O Sahod vs. Tubo?

SAHOD VS. PRESYO? O SAHOD VS. TUBO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit pag sa malalaking kinikita ng mga kapitalista o ng malalaking negosyante, walang nagsasabing tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang kanilang kinikita? Subalit kaunting baryang taas ng sahod ng manggagawa, sinasabing magtataasan na ang presyo ng mga bilihin?” Ito ang bungad na tanong ni Aling Ines kay Mang Igme, habang sila’y naghuhuntahan sa karinderya ni Mang Igor katabi ng opisina ng unyon.

Narinig iyon ni Mang Inggo, isa sa lider ng unyon. “Hindi po totoo na pag tumaas ang sahod ng manggagawa ay tataas din ang presyo ng bilihin. Binobola lang tayo ng mga iyan. Paraan nila iyan nang hindi tayo taasan ng sahod habang limpak ang kita nila sa ating lakas-paggawa.”

Sumabad din si Mang Igme, “Ano ka ba naman, kasamang Ines. Syempre, kapitalista sila. Mga negosyante, malakas ang kapit sa gobyerno, at makapangyarihan. Tama si Inggo. Ang totoo niyan, ang talagang magkatunggali ay sahod at tubo, sahod ng manggagawa, at tubo ng kapitalista. Pag tumaas ang sahod ng manggagawa, bababa ang tubo ng kapitalista. Upang tumaas ang tubo ng kapitalista, dapat mapako sa mababa ang sahod ng manggagawa. Kaya walang epekto sa kapitalista ang presyo ng bilihin, tumaas man o bumaba.”

“Subalit bakit nga ganyan? E, di, ang dapat pala nating hilingin o kaya’y isigaw: Sahod Itaas, Tubo Ibaba! Hindi ba?” Sabi ni Aling Ines.

“Tama ka, Ines!” si Mang Igme uli, “Subalit ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba ay mas makapagmumulat sa mas malawak na mamamayan, dahil iyon ang mas malapit sa kanilang bituka. Baka hindi nila intindihin ang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, baka sabihing panawagan lang iyan sa loob ng pagawaan. Sa ngayon, nananatili pa rin namang wasto, bagamat kapos, ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba.”

Sumagot din si Mang Igor na nakikinig matapos magluto. “Kaya kailangan pa ng mamamayan ang makauring kamalayan, na magagawa lang natin sa pagbibigay ng edukasyong pangmanggagawa, tulad ng Landas ng Uri, Aralin sa Kahirapan, at ang paksang Puhunan at Paggawa. Hangga’t hindi naaabot ng manggagawa ang makauring kamalayan, baka hindi nila maunawaan ang panawagang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, o Tubo Kaltasan. Paano ito maiuugnay sa buhay sa lipunan.”

“Sige,” sabi ni Aling Ines. “Magpatawag tayo ng pulong at pag-aaral sa Sabado upang talakayin ang konseptong iyan. Bago iyan sa amin.”

Dumating ang araw ng Sabado, at sa opisina ng unyon ay dumalo ang nasa dalawampung manggagawa. Idinikit nila sa pader ang isang manila paper. Matapos ang kumustahan ay nagsimula na ang talakayan.

Si Mang Igme, "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalismo hinggil sa sahod, subalit apat na katotohanang pilit nilang itinatago sa manggagawa. Una, ang sahod ay presyo. Ikalawa, ang sahod ay kapital. Ikatlo, ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa limpak-limpak na tubo. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital.”

Nagtanong si Iking, “Ibig po bang sabihin, hindi sapat ang sigaw nating Sahod Itaas, Presyo Ibaba, kundi ang sinabi ni Aling Ines na Sahod Itaas, Tubo Bawasan, kung sa atin palang manggagawa galing ang tubo.”

“Tama ka.” Sagot ni Mang Igme. Mahaba pa ang naging talakayan. Maraming tanong at paliwanag. 

Pinutol ni Mang Inggo ang talakayan, "Kung wala nang mga tanong, iyan muna ang ating tatalakayin. Sunod nating paksa ay bakit kailangan natin ng kamalayang makauri." Sumang-ayon naman ang mga kasama.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Abril 29, 2023

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La TondeƱa ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Abril 14, 2023

Poor Mindset versus Rich Mindset nga ba?

POOR MINDSET VERSUS RICH MINDSET NGA BA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabigla ako sa sinabing iyon ng isang matagal nang kakilala. Ang sabi niya, “Kaya naman ganyan ang mga mhihirap na iyan kaya di umaasenso ay dahil sa poor mindset. Kung sila ay may rich mindset, aba’y di sila ganyan. Iyon ngang kapitbahay kong magbobote, noong bata pa ako ay magbobote na, ngayong matanda na ako, magbobote pa rin. Para bang wala silang pangarap, kaya di sila umasenso. Ngayon, pati anak niya ay magbobote na rin.”

Napatunganga ako sa kanyang sinabi. Isa kasi siyang entrepreneur, o yaong may maliit na negosyong pinagkakakitaan. Gayunpaman, batid niyang nasa kilusan ako ng mga maralita, na para bang sinasabi niyang “Bakit iyan ang mga kasama mo? Dapat sumama ka sa mga may rich mindset upang umasenso ka rin.” Subalit hindi niya iyon sinabi sa akin,

Ang tangi kong nasabi sa kanya, “Ako naman ay hindi sang-ayon diyan, dahil kahit nasa maralita man ako, di naman ako poor mindset, bagamat di rin naman ako rich mindset, na ang iniisip lagi ay paano magnenegosyo upang kumita. Ayokong tingnan ang tao sa dalawang iyan, poor mindset versus rich mindset. Dahil kaming mga aktibista, kaya naging aktibista, ay dahil sa good-of-all mindset.”

“Ano naman iyon?” ang agad niyang tanong.

“Pasensya na,” tugon ko, “na hindi ko talaga nabasa ang Rich Dad, Poor Dad, ni Robert Kiyosaki, na marahil ay binasa mo, at batayan mo ng poor mindset at rich mindset. Ang ibig kong sabihin sa good-of-all mindset ay ang kabutihan ng lahat, hindi lang ng iilan, hindi lang ng iisang pamilya, hindi lang ng pag-asenso ng pamilya ko, kundi sabayang pag-unlad ng lahat.”

“Paano naman mangyayari iyon?” ang agad tanong niya.

Agad din naman akong tumugon, “Kaya ako naging aktibista ay dahil sa paniniwalang iyan, good-of-all, kabutihan ng lahat. Dapat walang maiiwan, walang nagsasamantala ng tao sa tao. Sa pananaw ko, iyang rich mindset na sinasabi mo ay pansariling pag-asenso lang, na iyan ay makukuha mo sa sipag at tiyaga. Nagbi-breed iyan ng pagkamakasarili, at nawawala ang pakikipagkapwa sa ngalan ng tubo o malaking kita. Sa good-of-all mindset, laging dignidad ng tao ang una, nakikipagkapwa tao at nagpapakatao. Kaya pangarap namin ay maitayo ang isang lipunang makatao na ang lahat ay nakikinabang. Walang maiiwan sa pag-unlad.”

“Mahirap iyang sinasabi mo. Hindi ko kaya. Bakit ko iisipin ang ibang tao? Sarili nga nila, hindi nila iniisip. Baka nagbi-breed naman ng katamaran iyang gusto niyong good-of-all minset? Matapos magtrabaho ng manggagawa, saan sila madalas pumunta? Hindi ba sa inuman? Imbes na mag-isip pa sila ng mga bagay na makakatulong sa pamilya, sa inuman ang tuloy nila. Tapos pag-uwi ng bahay, matutulog na lang. Pag nagutom siya dahil lasing, maghahanap ng pagkain. Pag walang luto, aba, bugbog-sarado pa si misis.” Ang ganting sagot ng aking kausap.

Sabi ko, “Hindi naman lahat ng manggagawa ay ganyan. Hindi ba’t matapos ang maghapong pagnenegosyo ng mga negosyante, aba’y saan sila pumupunta? Hindi ba’t sa casino? Dahil maraming pera, doon inuubos ang pera nila? Pag kinapos, at ayaw matalo, pati sariling bahay at kotse ay isinasangla, makabawi lang. Subalit huwag na nating palawigin pa sa ganyang patutsadahan ang ating pagtatalo. Ang mahalaga naman ay ang pananaw natin sa ating kapwa tao, mahirap man o mayaman. Tingin ko, bayanihan, damayan, tulungan, at tangkilikan ang buod ng good-of-all mindset. At iyan sana ang mangibabaw na kaisipan. Gayunman, tama ka, hindi lahat ay kaya ang aming ginagawa, dahil ang uunahin nila ay ang kapakanan ng kanilang pamilya. Nauunawaan ko kayo doon. Subalit kung iyan ang magiging dahilan upang mang-api at magsamantala ng tao, aba’y kakampihan talaga namin ang mahihirap at manggagawa na nagsisikap upang mapakain nila ang kanilang pamilya.”

“O, sige,” aniya, “nauunawaan din naman kita. Kaya lang, di talaga iyan ang plano ko. Pag-iisipan ko pa rin lahat ng sinabi mo. Susubukan kong unawain. Kita na lang tayo sa susunod at usap pa tayo. Salamat.”

“Sige,” tugon ko. “Maraming salamat din sa pakikinig.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Marso 29, 2023

Kapitbisig laban sa demolisyon

KAPITBISIG LABAN SA DEMOLISYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulantang kami sa tawag na may demolisyong nagaganap sa isang pamayanan sa Maynila, at kailangan daw nila ng tulong upang masawata ang nasabing demolisyon. Sa ganitong mga pagkakataon ay dapat maagap ang pagkilos at mabilis ang isipan dahil buhay at karapatan ang nakataya. Pag biglang nawalan ng tahanan ang isang pamilyang maralita, tiyak na malaking suliranin ito sa kanila. Saan na sila tutuloy pansamantala habang inaayos ang gusot na ito? Saan na ba titira ang kanilang mga anak? Paano ang eskwela ng mga bata?

Hindi ba’t kaya naman naroon sa iskwater ang pamilyang dukha ay dahil malapit iyon sa kanilang trabaho? Hindi sila titira roon kung malayo iyon sa pinakukunan nila ng ikabubuhay. Subalit nakatira sila sa nakatiwangwang na lupa, na noong una’y tinirhan ng kanilang mga magulang, na mula sa lalawigan ay umalis doon dahil sa hirap ng buhay. 

Nakakita ng trabaho o anumang mapagkakakitaan sa lungsod na umampon sa kanila, sa lungsod ng mga pangarap. Kaya sa lungsod ding iyon nila napiling manirahan kung saan malapit sa pinagkakakitaan nila.

Napakaraming kwento ng pakikipagsapalaran ng maralita upang maabot ang pinapangarap na buhay na maginhawa. Ngunit ngayon…

“Magbarikada tayo, mga kapitbahay! Hindi tayo papayag pasukin nila tayo upang wasakin ang ating mga tahanan at itaboy tayong parang mga daga sa malayo! Dito na tayo isinilang, nagkaisip, nagkaasawa, nagkaapo. Dito natin nakagisnan ang ating mga magulang, tapos ay basta na lang tayo palalayasin dahil nabili na ng isang malaking kumpanya ang kinatitirikan ng ating bahay? Ni wala man lang pag-uusap na naganap kung paano na tayo, kung may relokasyon bang malapit sa ating trabaho? Wala! Tayong mga maralita kasi ay masakit sa kanilang mga mata kaya para tayong hayop na tatanggalan nila ng karapatan at tahanan! May dignidad tayo bilang tao na di dapat binabalewala!” Ito ang mariing sabi ni Ate Lona sa kanyang talumpati sa magkakapitbahay.

Sang-ayon naman ang mga tao. At sinabi naman ni Mang Gusting, “Tama si Ate Lona, tayo ay mga taong may dignidad, may karapatan, may mga pangarap sa ating mga anak. Na kahit tayo’y mahirap, tayo ay may dangal na iniingatan. Kung tatanggalan nila tayo ng ating tahanan, winawasak nila ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan ng ating mga anak. Papayag ba tayo! Hindi! Tara na sa barikada, at ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan at kinabukasan ng ating mga anak!”

Nasa gayon silang pagkilos nang dumating ang mga lider-maralita mula sa kabilang barangay sa pangunguna ni Ka Linda. Lumakas ang loob ng mga tao. Sina Ka Linda ang isa sa mga nagtagumpay sa pakikipaglaban noon laban sa paggiba sa kanilang kabahayan sa Brgy. 143. Muli nilang itinayo ang kanilang bahay at buhay. Dumating din sina Ka Igme ng Brgy. 147. 

Nakaamba na ang demolition team sa pangunguna ng isang malaking tao. Inihatid nito ang liham na diumano’y order na pinaaalis na sila sa kanilang mga tahanan dahil gigibain na ang mga ito upang bigyang daan ang pagtatayo ng malaking mall sa lugar. Nakapalibot sa kanya ang demolition team na mukha rin namang galing sa iskwater, tulad nilang maralita.

“Hindi kami papayag na mapaalis sa aming mga tahanan!” Sabi ni Ka Lona. Nagkapit-bisig na ang mga tao. Habang naghahanda naman ang iba ng kanilang pandepensa tulad ng binalot na tae at ihi upang ibato sa mga demolition team sakaling umatake na ang mga ito.

Umawat sina Ka Linda at Ka Igme at kinausap ang nagpapademolis na mukhang goons. “Bakit hindi man lang kinausap ang mga maralita tungkol sa proyekto? Wala silang kaalam-alam na may ganyang proyekto. Labag iyan sa UDHA! Dapat may negosasyon muna bago demolisyon! Saan sila titira, kakain at matutulog? Sa kalsada? Paano ang mga bata?” Ani Ka Igme.

“Bahala kayo! Basta sabi ng aking amo, dapat lumayas na kayo sa lupaing ito dahil nabili na niya ito. Maghabol na lang kayo sa korte! Sige, layas!” At sinenyasan ang demolition team na pumasok na. Dumating ang mga midya at kinunan ang nagaganap na tensyon. Patuloy pa ring kapitbisig ang mga maralita. Tila bato silang hindi matinag, habang nasa likod nila ang mga nakaalalay pang maralita sakaling magkaduguan.

Pumagitna si Ka Lona. Nakahanda na rin ang mga tao. Subalit…

Nahupa lang ang tensyon nang dumating ang isang taga-City Hall na pinahihinto ang demolisyon. “Huwag ituloy ang demolisyon, inatasan kami ni Mayora, ihinto na ang demolisyon. May negosasyong naka-iskedyul. Hintayin muna iyon.” Ilang sandali pa’y umalis na ang demolition team. 

Alam nila, pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Kailangan pa rin nilang maghanda at maging mapagbantay. Dahil anumang sandali ay maaari pang bumalik ang mga iyon sa araw na hindi nila inaasahan. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 18-19.