Lunes, Agosto 14, 2023

Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Hulyo 29, 2023

SONA na naman, sana naman...

SONA NA NAMAN, SANA NAMAN…
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa halos tatlong dekada na ay sumasali pa rin sina Igme at Isay sa mga kilos-protesta. Ani kumpareng Inggo nila: “Ano bang napapala natin sa pagdalo sa mga kilos-protesta? Nagbago ba ang buhay natin?”

Kaya napatanga sa kanya sina Igme at Isay. “Bakit ba ganyan na ang tono mo ngayon? Parang ikaw ang nagbago? Hinahanap mo pa rin ba na yumaman ka, gayong kakarampot lang naman ang sinasahod mo diyan sa pinapasukan mo?” ang sagot naman ni Isay.

“Mabuti nga na sumasama tayo sa kilos-protesta sa SONA upang ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan kumpara sa ulat ng pangulo na pag-unlad kuno ng bayan. Na kesyo lumaki raw ang GDP subalit di naman ramdam ng mamamayan. Isang kahig, isang tuka pa rin ang mga maralita. Kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.” ang tugon ni Igme.

“Subalit di pa rin naman nagbabago ang buhay natin?” ani Inggo.

“Magbabago ba ang buhay natin kung ang polisiya ng pamahalaan ay para sa negosyo, para sa mayayaman, para sa mga bilyonaryo? Hay, kaya tayo sumasama sa kilos-protesta sa SONA ay upang ipahayag natin na balintuna sa kalagayan ng bayan ang iniuulat ng pangulo, kundi para sa kanilang magkakauri lamang.” ani Igme.

Sumabad muli si Isay sa malumanay na paraan. “Kung ayaw mong sumama sa pagkilos sa SONA, huwag kang sumama. Kami na lang. Nais pa rin naming makiisa sa masa na matagal nang pinagsasamantalahan ng uring mapang-api. Ito ngang si Igme, kaytagal naging kontraktwal na dapat regular na sa kumpanya nila noon, hindi niya naipagtanggol ang sarili niya  laban sa kasong illegal dismissal dahil hindi siya noon sumali sa unyon. Bagamat pilit pa rin siyang ipinagtanggol ng unyon. Ang ganyang kaso ang hindi nireresolba ng pamahalaang ito. Ayos lang sa kanila ang kontraktwalisasyon dahil pabor iyon sa mga kapitalista.”

Napaisip si Inggo. “Kung sabagay, tama kayo. Subalit nangangako naman ang bagong pangulo na reresolbahin ang 6.5 milyong backlog sa pabahay. Baka mabiyayaan tayo roon.”

“Asa ka pa.” sabi ni Isay. “Ang balita namin, vertical ang itatayong pabahay, parang condo, at ang palakad diyan, dapat ay kasapi ka ng Pag-ibig upang may pambayad ka sa pabahay na milyon kada yunit. May pera ka bang pambayad? Hindi pangmaralita ang pabahay na iyon, kundi negosyo. Hindi serbisyo sa tao. Ninenegosyo na naman nila tayo.”

“Subalit gaya nga ng sinabi ko, taon-taon na lang ang SONA, kailan pa tayo titigil sa ganyang pagkilos?” muling sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme, “Kaytagal na nating pinag-usapan iyan.  Kikilos tayo, hindi lang sa SONA, kundi sa Mayo Uno, Araw ng Kababaihan, Karapatang Pantao, at iba pa, basta may isyu ang bayan. Hindi para sa maralita ang mga nagdaang gobyerno kundi para lagi sa negosyo at sa mga kauri nilang mayayaman. Kaya nga ang polisiya nila ay taliwas sa kagustuhan ng mamamayan. Diyan pa lang sa usapin ng kontraktwalisasyon, mataas na bilihin, ang hindi maampat na land grabbing na hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang National Land Use Act, dahil asawa ng isang senador ang isa sa kilala nating land grabber, aba’y aasahan mo pa bang magbabago ang buhay natin. Ang dapat sa kanilang uring mapagsamantala sa maliliit ay ibinabagsak. Ayon nga sa awiting Tatsulok, ‘at ang hustisya ay para lang sa mayaman.’ At hindi tayo papayag na magpatuloy ang ganyan, lalo na para sa ating mga anak, apo, at sa mga susunod na henerasyon.”

Napatungo si Inggo. Maya-maya’y napatitig kay Igme, “Pilit ko pa ring inuunawa ang sinasabi ninyo. Habang sa utak ko ay para bang nangangako na naman ng matatamis ang pangulo tulad ng iba pang nakaraang pangulo.”

“Bente pesos na ba ang sangkilong bigas? Aba’y nang minsang  kumain tayo sa mall, trenta pesos na ang isang tasang kanin, asa ka pa rin sa pangako ng pangulo? Hanggang kailan ka kontraktwal?” Ani Isay.

Napatungo na naman si Inggo. “Sabagay, tama kayo. Nauunawaan ko na. Sasama ako sa inyo sa pagkilos sa SONA.”

Si Isay muli, “Makikinig tayo sa tunay na kalagayan ng bayan ayon mismo sa bibig ng mga manggagawa at kapwa natin maralita. Tayo pa rin namang magkakauri ang uugit ng ating kasaysayan at kinabukasan natin at ng ating mga anak. Magpalit-palit man ang pangulong para sa mga kapitalista, hindi pa rin magbabago ang buhay natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 14, 2023

Isalin ng KWF sa sariling wika ang mga batas upang madaling maunawaan ng masa


ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MADALING MAUNAWAAN NG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa korte ang ilang lider-maralita at doon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang paninirahan sa lupang ilang dekada na nilang tahanan.

Nagkaroon kasi ng maling interpretasyon sa pagkakasalin ng blighted land, na ayon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992, sa Section 3, Definition of Terms, na ang nakasulat: “(c) “Blighted lands” refers to the areas where the structures are dilapidated, obsolete and unsanitary, tending to depreciate the value of the land and prevent normal development and use of the area.” 

Naisalin naman ang iyon sa ganito: “c) Tinutukoy na “blighted lands” yaong mga lugar na kung saan ang mga nagpapababa sa halaga ng lupa at humahadlang sa normal na paggamit at pagpapaunlad ng nasabing lugar.” Makikita ang nasabing pagkakasalin sa kawing na https://pagbangon.blogspot.com/2009/11/udha-tagalog-version.html. 

“Nang maisabatas ang UDHA, o iyang Lina Law, ay agad naming ipinasalin kay Pareng Inggo, na isang makata, ang batas na iyan,” sabi ni Igme, “upang mas madaling maunawaan ng mga kasapi ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Dulong Tulay, na naisalin naman niya. Pinaunlad namin ang lugar na iyan nang itinapon kami sa relokasyong iyan, na wala pang kabahayan. Kami ang naghawan ng damo, nagpatong ng mga bato at matayuan ng bahay, hanggang maging maunlad na ngayon.”

Subalit tugon ng hukom, “Hindi naman opisyal na tagasalin ng batas iyang si Inggo, kundi pagtingin lang niya iyan. Kaya ang ginagamit sa inyo ay itong batas na nakasulat sa Ingles. Diyan ang aming batayan paano talaga ma-interpret ang batas. Dahil tila mali ang pagkasalin niya sa nasabing seksyon ng batas. Sa Merriam Webster, ang bighted ay ": in a badly damaged or deteriorated condition." Ibig sabihin, lupaing malubhang nasira o lumalalang kondisyon. Ang inokupa ninyo ay hindi blighted land."

Umuwing luhaan ang mga maralita. Pakiramdam nila’y tuluyan na silang mapapaalis sa lugar na kaytagal na panahon nilang pinaunlad.

Hanggang sinabi ni Mang Igme, na siyang namumuno sa samahan, “Dapat pala, may opisyal na tagasalin ang mga batas ng bansa. Tayo kasi ang bansang ang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles habang nagsasalita tayo sa sariling wika sa araw-araw, kaya hindi nakasanayang magsalita ng Ingles. Naisahan tayo sa kamaliang di natin kasalanan. Nais lang naman nating maunawaan ang batas na tatamaan tayo.”

Nagmungkahi si Isay, “Dapat mag-lobby tayo ng batas na may ahensya ng pamahalaan na italagang tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, at mungkahi ko ay kumausap tayo ng mga kongresista o senador na lilikha ng batas na itatalaga, halimbawa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensya sa wika ng ating bansa, na siyang italagang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa Tagalog man, Bisaya, o iba pang wika sa Pilipinas. Kung tatamaan ay katutubo, tulad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA, aba’y dapat isalin iyan sa wikang katutubo, upang hindi naman madehado tayong mamamayan. Di tulad sa nangyari sa atin. Dahil sa maling salin, ayon sa korte, eto, mukhang mawawalan tayo ng tahanan.”

Sumagot si Ingrid, “Paano po natin sisimulan iyan, aling Isay. May karanasan na po ba kayo sa, ano ‘yun, magpasa ng batas para sa mga senador o kongresista.”

“Pagla-lobby. Magla-lobby tayo ng batas sa mga kongresman at senador, na gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino. Ang una nating gawin ay lumiham sa kanila at ipaliwanag ang naging karanasan natin sa korte, at imungkahi nating upang di maulit sa iba ang ating karanasan, ay isabatas nila na gawing opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil sila naman ang ahensyang pangwika ng pamahalaan.”

“Maganda po ang suhestyon n’yo. Sana’y maumpisahan na agad. Tutulong po kami sa pagdadala ng mga liham sa Kongreso at Senado, habang magbabantay ang iba nating kapitbahayan upang ipagtanggol ang ating mga tahanan kung sakaling may banta na ng demolisyon.”

Si Mang Igme, “Salamat sa malasakit, mga kasama. Simulan na nating gumawa ng liham upang maging batas iyan. Kung di tayo kikilos, kailan pa? Simulan natin upang may maitulong tayo sa kapwa maralita.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Hunyo 29, 2023

Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Mayo 29, 2023

Karapatang Pantao at Pangangalaga sa Kalikasan, Idagdag sa Panatang Makabayan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KARAPATANG PANTAO AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN, IDAGDAG SA PANATANG MAKABAYAN

“Alam n’yo ba, pare,” sabi ni Inggo, “nagpalabas pala ng Memo Blg. 4 ang DepEd, nito lang Pebrero 14, 2023,  na pirmado ni VP  Sara Duterte, na ang laman, pinalitan lang ang katagang nagdarasal ng nananalangin sa Panatang Makabayan. Iyon lang ang punto ng memo.”

“Ano ba naman iyan?” sagot ni Igme, “kayraming dapat palitan, iyan lang. Ni hindi man lang mailagay ang mga mahahalagang isyu ng lipunan na dapat alam ng mga kabataan habang bata pa sila.”

“Ano naman ang dapat pang idagdag?” ani Igme, habang nakikinig na rin si Aling Isay sa usapan. “E, nung bata pa tayo, mukha namang maayos na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan, upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang…”

“Ops, Inggo, hindi na iyan tulad noong bata pa tayo. Binago na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Di ko alam kung kailan nila binago.” si Mang Igme, “Gayunpaman, sa mga nagdaang panahon natin ng pakikibaka mula martial law hanggang ngayon, hanggang sa nagkaroon ng malawakang patayan dahil sa War on Drugs sa panahon ng tatay ni Sara, hindi na iginalang ang karapatang pantao, na para bang barya-barya na lang ang buhay. Tapos, tumitindi na rin ang pag-iinit ng mundo dahil sa climate change. Dapat di na umabot sa 1.5 degri ang lalo pang pag-init ng mundo. Iyang dalawang isyung iyan, sa palagay ko, ang dapat maisama sa Panatang Makabayan, ang pagrespeto sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan.”

“Ayos iyan, Igme,” ani Aling Isay, “Sang-ayon ako riyan. Subalit hindi mangyayari iyan sa panahon ni Sara. Bakit? Anak siya ng dating pangulong naging dahilan ng malawakang patayan, na kahit mga bata, tulad nina Danica Mae Garcia, 5, at Althea Berbon, 4, ay napatay din. Subalit maganda ang mungkahi mo.”

“Oo nga, sang-ayon din ako, Igme, sa mungkahi  mo.” Sabi naman ni Inggo, “Ngunit paano mo ba sisimulan iyan? Dapat yata isulat mo iyan. Matatanda na tayo, may maiambag man lang tayo upang isulong pa rin ang karapatang pantao at ang climate emergency na tinalakay sa atin minsan ng mga kasama sa Philippine Movement for Climate Justice.

“Tama kayo, mga kasama, kahit internasyunalista tayo at hindi makabayan, susubukan kong isulat upang maisama sa Panatang Makabayan ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan. Upang mapatimo na sa murang isipan ng mga bata ang kahalagahan ng mga isyung iyan, lalo’t may kaugnayan iyan sa pangarap nating pagtatayo ng lipunang makatao” ani Igme. “Kaya lalabas sa kabuuan ng Panatang Makabayan ay ito:”

Panatang Makabayan,
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

“Aba’y mahusay ang pagkakadugtong mo, di lang pagpapalit ng salita kundi pagdagdag ng konsepto,” sabi ni Aling Isay. “bagamat alam nating baka di gawin iyan ng anak ng dating pangulo, dahil sa mga naganap na malawakang pagpaslang noong panahon nito sa pagiging pangulo.”

“Mahalaga ay maitimo sa isipan ng kabataan iyan ngayon,” ani Igme” at baka sa mga susunod pang panahon, ay mailagay na iyan sa Panatang Makabayan, hindi man sa panahon natin ngayon, kundi tatlumpung taon man o limampung taon pa sa hinaharap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Mayo 14, 2023

Sahod vs. Presyo? O Sahod vs. Tubo?

SAHOD VS. PRESYO? O SAHOD VS. TUBO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit pag sa malalaking kinikita ng mga kapitalista o ng malalaking negosyante, walang nagsasabing tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang kanilang kinikita? Subalit kaunting baryang taas ng sahod ng manggagawa, sinasabing magtataasan na ang presyo ng mga bilihin?” Ito ang bungad na tanong ni Aling Ines kay Mang Igme, habang sila’y naghuhuntahan sa karinderya ni Mang Igor katabi ng opisina ng unyon.

Narinig iyon ni Mang Inggo, isa sa lider ng unyon. “Hindi po totoo na pag tumaas ang sahod ng manggagawa ay tataas din ang presyo ng bilihin. Binobola lang tayo ng mga iyan. Paraan nila iyan nang hindi tayo taasan ng sahod habang limpak ang kita nila sa ating lakas-paggawa.”

Sumabad din si Mang Igme, “Ano ka ba naman, kasamang Ines. Syempre, kapitalista sila. Mga negosyante, malakas ang kapit sa gobyerno, at makapangyarihan. Tama si Inggo. Ang totoo niyan, ang talagang magkatunggali ay sahod at tubo, sahod ng manggagawa, at tubo ng kapitalista. Pag tumaas ang sahod ng manggagawa, bababa ang tubo ng kapitalista. Upang tumaas ang tubo ng kapitalista, dapat mapako sa mababa ang sahod ng manggagawa. Kaya walang epekto sa kapitalista ang presyo ng bilihin, tumaas man o bumaba.”

“Subalit bakit nga ganyan? E, di, ang dapat pala nating hilingin o kaya’y isigaw: Sahod Itaas, Tubo Ibaba! Hindi ba?” Sabi ni Aling Ines.

“Tama ka, Ines!” si Mang Igme uli, “Subalit ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba ay mas makapagmumulat sa mas malawak na mamamayan, dahil iyon ang mas malapit sa kanilang bituka. Baka hindi nila intindihin ang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, baka sabihing panawagan lang iyan sa loob ng pagawaan. Sa ngayon, nananatili pa rin namang wasto, bagamat kapos, ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba.”

Sumagot din si Mang Igor na nakikinig matapos magluto. “Kaya kailangan pa ng mamamayan ang makauring kamalayan, na magagawa lang natin sa pagbibigay ng edukasyong pangmanggagawa, tulad ng Landas ng Uri, Aralin sa Kahirapan, at ang paksang Puhunan at Paggawa. Hangga’t hindi naaabot ng manggagawa ang makauring kamalayan, baka hindi nila maunawaan ang panawagang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, o Tubo Kaltasan. Paano ito maiuugnay sa buhay sa lipunan.”

“Sige,” sabi ni Aling Ines. “Magpatawag tayo ng pulong at pag-aaral sa Sabado upang talakayin ang konseptong iyan. Bago iyan sa amin.”

Dumating ang araw ng Sabado, at sa opisina ng unyon ay dumalo ang nasa dalawampung manggagawa. Idinikit nila sa pader ang isang manila paper. Matapos ang kumustahan ay nagsimula na ang talakayan.

Si Mang Igme, "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalismo hinggil sa sahod, subalit apat na katotohanang pilit nilang itinatago sa manggagawa. Una, ang sahod ay presyo. Ikalawa, ang sahod ay kapital. Ikatlo, ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa limpak-limpak na tubo. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital.”

Nagtanong si Iking, “Ibig po bang sabihin, hindi sapat ang sigaw nating Sahod Itaas, Presyo Ibaba, kundi ang sinabi ni Aling Ines na Sahod Itaas, Tubo Bawasan, kung sa atin palang manggagawa galing ang tubo.”

“Tama ka.” Sagot ni Mang Igme. Mahaba pa ang naging talakayan. Maraming tanong at paliwanag. 

Pinutol ni Mang Inggo ang talakayan, "Kung wala nang mga tanong, iyan muna ang ating tatalakayin. Sunod nating paksa ay bakit kailangan natin ng kamalayang makauri." Sumang-ayon naman ang mga kasama.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Abril 29, 2023

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La Tondeña ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.