Lunes, Abril 29, 2024

Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?


NASAAN ANG URING MANGGAGAWA SA BANGAYAN NG MGA NAGHAHARING URI?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila wasak na ang UniTeam. Nagbabatuhan na sila ng baho. Tila ba sila’y naging UniThives na!” Ani Mang Igme sa isang umpukan ng mga kabarangay sa karinderya ni Aling Ines.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ni Inggo.

“Mantakin n’yo, ha? Nagpakawala na ng maaanghang na salita ang dating pangulo, dahil marahil malalim na ang epekto sa kanya ng imbestigasyon ng International Criminal Court na hinahayaan lang ng kasalukuyang pangulo. Aba’y tinanggal din ang confidential fund ng bise presidente na anak ng dating pangulo. Ginagamit pa ng isang paksyon ang isyu ng Charter Change, hindi pa dahil ayaw nilang madistrungka ang protectionist provision ng Konstitusyong 1987, kundi kung sino ang dapat tumimon dito. “ Mahabang litanya ni Mang Igme.

Sumabat si Aling Isay, “Halos lahat naman ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng ChaCha. Yaong mga tumututol ay hindi pa dahil mapagmahal sila sa bayan, kundi ang karibal na paksyon ang titimon at makikinabang diyan. Ang tanong lang natin: Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?”

Sumagot si Mang Igme, “Aba’y dapat namang makapwesto ang uring manggagawa sa ganyang bangayan. Tayong mga manggagawa ay dapat magkaisa upang tangayin na sa burgesya iyang kapangyarihang pampulitika. Subalit ang ChaCha ay hindi lamang itinutulak ng mga damuhong dinastiya, kundi ng oligarkiya o yung mayayamang indibidwal o pamilyang may kontrol sa ating ekonomya.”

“Masyado nang malalim ang pinag-uusapan ninyo. Hindi na ako makahabol, lalo na sa mga terminong, ano iyon? Oligarka, oligarkya, dinastiya? Yung isa pa, bu-burgisya? Tanong ko pa. Paano naman makakapwesto iyang uring manggagawa kung hindi naman ito nagkakaisa?” Tanong muli ni Inggo.

“Ang mabuti pa, maglunsad tayo ng talakayan hinggil diyan, at upang maiparating din natin sa ating mga kabarangay ang planong kilos-protesta laban sa ChaCha na ang makikinabang lang ay mga mayayaman, iyang tinatawag nating burgesya.” Ani Mang Igme.

“Payag ako. Kailan naman iyan?” Tanong ulit ni Inggo.

“Ayos ba sa inyo, Sabado ng hapon, alauna?” Tanong ni Mang Igme.

"Sige, darating ako." "Ako rin." "Mag-iimbita rin ako ng mga katropa." Iyan ang sunod-sunod na sabi nila na interesado sa paksa.

Dumating ang araw ng Sabado, nagkita-kita  ang mga naimbitahan. Agad na banat ni Mang Igme, "Kuntento na lang ba tayo na maging manonood na lang o tagapakinig na lang sa bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri? Parang telenobela na ang alitan na animo'y inililigaw lang nila tayo sa totoong mga isyu ng bayan. Nasaan na ang uring manggagawa sa mga bangayang iyan? Mayorya ng masang Pilipino ay mga manggagawa. Dapat may gawin sila upang makapwesto sa poder, at hindi magkunot-noo lang sa alitan ng mga naghaharing uri."

"Mukhang napakahaba ng iyong mga hinaing, kasama." Ani Igor. "Dapat talagang pag-usapan iyan, matagal nang pinagsasamantalahan ng mga trapo’t dinastiyang iyan, ng mga  elistista’t oligarkiyang iyan, tayong anakpawis na tingin nila’y mga ekstensyon lang tayo ng makina."

Nagsalita si Ingrid, “Kaylalalim naman ng mga hugot ninyo, na hindi agad maunawaan ng mananahi tulad ko.”

“Kaya nga tayo nagdaos ng ganitong pag-aaral, ay pulong pala, dahil maganda talagang maunawaan natin ang mga iyan.” Ani Isay.

Sumagot si Igme, “Sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, dapat makapwesto ang uring manggagawa sa unahan ng pakikibaka. Ibig sabihin, huwag na nating tangkilikin ang mga trapo sa halalan. Huwag iboto ang mga pahirap sa bayan. Patuloy lang tayong mag-organisa, bagamat wala na tayo sa unyon, at nasa komunidad ng maralita na tayo, ang mahalaga’y ang tinig at tindig ng manggagawa sa mga isyu ay umalingawngaw. Ano ang tingin sa sahod at tubo? 

Sabi naman ni Igor, “Ito pa ang mahalaga. Ipanalo natin ang mga manggagawang tumatakbo sa halalan, tulad sa Kongreso at Senado. Sakaling manalo sila’y magkaroon naman tayo ng matino sa gobyerno’t ipaglalaban ang ating kapakanan. Hanggang maagaw ng uring manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2024

Pagkilos para sa bayan at kinabukasan


PAGKILOS PARA SA BAYAN AT KINABUKASAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagtanong ang aking panganay na anak na si Malaya na nasa Grade 7 na, “Itay, bakit ba lagi kayo ni Inay sa rali. Nagpupunta kayo roon kahit mainit. Para saan po ba iyan, Itay? Dapat ba talaga sumasama kayo sa rali? Pati ako?”

Napilitan akong sumagot. “Tama ka, anak. Minsan, naisasama ka namin sa rali, lalo na’t walang mapag-iwanan sa iyo pag umalis kami ng bahay. Ang pagrarali, anak, ay tungkulin namin tungo sa pagmumulat sa masa upang sila’y magsikilos din, lalo na’t ang mga nakaupo sa gobyerno ay pawang mga tiwali, at kinukurakot ang kaban ng bayan.”

Nagtanong uli si Malaya, “Bakit hindi mga pulis at sundalo ang gumawa niyan para mapigilan na ang mga nangungurakot sa gobyerno? Bakit kayong karaniwang mamamayan, na wala namang kapangyarihan ang gumagawa niyan? Hindi ba kayo natatakot, Itay?”

“Alam mo, anak, bata pa kami ng iyong ina, ay kumilos na kami dahil nais naming lumaya ang bayan laban sa ganyang maling kalakaran. Sa kalaunan, pinag-aralan namin ang lipunan, bakit ba laksa-laksa ang mga naghihirap sa ating bayan, habang may bilyonaryong nabibilang lang sa daliri. Tamad ba kami, anak, kaya tayo mahirap, gayong kay-aga naming pumasok sa pagawaan, at nagsisipag kami upang maabot ang kota ng manedsment. Ginagawa namin ang lahat para sa inyong mga magkakapatid, upang mapag-aral kayo at hindi tayo sumala sa pagkain. Gayunman, kung may mga isyung panlipunang nakakaapekto sa atin, lalo na’t pamahal ng pamahal ang presyo ng pangunahing bilihin, tulad ng bigas na halos bente pesos na ang 1/3 kilo. Nariyan pa ang salot na kontraktwalisasyon na imbes regular na manggagawa ka na sa inyong kumpanya, at taon na ang binibilang, kontrakrwal ka pa rin. Anong klaseng sistema iyan, anak, na lagi na lang nanlalamang sa kapwa ang mga naghahari-harian sa ating lipunan> Masisisi mo ba kami, anak, kung kumilos kami at sumama sa malawakang rali upang dinggin naman ng pamahalaan ang aming mga hinaing?”

Si Malaya muli, “Nauunawaan ko na po, Itay. Tulad nina Jacinto at Bonifacio noon, na lumaban upang lumaya ang bayan natin mula sa mga mananakop na dayuhang mapag-imbot. Subalit, Itay, wala nang mga Kastila, subalit kayrami pa ring mahihirap. Paglaki ko po ba, magiging katulad din ba ako ninyo, na lumalaban pa rin sa kalsada?”

“Alam mo, anak, ang nais namin ng iyong ina, ay mapagtapos muna namin ng pag-aaral kayong magkakapatid. Bagamat lagi man kaming dumadalo sa mga pagkilos ng masa, ang mahalaga’y mabigyan muna namin kayo ng sapat na edukasyon. Hindi namin pinangarap na maging tulad namin kayo. Tulad din ng hindi namin pinangarap maging aktibista kundi dumaan iyon sa proseso. Sa eskwelahan noon, pataas ng pataas ang tuition fee. Nagtatrabaho na lang ang aming magulang upang habulin ang taas ng presyo ng matrikula. Kaya nararapat kaming tumutol bilang mga estudyante upang di naman mahirapan ang aming mga magulang na iginagapang talaga kami upang mag-aral.”

“Salamat, Itay, sa pagsagot sa mga tanong ko. Mag-aaral po kaming mabuting magkakapatid. At saka pag nakatapos, papasok agad ako sa kumpanya upang magtrabaho at makatulong sa inyo.”

“Subalit, huwag mong kalilimutan, anak, kung saan ka nanggaling. Halimbawang may nakita kang mali sa inyong kumpanya, alam kong mapipilitan ka ring organisahin ang iyong kapwa manggagawa upang mas gumanda pa ang inyong kalagayan doon. Higit sa lahat, anak, ito lang ang bilin ko, pag-aralan mo rin ang lipunan. Huwag kang maging bulag, pipi at bingi sa mga nakikita mong katampalasanan sa iyong paligid. Kung kailangang kumilos, dapat kumilos. Subalit sa ngayon, anak, mag-aral muna kayo. Ang pagiging aktibo ay nasa proseso, hindi pinipilit. Ikaw ang makakaalam kung anong landas ang pipiliin mo. Sa amin ng iyong ina, pinili namin ang landas na makapagpapalaya sa sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan. Kaya, heto, narito kami pag may pagkilos. Hindi ka naman pakikinggan ng pamahalaan kung mag-isa ka lang, subalit kung sa sama-samang pagkilos, tayo’y may mararating. Hindi masama ang magrali. Ang masama ay yumayaman ang bulsa ng kapitalista dahil sa pagsasamantala sa manggagawa.”

“Muli, salamat, Itay, sa inyong mga payo. Magiging mabuti akong mag-aaral, at magiging mapanuri sa nagaganap sa ating bayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Marso 29, 2024

Imbes Malakanyang, sa FEU na ang rali


IMBES MALAKANYANG, SA FEU NA ANG RALI
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang ulit na itong nangyari. O marahil ilang ulit na.

Dalawang beses nasaksihan ng aking mga mata ang pagharang ng mga pulis sa ating mga sinamahang pagkilos. Nasaksihan ko iyon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan nitong Marso 8, 2024, at sa isinagawang Kalbaryo ng Maralita nitong Marso 26, 2024, na sa mga Katoliko ay Martes Santo.

Nasabi tuloy sa akin ng isang lider-maralitang si Aling Isay, “Aba’y dapat Malakanyang ang punta natin, dahil naroon ang trono ng pangulo o seat of government. Dapat doon tayo sa Mendiola. 

Aba’y hinarang tayo ng mga pulis dito sa Morayta, at magkabilaan pa ng kalsada ang hinarang nilang trak sa atin. Para bang wala na tayong karapatan, ah.”

Narinig ko si Mang Igme, na sumabat sa usapan. “Hanggang dito na lang tayo sa Morayta. Ayaw ng mga pulis makarating tayo sa Mendiola.”

Sumabat na rin si Inggo. “Baka gusto ng mga pulis na maglahad na lang tayo ng ating mga hinaing dito sa mga guro at mag-aaral ng FEU. Baka nga maka-recruit pa rito ng maraming kabataan at estudyante ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK). Kaya nga kung tatawagin tayo mamaya upang magsalita, idirekta na natin sa FEU ang ating hinaing, at baka sila pa ay makinig, at buksan ang kanilang pintuan sa atin. Mukha kasing dito tayo gustong dumulog ng kapulisan, at hindi sa Malakanyang. Ano po sa tingin ninyo?”

Sumagot si Aling Isay, “Dapat  pa rin nating igiit ang ating karapatan. Marahil sa ngayon lang ito, subalit gagawa tayo ng paraan upang maiparating sa Malakanyang ang ating mga hinaing. Tulad ng tinututulan nating ChaCha na nais gawing 100% na pag-aari ng dayuhan ang ating kalupaan. Aba’y nais pa nilang gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan. Nais pa nilang magtayo ng maraming coal plants, fossil gas at natural gas na lalong magpapalala ng klima ng mundo. Hindi ba naiisip ng mga kapulisan iyon? O basta sunod lang sila ng sunod sa mga nakakataas sa kanila, na kahit nakikita na nilang mali ay susunod sila.”

Maya-maya ay narinig nilang nagtalumpati si Mang Igor sa Morayta habang sila’y nagkakatipon. Hawak nito ang isang megaphone.

Si Mang Igor, “Sa mga guro at estudyante ng FEU, naririto po kami sa harap ng eskwelahan ninyo upang idulog sa inyong pangulo ang aming mga karaingan! Itigil na ang ChaCha para sa iilan, sa elitista’t dayuhan! Ibaba ang kaymahal na presyo ng bilihin! Hirap na ang sambayanan!”

Kuyom ang kamao namin habang nakikinig, tanda ng paggalang sa nagsasalita at paglaban sa mga kuhila. May mga nakaunipormeng estudyante naman ang matamang nakikinig, tila nais mabatid ang isyu.

Tinawag magsalita si Aling Isay, “Bilang kababaihan, nananawagan kami sa ating pangulo na pakinggan naman ang hinaing ng kanyang mga mamamayan, lalo na kaming mga maralitang nahihirapan, dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, salot na kontraktwalisasyon na dapat nang wakasan, ang 4PH na hindi pala para sa aming maralita, at higit sa lahat, tinututulan namin ang ChaCha, dahil nais nilang ibuyangyang ang ating bansa sa pananalasa ng dayuhan! No to ChaCha!”

Pumatak din ang ulan, subalit hindi natinag ang mga raliyista, dahil para sa kanila, ang kanilang iginigiit ay ang karapatan at paglaban sa bulok na sistemang dahilan ng lalo pang kahirapan ng sambayanan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Marso 14, 2024

Bawal Bastos Law


BAWAL BASTOS LAW
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkita ang mga magkakapitbahay na sina Ingrid, Ines, Isay, at Inday, at napag-usapan nila ang bagong batas na Bawal Bastos Law, dahil na rin sa isang kaso ng panghihipo sa kanilang kapitbahay na si Isabel. Umano’y kinasuhan ni Isabel ng panghihipo ang lasing na lalaki sa dyip na nasakyan niya. Hinuli ang lalaki ng mga pulis sa tulong na rin ng ibang pasahero, subalit itinatanggi umano ito ng lalaki nang mahimasmasan.

“Hoy, alam n’yo ba?” Pagsisimula ni Ingrid, “May bagong batas pala na tinatawag na Bawal Bastos Law, na siyang ginamit ni Isabel na batas upang kasuhan ang lalaking nanghipo sa kanya.”

Sumagot si Ines, “Hindi ko alam na may ganyang batas na pala. Dapat alam natin iyan. Lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan, mga amiga, buwan natin ngayon. Ano nga pala iyang Bawal Bastos Law.”

Si Isay ang nagpaliwanag, dahil aktibong kasapi siya ng Oriang Women’s Movement. “Ang tinatawag na Bawal Bastos Law sa batas ay ang Safety Spaces Act o Republic Act No. 11313, na isinabatas noong Agosto 3 2019, habang ang implementing rules and regulations nito (IRR) ay inaprubahan noong Oktubre 28, 2019. Ang panghihipo at pagsipol dahil nagagandahan sila sa atin, aba’y kabastusan na iyan, hindi ba? Pati nga malisyosong akto at komento ay pinagbabawal na ng batas.”

“Subalit may Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na, hindi ba? Di pa ba sapat iyon?” Tanong ni Inday.

Sumagot si Ines, “Mas pinaigting ng Bawal Bastos Law ang batas, na hindi lang panggagahasa ang kakasuhan kundi maging ang simpleng pagtitig sa katawan ng babae ay kahalayan na. Halimbawa, nakasakay ka sa dyip, bus o tren, at may isang pasahero na kung makatingin sa suso mo ay parang gusto ka agad sunggaban. Aba’y kaso na iyon.”

“Kaya pala agad nakasuhan ni Isabel ang lalaking lasing na iyon. Dahil may batas na palang ganyan.” Sabi ni Inday. “Buti naman.”

Naririnig pala sila nina Inggo at Igme na kanina pa nakaupo sa tabi habang nagkakape. Sumabat si Inggo, “Kung ganoon pala, pag sumipol pala ako habang naglalakad ka sa kalsada, maaari na akong kasuhan?”

“Aba’y oo, Inggo. Kung ako ang dalagang sinipulan mo, baka hindi lang kita isumbong sa pulis at kasuhan, makakatikim ka talaga sa akin. Subukan mo lang. Kahit ako’y matanda na, pag bastos ka, kakasuhan kita sa Safe Spaces Act. Kaya nga safe space, eh, wala dapat bastos.”

Si Igme naman, “Ibig nilang sabihin, pareng Inggo, iyang Bawal Bastos Law ay nagbabawal sa pambabastos sa sinumang tao, babae man o lalaki, bakla man o tomboy, anuman ang kasarian. Ipinagbabawal ang pangbabastos ng personal, harapan man o talikuran, at online.”

Sumagot muli si Isay, “Buti pa iyang kumpareng Igme mo, Inggo, ay alam kung ano ba itong pinag-uusapan natin. Aba’y ayaw din niyang pati sila ng kanyang mga anak na lalaki ay makasuhan ng pambabastos, kahit simpleng sipol lang iyan.”

Muling nagtanong si Ines, “Bukod sa pagsipol at panghihipo, ano pa ang mga bawal?”

Si Isay, “Iyong nasabi ko na, bawal iyang catcalling o pagsipol o pagtawag ng “sexy” sa mga dumaraan. Bawal din ang stalking o ang pagsunod-sunod nang walang pahintulot, pagtitig at paglapit sa isang tao na nagdudulot sa kanya ng takot. Pati mga kapraningan nga, ayon sa batas ay bawal, tulad ng pagma-masturbate sa pampublikong lugar, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan sa plasa o palengke, o paghawak sa katawan ng isang tao na wala siyang pahintulot. Bawal din ang pagpapakalat ng mga nakakabastos na larawan ng iba, pambubully dahil sa kasarian, pagcocomment sa facebook ng mga mahahalay na salita. Bawal na rin ang paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng waitress o pagyayayang makipagtalik sa saleslady.”

Nagtanong muli si Inggo, “Paano naman pag menor de edad ang nambastos, dahil hindi naman nila alam ang batas?”

“Alam mo, pareng Inggo,” sabi ni Igme, “May kasabihan ngang ignorance of the law excuses no one.”

Si isay muli, “May batas para riyan, at kung menor de edad, irereport ang bata sa Department of Social Welfare and Development o DSWD upang mabigyan ng kaukulang pagdisiplina.”

Tugon ni Ines, “Maraming salamat, Isay, sa mga paliwanag. Gabi na, uwi muna ako. Kita na lang tayo sa rali ng kababaihan sa Marso Otso.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Pebrero 29, 2024

Huwag gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan! Nukleyar, huwag payagan!


HUWAG GAWING 100% ANG ISKWATER SA SARILING BAYAN! NUKLEYAR, HUWAG PAYAGAN!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tumitindi ang bangayan ng mga elitista hinggil sa nagaganap na ChaCha, subalit animo’y moro-moro lang ito ng naghaharing uri. Kaya dapat kumilos ang mamamayan upang tutulan ang banta sa kanilang kabuhayan at kasarinlan ng bayan. Aba’y nais kasing distrungkahin ng mga mambabatas ang Saligang Batas ng Pilipinas, lalo na ang probisyong pang-ekonomya nito na dapat 60% ang pag-aari ng Pilipino at 40% sa dayuhan sa mga pampublikong interes, tulad ng lupa, masmidya, tubig, kuryente, at iba pa. 

Kaya ito ang napag-usapan nina Igme sa kanilang komunidad. “Hindi tayo dapat tagapanood lamang, na habang niloloko na tayo ng mga nasa poder ng kapangyarihan, tayo naman ay walang malay at nakatunganga lamang sa nagaganap. Aba, tulad na lang ng ChaCha na iyan, na nagsimula sa pagpapapirma sa atin kapalit ng ayuda, iyon pala’y ibinebenta na tayo sa dayuhan.”

Napatango naman si Inggo, habang nakikinig sina Ingrid at Isay, “Oo nga, tama kayo. Kaya nga iyang ChaCha na iyan ay hindi talaga tayong mga maralita ang makikinabang, kundi ang mga nasa poder na nais magpatuloy ang kanilang kapangyarihan. Dati na ngang isyu iyang term extension, di ba? Aba’y pag binuksan nila ang Konstitusyon nang wala tayong kamalay-malay, aba’y maraming mangyayari. Tiyak, matatanggal iyang political dynasty na bawal sa ating Konstitusyon.”

Sumabad naman si Isay, “ Kami nga rin ng aking anak ay napag-usapan iyan. At sa environmental group nila, iyang nukleyar ay baka raw payagan, dahil iyan daw ang gusto ng pangulo, ang mabuksan ang Bataan Nuclear Power Plant. Aba’y wala ba silang malay sa naganap sa Fukushima disaster sa Japan? Baka kung may nukleyar pang makapasok, madamay pa ang ating bansa sa digmaang nukleyar ng US, di ba?”

“Political dynasty, nukleyar, maraming bawal ang papayagan dahil lang sa kapritso ng iilan. Baka tulad din iyan ng 4PH na para raw sa ISF, na dating tawag sa iskwater, subalit para lang pala sa may pay slip. Kaya sa panawagang magkilos-protesta laban sa ChaCha na iyan, dapat sumama tayo. Dahil kinabukasan natin, ng ating mga anak at apo ang nakasalalay diyan. Kung hindi tayo kikibo at kikilos ngayon, baka masisi pa tayo ng ating mga apo balang araw.” Mahabang paliwanag ni Igme.

Napatango rin si Ingrid at nagsalita, “Nabanggit din sa mga balita na economic provision lang daw ang gustong palitan. Gusto nilang gawing one hundred percent na mag-ari ang dayuhan, kaya magpapasukan daw ang malalaking negosyo sa atin, at uunlad tayo. Pero pambobola pa rin, di ba? Kung 100% pag-aari na ng dayuhan ang marami nating lupain, paano na tayo, 100% iskwater na rin ba sa sariling bayan?”

Maya-maya’y dumating si Ines at may ibinalita. “Galing ako sa pulong ng ating mga kasama sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at nais nilang sumama tayo sa ilulunsad na pagkilos laban sa Charter Change. Sa Martes na ito, sasama ba kayo? Ako kasi, gigil na isiwalat ang magiging kahihinatnan natin kung basta na lang magtsa-ChaCha nang hindi naman kinunsulta ang mga tao. Para lang tayong mga isda na pinamumunuan ng mga lawin.”

Sumagot si Igme, “Heto nga at pinag-uusapan din namin iyan. Nais naming sumama sa pagkilos na iyan. Huwag mong tanungin kung may pamasahe kami, dahil kahit walang ibigay na pamasahe, sasama kami. Aba’y kinabukasan ng ating mga anak at apo ang nakasalalay dito. Ano, mga kasama, sasama ba tayo!” Nagtanguan ang lahat, na tandang lahat sila ay sasama sa rali kontra ChaCha.

Si Isay naman ang nagsalita, “Matagal na tayong hindi sumasama sa ganyang pagkilos. Subalit ngayon, binibigyan tayo ng kasaysayan ng isa pang pagkakataon na ipaglaban ang ating karapatan, lalo ang hustisyang panlipunan. Hindi makatarungang basta lang gawin ng mga mambabatas ang kanilang gustong pagbabago sa Konstitusyon nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan at damdamin ng tulad nating maralita, lalo na ang buong mamamayan. Muli tayong kikilos, kahit matatanda na tayo, upang ipakita sa mga kabataan ngayon, na tayo’y buhay pa at handang ipaglaban ang kinabukasan natin at ng bayang ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Sa demolisyon ba patungo ang 4PH?


SA DEMOLISYON BA PATUNGO ANG 4PH?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang pag-uusap ng ilang magkakapitbahay hinggil sa proyektong 4PH, at naisulat na ni Igor na dapat 10% lang sa kinikita ng pamilya ang pabahay, hindi sa market value, muli nilang nirebyu ang Operations Manual at ang EO 34 na hinggil sa programang 4PH.

“Alam nyo, nangangamba rin ako, kung nang dahil sa 4PH na ito ay biglaan tayong mademolis sa kinatitirikan ng ating tahanan.” Ani Igme.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ng asawa niyang si Isay habang sila’y nakaupo at nagtitinda sa karinderya.

“Ano ba ang tinatawag na bakanteng lote na kukunin ng LGU? Alam nating ang tinayuan ng mga bahay natin ay bakanteng lote. Nakasulat sa Operations Manual na upang mapatupad ang programang 4PH, eto, basahin ko. Sa titik B. “Site Identification / Land Ownership. To initiate their housing projects, the LGUs shall identify suitable vacant properties within or near blighted areas for low, medium to high-rise residential and/or mixed use development. Special attention shall be given to areas with greater housing needs, such as in Highly Urbanized Cities, Component Cities, Regional Centers, and areas with numerous ISFs.” O, di ba, kung saan nakatira ang mga ISF. Tayo iyon. Ibig sabihin, kung ang erya natin ang tinukoy na bakanteng lote, at dito itatayo ang proyekto nilang pabahay, hindi ba, maaalis tayo? May staging area ba tayo? O kung hindi natin kaya hulugan ang halos P1.5 milyong yunit na pabahay sa 4PH, baka sa kangkungan tayo pulutin.” Ani Igme.

Nabasa rin iyon ni Inggo, na kanina pa nakikinig sa usapan. Aniya, “May tatlo pa palang opsyon iyan. Yung LGU-owned property, yung inaari namang lupa ng NGA o national government agencies, at ang ikatlo ay yung private property. At tayo nga, Mang Igme, ay nakatira na ng mahabang panahon sa bakanteng loteng ito na noon ay kakaunti pa lang ang bahay. Aba’y dito na tayo lumaki, at ngayon, dito na rin nakapag-asawa ang ating mga anak. May apo na nga ako, at tama ka, parang nagbabanta iyang programang 4PH na baka maalis tayo dito.”

“Nakupo, huwag naman ganyan.” Sabi ng buntis na si Ines. “Sana po, maipaliwanag sa atin iyan ng maayos.”

“Maaari ba tayong magpatawag muli ng pulong, Mang Igme,” ani Inggo, “upang maklaro sa atin iyan. Kausapin na rin natin ang kakilala nating abugado upang maipaliwanag kung tama ba ang ating sapantaha? Aba’y mahirap na kung tayo’y masosorpresa. Buti nang handa.”

“Sige, mga kasama, dapat talagang malinawan natin ito. Kung marapat, kausapin na rin natin si Meyor. Hindi tayo papayag na basta na lang mademolis nang walang kalaban-laban. Mamayang alas-kwatro, magpupulong tayo. Tawagan na ninyo ang iba.” Ani Mang Igme.

Dumating ng ikaapat ng hapon ang mga magkakapitbahay, lalo na yaong mga opisyales ng samahan, at ipinaliwanag ni Mang Igme ang kanila na namang nabasa sa Operations Manual na talagang humuhugot ng sangkaterbang katanungan.

Si Isay naman ang nagsalita, “Bakanteng lupa ang inokupahan natin noon, at halos limammpung taon na tayo dito. Payag tayong magkaroon ng sariling bahay, subalit saan itatayo ang proyektong pabahay, kundi sa mga bakanteng lote, at tinukoy pa ang blighted land. Saan ba nakatira tayong maralita? Hindi ba’t sa mga danger zone, sa mga binabaha, dahil wala tayo noong matayuan ng bahay na matino. Ngayon, sa 4PH program, may opsyon ang LGU na kunin ang inaakala nilang bakanteng lupain, batay sa EO ni BBM, na ilista ang mga bakanteng lupa sa kanilang nasasakupan na maaaring pagtayuan ng bahay. Paano kung natukoy nina Meyor na bakanteng lupa noon ang inokupa natin, papayag ba tayong basta alisin?” 

“Hindi!” Ang sabi ng mga taong dumalo, na nasa dalawampu.

“Mungkahi ko,” ani Igor, “lumiham tayo kay Meyor at maglunsad ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD, upang sabihin natin sa kanila ang ating mga nararamdaman at agam-agam. Gumawa tayo ng position paper na ipapasa sa kanila, at kakausapin na rin natin ang iba pang samahang maralita upang mas may boses tayo.”

“Maganda ang mungkahi mo, Igor,” ani Mang Igme, “May posisyon na tayo hinggil sa 10% lang ang babayaran ng ISF sa pabahay, ay idagdag na rin nating isulat ang hinggil sa ating kritik sa 4PH. Ganoon lang muna, mga kasama. Isulat na agad, at sa Lunes, kung ayos sa inyo, tutungo na tayo kay Meyor, sunod ay sa DHSUD. Mabuhay kayo, mga kasama!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Enero 29, 2024

Ibatay sa kakayahan ng maralita, hindi sa market value, ang pabahay

IBATAY SA KAKAYAHAN NG MARALITA, HINDI SA MARKET VALUE, ANG PABAHAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang naging pag-uusap nila sa ipinatawag nilang pulong hinggil sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH na flagship project ng pamahalaang BBM. Dahil sa kanilang pagsusuri sa Operations Manual, nakita nilang hindi para sa mga maralita ang 4PH kundi sa may pay slip lamang na kayang bayaran ang isang yunit ng pabahay sa loob ng 30 taon na nagkakahalaga ng halos P2 milyon.

Nagpaliwanag si Mang Igme, “Nililinlang na naman tayong mga maralita. Ang naturingang ISF o informal settler families ay hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka kundi yaong may payslip at sumasahod na manggagawa. “

“Paano iyon nangyari?” Tanong ni Inggo.

Sinagot naman siya ni Aling Isay, “Heto, babasahin ko sa inyo, mga kasama ang nakasaad sa Operations Manual: "While low-salaried ISFs, employees and workers should be the priority beneficiaries, it is paramount that they must be capable of and committed to paying the monthly housing loan amortization over the 30-year loan term, to the GFIs or private banks. Employees or wage/salary earners shall be priorotized as potential beneficiaries, over those who derive regular income from sources other than salaries/wages (e.g., informal economy activities, remittances, etc.) Malinaw na mga may kakayahang tuloy-tuloy magbayad ang makikinabang sa 4PH na iyan, hindi tayo.”

“Aba’y akala ko ba ISF, hindi ba tayo iyon, mga impormal settler, mga iskwater, mga nabubuhay sa diskarte, tulad ko na isang pedicab driver. Hindi pala tayo kasama riyan.” Ani Inggo.

Si Mang Igme muli, “Kaya ang mungkahi ko ay magtungo tayo sa tanggapan ng DHSUD upang iklaro iyan. Kung hindi man ay magsagawa tayo ng malawakang pagkilos kasama ang iba pang komunidad upang malinawan tayo bakit ganyan ang Operations Manual nila, na palagay ko’y dapat baguhin. Sino ba talaga ang ISF? Malinaw naman sa Saligang Batas ang ISF ay yaong mga mahihirap na pamilya na nabubuhay lamang sa halos dalawang daang piso bawat araw.”

“Anong gusto mo, magrali na naman tayo,” sabad ni Aling Isay.

“Aba’y bakit hindi, kung ganitong ginigipit tayo,” ani Mang Igme, Hindi ba’t mas dapat tayong kumilos ngayon, lalo’t may ganyan ngang iskemang tatamaan na tayo, ngunit hindi pa rin tayo kikibo.”

Nagmungkahi naman si Igor, isa sa opsiyales sa komunidad, “Dapat may imungkahi tayong alternatiba, kaysa ngawa lang tayo ng nagawa. Ang mungkahi ko ay baguhin ang iskema sa Operations Manual na binasa natin kanina. Dapat na hindi batay sa market value ang pabahay, kundi dapat batay sa kakayahan ng maralita.”

“Paano naman iyon?” tanong ng isa pang medyo batang ginang, si Aling Ines, na may karga pang bata.

“Ganito iyon,” ani Igor. “Ang dapat ay maging makatao ang iskema ng pabahay para sa maralita. Gawing batay sa kakayahan ng maralita. Kung pedicab driver ka na kumikita ng P500 isang araw, dapat sampung porsyento lang niyon ang para sa pabahay. Ang 30% ay para sa pagkain, ang 30% para sa edukasyon ng mga bata, ang 10% ay para sa tubig, ilaw, at ang natitira pa ay para sa iba pang gastusin. Ibig sabihin, kung 10% sa pabahay, P50 isang araw sa P500 kada araw na kita. Sa isang buwan na may 30 araw, P50 x 30 = P1,500 kada buwan ang nakalaan para sa pabahay. Gayon din sa mga vendor, tsuper ng dyip, at iba pang nabubuhay sa diskarte. Kaya kung magbabayad ka ng tatlumpung taon ayon sa kontrata, 30 taon x 12 buwan kada taon x P1,500 kada buwan, ang babayaran mo sa kabuuan ay P540,000. Hindi na masama, hindi ba?”

“Maganda ang naisip mong iyon. Ngunit dapat pa iyang isulat. Gawin nating position paper na isusumite sa mga kinauukulang ahensya. Subalit aralin pa natin. Dapat mas malawak na mamamayan ang makaalam at mapaabutan natin niyan upang mas may lakas tayong ipaglaban iyan. Hindi ba, mga kasama.” Tugon ni Aling Isay.

“Simulan nang isulat iyan, at muli tayong umupo at magpulong upang ihanda rin ang ating mga kasama at iba pang karatig komunidad upang ipaliwanag ito sa kanila, na pupunta tayo sa tanggapan ng DHSUD para mapag-usapan ang ating mungkahi. Na tayong mga maralita na siyang talagang ISF ay hindi papayag sa kapitalismong iskema na patubo dahil sa market value ng pabahay. Ang pabahay ay serbisyo, hindi negosyo.” Pagtatapos ni Mang Igme. “Sige, pahinga muna kayo, mga kasama. At maraming salamat sa pagdalo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2024, pahina 18-19.