Biyernes, Hulyo 29, 2022

Agam-agam sa nakaambang historical distortion


AGAM-AGAM SA NAKAAMBANG HISTORICAL DISTORTION
Maiking kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakikinig ako sa usapan at pala-palagay ng marami hinggil sa nakaambang pagbabago sa kasaysayan. Ibig sabihin, pagbibigay ng bagong hugis sa kasaysayan upang pabanguhin ang mabantot na imahe ng namayapang diktador sa mata ng taumbayan, lalo na sa mga GenZ (edad 15-24) at mga talubata (edad 25-35) o yaong tinatawag na millennial (edad 25-39).

Sabi ng isang kakilala, “Hindi na naniniwala ang mga kabataan ngayon sa kung ano ang tunay na nangyari noong martial law. Mas pinaniniwalaan na ng mga kabataan ang history bilang tsismis tulad ng pananaw ng isang Ella Cruz na nag-viral sa socmed.”

Tugon ko naman, “Oo nga, eh.“ At napailing na lang ako.

Sabi pa ng isa, “Iyan na nga ba ang napala natin sa pagtanggap ng mga namuno sa atin sa neoliberalismo. Yaon bang matapos ang Unang Pag-aalsang Edsa, niyakap na ng ating pamahalaan ang globalisasyon. Pumasok tayo sa World Trade Organization (WTO), na siyang pagpalaot natin sa tatlong panganib ng deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Aba’y wala na ngang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng pandaigdigang petrolyo, dahil diyan sa Oil Deregulation Law. Dapat nang ibasura ang batas na iyan!”

“Oo nga,” sabi naman ng isang lider ng unyon, “Hindi makontrol ang presyo ng langis subalit kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa dahil naman sa pag-iral ng mga Regional Wage Boards, kaya iba-iba ang pasahod sa bawat rehiyon. Kaya rin hindi maregular ang mga manggagawa ay dahil sa mga parasite na manpower agencies na dapat lang buwagin.”

Ika naman ng isa pa, “Wala namang ipinangako ang Edsa sa taumbayan, maliban sa mapatalsik lang ang pamilya ng diktador. Bakit? May nangako bang giginhawa ang buhay natin pag pinatalsik na ang diktador. Hindi ba, wala? Ispontanyong pagkilos iyon ng taumbayan na nagkaisa upang tapusin na ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng martial law. Subalit walang nangako ng langit.”

Patuloy lang akong nakikinig sa kanilang usapan. Hanggang mabanggit ko kung ano ba ang dapat nating gawin sa napipintong pagbabago ng ating kasaysayan. Historical revisionism man ito o historical distortion. Natigilan kami ng ilang sandali. Paano nga ba sasagutin ang ganitong tanong, lalo na’t nauukol sa kasaysayan?

Maya-maya ay nagsalita ang isang may katandaan nang lalaki, na noong kabataan niya’y nakasama sa Unang Sigwa. Anya, “Hindi natin dapat payagang basta na lamang baguhin ang mga nakaraang pangyayari, at ituring itong gintong panahon, gayong kayraming mga iwinala, tinortyur, ikinulong at pinaslang noong panahong iyon. Babalewalain lang ba natin ang mga buhay na sinakripisyo ng maraming kababayan alang-alang sa pangarap nilang lipunan?”

“Narito na tayo sa puntong ang anak ng diktador ang nanalong pangulo ng ating bayan. Nanalo siya dahil o marahil sa napaniwala nila o ng mga trolls nila na gintong panahon ang panahon ng diktadura, na may bulto-bultong Tallano gold na pambayad ng utang ng bansa. Subalit alam nating ang mga ito’y  kasinungalingan. Ang maaari nating gawin ay isulat natin ng isulat ang anumang nangyari noong panahon ng karima-rimarim na martial law. Tangan nila ang pambura, subalit patuloy tayong magsulat. Huwag nating hayaang burahin nila ang alaala ng mga martir na nakibaka para sa kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapaniil na diktadura,”

Maganda ang kanyang payo, kaya nagpaalam akong may gabay na tangan sa puso’t diwa upang hindi mabalewala at hindi mabago ang totoong kasaysayan. Hindi tayo papayag na kasinungalingan nila ang mangingibabaw. Maraming salamat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2022, pahina 18-19

Sabado, Abril 9, 2022

Labanan ang mga trapo't dinastiya



LABANAN ANG MGA TRAPO’T DINASTIYA
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Kampanyahan na naman para sa pambansang halalan, at mamimili muli ang mga tao kung sino sa mga trapo ang muling magsasamantala sa kanila. Ganyan naman palagi, tuwing eleksyon. Walang mapagpilian ang mga tao kundi iyon at iyon ding apelyido. Pulos mga nagpayaman sa pwesto. Pulos mayayaman, pulos pabor lagi sa kapitalista, pulos suportado ng mga bilyonaryo. Paano na ang mga maralita?

Ang mga mayayamang pulitiko, naaalala lang ang mga maralita pag malapit na ang halalan. Kabilang kasi ang mga maralita sa mga botante kaya nga sinasabing sikat ang mayoryang maralita pag eleksyon dahil lagi silang nililigawan ng mga pulitiko.

Babayaran lang ng limang daang piso bago magbotohan kapalit ng tatlong taon sa lokal at anim na taon sa pambansa. Malaking bagay nga naman sa maralita ang limang daang piso dahil may pambili na sila ng bigas, may maisasaing, may pantawid gutom ang pamilya kahit sa isang araw lang. Oo, kapalit ng isang araw na kaligayahan ay anim na taon namang dusa. Dahil sa panahon lang naman ng eleksyon sila kilala ng kani-kanilang ibinoto. Walang pakialam ang mayayamang trapo sa kanila maliban sa bilang, maliban sa sila’y numero sa bilangan ng balota.

Sabi nga ni Mang Igme, “Botohan na naman! Iboto naman ninyo ang manok ko. Malaki maitutulong nito sa atin balang araw.”

Sabi naman ni Aling Tess, “Itong manok ko ang iboto ninyo, huwag iyan. Mas magaling ito, at madaling malapitan kung kailangan. Subok ko na ito. Sa kanya nga nanggaling ang endorsement para makapunta kami at magamot sa ospital. Siya na iboto natin. Tiyak na may kasangga tayo.”

Ayon naman sa binatang si Ignacio, “Totoo po ba ang Tallano gold? Mababayaran nga ba ang utang ng Pilipinas pag siya ang ibinoto ko?”

“Huwag kang maniwala riyan, hane,” sabad ni Aling Tikya, “pawang peknyus ang mga iyan upang mauto tayo na iboto siya.”

“E, sino po ang dapat iboto? Pare-pareho lang naman sila, di ba? Mga pulitikong magnanakaw sa kaban ng bayan? Anong mapapala natin sa mga iyan? Matagal nang namamayagpag apelyido nila sa pwesto. Pulos pamilyang dinastiya na ang namumuno sa atin. Guminhawa ba ang bayan? Hindi ba’t ganito pa rin tayo, isang kahig, isang tuka. Kaya bakit natin iaasa sa kanila ang ating kinabukasan. Dapat wala nang mga trapo at mga dinastiyang iyan na pinagsasamantalahan lang ang maliliit na gaya natin. Kaya kung may iboboto tayo, dapat iyong mga kauri natin, yung mga nakakaunawa sa atin, sa kalagayan natin, at nakaranas din ng anumang naranasan natin. Kaisa natin sa isip, puso, at bituka. ‘Yung kauri natin. Basta huwag na mga trapo’t dinastiya.” Mahaba ang litanya ni Mang Pilo na ikinatuwa naman ng ilang mga nakausap.

“E, sino nga ba? Kung kauri ba natin, mahirap din ang kandidato. Kauri natin, eh. Kung meron talaga, aba, subukan natin. Magbakasakali tayo? Sino po kaya? Mayroon kayang babangga sa pader?” Banat naman ng binatang si Ignacio.

“Bakit hindi natin subukan ang tumatakbong lider-manggagawa sa pagkapangulo, si Ka Leody De Guzman. Siya ang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), isa sa pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa. Subukan din nating ipanalo sa pagka-Senador si Atty. Luke Espiritu, na presidente naman ng BMP. Si Ka Walden Bello, na pangulo ng Laban ng Masa (LnM), sa pagka-Bise Presidente ng bansa. Matatagal na silang nakikibaka sa lansangan para sa pangarap nating lipunang makatao, at daigdig na masagana, at walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sila ang mga kauri nating bumabangga sa pader ng mga trapo. Idagdag pa natin sina Roy Cabonegro at David D’Angelo sa Senado,” maagap na sagot ni Mang Pilo.

“Sige po, subukan po natin sila. Sana po, Mang Pilo, makausap din natin sila, kasi itatanong ko kung anong magagawa nila sa mga kontraktwal na manggagawa, tulad ko,” sabat naman ni Arnulfo.

“Aba, isa sa plataporma nina Ka Leody ang pagwawakas sa salot na kontraktwalisasyon. Sabi nga ni Atty. Luke sa debate sa telebisyon na tiyak na napanood ng mga kapitalista, “Manpower agencies are parasites. They should be abolished.” Mga linta raw na sumisipsip sa pawis at dugo ng mga manggagawa iyang manpower agencies, na wala namang ambag sa produksyon. Ang mga ganyang programa ang nais natin, para sa masa, at para sa mga kauri natin. Matagal na tayong pinaglalaruan ng bulok na sistemang ito, na tawag nila ay neoliberal. Kawawa tayo pag mga trapo’t dinastiya na naman ang mga mamumuno sa atin.” Sabi pa ni Mang Pilo.

“Baka pwede, mag-iskedyul tayo ng pulong bayan sa ating lugar na sila ang imbitado. At ito na ang gagawin natin. Abangan lang natin kung kailan natin sila maiiskedyul, mga kasama.” Pagtatapos ni Mang Pilo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2022, pahina 16-17.

Martes, Marso 29, 2022

Kwento - Rali para sa P750 minimum wage

RALI PARA SA P750 MINIMUM WAGE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa sumali sa rali ng mga manggagawa upang madagdagan ang sahod ng bawat manggagawa bawat araw, hindi lamang dito sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR, kundi sa buong bansa. Sa ngayon kasi, iba-iba ang sahod ng manggagawa sa rehiyon. Kausap ko ang isang kasama at ipinaliwanag niya sa mga nagraraling tulad ko bakit nga ba pitumpu't limang daang piso ang dapat maging sahod ng manggagawa. Minimum wage pa lang daw iyon, hindi pa iyon living wage o nakabubuhay na sahod? Ha? Sabi ko. Magkaiba pa pala iyon...

Sabi ng kasama, "Minimum na sweldong P750 sa buong bansa para sa ating kapwa obrero! Di gaya ngayon, umiiral pa ang Regional Wage Board kaya iba ang sahod ng manggagawa sa probinsya. Sa N.C.R. nga, P537 na, habang P300 lang doon sa Cordillera. P420 sa Gitnang Luzon at P400 naman sa CALABARZON. Sa MIMAROPA, P320. Sa Bicol, P310!"

Patuloy niya: "Mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos. Parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos. Sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos. Sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos. Gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas. Bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas. Ganito ang nais natin, isang lipunang patas."

Napaisip ako, "Ibig sabihin, dapat buwagin ang Regional Wage Board." At sagot ng kasama, "Kung iyan ang nararapat, dahil matagal nang instrumento iyan ng kapitalista upang pagsamantahan ang mga manggagawa. At mula sa rali, kami'y umuwing dala ang adhikaing ipanalo ang P750 minimum wage across the board. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2022, pahina 16.

Lunes, Marso 14, 2022

Saan Patungo ang Maralita?


SAAN PATUNGO ANG MARALITA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saan nga ba nanggaling ang mga maralita? Bakit nga ba kayraming mga maralita? Ayon sa PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod, ang mga maralitang lungsod ay nagsulputang kabute matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nakasanayang gamitin ngunit maling salin ng World War Two). Mula sila sa mga malalayong lalawigan na sinira ng digmaan. 

Tinawag silang maralitang lungsod dahil sila’y mahihirap na pamilyang napunta sa marangyang lungsod. Sila ang mga mahihirap na walang kakayanang mabili ang pangunahing pangangailangan, kung hindi man sapat, kulang o gipit sa salapi o sinasahod, o kita mula sa diskarte upang maipanggastos at mabili ang mga kailangan, pangunahin na ang pagkain at gamot.  Sila’y mga maralitang walang pag-aaring lupa kaya nakikitirik sa lupa ng pamahalaan o sa pribado.

Mas marami akong nalaman sa laban ng maralita nang ma-deploy ako bilang staff sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001 na nakikibaka na ang lider nitong si Ka Roger Borromeo o KR, at nakikinig ako sa kanyang mga sinasabi hinggil sa buhay, karanasan at kasaysayan ng mga maralita.

Ayon sa kanya, maraming nagugutom, at maraming maralitang ang mga bahay ay dinedemolis. 1997 nang pormal ko siyang makadaupang palad sa laban ng mga maralitang taga-North Triangle, na kinatatayuan ng TriNoMa ngayon. Bagamat una ko siyang nakita sa basketball ball court ng Estella Maris College sa ikalawang Kongreso ng KPML noong Nobyembre 27, 1994 kung saan lider-kabataan pa ako noon bilang Basic Masses Integration (BMI) officer ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan). Napunta ako bilang staff ng Sanlakas noong ikalawang Kongreso nito noong Agosto 1996. 

Hulyo 1997 ay muli kong nakadaupang palad si KR sa matinding labanan sa Sitio Mendez sa Lungsod Quezon, kung saan nademolis ang mga bahay at napalayas ang mga maralita sa kanilang mga tahanan. Hanggang sila’y magkampo sa Quezon City Hall. Matapos ang isang buwan ay nakabalik ang mga maralita sa Sitio Mendez at nagmartsa sila sa tinaguriang Martsa ng Tagumpay noong kalagitnaan ng Agosto 1997. Iyon ay sa tulong ng KPML, Sanlakas, at iba pang samahan ng maralita, pati na ni QC Mayor Ismael Mathay na siyang naging daan upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang lupain ang mga maralita.

Subalit saan nga ba patungo ang mga maralita? Mula 2001 hanggang 2008 ay naging staff ako ng KPML. Matapos ay napunta ako sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bilang staff. Nang mahalal akong sekretaryo heneral ng KPML sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 2018 ay pormal akong nakabalik sa KPML at patuloy na naglilingkod sa maralita.

Ang pagiging maralita o mahirap ay isang matinding suliraning kinakaharap natin sa kasalukuyan. Bagamat nakakasabay ang bansa sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga maralita ay nakakasabay din, lalo na’t may mga selpon din silang gamit. Ito ay naging mahalagang gamit upang makontak at makausap ang mga mahal sa buhay. Gayunpaman, marami pa rin ang nagugutom, hindi sapat na nakakakain, mababa ang sahod, ang iba’y walang trabaho. Samutsari talaga ang dahilan ng kahirapan.

Ano ang dapat nating gawin? Marahil, bukod sa isa-isang maghanap ng pagkakakitaan o trabaho, dapat kolektibong kumilos ang maralita na hingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. 

Bagamat naniniwala naman tayong huwag iasa sa pamahalaan ang lahat, subalit dapat tayong mag-organisa upang palitan ang sistema ng lipunang wala namang pakialam sa ating abang kalagayan. 

Kumilos tayo tungo sa isang lipunang makatao, na walang pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng hayok sa tubong sistemang kapitalismo. Sa bagong sistemang iniisip natin, hindi indibidwalismo ang iiral kundi kolektibismo. Pag-aaralin natin ang lahat ng walang itinatangi kung mahirap man siya o mayaman. Gayundin naman, matuto tayong gamitin ng tama kung ano ang bigay ng kalikasan at huwag sirain ito. Ang mga magsasakang gumagawa ng pagkain ay hindi dapat naghihirap. Ang mga masisipag na manggagawa ay hindi dapat kontraktwal bagkus gawing regular sa trabaho. Tanggalin ang mga linta na manpower agencies na wala namang ambag sa produksyon. 

Kung maitatayo natin ng wasto at ganap ang lipunang makataong pangarap natin, baka wala nang tawaging maralita, kundi tatawagin silang kapwa. At ang lahat ay nagpapakatao at nakikipagkapwa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2022, pahina 15-16.

Linggo, Pebrero 27, 2022

Mga Huwad na Pangako

MGA HUWAD NA PANGAKO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinasabing sikat ang mga maralita kapag kampanyahan. Aba'y akalain mong sa lugar ng mga iskwater ay pumupunta ang mga mayayamang pulitiko at sila'y nililigawan. Nangangako ng kung anu-ano para lang maboto. Kahit maputik ang daan ay nilalakaran. Gaano man kasikip ang looban ay pinupuntahan. Kayrami kasi ng maralita kaya ang bilang nila ay sapat na upang magpanalo ng kandidato.

Subalit kailangan pa ng mayayamang kandidato na masigurado ang kanilang panalo. Kaya madalas pag malapit na ang araw ng halalan, o isang araw bago ang botohan, ay naglipana na ang mga limangdaan piso upang matiyak na maiboto ang kandidato. 

"Sinong kandidato iyan? May ipit na limangdaan ba iyan?" ang agad tanungan ng mga maralita pag may namamahagi ng leaflet ng kandidato. Hindi ka papansinin pag polyeto lang ang ibibigay mo. Para bang nais nilang may kapalit ang ibibigay nilang boto para may makain ang pamilya. Para bang ang prinsipyo nila'y ipinagbibili. Para bang pumunta ka rito sa lugar namin nang wala kaming pakinabang. Para bang lahat ang botong hinihingi mo sa kanila sa isang araw na halalan ay laging may kapalit na limangdaang piso pantawid gutom. Ano nga ba namang mahihita nila sa mga pulitikong lagi na lang nangangako subalit lagi rin namang napapako? Na pag nanalo ay hindi na makita ang katawan, kita lang ay bumbunan. Tanging pakinabang na lang nila'y limangdaang piso sa mismong araw ng botohan upang may pantawid gutom, kapalit ng tatlo o anim na taong dusa.

Ganyan ang mga karanasan ni Igme habang namamahagi ng polyeto ng kanyang kandidato. Para bang lahat ay nabibili ng pera, pati prinsipyo. Nais nila ng pagbabago subalit... Ganyan ang sistema. Bulok.

Kinabukasan, sa miting de avance ng kandidato ng naghaharing uri. Pare-pareho pa rin ang apelyido na hindi na nagbago sa bawat eleksyong nagdaan. Dinastiyang pulitikal. Sa isang lungsod, pagkatapos ng ama, ang ina, tapos ay ang mga anak. Sa isang lalawigan naman, gobernador ang ama, kongresista ang ina, mayor ang panganay na anak, vice mayor ang ikalawang anak.

Para bang reunion ang nagaganap, hindi miting de avance.

Maya-maya, nagsimula na ang palatuntunan. Pinatugtog na ang nakakaaliw na musika. Paindak-indak ang mga pulitiko. Nagsisigawan naman ang mga manonood na akala mo'y mga dancer ang pinanonood.

Maya-maya ay tinawag na isa-isa ang mga kandidato. 

“Ipinapangako ko, ipagpapatuloy ko ang mga nagawa ng aking lolo, na paunlarin pa ang bayang ito.” Sabi ni Kongresman Tagay.

“Magpapatayo ako ng tulay.” ani Gobernadora Paltik.

“Pag ako ang binoto ninyo, pabababain ko ang lahat ng presyo ng mga bilihin sa bayang ito. Pati presyo ng gasolina, pabababain ko,”  pangako ni Mayor Kotong kahit nandiyan pa ang Oil Deregulation Law.

“Pag-aaralin natin ng libre ang mga bata,” sabi ni Konsehal Pusoy, gayong may batas nang libre ang pag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Napakinggan ni Igme na nadismaya si Mang Kulet sa mga narinig. “Taon-taon na lang ay ganyan ang kanilang sinasabi. Wala namang bago. Pagpapatuloy lang talaga ng kapangyarihan ng kanilang pamilya sa bayang ito. Dinastiyang huwad ang pangako,” pailing-iling si Mang Kulet.

“Huwag kang maingay, baka ka marinig,” sabi ni Aling Mayang, na kanyang asawa. “Isulat na lang natin sa balota ang napupusuan natin.”

Umayon naman si Mang Kulot kay Mang Kulet, “Tama naman si Kuya. Paulit-ulit lang ang sinasabi nila. Naipangako na nila iyan noon, hindi naman natupad. Tapos ngayon ay ipapangako muli sa atin. Aba’y wala na bang iba?”

“Ano bang iba ang hinahanap mo? Ibang pangako o ibang pulitiko?” ang tanong naman ni Aling Mayang.

“Pareho. Subalit wala kasing nangangahas na bumangga sa mga mayayamang pulitikong iyan, kaya parang lagi na lang sirkus ang botohan dito sa atin. Wala na tayong ibang mapagpilian dito sa lokal. Buti pa doon sa nasyunal, may bagong mapagpipilian. May isang lider-manggagawa nga ang tumatakbo ngayon para pagkapangulo ng bansa. Kauri natin. Siya sana ay makapunta rito sa ating lalawigan,” ani Mang Kulot.

“Oo, maaaring pag-asa siya sa nasyunal, subalit dito sa lokal, habang namamayagpag ang mga trapo’t dinastiya, wala tayong mapagpipilian,” ani Mang Kulet, at maya-maya lang ay nag-uwian na rin sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2022, pahina 16-17.

Martes, Disyembre 14, 2021

Turok at kamatayan sa COVID-19

TUROK AT KAMATAYAN SA COVID-19
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa opisina ako sa Pasig nitong Agosto nang malaman ko sa pesbuk na sabay-sabay na namatay ang aking tiyahin, na ang asawa'y kapatid ni Tatay, at ang dalawa niyang pamilyadong anak, dahil sa COVID-19. Namatay sila nang minsang magsama-sama sa kasal ng pamangkin sa pinsan. Kaya kagulo ang aking mga kamag-anak sa Batangas nang malaman ito.

"Ano ba naman iyan? Ano nang nangyayari sa atin? Bakit gayon ang nangyaring biglaan ay marami pa sila?" ang himutok naman sa pesbuk ng isa ko pang pinsan sa ama. Sina Nanay Charing Bituin, at kanyang mga anak na sina Kuya Esmer Bituin at Ate Evelyn Bituin-Alipio ang nadale ng COVID. Kaya naulila si Tatay Pablo, at mga asawa't anak nina pinsang Esmer at Evelyn. Buti na lang at hindi pumunta roon ang aking kapatid na babae at asawa niya, na naimbitahan din sa kasalan.

Nitong Agosto 26, 2021 ay naturukan ako ng first dose sa Pasig. Akala ko ay dalawang linggo lang ay matuturukan na ako ng second dose. Subalit sabi sa akin ay tatlong buwan pa ang second dose dahil Aztrazeneca ang itinurok sa akin. Ganoon pala iyon.

Nitong Setyembre 3 ay sumabay ako kay bayaw sa pag-uwi sa La Trinidad, Benguet, kung saan naroon naman ang aking asawang si Liberty na nag-aalaga sa inang maysakit. Ayon kay Liberty, nagyaya ang aking biyenang babae na magtungo ako roon sa kaarawan nito sa Setyembre 5. Magkasunod lang sila ng aking ina na ang bertdey ay Setyembre 6.

Umalis kami ni bayaw, kasama ang kanyang drayber, ng madaling araw sa Cubao. Nakarating kami ng La Union, patungo sa kanyang kamag-anak roon ng bandang ikawalo ng umaga. Nagkumustahan at nagkwentuhan muna sila bago umalis bago magtanghali. Nakarating kami sa La Trinidad ng bandang ikalawa ng hapon. Pumunta muna kami sa Benguet State University dahil may pulong doon si bayaw. Ako naman ay nagtungo sa katapat nitong Benguet General Hospital pagkat naroon si misis. Katatapos lang niyang magpaturok ng second dose ng Pfizer matapos ang two weeks after first dose. Bandang gabi ng araw na iyon ay napansin ni misis na para akong may trangkaso. Setyembre 5, kaarawan ni Nanay Sofia, maayos pa ang lagay ko ng umagang tirik pa ang araw. 

Kinagabihan, hindi na ako pinayagan ni misis na sumama kina bayaw sa pagluwas sa Maynila dahil tumindi ang trangkaso ko. Setyembre 9 ay nagtungo kami ni misis sa BenguetGen upang magpatingin. Setyembre 12 ay nai-text kay misis na ako'y positibo sa COVID-19. Setyembre 11 ay nagpabakuna naman ang isa ko pang bayaw at ang kapatid nilang Bunso sa Benguet diyan nang mapadala na ang isked nila. Naturukan sila ng Sinovac.

Setyembre 14, isinugod si Bunso sa BenguetGen. Namatay ng araw na iyon si Kokway. Nagulat si Nanay Sofia na nasa ospital din ng araw na iyon, kasama ang isa kong pamangkin, dahil sa COVID. Umaga ng Setyembre 20 ay namatay na rin si Nanay Sofia.

Limang kamatayan sa loob ng dalawang buwan. Tatlo sa bahagi ng kapatid ni Tatay. Dalawa sa bahagi ng aking asawa. Nakalulungkot at nakakatakot na pangyayari sa panahong may COVID din ako at inaalagaan ng aking asawa sa bahay, pagkat puno na ng pasyente sa BenguetGen.

Sinabihan ako ni Mam Lou, na ninang namin ni misis sa sa kasal at siyang nagturo sa amin ng pageekobrik, na itigil ko muna ang pagiging vegetarian ko at kumain akong muli ng karne habang nagpapagaling. Sinunod namin ang payo kaya minsan ay nagbubulalo kami ni misis.

Oktubre 26 ay naiekedyul ako sa second dose sa Pasig. Ang sinabi nilang tatlong buwan ay dalawang buwan lang pala. Dahil nasa Benguet ako at nagpapagaling sa COVID ay hindi ako makaluwas. Kaya nagpasabi na lang ako na magpapaturok ng second dose pag may iskedyul.

Naalala ko ang Disyembre 27 na kababago pa lang kadedeklara na International Day on Epidemic Preparedness nito lang panahon ng pandemya. Marahil dapat magkaroon ng pagkilos sa araw na ito, hindi man sa kalsada, kundi kahit selfie sa pesbuk na may hawak na plakard na nagpapaalala sa araw na ito. Yayakagin ko ang mga kasama na makibahagi sa araw na ito.

Lampas na ako ng 21 days na na-COVID. Kaya nagpasya kami ni misis na lumuwas ng Maynila. Nagpa-antigen muna kami at nagpa-checkup sa BenguetGen bago lumuwas. Nang makuha na namin ang resulta ng anti-gen at general check-up, lumuwas kami ni misis ng Nobyembre 16 ng gabi at nakarating sa Cubao, sa bahay ng aking biyenan, ng madaling araw. 

Napuno ng tula hinggil sa pagkakasakit ko ang aking pesbuk at blog. Patunay ng matindi kong karanasan at alaala ng COVID.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Pagdatal ng bagyong Ulysses


PAGDATAL NG BAGYONG ULYSSES
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig-pook. Subalit tila ba naulit ang bagyong Ondoy nang inilubog ng bagyong Ulysses ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig pook noong Nobyembre 11-12, 2020.

Kaluluwas ko lang mula sa Benguet kung saan tagaroon ang aking napangasawa. Oktubre 31, 2020 ay lumipat na ang opisina ng paggawa mula Lungsod ng Quezon sa Lungsod ng Pasig. Nagsilbi akong tagabantay ng opisina. Halos magdadalawang linggo pa lang ako sa opisinang iyon nang manalasa si Ulysses. Mataas naman ang lugar sa may Barangay Palatiw kaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hindi naman kami binaha. Subalit ang katotong si Benny, na isang lider-manggagawa, at naninirahan sa San Mateo, Rizal, ay matindi ang ikinwento sa akin. 

Sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay ang baha. Kaya silang mag-anak na naroroon sa unang palapag ay napilitang umakyat sa ikatlong palapag, at umakyat ng bubong dahil pataas ng pataas ang tubig.

Nang may dumating na saklolong bangka, pinasakay niya ang kanyang misis at mga anak. Nagdalawang-isip pa siya dahil mayroon pa siyang alagang aso, at maraming kagamitang maiiwan.

Mabuti't nakinig siya sa kanyang misis na sumama na siya sa dumating na bangkang sumaklolo sa kanila. Naiwan niya ang aso nila na sa kalaunan ay hindi na nila nakita. Marahil ay nalunod na sa kasagsagan ng bagyo. 

At kung hindi siya nakinig sa kanyang misis, malamang ay hindi na siya nasaklolohan pang muli, at marahil ay hindi na siya nasagip, tulad ng kanyang asong mahal na mahal niya.

Marami pang kwento akong napanood sa telebisyon. Nagbabalik ang alaala ng Ondoy, pati na ng bagyong Yolanda, na naging dahilan upang mapasama ako sa mga lakaran hinggil sa klima, tulad ng pagkakapunta ko sa Thailand, dalawang araw matapos ang Ondoy. Setyembre 21, 2009, Lunes, nang mag-aplay ako ng ikalawa kong pasaporte, nakuha iyon ng Setyembre 25, 2009, Biyernes. Sumapit ang bagyong Ondoy, biglaan, kinabukasan, Setyembre 26, 2009. 

Lumubog ang opis ng paggawa kung saan ako natutulog, at mabuti't nasa ibang opis ako natulog nang araw na iyon kaya hindi nabasa ang aking bagong pasaporte. Dahil kung hindi'y tiyak na hindi ako makakasama patungong Thailand para dumalo sa pagpupulong hinggil sa usaping climate change. Setyembre 28, 2009 ay nakalipad na kami ng tatlo pang kasama patungong Bangkok.

Nanalasa ang matinding bagyong Yolanda ng Nobyembre 8, 2013, at isang taon matapos iyon ay nangampanya kami sa pamamagitan ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong 2014. Hanggang mapasama sa French leg ng Climate Walk mula Rome hanggang Paris noong 2015, ang panahong nilagdaan ang Paris Agreement, kung saan ang usaping klima'y pinag-isipan, pinag-usapan, pinagkaisahan at nilulutas.

Nang dumating ang bagyong Ulysses, nagbabalik ang mga alalahanin. Ano nang mangyayari sa ating daigdig? Noong 2018 nga, inilabas na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ay hindi na mababalik sa dati ang klima ng mundo kung hindi magbabawas ng emisyon ang maraming bansa. At ngayon, 2021 na. May siyam na taon pa. May climate emergency na.

Hanggang ngayon, sumisigaw pa rin kami ng Climate Justice Now! upang dinggin ng iba't ibang bansa na magbawas na ng emisyon at huwag nang gumamit ng dirty energy tulad ng coal plants. Patuloy din ang aming pagbibigay ng pag-aaral sa iba’t ibang samahan upang magpaliwanag hinggil sa usaping klima. Patuloy pa rin ang pangangalsada. Subalit hanggang kailan tayo sisigaw?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2021, pahina 13-14.