Biyernes, Enero 12, 2024

Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Sabado, Disyembre 30, 2023

No to jeepney phaseout!

NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusra na po, Itay? Balita ko, balak ng pamahalaan i-phase out ang mga dyip dahil daw sa PUV modernization? Nakakasira rin daw sa kalikasan ang ating mga dyip dahil sa usok nitong ibinubuga. Tama po ba ang nabalitaan ko, Itay?” Sabi ni Nonoy sa kanyang amang tsuper ng dyip na si Mang Nano.

“Oo nga, anak? Iyan ang problema naming mga tsuper ngayon. Balak ipalit ang mga minibus na tinawag nilang e-jeep. Modernong dyip daw subalit pag sinuri mo naman, mas nakikipagtagalan sa panahon ang ating mga tradusyunal na dyip kaysa sa e-jeep na ilang taon lang, laspag na.” Ang himutok naman ni Mang Nano sa anak.

“Paano po iyan, Itay? Pag nangyari po iyan, aba’y baka di na kayo makapamasada?” Ani Nonoy.

“Ano pa nga ba? Gutom ang aabutin natin, pati na ibang pamilya ng mga tulad kong tsuper! Baka matigil ka na rin sa pag-aaral dahil sa dyip lang natin kinukuha ang pangmatrikula mo.” Ani Mang Nano.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay dumating si Nitoy, ang kumpare at kasamang tsuper ni Mang Nano.

Sabi ni Nitoy, “May pulong tayong mga drayber mamaya alas-kwatro ng hapon sa terminal upang pag-usapan ang sinasabing modernisasyon daw ng ating mga dyip. Dalo tayo, pare, nang malaman natin.”

“Sige, pare, dadalo ako. Magkita na lang tayo doon mamaya.”

“Itay, maaari bang sumama? Nais ko lang po makinig.” Ani Nonoy.

“Sige, anak. Samahan mo ako mamaya.”

Dumating ang ikaapat ng hapon. Marami nang tsuper sa terminal, at may megaphone. Nagpaliwanag ang lider ng mga tsuper sa lugar na iyon. Si Mang Nolan. Naroon na rin ang mag-amang Nano at Nonoy.

“Mga kasama,” ani Mang Nolan. “Ipinatawag natin ang pulong na ito dahil nangangamba tayong mawalan ng kabuhayan pag natuloy ang pagpe-phaseout ng ating mga dyip. Hindi tayo papayag diyan! Gutom ang aabutin ng ating pamilya, hindi pa tayo makakapasada. Hanggang Disyembre 31 ang ibinigay sa atin upang magkonsolida ng ating hanay.”

“Anong ibig sabihin niyan?” Tanong ni Mang Nano.

“Ganito kasi iyan,, mga kasama,” ani Mang Nolan, “Naglabas ang Department of Transportation ng Omnibus Franchising Guidelines na una sa programang PUV Modernization Program. Anong laman niyan?”

Nakikinig ng mataman ang mga tsuper sa paliwanag. Nagpatuloy si Mang Nolan, “Sa ilalim ng nasabing guidelines, dapat ikonsolida ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba na tatayong manager at magpapatakbo sa partikular na ruta batay sa polisiyang one route, one franchise. Sa isang prangkisa, 15 yunit ng modernong dyip ang minimum na kailangan. Ang presyo ng isang yunit ay nasa P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon. Kaya ba natin iyon? Aba’y lagpas triple na iyan sa bago at magandang klaseng tradisyunal na dyip na nasa P800K lang. Tinaningan na tayo na hanggang Disyembre 31 na lang ay dapat nakonsolida na ang ating mga dyip.”

“Anong dapat nating gawin?” Tanong ng tsuper na ni Mang Nestor.

“Aba’y kinonsulta ba nila ang mga tsuper at opereytor sa balak nilang iyan? O baka dahil may pera sila sa mga modern dyip kaya ginigiit nila iyan sa atin. Mungkahi ko, mga kasama, magpakita tayo ng pwersa bago ang deadline.” Sabi ni Mang Nano.

“Aba, Itay, sasama rin ako riyan! Isasama ko mga kaklase ko!” Sabad naman ni Nonoy.

“Bakit mo naman naisipang sumama?” Tanong ni Mang Nolan.

“Naisip ko po kasi, maraming pamilya ang magugutom pag hindi na nakapasada sina Itay, ang tulad po ninyong mga tsuper. Apektado rin ang aming pag-aaral. Pati mga manggagawang pumapasok sa trabaho, walang masasakyan. Ang laban po ng tsuper ay laban din naming mga komyuter.” Ang mahabang paliwanag ni Nonoy.

“Aba’y magaling. Sige, kung payag ang tatay mo.” Ani Mang Nolan.

Agad sumagot si Mang Nano, “Anong paghahanda ang ating gagawin? Dapat sabihan din natin ang iba pang tsuper. Kailangan nating magpakitang puwersa upang pakinggan tayo!”

Si Mang Nolan, “Sige, mga kasama, sa Disyembre 29 natin itakda ang ating pagkilos. Bago magsara ang taon ay maipakita natin ang ating paninindigan. Ang ating panawagan: No to jeepney phaseout!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 14, 2023

Hindi para sa maralita ang 4PH


HINDI PARA SA MARALITA ANG 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ano bang tingin ninyo, mga kapwa maralita, sa programa ng pamahalaan na 4PH. Iyun bang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program?” Tanong ni Mang Igme.

“Naku, isa pa iyan. Ang sabi, pabahay daw iyan para matugunan ang 6.8 backlog sa pabahay. At ang benepisyaryo ay ang mga maralita. Yaon daw ISF o informal settler families na gaya natin. Subalit pag tiningnan mo naman ang Operations Manual nito, para lang sa mga may sweldo ang 4PH, at hindi para talaga sa ISF.” ang mahabang litanya naman ni Aling Isay.

Sumabad na rin si Inggo, “Para pala iyang depinisyon ng trabaho. Dati, itinuturing na walang trabaho ay yaong wala talagang trabaho. Nagbago ang depinisyon. Yung mga walang trabaho ay yaong mga naghahanap ng trabaho, at hindi kasali ang mga tambay. Tulad din ng ISF, pinaganda lang ang salitang iskwater dahil masakit sa tainga ang iskwater. Kaya binobola na naman tayo ng mga nasa itaas. Pinapaikot ang ulo natin sa mga magaganda nilang termino.”

Si Ka Igme, “Kaya ko naman naitanong ang tungkol sa paninindigan natin sa 4PH ay dahil sa parating na Urban Poor Solidarity Week. At tiyak isa ang 4PH sa mayor na isyu na maaari nating pag-usapan hinggil sa buong linggong iyan. Ang tanong ko uli, kung hindi para sa maralita ang 4PH, aba’y dapat nating ilunsad ay isang Urban Poor Protest Week, dahil iniitsapuwera na naman nila ang mga maralita. Para lang sa mga maysahod, may payslip, at may PAGIBIG ang 4PH.”

“Kaya ang ibig mong sabihin, kumilos muli tayo sa kalsada. Kalampagin natin ang DHSUD (Department of Housing and Urban Development) dahil sa hindi pala tayo kasama diyan sa sinasabi nilang flagship project ng pamahalaan.” Sabi ni Aling Isay.

Si Ka Igme uli, “Aba’y kung iyan ang tingin ninyo, ikasa na natin ang pulong, kasama ang iba pang samahang maralita. Kailangan ipakita natin ang pagkakaisang ito sa laban kontra 4PH.”

“Magpatawag ka ng pulong, at ipaliwanag muna ang 4PH at kung bakit hindi talaga ito pangmaralita. Sa presyo pa lang ng pabahay ay hindi na talaga kaya nating maralita.” Ani Inggo.

“Tama ka,” ani Aling Isay, “dahil kung kakalampagin natin ang pamahalaan, dapat mas marami tayong lumahok sa pagkilos, at hindi kakarampot lang tayong parang isang platitong mani.”

“O, sige, kailan tayo? Sa makalawa, ayos ba sa inyo?” Sabi ni Mang Igme, “Gagawin ko na ang liham-paanyaya sa ating mga kapwa maralita, pati na sa mga samahang magkakapitbahay diyan sa may kabilang ibayo, padalhan din natin. Kailangang malakas ang tinig nating maralita lalo na’t pag eleksyon, bumababa ang mga kandidato upang ipanalo sila, dahil nga malaki ang ating bilang. Humingi sila ng boto sa atin, ngayon, tayo naman.”

Dumating ang araw ng pulong. Nasa dalawampung katao lang ang dumating, subalit pawang mga lider. Pinag-usapan nila ang Executive Order 34, at pati na ang Operations Manual nito. Ang nagpadaloy ng pulong ay si Aling Isay, at ang nagtalakay naman ng isyu ay si Mang Igme. Sa malayang talakayan ay nagtanong si Inday, “Bakit parang bulag ang mga nanunungkulan sa gaya nating maralita. Ako na isang vendor, paano ko mababayaran ang isang yunit ng pabahay na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso, kahit na hulugan ay hindi kaya. Lalo na ang pedicab driver kong asawa. Dapat po batay sa kakayahan ng maralita ang presyo ng pabahay, at hindi sa market value.”

Sa huli, sumang-ayon ang lahat sa gaganaping pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD, at isasama nila ang iba pa nilang mga kakilalang maralita. Sa kanilang paninindigan ay handa na naman sila sa isang malaking laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Nobyembre 8, 2023

Alagata't dalumat sa ikalawang Climate Walk


ALAGATA’T DALUMAT SA IKALAWANG CLIMATE WALK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang reyunyon ang naganap. Nagsisama muli ang mga kasama ko sa unang Climate Walk from Luneta to Tacloban noong 2014 para sa unang anibersaryo ng Yolanda sa Climate Justice Walk ngayong 2023 para sa ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Ikapito iyon ng umaga ng Oktubre 8 at nagkita-kita kami sa likod ng malaking estatwa ng Supremo Gat Andres Bonifacio sa tabi ng Manila City Hall. Nagkumustahan. Maya-maya, naghanda na kami sa paglalakad matapos ang maikling programa.

Inihatid ako ni misis at ng isang kaopisina niyang boarder namin doon sa Luneta. Sumabay sila sa paglalakad hanggang sa Kilometer Zero.

Ibang-iba ang nararamdaman ko nang mga panahong iyon kaysa unang Climate Walk. Noong 2014 ay binata pa ako, ngayong 2023 may-asawa na ako at iiwan ko siya ng higit isang buwan. 

Bago ang ikalawang Climate Walk na ito sa bansa, kami rin ang mga magkasama doon sa Climate Pilgrimage from Rome To Paris noong 2015, bagamat ako’y napasama lang sa French leg dahil binigyan lang ako ng Schengen visa sa France ngunit di sa Italy. Naroon kami nang pinagtibay ang Paris Agreement. At ngayon, muli kaming naglakad mula Luneta hanggang Tacloban, subalit iba na ang ruta kaysa unang Climate Walk. Nagsimula kami noon ng Oktubre 2. At ngayong 2023 ay Oktubre 8.

Marami kaming mga dinaanan, at marami kaming mga kinainang inihanda ng mga dating kasama sa unang Climate Walk. Tumuloy pa kami at natulog sa UP Los Baños na wala sa dating ruta. Dati ay dumaan pa kami sa Calamba, Laguna at Sto. Tomas, Batangas na ngayon ay hindi na. Nagbarko pa rin kami mula sa Matnog, Sorsogon hanggang Allen, Samar. Naghalalan ng Barangay, at dalawang araw din kaming hindi naglakad dahil sa Barangay election. Sa panahong iyon gumawa ng video ang mga taga-Greenpeace kung saan binigkas namin isa-isa ang bawat taludtod ng ibinahagi kong tula hinggil sa Climate Justice Walk.

Masaya ang aking kalooban habang ikinukwento ko kay misis sa selpon ang aming kalagayan. Maraming salamat kay misis at sa lahat ng mga sumuporta sa Climate Walk. Ilang araw na lakad pa at mararating muli namin ang Tacloban, na tinaguriang Ground Zero noong 2013.

Sa totoo lang, iyon ang ikatlong punta ko sa Tacloban na una ay di Climate Walk kundi pamimigay ng bigas, damit, gamit, solar, sa mga nasalanta sa Tacloban noong Disyembre 2013, isang buwan matapos ang bagyong Yolanda, kasama ang Partido Lakas ng Masa (PLM).

Nasa Ragay, Samar na kami. Nagpinta pa kami ng mga gagamiting mahahabang telang may mga islogan ng Climate Justice. Ginabi na kami.

Hanggang isa-isa nang natulog ang mga kasama sa Climate Walk. Ngunit ako, bago umidlip, ay napagninilayan ko pa ang aking nabasa mula sa magasing Journal of Filipino Science na dala ng isang kasama.

Ayon sa isang artikulo roon, may mga eksperimentasyon ang mga Pinoy na siyentipiko, tulad ng paano inumin ang tubig-dagat na di tayo maaalatan, paano makatagal sa pagsisid sa laot, pagkain ng mga lamang dagat araw-gabi, atbp. Nais nilang lumikha ng mga Pilipinong tutubuan ng hasang upang makatagal sa tubig at mabuhay nang di nalulunod sa baha. Bunsod na rin iyon ng nangyaring Yolanda na pumatay halos ng animnalibong  mamamayan. Inaaral din nila pati ang karanasan ng mga Badjao, pati ang iba pang boatpeople, na sa dagat na halos nabubuhay.

May quote pa ang mga siyentipikong Pinoy na ito: “The present is theirs; the future is ours.” Naalala ko tuloy ang marahil ay pinagbatayan niyon, isang quotation mula sa siyentipikong Serbian na si Nicola Tesla, “The present is theirs; the future, for which I really worked, is mine.”

Paano nga kaya kung magkahasang ang mga tao? Marahil, di sana nangalunod ang mga tao sa pagragasa ng Yolanda. Subalit sa Maynila, na ang baha ay nagdadala ng sangkaterbang basura, baka di umubra ang kanilang eksperimentasyon. Malulunod lang ang mga tao sa basura.

Maya-maya, ginising na ako ng isa sa aming mga kasama. Halos gising na rin ang iba. Anya, “Alas-kwatro na. Maghanda na tayo’t kumain ng maaga. Alas-singko ay dapat nakaporma na tayo upang maglakad tungo sa San Juanico Bridge.”

Nobyembre 8 na pala ngayon. Ikasampung anibersaryo ng Yolanda at ngayon ay muli naming lalakarin ang kahabaan ng San Juanico Bridge. At doon sa Tacloban ay muli naming gugunitain ang mga nangamatay at anong aral sa klima at anong panawagan namin sa buong mundo na aming dapat sabihin sakaling dumalo kami sa COP28 sa Dubai.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Oktubre 14, 2023

Pakikibaka Laban sa 4PH

PAKIKIBAKA LABAN SA 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nito lang Hulyo 17, 2023 ay nagpalabas na ng Executive Order 34 ang pangulo ng bansa hinggil sa kanyang flagship program na 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program. Kasunod nito ay lumabas ang Operations Manual nito, o IRR o yaong Implementing Rules and Regulations nito, subalit hindi dumaan sa Kongreso, kundi ginawa ng mga taga-DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) na ang natalagang sekretaryo ay isang developer.

“Mukhang maganda ang 4PH, ah. Malulutas na raw nila ang backlog na 6.8 milyon na pabahay.” Ang agad sabi ni Inggo.

Sumabad si Mang Igme, habang nakaupo sila sa karinderya ni Aling Ising. “Teka muna. Huwag tayong padalos-dalos. Nabasa mo na ba ang Operations Manual?”

“Hindi pa.” Sagot ni Inggo.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Basahin n’yo muna. Dahil ang nakasulat doon, para lang iyon sa mga may trabaho, may pay slip, at may Pag-Ibig. Ibig sabihin, kayang magbayad ng tuloy-tuloy sa ala-condo na yunit, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Tayo bang maralita ay may kakayahang magbayad buwan-buwan, at may Pag-Ibig ba tayo? Magkakariton, nagtitinda ng tingi-tingi sa bangketa, pedicab driver, magbabalut, namumulot ng pagkaing pagpag, mangangalkal ng basura. Aba’y wala nga tayong regular na trabaho! Diyan pa lang, di na tayo kwalipikado bilang benepisyaryo. Lumalabas ngang negosyo ang 4PH, at ginagamit lang tayong mga maralita.” Pagbibigay-diin ni Mang Igme.

Sumabad si Aling Isay, “Aba’y dapat muna natin iyang aralin!”

Sumagot din si Aling Ines, “Tama kayo. Baka isa na naman iyang pambubudol sa maralita subalit para pala sa may mga kakayahang magbayad. Tulad kong nagtitinda lang ng mani, makakapasok ba ako riyan at mababayaran ko ba ang buwanan diyan, lalo na’t kulang pa sa pagkain naming mag-iina ang benta ko sa kasoy at mani. Bukod pa sa wala rin akong Pag-Ibig. Balita ko nga’y maliit na kwarto lang din iyan na iyong babayaran ng tatlumpung taon. Matanda na ang anak ko’y baka di pa namin iyan nababayaran.” 

“Ang mabuti pa,” ani Mang Igme, “kakausapin ko si Ka Kokoy, ang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML, hinggil sa usaping iyan. Pupuntahan ko agad siya bukas.”

Kinabukasan, nagtungo na si Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa isang palengke sa Caloocan. Nagkumustahan muna sila.

“Alam mo, Ka Kokoy, ang ipinunta ko rito ay hinggil sa sinasabing flagship project ni BBM - ang 4PH. Para nga ba ito sa maralita? O ito’y pakulo na naman at nagagamit tayong maralita.” Bungad ni Mang Igme.

Sumagot si Ka Kokoy, “Nabasa na rin namin iyan at tinalakay sa KPML. Ang problema kasi riyan, para raw iyan sa informal settler families o ISF tulad natin. Subalit pag sinuri mo talaga, hindi para sa ISF iyan, kundi para sa may kakayahang magbayad. Pag di ka nakabayad sa tamang oras ay agad ka nang papalitan. Isa pa, saan nila itatayo ang 4PH? Sinasabing kung saan ang mga iskwater, doon itatayo ang pabahay. Aba’y idedemolis muna tayo at ilalagay sa staging area hanggang matapos ang pabahay? Aba’y mapapalaban na naman tayo niyan.”

“Naisip ko, baka mas magandang kayo na sa KPML ang magtalakay hinggil diyan. Maaari ka ba sa darating na Sabado ng alauna ng hapon, doon sa bahay, at iimbitahan ko na rin ang Samahang Magkakapitbahay sa amin upang matalakay mo ang 4PH.” Paanyaya ni Mang Igme.

“Sige, magtutungo kami ni Tek sa inyo sa Sabado.” Ani Ka Kokoy

Dumating ang araw ng Sabado at nagkatipon na ang mga tao.

Si Mang Igme, “Narito sina Ka Kokoy  upang talakayin ang 4PH.”

Sinimulan ni Ka Kokoy ang pagtalakay, “Narito po ang ilang seroks ng EO 34 at ang Operations Manual, na magandang basahin at suriin ninyo. Sa totoo lang po, mga kasama, hindi talaga para sa atin ang 4PH. Dahil ito’y negosyong pabahay. Dapat may Pag-ibig ka at may regular na trabaho upang matiyak nilang makakabayad ka. Kung nais ninyo, magkaisa tayong magrali sa tapat ng DHSUD upang maipabatid natin sa kanila ang ating pagtingin dito. At bakit hindi para sa maralita ang 4PH.”

“Sasama kami riyan. Gagawa na rin kami ng mga plakard. Nakasulat: Pabahay ay Serbisyo, Hindi Negosyo! 4PH, di pang-ISF! Ibasura!” Ang sagot ng mga tao. Itinakda ang pagkilos sa darating na Miyerkules.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Setyembre 14, 2023

Katutubo, Klima, at Kaliwa Dam

KATUTUBO, KLIMA, AT KALIWA DAM
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ikalabing-apat na anibersaryo ng bagyong Ondoy sa Setyembre 26. Tiyak na may paggunita na naman upang mahalawan ng mamamayan ng aral ang naganap, lalo sa usaping climate change.” Ito ang sabi ni Ka Baby.

Naalala ko pagkat marami kaming nakaranas niyan. Ngunit paano ang mga kapatid nating katutubo? Pebrero nitong taon lamang ay nakasama ako sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula bayan ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon hanggang Maynila. Hindi lamang ang paglubog ng ilang bayan at barangay ang daranasin ng mga kapatid nating katutubo pag natuloy ang proyektong Kaliwa Dam kundi masisira ang ilang bahagi ng Sierra Madre na siyang pananggalang natin laban sa mga bagyo. Bago iyon ay ganyan din marahil ang sasapitin pag naitayo ang Laiban Dam, dahil nakiisa rin akong naglakad ng mga katutubo bilang kinatawan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) sa Lakad Laban sa Laiban Dam noong 2009.

May nagtanong kay Ka Baby. Ani Ingrid, “Bakit natin ipagdiriwang ang pagdatal sa atin ng bagyong Ondoy gayong marami ang apektado sa atin at lumubog ang mga bahay. Hindi ba’t dapat ibaon na natin iyan sa limot at mag-move on na tayo?”

Nagtaas ako ng kamay at sumagot. “Hindi po natin ipagdiriwang ang Ondoy kundi gugunitain natin ang naganap upang hanguan ng aral. Iba ang celebration sa commemmoration. May tanong lang ako, Ka Baby. Ano po bang aktibidad ng pag-alala ang plano sa anibersaryo ng Ondoy?”

Sumagot si Ka Baby bilang tugon sa harap ng mga nasa tatlumpung kataong dumalo sa talakayang iyon. Ani Ka Baby, “Wala pang eksaktong aktibidad. Kaya tayo nagpatawag ng pulong ay upang humingi sa inyo ng mga mungkahi. May plano ang ibang grupo at mananawagan sila sa ating pamahalaan na maglunsad na ng climate emergency.”

Tumugon ako. “Magandang plano po iyan. Subalit dapat nating isama ang kalagayan ng Sierra Madre na maraming may interes na tayuan ito ng dam tulad ng Kaliwa at Kanan Dam. Dapat patuloy na maging mapagmatyag ang mamamayan. Pag nasira ang Sierra Madre, maraming apektado, di lang ang lupaing ninuno, kundi ang kalikasan, kagubatan at buong kabundukan. Nakita ko ang pagtutol ng mga katutubong Dumagat at Remontado nang sumama ako nitong Pebrero sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, at hanggang ngayon ay dama pa, di lang ng aking mga binti at paa, kundi ng aking puso’t diwa, ang lakas ng kanilang pagkakaisa upang protektahan ang buong Sierra Madre. Ang pagtatayo ng dam ay magdudulot ng pagkalbo ng libu-libong ektarya ng gubat, na magpapalala sa mga pagbaha.”

“Sang-ayon kaming dapat depensahan ang Sierra Madre at huwag maitayo ang damuhong Kaliwa Dam na iyan.” Ito ang naging tugon ni Mario. “Kaya kung sasama tayo sa ibang grupong may pagkilos na sa Setyembre 26, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice o PMCJ, isulat na rin natin sa mga plakard na dapat protektahan ng pamahalaan ang Sierra Madre, bagamat may naisabatas nang Save Sierra Madre Day, sa bisa ng batas na Proklamasyon 413 ni dating Pangulong Noynoy noong 2012.”

Tumugon si Ka Baby, “Nananawagan nga ng climate emergency ang PMCJ.  Sabi pa nga nila, iyang pagbabago ng klima ay magdudulot ng mas matinding pag-ulan. Ang dagdag na ulan kasabay ng pagtatayo ng dam ay nanganganib na magpalubog sa kalahati ng mga kabahayan sa mga katutubong pamayanan sa Sierra Madre. Kaya isulat din natin sa plakard ang panawagang ‘Climate Emergency, Now Na!”, ‘Itigil na ang Paggamit ng Coal at Fossil Fuel’, ‘Bawasan na ang mga Carbon Emissions!’, ‘Panagutin at Pagbayarin ang mga Annex 1 Countries!’.”

Nagtanong si Isay, “Tanong ko lang po sa mga kasama. Ayos ba sa inyo na sumama tayo sa pagkilos sa Mendiola batay sa panawagan ng PMCJ? Kung ayos sa inyo, ilan ang mga sasama? Araw ng Martes ang 26, mga kas.”

Tumugon si Ka Baby, “Dalawang dyip o apatnapung katao ang toka sa atin, batay sa dinaluhan kong pulong. Subalit maganda ang mungkahi ni kasamang Igor. Isama natin ang isyu ng Sierra Madre, Kaliwa Dam at ang ating mga kapatid na katutubo. Dahil pag nawasak ang Sierra Madre, wala na tayong pananggalang sa matitinding bagyo.”

“Salamat, mga kasama.” Sabi ko. “Isulat din nating signatory sa plakard ang pangalan ng samahan - Samahang Magkakapitbahay ng Sapang Palay.”

“Okay,” ani Mario. “Kita-kits tayo sa Martes.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2023, pahina 18-19.

Pabahay ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo


PABAHAY AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-usapan ng magkumpareng Igme at Inggo ang hinggil sa alok ng pamahalaan na pabahay. Sinabatas na kasi ni BBM sa kanyang Executive Order #34 na flagship project ng pamahalaan ang 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program nitong Hulyo 2023. Agad ding lumabas ang Operations Manual nito.

“Hindi naman pala para sa maralita ang 4PH kundi para sa mga may regular na trabahong may regular na sweldo.” Ito ang bungad ni Igme habang nagkakape sila ni Inggo sa karinderya ni Aling Isay.

“Aba’y nabasa mo na ba ‘yung sinasabing batas?” Tanong ni Inggo.

“Oo, napakaganda nga ng paliwanag dahil ginamit pa ang Saligang Batas, na nagsasabing dapat magkaroon ng disenteng pabahay sa abot kayang halaga ang mga underprivileged at homeless citizen sa mga lungsod at relokasyon. Pinaganda pa nga ang tawag sa mga iskwater - ISF o Informal Settler Families.” Ani Igme. “Subalit pagdating na sa Operations Manual, aba’y hindi pala kasali ang totoong ISF - na iskwater o yung mga underprivileged at homeless citizen. Parang pinaiikot lang nila ang ulo nating mga maralita.”

Napatingin tuloy sa kanila si Aling Isay, na agad sumabad sa usapan. “Matanong ko nga, paano mo naman nasabing hindi pangmaralita iyang bagong programa ng pamahalaan sa pabahay? Balita ko’y magtatayo raw ng parang kondominyum na pabahay para sa mga iskwater.”

“Ang totoo po niyan, Aling Isay, ang tinutukoy na benepisyaryo ng pabahay  sa Operations Manual ay tinatawag na buyer. Hindi na talaga mga iskwater, o yaong vendor, o dumidiskarte lang para mabuhay. Hindi tayo kasali, dahil dapat may regular kang trabahong may regular na sahod. Paano mo mababayaran ang isang libong pisong mahigit kada buwan na pabahay kung ang kinikita mo ay sapat lang para sa pang-araw-araw na pagkain ng pamilya mo? Ang nakasulat nga sa Operations Manual, ang prayoridad ay low-salaried ISF, employees and workers. Diyan pa lang ay makikitang hindi pangmaralita kundi pang may tiyak na buwanang sahod ang pabahay na iyan. Higit milyong pisong pa ang presyo ng maliit na espasyo sa itatayong ilang palapag na gusali.” Ang mahabang paliwanag ni Igme.

“Hindi pala talaga serbisyo sa maralita ang pabahay na iyan kundi negosyo. Hindi kataka-taka dahil dating contractor ng San Jose Builders iyang bagong kalihim ng DHSUD na si Alcuzar.” Pailing-iling si Aling Isay.

“Saan naman sila magtatayo ng pabahay? Baka naman itapon na naman tayo sa malalayong lugar na malayo sa ating mga trabaho? Aba’y talagang giyera-patani na naman iyan pag nagkataon.” Sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme. “Maghahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan upang pagtayuan ng pabahay. Ang problema pa, sila ang pipili ng mga benepisyaryo. Kaya kung political dynasty iyan, iyong mga kabig lang nila ang uunahin nila. Dehado na naman ang mga maralitang laging walang boses. Ano pa? Pag hindi ka agad nakabayad, papalitan ka agad-agad ng may kakayahang magbayad. Paano ang mga naihulog mo dati? Talo ang maralita sa negosyong 4PH. Binibilog nila ang ulo natin.”

“Kaya anong dapat nating gawin?” Tanong ni Inggo.

“Dumalo muna tayo sa patawag na pulong ni Ka Tek, ang pangulo ng samahan ng maralita dito sa lugar natin, upang mapag-usapan ang tungkol diyan. Mamayang ikaapat ng hapon, sa tapat ng barungbarong ni Igor, tatalakayin ang 4PH at ang gagawin nating pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD  sa susunod na Lunes.” Ani Igme. 

“Sasama ako sa pulong na iyan at makikinig. Pababantayan ko muna kay Bunso itong munti kong karinderya.” Ani Aling Isay.

Hapon. Pumunta sina Igme, Inggo, at Aling Isay sa tapat ng bahay ni Igor, habang naglabas naman ng mga bangko ang mga kapitbahay para sa pulong. Maya-maya, dumating na rin si Ka Tek, na naglabas naman ng manila paper upang pagsulatan. Nagkumustahan muna, saka tinalakay ni Ka Tek ang kanilang pagsusuri sa bagong programang pabahay na 4PH at inilatag ang planong pagkilos sa Lunes sa tanggapan ng DHSUD sa QC.

“Mga kasama, dahil negosyo at hindi serbisyo ang 4PH, ayon sa ating pinaliwanag kanina, may pagkilos tayo sa Lunes, kasama pa ang ibang maralitang dinemolis sa kani-kanilang lugar. Ito ang detalye, kitaan at oras. Dahil isyu naman nating maralita ito, kanya-kanyang pamasahe tayo. Wala kasi tayong pondo para pang-arkila ng sasakyan. Okay ba sa inyo? Ilan ang sasama?” Ani Ka Tek.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.