Lunes, Enero 14, 2019

Pinaglipatang relokasyon sa maralita: From Danger Zone to Death Zone


PINAGLIPATANG RELOKASYON SA MARALITA:
FROM DANGER ZONE TO DEATH ZONE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hindi ko malilimutang karanasan ang mapunta sa relokasyon sa Calauan, Laguna ilang buwan matapos ang kaytinding bagyong Ondoy na naganap noong Setyembre 26, 2009. Napapaisip ako sa mga sinasabi ng mga matatandang lider-maralita na nagisnan ko na sa hindi pa noon pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), tulad nina KR o Ka Roger Borromeo, KP o Ka Pedring Fadrigon, at KJ o Ka Joe Managbanag. Madalas kong marinig sa kanila na ang relokasyon ay “From Danger Zone to Death Zone”?

Noong panahon matapos ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, ay nakarating ako, bilang staff ng KPML, sa Santolan, Pasig, na talagang lubog sa baha ang mga bahay. Nakausap ang ilang mga unyunista roon na ang unyon ay kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Isa ako sa tinawagan ng BMP upang mag-asikaso sa laban ng mga maralita roong binaha. Hanggang sa mapunta na ang iba sa relokasyon, tulad sa Calauan, Laguna. Ang iba ay nanatili pa sa lugar.

Nakausap ko ang ilang ni-relocate sa Calauan noong panahon ng Halalan 2010. Nakita kong nakatira sila sa isang munting bahay na bigay ng pamahalaan subalit maninipis ang pader at may lamat na. Ayon sa kanila, galing silang Marikina, iba’y sa Pasig at Maynila, dinala sa relokasyon upang doon na manirahan, kasama ng pamilya. 

Subalit ayon sa kanila, may mabuti at masama sa kalagayan nila roon. Mabuti dahil may natirahan na silang bagong bahay, na umano’y hindi binabaha, at baka mapasakanila na. Subalit malayo naman sa hanapbuhay. Kaya madalas, kailangan pa nilang mag-stay-in sa trabaho sa Marikina o sa pabrika sa Pasig, at tuwing Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw na makakauwi sa kanilang tinutuluyan sa Calauan, at aalis ng Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw upang makarating sa trabaho.  Marami silang ganyan doon.

Subalit bakit “From Danger Zone to Death Zone” ang relokasyon? May bahay sila. Subalit noong panahong dumating ako roon, wala silang kuryente at binibili ang tubig. Malayo sa trabaho, malayo sa ospital, paano kung may magkasakit. Malayo sa palengke. Mabuti na lang may diskarte ang ilang nasa relokasyon na magsari-sari store, kaya may nabibilhan ng pangangailangan tulad ng bigas, sardinas, patatas, sibuyas, ang mga tao. Kung sa pinanggalingan ay nakakadiskarte pa ang marami, nakakaekstra sa trabaho, doon ay wala. Bahala ka sa buhay mo.

Kaya marahil ang relokasyon ay itinuring nilang “From Danger Zone to Death Zone”, dahil kagutuman ang madadatnan mo sa relokasyon kung hindi pa maayos ang kalagayan mo roon. O kaya’y kapit sa patalim ang iba. Sabi nga ng isang lider, minsan ang kapalit ng isang kilong bigas at sardinas ay puri. Nakupo! Totoo ba iyon? Kung totoo iyan, aba’y totoo nga ang “From Danger Zone to Death Zone”!

Sa Towerville naman sa Bulacan, ang kwento ng ilang lider, galing sila sa Navotas na ang hanapbuhay ay pangingisda. Tapos itinapon sila sa bundok ng Towerville. Paano ang kabuhayan nila roon kung wala namang dagat doon? Saan sila mangingisda? Nang una nilang dating doon ay talahiban pa. Walang bahay na nakatayo. Literal na itinapon sila roon na parang daga. Kaya upang maitayo ang bahay nila, tinabas nila ang mga malalaking talahib, at doon ay nagtayo na sila ng kanilang mga barungbarong. Doon pa lang ay makikita mo ang sinasaad sa awiting “Bahay” ni Gary Granada. Tagpi-tagpi ang mga dingding at bubong na pinatungan lang ng pampabigat na bato. Paano kung mahulog sa ulo?

Kaya nararapat lang magsuri, magkaisa at maorganisa ang mga maralitang nailipat sa relokasyon. At huwag nilang ipagwalang-bahala ang kanilang abang kalagayan. Sa mga nangyayaring ito, paano at kailan kaya makakawala ang maralita sa mga relokasyong “From Danger Zone to Death Zone”? Tila hindi nasusunod ang nakasulat sa RA 7279 o Urban Development and Housing Act, na pag nilagay sa relokasyon ang maralita, dapat ay may pangkabuhayan, may tubig, may kuryente, o may kumpletong serbisyong panlipunan. 

Tila nilalabag ng pamahalaan ang mismong diwa ng batas. Dapat ang relokasyon ay “From Danger Zone to Safe and Livable Zone”, at kailan ito magaganap? Marahil kung ipaglalaban ng mga maralita ang kanilang karapatang pantao na hindi sila dapat ituring na parang mga dagang basta itinaboy na lang sa malalayong relokasyon, at ipaglaban din nila ang katiyakan sa paninirahan bilang mga taong may dignidad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 1-15, 2019, pahina 16-17.

Walang komento: