Biyernes, Hunyo 14, 2019

Isulong, palaganapin at maglathala ng pahayagang Baybayin




ISULONG, PALAGANAPIN AT MAGLATHALA NG PAHAYAGANG BAYBAYIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin. Ito ang panulat nating mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Tinalakay rin ito nina Dr. Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio sa kanilang mga akda. 

“Alam mo ba, pareng Mulong,” ani Simon, “nais kong maglathala ng isang munting pahayagan. May kaunti naman akong naipon. Kahit sa pamamaraang xeroxgrapiya ay makapaglathala ng tatawagin kong Pahayagang Baybayin.”

“Aba’y maganda ang ideya mong iyan, pareng Simon,” sabi naman ni Mulong. “Lalo na iyang baybayin na paraan ng panulat ng ating mga ninuno. Alam mo bang tinalakay iyan ng ating Gat Andres Bonifacio sa kanyang akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog?”

“Oo, batid ko iyon. Pati nga si Dr. Rizal ay nagsulat din tungkol sa baybayin sa Kabanata 25 ng nobela niyang Noli Me Tangere. Tinawag lang iyon ni Ibarra na hieroglipiko, at hindi binanggit ni Pilosopo Tasyo na sa baybayin siya sumulat. Bagamat tinanong siya ni Ibarra kung saang wika siya sumusulat, at sagot ni Pilosopo Tasyo ay sa Tagalog.”

Narinig pala sila ng kapitbahay nilang si Magda, “Paano naman ang mga hindi batid kung ano iyang baybayin, tulad ko, tulad ng henerasyon ng mga kabataan ngayon? Hindi na iyan itinuturo, o kung may magturo man, ay di sineseryoso sa mga eskwelahan.”

Sinagot siya ni Simon, “Iyan ang dahilan kaya nais kong maglathala ng pahayagang Baybayin - ang buhayin ang panulat na Baybayin sa ating bansa, at mabalik-aralan natin ang panulat ng ating mga ninuno. Isa pa, ito’y kampanya rin upang isabatas ang muling pagsusulat ng baybayin, tulad halimbawa, lagyan ng baybayin ang mga karatula sa daan, gaya ng pangalan ng mga lansangan.”

“Magandang mungkahi,” sabi naman ni Ingrid, “Alam n’yo, sang-ayon ako sa mungkahi mo, Simon. Natutunan ko ring magsulat ng baybayin sa aking Ingkong, at kay-inam kung matupad ang plano mong maglathala ng pahayagang Baybayin. Kung matutuloy ang balak mong iyan, tutulong ako sa paghahanap ng pondo para sa dyaryo. Sa totoo lang, maraming mag-aambag diyan. Tulad ko, ‘yung mga tulang sinulat ko sa baybayin ay ipapasa ko sa iyo. Pati sa pamamahagi o kaya’y magbenta ng pahayagang Baybayin ay tutulong ako. Tiyak, patok iyan.”

“Maraming salamat,” ani Simon. “Nais ko munang isulat ang papel hinggil diyan at makakumbinsi ng mag-aambag, tulad mo, upang sadyang maipalaganap natin ang ating katutubong panulat. Balak ko nga, bukod sa paghahanap ng pondo upang mailathala iyan, ay maisalin ko ang mga tula nina Rizal at Bonifacio sa panulat na baybayin.”

“Magandang plano iyan. Ako naman ay yaong kasaysayan ng ating bansa, pati na pagkabayani ni Lapulapu, ay isusulat ko sa baybayin,” ani Mulong. “Aba’y magagamit na natin ang ating natutunan kay Titser Beth na nagturo sa atin ng baybayin nang tayo’y nasa hayskul pa lamang. Na pati sa panliligaw sa klasmeyt nating si Lisa ay ginamit ko, kaya niya ako sinagot. Pati mga anak namin, alam kung paano magsulat sa baybayin.”

“Sulatin mo na, Simon, ang papel, at magandang makapagpatawag ka ng pulong sa mga interesado, tulad ng pamilya ko,” ani Ingrid, “kung paano kami makakatulong sa pagpapalaganap ng dyaryo.”

“Bigyan n’yo lang ako ng kaunting panahon upang maisulat kung bakit dapat maglathala ng pahayagang Baybayin. At ‘yung pulong, sa susunod na Sabado ba libre kayo? Alauna ng hapon, sa tapat ng bahay, magpulong tayo. Ayos ba sa inyo?”

“Ayos iyan. Pati mga anak kong nakakaunawa ng Baybayin ay aking isasama. Kita-kits sa Sabado. Sana’y matuloy ang pulong.” Ani Mulong.

“Kami rin ng aking mga anak, dadalo.” Sabi naman ni Ingrid.

MARA AT LITA

MAGANDA ANG PLANO NINA SIMON, MARA. NAIS KASI NILANG MAGLABAS NG ISANG PAHAYAGANG BAYBAYIN.

WOW! OKAY IYAN, LITA. KAILANGAN TALAGA NATING MAGKAROON NG GANYANG DYARYO PARA MAUNAWAAN NG KASALUKUYAN ANG LUMANG PANULAT NG ATING MGA NINUNO.

BUTI NA LANG, NATURUAN AKO NI INAY NG PANULAT BAYBAYIN NOONG BATA PA KAMI NINA LINA.

KUNG SAKALI, LITA, TULUNGAN NATIN SILA, DAHIL SARILI NATING KULTURA IYAN. KUNG SAKALI NGA, MAGLABAS DIN TAYO NG LIBRO NG TULA NATING NASUSULAT SA BAYBAYIN.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Walang komento: