Linggo, Nobyembre 29, 2020

Bakit ako ang magsasalin ng RA 7270 o UDHA? Dapat KWF dahil sila ang ahensya sa wika!


BAKIT AKO ANG MAGSASALIN NG RA 7279 O UDHA? DAPAT KWF DAHIL SILA ANG AHENSYA SA WIKA!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hapon iyon nang kinausap ni Igme si Igor dahil nais niyang isalin ni Igor sa wikang Filipino ang Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279. “Igor, maaari mo bang isalin ang UDHA upang mas maunawaan ng kapwa natin maralita kung ano ba ang batas na itong nakakaapekto sa kanila.”

Sumagot si Igor, “Aba, oo. Malaking karangalan sa akin ang pagsasalin ng batas na iyan sa wikang Filipino. May kopya ka ba ng UDHA upang masimulan ko nang isalin?”

“Eto, o.” At ibinigay ni Igme kay Igor ang kopya ng UDHA.

Sa bahay, binabasa ni Igor ang dokumento, hanggang sinimulan niyang isalin ang bawat salita, bawat artikulo, at bawat seksyon. Kinailangan pa niya ng diksyunaryong Ingles-Filipino dahil may mga salitang duda siya kung tama ba ang salin. Sa katagalan, napapaisip siya. Tanong niya sa sarili, “Batas ito ng bansa para sa mga maralita. Pag isinalin ko ba ito ay pakikinabangan ng maralita? Sino ang magpopondo nito? Kung ang samahan lang namin ni Igme ang makikinabang, paano ang iba? Baka may iba pang nagsasalin sa ibang organisasyon, o baka naman may salin na ito sa wikang Filipino, ay hindi namin alam.”

Nasa gayon siyang pagninilay nang makita siya ng kanyang asawa, at tinanong siya kung anong ginagawa niya. At sumagot siya, “Hiniling ni Igme sa akin na tagalugin ko itong UDHA para mas maunawaan ng ating mga kapitbahay at kapwa maralita kung ano ang batas na ito. Kaya lang napapaisip ako, mahal ko. Pakikinabangan ba ito ng mas nakararami pag natagalog ko na, o kami lang ang makakaintindi? Hindi ba dapat ang mga batas ng bansa ay hindi isa-isa nating isinasalin. Baka sabihan pa ako ng mga mas nakakaalam na bara-bara lang itong salin ko .”

Sumagot si Ingrid, “Sige lang, tagalugin mo, at malaking tulong iyan sa ating mga maralita dahil UDHA iyan. Diyan nakalagay sa seksyon 28 niyan kung paano ang proseso bago idemolis ang isang lugar?”

“Iyon nga, eh, kaya ba nakasulat sa Ingles ang mga batas natin ay upang hindi natin maintindihan ang mga batas na nakakaapekto sa masa, sa ating maralita, tulad nga niyang Seksyon 28 ng UDHA hinggil sa demolisyon. Napapaisip nga ako, sino ang maglalathala ng tinagalog ko upang maunawaan ito ng mas marami, kahit nasa probinsya.” Ani Igor.

Sumagot si Ingrid, “Tulong mo na iyan sa samahan. Kaya ituloy mo lang ang binigay ni Pangulong Igme sa iyo.”

Muling nagsalita si Igor, “Napapaisip din kasi ako. Dapat ba sa bawat batas na tatama sa maralita, o iyang Labor Code ng manggagawa, o Local Government Code, bakit lahat nakasulat sa ingles, at paghirapan nating intindihin. Ngayon, pipilitin nating tagalugin. Hanggang mamilipit tayo. Dapat ang gobyerno mismo ang magsalin ng mga ito. Mungkahi ko nga, dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang dapat magsalin ng lahat ng batas ng bansa, dahil sila ang ating ahensya sa wika. KWF dapat ang bigyan ng mandato sa pagsasalin ng lahat ng batas ng bansa. Isalin nila sa wikang Filipino, o Tagalog para sa mga nasa NCR, Gitnang Luzon, at Timog Katagalugan. Isalin din ang mga batas natin sa Igorot, Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Ilonggo, Cebuano, Tausug, Maranao, at iba pang wika sa ating bansa. Halimbawa, iyang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, katutubo ba ang magsasalin niyan upang maunawaan nila? O iyang KWF.”

“Paano iyan magagawa, eh, wala yata sa batas na naglikha sa KWF na sila ang magsalin? Kung meron, dapat ginagawa na nila.” Ani Ingrid.

“Tama ka, mahal ko,” ani Igor, “kailangang kumausap tayo ng mga kongresista at senador na gagawa ng batas upang gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa iyang KWF.”

“Kausapin muna natin si Pangulong Igme,” Ani Ingrid. At nagtungo naman sila sa pangulo ng samahan.

Ani Igor, “Sinimulan ko nang isalin ang UDHA. Subalit bakit ako ang magsasalin ng batas ng bansa. Hindi ba dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil ito ang ahensyang pangwika ng pamahalaan? Baka hindi ito maipamahagi sa iba, o baka isiping bara-bara lang ang salin ko?”

“Tama ka, Igor,” ani Igme. “Mungkahi ko, gumawa tayo ng petisyon na lalagdaan ng ating mga kasapian, at ipadala sa mga gumagawa ng batas na hinihiling nating amyendahan ang batas na lumikha ng KWF, at italaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa. Bukod sa pagsasalin mo ng UDHA ay isa iyan sa ating kampanya upang mas maunawaan ng masa ang mga batas na apektado sila.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2020, pahina 14-15.

Walang komento: