ANG MGA IBON ANG GUMAGAWA NG BATAS PARA SA ATING MGA ISDA!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Malapit na ang SONA Panahon na naman upang gisingin natin ang gobyernong walang kibo sa karaingan ng mamamayan.” Sabi ni Sipol sa kanyang mga kapitbahay. “Sasama ba kayo? Tara! May panawagan ang KPML na sumama tayo sa rali.”
“Hindi ba kayo natatakot? Marami na umanong napaslang na mga adik ang mga may sayad na salarin. Kaya baka mapagkamalan kayo pag sumali pa sa mga rali lalo na sa SONA.” Ang sabi naman ni Biring.
“Bakit naman kami matatakot, e, taon-taon naman ay may kilos-protesta sa SONA. Panahon iyon na maiparinig natin sa pamahalaan ang ating mga karaingan.” Agad sagot ni Sipol. “Isa pa, kaya kami sumasama sa ganitong pagkilos ay upang makapag-ambag tayo sa pagbabago ng sistema ng lipunan. Matindi kasi ang katotohanang di dapat maitago.”
“Ano namang katotohanan iyan?” Tanong naman ni Ingrid.
“Ang mga ibon ang gumagawa ng batas para sa mga isda.” Ani Sipol.
“Oo, narinig ko na rin iyan sa mga matatandang lider-maralita. Ang katotohanang iyan kung mababatid naman ng ating bayan ay tiyak na kikilos upang baguhin ang kanilang aping kalagayan. Aba, mantakin n’yo, ha, ang mga mayayamang mambabatas na hindi nakaranas maghirap ang siyang gumagawa ng mga batas para sa ating mga maralita. Sila ang gumagawa ng batas para sa mga manggagawa, kaya kahit ilang beses humingi ng dagdag-sahod ang manggagawa, walang nangyayari. Tingin nila sa maralitang nakatira sa barungbarong, ang problema agad ay ang kawalan ng bahay. Kaya pabahay ang solusyon nila at di masolusyunan ang kagutuman at wastong sahod sa trabaho. Mababa kasi ang tingin nila sa maralita at ang tingin nila sa dukha ay bobo at walang alam sa paggawa ng batas. Ang tingin nila sa maralita ay mga pulubing di makaangal sa kanilang kapalaran at walang alam sa pakikibaka para sa karapatan. Laging ikabubuti ng negosyo ang batid ng mga mayayamang mambabatas imbes na karapatan ng kanilang kapwa tao.” Ani Ingrid.
“Tama ka,” sagot ni Sipol, “Tulad nating maralita. Saan ba tayo pupulutin kung isang kahig, isang tuka lang tayo? Wala naman tayong boses upang kausapin tayo ng mga mambabatas kung ano ba ang nais natin? Habang pag kampanyahan sa eleksiyon, saka lang sila umaapak sa maputik nating lugar upang iboto sila. Pulos pangakong napapako!”
Sumabat si Inggo, “Aba’y apakasakit naman ng katotohanang sinabi ninyo. Ramdam talaga natin noon pa ang katotohanang iyan. Ang sakit!”
"Kaya, kadalasan, totoo ang mga alamat at kwentong bayan, at hindi kathang isip lamang. Kinatha upang aliwin tayo, subalit kaysaklap pala pag nabatid mo bakit ganoon iyon kinwento ng mga matatanda." Ani Sipol. "Nais kong basahin ang sinulat na kwento ng aming Tata Gorio noong mga bata pa kami." Sabay kuha sa bag ng lumang aklat.
"Sige nga, Sipol, basahin mo sa amin." Ani Biring.
Agad binasa ni Sipol ang kwento. "Minsan, ang mga ibong naglipana sa kalangitan ay nag-usap-usap at gumawa ng mga batas para daw sa lahat; umano’y upang maging maayos ang pamumuhay ng lahat sa daigdig; mapalupa, mapalangit, o mapasatubig man at di maiwasang marami ang magtaka sa kanilang panukala. Nag-usap-usap ang mga isda. "Bakit silang mga ibon ang gagawa ng mga batas para sa aming mga isda gayong hindi naman nila alam kung paano kami lumalangoy?”
"Napakapayak ng kwento ni Tata Gorio, di ba?" Ani Sipol. "Maikli lang. Ito pala, may komento siyang itinala. Ayon sa kanya, nagtanong ang isang maralita: Bakit ang gobyerno na karamihan ng myembro ay mga mayayaman at representante ng kapital ang gumagawa ng batas para sa mga maralita, gayong ni pagtuntong sa bahay ng maralita o kaya’y makisalo sa aming pagkain ay di nila magawa? Paano nila mauunawaan ang aming kalagayan gayong di nila kami kinakausap at di muna nila inuugat ang aming mga problema?"
“Kaya nga, isa iyan sa dahilan kung bakit dadalo tayo sa SONA. Hindi lang upang magreklamo kundi upang magmulat sa iba, na ang mga nasa katungkulan ay mga ibong gumagawa ng batas hindi para sa kagalingan ng maralita kundi para sa kanilang paghahari at negosyo. Panahon nang baguhin ang ganyang kalagayan. Kaya sa SONA, muli tayong magmulat sa ating kapwa api at pinagsasamantalahan upang sila’y maghimagsik din at baguhin ang ganitong aba nating kalagayan.” Ani Sipol.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 16-31, 2019, pahina 18-19.

