Lunes, Disyembre 30, 2019

Bata pa'y mag-ipon na sa tíbuyȏ


BATA PA’Y MAG-IPON NA SA TÍBUYÔ
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang matatanda sa barangay na iyon hinggil sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Ani Igme, “Kaya hindi ako hirap sa pagpapalaki ng aking mga anak ay maaga ko na silang tinuruang mag-ipon sa tíbuyȏ. Noong ako’y nasa lalawigan pa’y pumutol na ng tatlong biyas ng kawayan at nilagyan ng butas na pagpapasukan ng barya para sa tatlo kong anak upang bata pa lamang ay matuto nang mag-ipon. Subukan n’yo rin sa inyong anak.”

Sumagot si Ines, “Ang tíbuyȏ naman ng aking anak ay gawa sa bao ng niyog na binarnisan. Bigay iyon ng kanyang mamay Tura sa kanya.”

Nagtataka si Inggo, “Ano ba iyang tíbuyȏ na iyan? Para rin ba iyang alkansiya?”

Agad tugon ni Igme, “Ang tíbuyȏ ang taal na wikang Filipino sa salitang Kastilang alkansya. Napag-uusapan namin iyan upang tumimo sa kaisipan ng mga bata ang kahalagahan ng pag-iipon habang bata pa.”

Si Inggo, “Mabuti pala’t may sariling salita tayong katumbas ng salitang Kastilang iyon. Ngayon ko lang iyon nalaman.”

Sumabad si Issa na kanina pa nakikinig sa kanilang usapan. “Dapat ay maisama sa kurikulum ng mga bata sa eskwelahan iyang pag-iipon na iyan, upang bata pa’y malaman na nila ang halaga ng may naipon, kahit na sa munting alkanyang tinatawag n’yong tibuyȏ. Bale parang Batas na Mag-ipon sa Tíbuyȏ Act of 2019. O kaya ay isama na sa pag-aaralan ng Grade 1, o sa elementarya pa lang. Maglaan ng pondo ang pamahalaan para sa mga tibuyȏ ng mga batang mag-aaral.”

“Ibig sabihin ba, Issa,” ani Inggo, “dapat mawala na ang kaisipang paglaki nila ay mangangamuhan sila sa sinumang mayayaman? Di ba’t kaya sila pinag-aaral ay upang magkatrabaho sila ng maayos at kumita ng maayos? Kaya ang pag-iipon habang maaga pa ay dapat matutunan na nila? Baguhin ang nakagisnang kultura? Tama ba?”

Sumagot si igme. “Hindi pa iyan kaisipang Tsino na magnegosyo upang yumaman, kundi sa batang kaisipan nila’y matuto na silang mag-ipon at pahalagahan ang mga pinaghirapan ng kanilang magulang upang sila’y mapag-aral. Sa ganoon pa lang. Ibig sabihin, ‘yung baon nilang pera ay huwag nilang ubusin kundi magtira upang may maisuksok sa tíbuyȏ na balang araw ay magagamit nila. Kung singkwenta pesos ang baon  nila, ‘yung ikapu roon o limang piso ay isuksok nila sa tíbuyȏ.”

“Magandang panukala iyang sinabi ni Issa. Magsabatas ng Mag-ipon sa Tíbuyȏ Act of 2019. Ang tanong ay paano maipaabot sa mga kongresista iyan upang isabatas?” Sabi ni Ingrid na kanina pa nakikinig.

Maya-maya'y napadaan ang pitong anyos na anak ni Aling Ingrid na may dalang isang biyas ng kawayan. "Inay, patulong po at bibiyakin ko ang aking tibuyo at puno na po. Nais ko pong bumili na ng bagong sapatos dahil nakanganga na po ang swelas ng sapatos ko."

“Aba’y mahusay pala ang iyong anak at may ipon. May pambili na ng sapatos. Teka, at tulungan na kita.” At kinuha ni Igme ang kanyang gulok na nakasukbit sa baywang. Galing siya kanina sa bukid at nagbiyak ng niyog para sa kanyang mag-iina.

Nabiyak na ang tibuyo at marami roon ay lilimampisuhin at may sasampuing barya. Binilang ni Ineng at umabot iyon ng pitong daang piso. “Inay, samahan mo akong bumili ng sapatos, ha? Pamasko ko na rin po sa sarili ko. Ibibili ko na rin ang kapatid kong si Ian ng sapatos.”

“Oo, anak, mamayang hapon, bibili tayo.” Sabi ni Ingrid sa anak, at humarap muli sa mga kapitbahay. “Palagay ko, hindi lang dapat gawing batas sa bansa iyang pag-iipon sa tibuyo kundi gawin ding patakaran sa mga paaralan. Ano sa palagay n’yo?”

Sumagot si Igme, “Mas mabuti pa’y magsulat ako ng petisyon at ipakalat natin, hindi lang sa ating kapitbahayan, kundi sa pinapasukan din ng ating mga anak, hanggang maipaabot natin sa pamahalaan. Ayos ba iyon sa inyo?”

“Sa barangay din,” Ani Inggo. “Pag nagawa mo na ang petisyon ay magpatawag na kayo ng pulong upang magkatulungan. Maaari sa tapat ng bahay ko ang pulong sa Sabado, ikaapat ng hapon. “

Sumabad si Issa, “Magsulat na rin ng imbitasyon at ipapamahagi ko sa ating mga kapitbahay. Pati mga amiga ko ay papipirmahin ko na rin at kakatulungin ko sa ating petisyon.”

“Sige,” ani Igme. “Magkita-kita tayo sa pulong sa Sabado.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2019, pahina 18-19.