Linggo, Oktubre 10, 2010

Minsan, sa isang lugar ng demolisyon

MINSAN, SA ISANG LUGAR NG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dumating na ang sheriff dala ang demolition order habang ang mga maralita naman sa lugar na iyon sa Lungsod Quezon ay nagbarikada na upang depensahan ang kanilang paninirahan sa lugar. Lugar na tinirhan na ng kanilang mga ninuno animnapung taon na ang nakararaan.

Naisip ng mga karaniwang mamamayang nakatira sa lugar na iyon, "Bakit kami tatanggalin sa aming tirahan? Dito na kami ipinanganak, dito na kami mamamatay! Mga kasama, ipaglaban natin ang ating karapatan dito!"

Naghihiyawan ang mga nangaroon, habang kami'y nasa harapan ng barikada kasama ang mga lider ng komunidad. Nakipag-usap ang mga lider ng komunidad, "Bakit kami paaalisin? Wala na ba kaming mga karapatan? Mamamayan din kami ng bansang ito, at dito sa lugar na ito namin binuo ang aming mga pangarap. Dito na lumaki ang aming mga anak. Bakit kami pipiliting alisin? Sino ba iyang hinayupak na iyang bumili kuno ng lupang aming tahanan?"

Nakakapitbisig ang mga maralita sa pook na iyon. Sumisigaw ang mga nanay, "Di kami iskwater sa sariling bayan!"

Nasa likuran ang mga demolition team, habang nakaantabay naman ang mga kapulisan sa anumang mangyayari. Naroon din ang ilang myembro ng media. Di madaan sa pakiusap ang sheriff, ayaw pa niyang amining malaki ang lagay sa kanya kaya walang puwang ang karapatang pantao ng maralita. Bingi sa karaingan ng maralita. Sumisigaw siya sa mga residente, "Umalis na kayo sa lugar!"

Nanggigigil ang mga lider, lalo na ang mga nanay.

Nakahanda ang aming pandepensa sa lugar, lalo na ang mga ginawa naming barikada, at meron ding pillbox bilang pandepensa, habang may mga baril naman ang mga pulis at mga maso naman ang demolition team.

Nagkagulo sa lugar nang inutos na ng sheriff na lusubin ang lugar. Parang gyera. Nagkaputukan. Pumasok ang mga demolition team, ngunit di lahat. Nagkabatuhan. Nagkagantihan. Nagpaputok ng baril ang mga pulis sa ere, habang nagsabugan naman ang mga pillbox. Parang kriminal ang turing sa maralita, krimen na pala ang maging mahirap at tumira sa isang tahanang nasimulan nila animnapung taon na ang nakararaan.

Maraming sugatan sa mga demolition team at sa mga residente ng lugar. Kami man ay mga sugat dahil natamaan ng bato nang iilag namin ang isang buntis sa batuhan.

Ngunit di natinag ang mga residente. Di sila papayag na wasakin na lamang ng kung sinong hinayupak ang kanilang tahanan, ang kanilang kinabukasan.

Natapos ang araw nang di tuluyang nagigiba ang tahanan ng maralita. Iyon ay dahil sa pagkakaisa ng mga residente sa lugar. Umalis ang mga demolition team na luhaan, ang sheriff ay nanggigigil, malinis pa ang mukha dahil di siya nasapak nang kahit sino sa maralita, tulad ng ginawa ni Inday Sara sa demolisyon sa Davao, kung saan sinuntok niya ang sheriff na nag-utos ng demolisyon.

Natagpuan ng mga residente ang salitang "pagkakaisa at pagtutulungan." Alam nila, alam namin, bumalik man ang mga hayop na demolition team, kasama ang kanilang among sheriff, naroroon ang lakas ng pagkakaisa ng mga residente sa lugar upang depensahang muli ang kanilang tahanan at ang kanilang kinabukasan.

Sa katahimikan ng gabi, nakipagtalakayan tayo sa mga residente. Pinag-usapan kung bakit sila dinarahas. Ano raw klase ng lipunan at gobyerno mayroon tayo, na pati silang mga maralita ay tatanggalan ng tahanan. Di na raw ba uso ang pagkilala sa karapatan ng bawat isa? Bakit mas kinakampihan ng mga sheriff ang mga mayayamang nag-aangkin ng lupa, gayong higit kalahating siglo na silang nakatira sa lugar? Hanggang sa talakayin natin sa kanila ang ugat ng kahirapan, bakit laksa-laksa ang naghihirap at pinagsasamantalahan habang may kakarampot na mayayamang naghahari sa lipunan.

Lumipas pa ang ilang araw, dumating muli ang mga demolition team, muling nagkaisa ang mga maralita. Di nila hinayaang mabuwag ang kanilang pagkakaisa. Kung noon ay wala silang pakialaman, ngayon ay itinataguyod na nila ang kapakanan ng bawat isa. Di sila papayag na yurakan ng kung sinuman ang kanilang karapatan. Napalayas nilang muli ang mga demolition team. Nagpatuloy sila sa paglaban at pagkakaisa, dahil alam nilang tama ang kanilang adhikain. Nagpatuloy sila at magpapatuloy pa hangga't matamo nila ang katarungan at katiwasayaan at manatili sila sa kanilang lugar. Nasa pagkakaisa ang tagumpay.