Martes, Agosto 29, 2023

Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Agosto 14, 2023

Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.