Martes, Oktubre 7, 2008

Sa Iyo ang Batas, Sa Akin ang Katarungan

SA IYO ANG BATAS, SA AKIN ANG KATARUNGAN
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ang buong lupain ng Santa Barbara ay akin!” Ito ang mariing pahayag ni Don Facundo sa kanyang mga tauhan. Kaaalis lamang ng kanyang mga tauhan sa mansyon nang maya-maya’y dumating ang hinihintay na panauhin ng Don.

“Salamat naman, Daniel, at pinaunlakan mo ang aking paanyaya na mag-usap tayo hinggil sa pagkakautang ng namayapa mong ama.”

“Sumainyo nawa ang katarungan, Don Facundo!” Ito ang agad na bati ni Daniel San Rafael.

“Bata, tila may kahulugan ang iyong pagbati. Alalahanin mo, Bata, dapat mong pagbayaran ang malaking pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Ganoon ba, Tanda? Ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin nalalaman kung sino ang maykagagawan ng pagkamatay ng aking ama. Hanggang ngayo’y sumisigaw ng katarungan ang aking damdamin.”

“Mag-ingat ka sa pananalita mo, Bata. Wala pang taong nangahas na magsalita nang pabalang sa harapan ko. Alalahanin mo, Bata, marami ka pang kakaining bigas bago mo marating ang kinalalagyan ko. Kaya kung ako sa ‘yo, magsisipag akong mabuti para mabayaran ko ang aking mga pagkakautang.”

“Hindi ako kumakain ng bigas, Tanda. Isinasaing ko muna. Ikaw nga, palay pa lang, nilalantakan mo na.”

“Hayop ka ring magsalita, ano? Baka hindi mo nakikilala kung sino’ng kaharap mo?”

“Mas masahol pa siguro sa hayop kung makikilala ko nang lubusan kung sinong pumatay sa aking ama.”

“Pinagbibintangan mo ba ako?”

“Ikaw ang maysabi niyan, Tanda. At hindi ako.”

“Alalahanin mo, Bata, ako ang batas sa bayang ito. Kung ano ang gusto ko, makukuha ko. Naiintindihan mo ba? Kaya mag-ingat-ingat ka sa pananalita mo. Mabuti pang manahimik ka na lang at makinig na lang sa akin.”

“Ang pagiging tahimik ng isang tao ay nagbabadya ng unos. Pag inilabas niya ang nakatagong poot sa kanyang dibdib, para itong bulkang sasabog. Alalahanin mo, Tanda, pag sumabog ang isang bulkan, maraming buhay ang nalalagas. Mabuti bang manahimik na lang? Hindi ako tuod, Tanda.”

“Alam kong hindi ka tuod, Bata. Alam kong malakas ang pakiramdam mo. Kaya pala hindi mo pa alam hanggang ngayon kung sino ang pumaslang sa iyong ama. Malay mo, ang pumatay sa iyong ama’y baka mga kakilala rin niyang naiinggit sa kanya. Alalahanin mo, Bata, saan mang gubat ay may ahas.”

“Hindi lang sa gubat may ahas. Mabuti pa nga ang ahas sa gubat, alam mo ang galaw. Pero ang ahas kayang naglulungga sa bahay na bato, natatahimik kaya ito? Mukhang hindi ito napapakali sa kanyang kinalalagyan.”

“Aaaahhhh….Bata. Ang dami mo pang satsat! Mabuti pang sipagan mo ang pagtatrabaho sa aking asyenda hanggang sa mabayaran mo ang pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Pagkakautang? Ang buhay ba ng aking ama ay di pa sapat na kabayaran. Halos buong buhay niya’y ginugol niya sa lupaing ito. Ngayon nga’y hindi ko pa rin nalalaman kung ano ang utang ng aking ama. Basta ang alam ko, bago siya pinaslang, inihabilin niya sa akin ang lupaing minana pa namin sa aming mga ninuno. Baka ikaw ang may pagkakautang dahil inagaw mo ang lupang ito sa aking ama.”

“Paano mo mapapatunayan iyan. May ebidensya ka ba? Ha? Gusto mo bang ipagdildilan ko sa mukha mo ang mga papeles na nagpapatunay na amin ang lupaing ito?

“Tanda, baka nakalimutan mo na ang sinabi mo kanina na ikaw ang batas sa bayang ito. Kung ikaw ang batas dito, kahit ano pang klaseng papeles iyan ay kaya mong ipagawa. Ang nagagawa nga naman ng pera.”

“Teka muna, Bata. Huwag mo akong pagtataasan ng boses. Nakalimutan mo na yata ang kagandahang asal na minana mo pa sa iyong mga ninuno. Ang paggalang sa nakatatanda.”

“Hindi ko nakakalimutan iyon, Tanda. Ngunit ang hindi ko maatim ay ang igalang ang mga matatandang tumatanda ng paurong.”

“Masyado ka nang namimilosopo, Bata. Baka ikaw ang tumatanda ng paurong dahil hanggang ngayon, hindi ka pa rin umuunlad.”

“Nagsisikap ang mga tao para umunlad, at umalwan ang kanilang pamumuhay. Maraming mahihirap ang masisipag, at sadyang nagsisikap para makaahon sa kahirapan, kabilang na ang aking mga magulang. Ngunit dahil sa mga taong ganid, ang aming pamilya’y tuluyang nasadlak sa kahirapan.”

“Tila may ibig kang ipahiwatig, Bata. Baka ayaw mo nang makalabas ng buhay sa asyendang ito. Alalahanin mong nasa pamamahay kita at kaya kitang ipalapa sa mga alaga kong aso.”

“Ang himig ng pananalita mo’y nagbabadya ng kalupitan. Tunay nga kaya na dito sa bahay na bato naglulungga ang isang ahas?”

“Sobra ka na, Bata. Hindi ko na mapapalampas ang mga ito.” Sabay bunot ni Don Facundo sa kalibre .45 na nakasukbit sa kanyang baywang.

Bang! Bang! Bang!

Lumatag sa sahig ang katawan ni Daniel habang malakas na tumatawa si Don Facundo.

“Ha! Ha! Ha! O, ano ngayon, pilosopong bata. Naisahan din kita! Uuurin na rin ang iyong katawan tulad ng ginawa ko sa iyong ama. Tanga ka, Bata! Napakalaki mong tanga! Pumarito ka sa aking tahanan nang hindi mo dala ang iyong bayag! Ngayon, akin na ang buong lupain ng Santa Barbara. Ha! Ha! Ha!”

Bang!

“Sinong maysabing hindi ko dala ang aking bayag? Ang balang iyan ay para sa hustisya kay ama at sa lahat ng iyong inapi!”

Humakbang paalis si Daniel na may kasiyahan sa dibdib dahil naipaghiganti na rin niya ang kamatayan ng kanyang ama, habang inaalis niya ang bullet-proof vest niya sa dibdib.

Habang papalayo’y tinapunan niya ng huling sulyap ang bangkay ni Don Facundo habang umaagos ang masaganang dugo mula sa bibig nito na tila si Drakula matapos makapambiktima.

“Ngayon, Tanda, sino ang tanga?”

nalathala sa The Featinean Folio, 1997

Walang komento: