Martes, Oktubre 7, 2008

Ang Huling Gabi ni Itay

ANG HULING GABI NI ITAY
ni Greg Bituin Jr.

Bang! Bang!

Nagising ang buong komunidad sa alingawngaw ng mga putok. Humagulgol si Inay. Si Itay, duguan, may tama ng bala. Ang aming mga kapitbahay, isa-isang silang nagpuntahan sa bahay. At ako… Nanginig ang aking laman. Nangangatal ang aking buong pagkatao. Iyon ang gabing hindi ko makalilimutan.

At hanggang ngayong nailibing na si Itay, hindi pa rin matahimik ang kalooban ko. Paano na kami ni Inay? Paano na kami ng mga kapatid ko, ngayong wala na siya. Ah, kailangan ko nang magtrabaho para  matulungan si Inay na buhayin kaming magkakapatid. Pero bakit nila binaril si Itay? Ang alam ko, mabuting tao si Itay. Wala siyang kaaway.

Nuong kailan nga lang, ipinagtanggol pa niya ang mga kaibigan niya laban sa mga de-baril na unipormado na nagpunta sa plasa at nagpatawag ng malaking pulong. Nagkaroon ng pulong dahil nais daw makausap ng mga sundalo ang mga kapitbahay namin. Pati sina Inay at Itay, nagpunta rin doon. Nung gabing yaon, ayaw pa akong pasamahin ni Itay sa pulong na iyon, pero dahil wala naman akong ginagawa sa bahay, sumunod ako. Naroon nga rin sa plasa yung ilan kong kababata’t mga kaibigan, pero tahimik lang sila doon. Habang ako, tumabi lang kay Inay.

Maraming sundalo sa plasa, nagkaroon ng talakayan. Pulos sundalo ang mga nagsasalita. May pinakita pa sila sa isang malaking TV, mga nagrarali. Ang sabi nila, masama raw yung ginagawa ng mga nagrarali dahil kalaban daw sila ng rehimen.

At saka, hindi raw dapat sumama sina Itay sa rali dahil ang malalaman nilang sumama sa rali, ikukulong daw ng mga sundalo.

Ngunit nangatwiran si Itay sa mga sundalo. Sinabi ni Itay, “Ang anumang pagkilos na nakadirekta upang marinig ng pamahalaan ang hinaing ng kanyang mamamayan ay karapatan ng bawat indibidwal. Ang pagrarali ay isa sa mga karapatang iyon, dahil isinasatinig nito ang mga hinaing at panawagang pagbabago. Isa itong porma ng pagpapahayag ng sama-samang kumikilos na mamamayan. Ito’y karapatan. Tulad din ng karapatan naming magkaroon ng sapat na pagkain, maayos na paninirahan, magandang edukasyon para sa mga bata, malusog na pangangatawan, at marami pang iba. Tulad din ng karapatang magpahayag.”

Tila nairita ang hepe ng mga sundalo, at sinabi nitong, “Ang mga katwiran ninyong iyan ay baluktot. Dapat kayong sumunod kung anong nais ng gobyerno!”

Sumagot uli si Itay, “Nagiging baluktot ang katwiran kung sadya itong binabaluktot para lang sa kapakinabangan ng iilan. Pang-unawa at hindi pamimilit at karahasan ang tamang paraan. Kung may magrali man sa amin, iyon ay dahil alam namin ang aming karapatan. Sino ang makaririnig ng hinaing ng nakararami kung kami’y magmumukmok na lang sa isang tabi? Anong mangyayari sa amin kung susundin namin ang mga kautusang ang nakikinabang lamang ay iilan? Kung nagrarali man kami, iyon ay dahil sa aming paghahangad ng hustisya at pagbabago. At walang masama sa pangangarap ng pagbabago. Dahil ang pagbabagong hangad namin ay hindi lamang para sa amin kundi para sa susunod pang mga henerasyon.”

Doon ko nakita ang katapangan at paninindigan ni Itay. Dahil marahil estudyante pa ako kaya bihira kong marinig kay Itay ang mga karapatang iyon, dahil pulos hinggil sa pag-aaral ko ang karaniwang pangaral niya sa akin.

Sumagot uli ang hepe ng mga sundalo, “Baka naman isa kang rebelde kaya ganyan ka mangatwiran? Ang mga rebelde ay kaaway ng gobyerno. At ikaw, ang dami-dami mong nalalaman sa karapatan! Kailangan nyong sumunod sa anumang polisiya ng gobyerno, at ang polisiya, huwag kayong sumama sa mga rali kundi malilintikan kayo! Bawal na rin ang pag-uumpukan ng tatlo’t higit pang katao, at may curfew na rin sa gabi.”

“Nasa martial law na ba tayo?” ang agad na tanong ni Itay. “Tinatanggalan nyo na kami ng aming mga karapatang magpahayag. Ayaw naming mabuhay sa takot dahil lang sa mga polisiyang baluktot!” Nanginginig ang tinig ni Itay, habang inaalalayan naman siya ni Inay. Ang ibang mga kaibigan ni Itay at kapitbahay namin ay hindi rin nakapagsalita.

Magkasabay kaming umuwi nina Itay at Inay at ramdam kong may namumuong galit at pangamba sa kanilang dibdib, pati sa aming mga kapitbahay.

Natulog na sina Itay at Inay sa salas, habang nasa loob naman ng silid kaming magkakapatid. Hindi pa rin ako agad nakatulog dahil sumasagi sa isipan ko ang aking mga nasaksihan. Matapang at matatag manindigan si Itay.

Naalimpungatan ako ng may kumatok sa pinto at tinatawag si Itay. Madilim pa sa labas, palagay ko’y mga alas-dos ng madaling araw. “Tao po, Ka Rigor!”

Naramdaman kong tumayo si Itay para tingnan kung sinong tumawag, kaya ako’y tumayo rin upang sumilip. Ngunit sa pagbukas niya ng pinto, isang taong may takip sa mukha ang bumungad at agad na binaril si Itay. Agad itong tumakas. Hanggang sa marinig kong humarurot ng takbo ang isang motorsiklo.

Ngayon, wala na si Itay. Sumisigaw kami ng katarungan. Sabi ni Ka Domeng, si Itay daw ang nadagdag sa talaan ng mga biktima ng pamamaslang. Hindi ko maunawaan iyon dati, basta naririnig ko lang sa usapan ng mga matatanda kapag nag-uumpukan sila sa bahay. Ngayon si Itay, wala na.

Bakit nila pinatay si Itay? Sino sila?

Ang pagtatanggol ba sa karapatan ay masama? Hindi ba’t ito’y nakabubuti sa higit na nakararami? Simple lang naman ang gusto nina Itay, maayos at payapang pamumuhay. Iyon bang nakakakain ng tatlong beses kaming mga anak niya, napapag-aral nang maayos. Pero ang problema, kahit gaano kasipag sina Itay sa pagtatrabaho sa pabrika ng sigarilyo diyan malapit lang sa amin, hindi pa rin ito sapat para sa aming anim na magkakapatid.

Si Inay, mahina na rin ang katawan, kaya kadalasan hindi na siya makapaglabada sa kapitbahay. Napupunta lang sa gamot ni Inay ang malaking bahagi ng sahod ni Itay.

Masipag si Itay, at mahal niya kami. Pero bakit siya pinatay? Ang katanungang iyan ang madalas umuukilkil sa aking isipan. Hanggang ngayon ay tila bangungot iyon na simusundan ako kahit saan. Kailangang mabigyan ng hustisya ang kanyang maagang kamatayan.

Ang huling gabi ng lamay ay naging isang parang pyesta sa dami ng tao. May malaking programang inihanda ang mga kasamahan ni Itay bilang pagpupugay sa kanya. Ang tawag nila sa gawaing iyon ay “luksang parangal”.

Maraming mga kasamahan niya sa trabaho ang nagsalita sa entablado, na karaniwan ay papuri sa mga nagawa ng aking ama noong siya’y nabubuhay pa, habang karugtong ng talumpati ang pagtuligsa sa mga may kagagawan ng maaga niyang kamatayan.

Isa sa mga laging kasa-kasama ni Itay ay si Ka Celso, isang lider-manggagawa sa pabrika ng bakal. Mataman kong pinakinggan ang kanyang sinabi. “Ang kadakilaan ng ating kasamang Rigor ay nanunuot sa kaibuturan ng aking pagkatao. Matagal ko siyang nakasama at siya ang dahilan kung bakit ako narito. Patuloy na nakikipaglaban para sa karapatan at kapakanan ng ating mamamayan. Ang kanyang pataksil na kamatayan ay kagagawan ng mga kaaway ng uring manggagawa. Hindi sila mga tao. Sila’y mga hayop!!! Silang mga ganid sa kapangyarihan. Ayaw nilang mapuwing sila ng tulad ni Ka Rigor na naninindigan. Ngunit matatakot ba tayo, mga kasama? Ituloy ang laban ni Ka Rigor! Katarungan para sa ating kasamang walang-awang pinaslang!”

Nagtitiimbagang ang marami. Halatang kinukuyom sa kanilang dibdib ang galit.

Si Ka Ente ay nagsalita rin at kanyang binigyang-diin ang mga nangyayaring pamamaslang. “Matindi na ang mga balita sa mga radyo, pahayagan at telebisyon. Marami na ang nangamatay. Marami na ang mga naulila. Lagi na lang laman ng mga balita ang mga pamamaslang, lalo na sa mga aktibista, mga lider-manggagawa, mamamahayag, pari, at mga lider ng mga progresibong organisasyon. Bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito? Sino ang may pakana ng mga pamamaslang na ito? Maraming ispekulasyon. Maraming suspek. Nariyang ang bumibira umano’y mga vigilante na galit sa kanila dahil sila raw ay mga nanggugulo sa gobyerno. Nariyang sabihin ding ito’y labanan ng mga grupong makakaliwa. Kagagawan din daw umano ito ng mga militar. Nariyan ding ang gobyerno mismo ang may pakana. Ngayon, humihingi kami ng katarungan, ng hustisyang panlipunan, para sa mga pinaslang!”

Tiim ang bagang at kuyom ang kamaong nagtanguan ang karamihan.

“Katarungan!” ang sabay-sabay nilang sigaw. “Katarungan!”

Pinagnilayan ko ang kanilang mga sinabi. Inilagay ko sa aking puso ang kanilang mga payo, at ang kanilang mga aral ay kumintal sa aking isipan.

Sa aking bahagyang pag-idlip ay dinalaw akong muli ng pangyayari.

Bang. Bang. Nagbalik sa aking gunita ang mga putok. Sadyang nakagigimbal sa sinumang nakaririnig. Lalo na kung malalaman nilang mahal nila sa buhay o kaya’y isa sa kanilang kasamahan ang siyang tinamaan ng putok na ito.

Si Itay ay isa lamang sa daan-daang pinaslang sa panahong iyon ng rehimen. At pinilit kong hanapin ang ilang mga kasagutan. Sino nga ba ang mga biktima? Karapat-dapat nga ba silang paslangin dahil sa kanilang mga paniniwala? Kung karamihan sa kanila’y tinutuligsa ang gobyerno dahil sa mga kapalpakan ng serbisyo nito sa masa, o kaya’y pinipigilan ng rehimeng ito ang karapatang magpahayag ng mamamayan, ibig sabihin ba, ang utak ng mga pamamaslang ang mismong rehimen? Bakit nga ba sila pinaslang? Dahil ba hindi na kaya ng rehimeng ito na pigilan ang pagsisiwalat ng katotohanan at paninindigan ng mga taong ito? Dahil ba ang gusto lamang ng gobyernong ito ay manatili sila sa poder at maprotektahan ang kanilang mga sarili?

Kinaumagahan ay nagkatipun-tipong muli ang maraming tao sa harapan ng bahay. Ihahatid na si Itay sa kanyang huling hantungan.

Ang huling gabi ni Itay bago siya pinaslang ay isang karanasang hindi ko na malilimutan habang ako’y nabubuhay. Nakaukit na iyon sa aking puso, diwa at dignidad, at dadalhin ko iyon hanggang sa hukay. Ang inaasam ko’y mabigyan ng hustisya si Itay, pati na ang ibang aktibistang pinaslang.

Iyon ang gabing marami akong natutunan kay Itay, ang gabing huli ko na siyang nakita. Masakit na alaala, ngunit tama pala siya na dapat na alam natin ang ating mga karapatan. At ipinapangako ko sa harap ng puntod ni Itay, ipagpapatuloy ko ang kanyang paninindigan. Itutuloy ko ang kanyang mga adhikain. Oo, itutuloy ko ang laban ni Itay.

Walang komento: