Lunes, Enero 29, 2024

Ibatay sa kakayahan ng maralita, hindi sa market value, ang pabahay

IBATAY SA KAKAYAHAN NG MARALITA, HINDI SA MARKET VALUE, ANG PABAHAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang naging pag-uusap nila sa ipinatawag nilang pulong hinggil sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH na flagship project ng pamahalaang BBM. Dahil sa kanilang pagsusuri sa Operations Manual, nakita nilang hindi para sa mga maralita ang 4PH kundi sa may pay slip lamang na kayang bayaran ang isang yunit ng pabahay sa loob ng 30 taon na nagkakahalaga ng halos P2 milyon.

Nagpaliwanag si Mang Igme, “Nililinlang na naman tayong mga maralita. Ang naturingang ISF o informal settler families ay hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka kundi yaong may payslip at sumasahod na manggagawa. “

“Paano iyon nangyari?” Tanong ni Inggo.

Sinagot naman siya ni Aling Isay, “Heto, babasahin ko sa inyo, mga kasama ang nakasaad sa Operations Manual: "While low-salaried ISFs, employees and workers should be the priority beneficiaries, it is paramount that they must be capable of and committed to paying the monthly housing loan amortization over the 30-year loan term, to the GFIs or private banks. Employees or wage/salary earners shall be priorotized as potential beneficiaries, over those who derive regular income from sources other than salaries/wages (e.g., informal economy activities, remittances, etc.) Malinaw na mga may kakayahang tuloy-tuloy magbayad ang makikinabang sa 4PH na iyan, hindi tayo.”

“Aba’y akala ko ba ISF, hindi ba tayo iyon, mga impormal settler, mga iskwater, mga nabubuhay sa diskarte, tulad ko na isang pedicab driver. Hindi pala tayo kasama riyan.” Ani Inggo.

Si Mang Igme muli, “Kaya ang mungkahi ko ay magtungo tayo sa tanggapan ng DHSUD upang iklaro iyan. Kung hindi man ay magsagawa tayo ng malawakang pagkilos kasama ang iba pang komunidad upang malinawan tayo bakit ganyan ang Operations Manual nila, na palagay ko’y dapat baguhin. Sino ba talaga ang ISF? Malinaw naman sa Saligang Batas ang ISF ay yaong mga mahihirap na pamilya na nabubuhay lamang sa halos dalawang daang piso bawat araw.”

“Anong gusto mo, magrali na naman tayo,” sabad ni Aling Isay.

“Aba’y bakit hindi, kung ganitong ginigipit tayo,” ani Mang Igme, Hindi ba’t mas dapat tayong kumilos ngayon, lalo’t may ganyan ngang iskemang tatamaan na tayo, ngunit hindi pa rin tayo kikibo.”

Nagmungkahi naman si Igor, isa sa opsiyales sa komunidad, “Dapat may imungkahi tayong alternatiba, kaysa ngawa lang tayo ng nagawa. Ang mungkahi ko ay baguhin ang iskema sa Operations Manual na binasa natin kanina. Dapat na hindi batay sa market value ang pabahay, kundi dapat batay sa kakayahan ng maralita.”

“Paano naman iyon?” tanong ng isa pang medyo batang ginang, si Aling Ines, na may karga pang bata.

“Ganito iyon,” ani Igor. “Ang dapat ay maging makatao ang iskema ng pabahay para sa maralita. Gawing batay sa kakayahan ng maralita. Kung pedicab driver ka na kumikita ng P500 isang araw, dapat sampung porsyento lang niyon ang para sa pabahay. Ang 30% ay para sa pagkain, ang 30% para sa edukasyon ng mga bata, ang 10% ay para sa tubig, ilaw, at ang natitira pa ay para sa iba pang gastusin. Ibig sabihin, kung 10% sa pabahay, P50 isang araw sa P500 kada araw na kita. Sa isang buwan na may 30 araw, P50 x 30 = P1,500 kada buwan ang nakalaan para sa pabahay. Gayon din sa mga vendor, tsuper ng dyip, at iba pang nabubuhay sa diskarte. Kaya kung magbabayad ka ng tatlumpung taon ayon sa kontrata, 30 taon x 12 buwan kada taon x P1,500 kada buwan, ang babayaran mo sa kabuuan ay P540,000. Hindi na masama, hindi ba?”

“Maganda ang naisip mong iyon. Ngunit dapat pa iyang isulat. Gawin nating position paper na isusumite sa mga kinauukulang ahensya. Subalit aralin pa natin. Dapat mas malawak na mamamayan ang makaalam at mapaabutan natin niyan upang mas may lakas tayong ipaglaban iyan. Hindi ba, mga kasama.” Tugon ni Aling Isay.

“Simulan nang isulat iyan, at muli tayong umupo at magpulong upang ihanda rin ang ating mga kasama at iba pang karatig komunidad upang ipaliwanag ito sa kanila, na pupunta tayo sa tanggapan ng DHSUD para mapag-usapan ang ating mungkahi. Na tayong mga maralita na siyang talagang ISF ay hindi papayag sa kapitalismong iskema na patubo dahil sa market value ng pabahay. Ang pabahay ay serbisyo, hindi negosyo.” Pagtatapos ni Mang Igme. “Sige, pahinga muna kayo, mga kasama. At maraming salamat sa pagdalo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Enero 12, 2024

Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.