Martes, Oktubre 7, 2008

Pagkamulat

PAGKAMULAT
Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako lumaki sa iskwater o sa slum area. Ngunit sa aking mga paglalakbay, dahil ako’y layas at hindi mapirmi sa bahay, marami akong napupuntahang mga lugar at nakikilalang mga bagong kaibigan. Samutsari ang istorya na minsan, kung aking pagninilayan, ay napapanood ko lamang sa sinehan, o kaya’y sa telebisyon. Bukod sa isa akong manunulat na naghahanap ng maisusulat, isa rin akong lagalag na naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Sa paglalagalag ko’y nakarating ako sa Sitio Estero, isang pamayanang itinayo ng mga maralita ilang taon na ang nakararaan sa lugar na iyon ng Maynila. Maraming pamilya ang nakatira rito. Malapit iyon sa Ilog Pasig. Tahimik ang komunidad na ito, lalo na sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes. Karaniwang maririnig lamang ang halakhakan ng mga kalalakihang nag-iinuman kapag araw ng Sabado at Linggo, o kaya’y tuwing gabi. Maliban sa mangilan-ngilang walang trabaho, ang mga kalalakihan dito’y umaalis sa madaling-araw ng Lunes upang pumasok sa kani-kanilang trabaho, at kadalasang gabi na ang uwi, o kung minsan, doon na natutulog sa trabaho (stay-in) at umuuwi lamang tuwing Sabado sa Sitio Estero upang umalis muli kinalunesan. Naiiwan naman ang mga kababaihan sa pag-aasikaso ng tahanan at pag-aalaga ng mga bata. Tabi-tabing barung-barong ang mga kabahayan sa komunidad na iyon ng maralita.

Kahit hirap sa buhay, masisilayan mo ang mga ngiti sa kanilang mukha at tila wala silang problema. Magaling silang magdala ng problema o kaya’y idinadaan na lang nila sa tawa ang hirap nilang dinaranas. Katwiran nga nila, hirap ka na nga, sisimangot ka pa. Eh, di, hindi ka na naging masaya. Ang kanilang mga ngiti, kahit medyo kapos sa pang-araw-araw na pangangailangan, ay di nila ipinagdaramot.

Maaaring tingin ng marami, ang mga maralitang nakatira sa barung-barong ay karaniwan na lamang. At wala ka nang mapipiga pa sa kanila. Kaya bakit pa sila pagtutuunan ng pansin. Sila’y mga patay-gutom, hampaslupa. At kung anu-ano pang mga katawagang maririnig lamang natin kung ang isa o ilan sa kanila ay nahuling nang-umit ng pagkain o nagnakaw kaya. Dahil sa ganitong palasak na pagtingin, mismong ang mga maykapangyarihan ay wala nang pakialam kung masagasaan man nila o mademolis kaya ang mga maralitang iskwater. Katwiran nila, iskwater naman iyan, kaya dapat mawala dito sa kalunsuran. Kulang na lang na sabihin nilang mawala na ang mga iskwater sa ibabaw ng mundo.

Ngunit sila’y mga tao ring tulad natin. Maliban doon sa problemang lagi silang walang pera, malalaman mo lamang ang kanilang mga pansariling problema kung makikihalubilo ka sa kanila.

Maayos silang namumuhay nang makilala ko si Mang Pedro, ang pinuno ng samahang nakatayo roon, ang Samahang Maralita ng Sitio Estero (SMSE). Nabuo ang kanilang samahan nang minsang may nakapagsabi na idedemolis ang kanilang lugar. Naalarma sila pagkat wala naman silang paglilipatang lugar kung sakaling dumating ang mga teroristang demolition team at wasakin ang kanilang tirahan. Dagdag pa rito, kung sila’y ililipat sa malayong relokasyon, tiyak na mapapalayo sila sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay. At di rin sila nakatitiyak na may maayos na serbisyong panlipunan sa paglilipatang lugar.

Katwiran pa nila, baka mapagaya lamang sila sa mga kakilala nila sa kabilang sityo na nademolis at nailipat sa isang malayong lugar. Pero dahil walang mapagkunan ng ikabubuhay sa lugar ay nagbalikan sa dati nilang tirahan upang maging iskwater muli. Hindi naman daw makakain ang bahay na pinaglipatan nila kung mamamatay naman daw sila sa gutom. Mas gugustuhin nilang maging iskwater na muli basta’t may pagkukunan ng makakain. Ang mga katwirang ito ang nagpatibay sa ilang mga nakatira roon upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pamumuhay at paninirahan, bagamat ang marami ay nagkikibit-balikat na lamang dahil naging manhid na sa mga bantang demolisyon na hindi natutuloy. Hanggang sa dumating ang araw na di nila inaasahan.

Isang umaga, Lunes, habang wala ang mga kalalakihang nagsipasok na sa trabaho, nabigla ang pamayanan ng Sitio Estero nang may dumating na mga unipormadong kalalakihang pawang naka-kulay asul na t-shirt, at may mga hawak ng maso. Nasa likuran nila ang mga unipormadong pulis. Ayon sa pinuno ng grupong iyon, idedemolis daw ang lugar bilang pagtalima sa utos ni Mayor, dahil gagamitin daw iyon para tayuan ng mega-pumping.

Medyo makulimlim ang umagang iyon, at tila babagsak ang isang malakas na ulan. Ngunit hindi iyon alintana ng dalawang panig. Ang isa ay nais sumunod sa nag-utos at nagbayad sa kanila, samantalang ang isa naman ay nais ipagtanggol ang kanilang karapatang gustong agawin sa kanila.

Hinanapan ng notice of demolition ng isang lider ng samahan ang mga dumating. Walang naipakitang notice, ngunit nag-umpisa na ang pagdemolis. Nagsigawan at nag-iyakan ang mga kababaihan. Nagbarikada ang ilang mga kalalakihang natira doon, pero wala silang nagawa sa dami ng mga unipormadong magdedemolis.

Kahit ang tahimik na si Aling Petra na may apat na anak, kasama ang bunsong dalawang buwang gulang pa lamang, ay hindi pinatawad ng demolition team. Winasak ang kanyang tahanan. Unang natanggal ang dingding, sunod ay bubong at ang huli’y ang haligi ng barung-barong. Ang kanyang asawa’y wala roon at nasa trabaho. Tulad ng maraming pamilyang naroroon, litong-lito siya sa pagsagip sa kanilang kagamitan dahil medyo umaambon.

Sa kanyang pagkalito kung aling gamit ang uunahin, hindi na niya napansin ang kanyang maysakit na anak. Kagabi’y inaapoy ng lagnat ang bata, ngunit hindi maitakbo sa ospital dahil walang pera. Kaya’t nagkasya na lamang si Aling Petra sa pagpapainom sa kanyang bunso ng isang tableta kagabi, kaya medyo bumaba ang lagnat.

Mahina ang pag-ambon nang idemolis ang kanilang tahanan ng umagang iyon, gayong sinasabi sa batas na bawal magdemolis kapag masama ang panahon. Saka lamang napansin ni Aling Petra ang maysakit na anak nang ilibot niya ang kanyang mata kung ano pang gamit ang sasagipin. Dahil natanggal ang bubong ng kanilang bahay, naambunan ang bata.

Dali-dali niyang kinuha ang sanggol na nakatalukbong ng kumot. Hindi umiiyak ang kanyang bunso. Natutulog, pakiwari niya. Ngunit nang kanyang pagmasdan ang mukha ng bata, ito’y namumutla. Nataranta siya. Niyugyog ang sanggol.

“Bunso? Anak? Gising, anak?” Ngunit sawimpalad, hindi na muling masisilayan ni Aling Petra ang halakhak, iyak at maging ang maamong ngiti ng kanyang munting anghel.

Nagpalahaw ng iyak si Aling Petra, at sa galit ay nagsabing “Bakit ang anak ko pa? Walanghiyang mga demolition team kayo! Pinatay n’yo ang anak ko! Anak ko!”

Narinig ng kanyang mga kapitbahay ang kanyang palahaw at agad ang mga itong sumaklolo. Nang makita ng mga myembro ng demolition team ang nangyari, tuloy pa rin ang karamihan sa trabaho na para bang walang nangyari. Natigil lamang ang pagdemolis nang dumarami na ang mga tao, dahil ang iba’y nagtawag ng saklolo sa kabilang sityo, at nagbarikada ang mga tao.

Maraming mga kabahayan ang nawasak. Maraming mga kagamitan ang nangawala at ang iba’y nakitang kinuha ng ilang myembro ng demolition team. At isang walang malay na sanggol ang nawalan ng buhay. Ah, sadyang terorismo ang demolisyon. Marahas, walang paggalang sa batayang karapatan ng bawat tao.

Halos madilim na nang dumating si Mang Ramon, ang kabiyak ni Aling Petra. Tulad ng iba pang tagaroon na kararating lamang mula sa trabaho, nanlumo ito nang malaman ang nangyaring demolisyon, lalo na nang makitang wala nang buhay ang kanyang bunso. Walang sabi-sabing sinuntok nito ang dingding na kahoy.

“Hindi ko nailigtas ang anak natin. Patawad. Hindi ko naligtas si Bunso,” ang tanging lumabas sa bibig ni Aling Petra na halos natuyo na ang luha sa pisngi.

Nakatitig sa kawalan si Mang Ramon. Halata sa kanyang mukha ang pagtitimpi.

Nang gabi ring iyon, nagpulong ang mga lider at kasapi ng SMSE, kasama ang ilang lider sa kabilang pampang ng ilog na naniniwalang umpisa pa lamang ang pag-atake sa Sitio Estero at susunod na ang Sitio Ibabaw at Sitio Ilalim.

“Mga kasama, kung hindi tayo magtutulungan, tiyak na isa-isang magigiba ang ating kabahayan. Tama lamang na kumilos tayo ngayon upang hindi na maulit pa ang karahasang nangyari kanina,” ani Mang Pedro, ang lider ng komunidad na yaon.

“Dapat din tayong maging handa sa kanilang susunod na pag-atake. Alalahanin natin na walang maayos na paglilipatan sa atin kung saan mabubuhay tayo ng maayos at malapit sa pinagkukunan ng ikabubuhay,” dagdag naman ni Mang Danny, ang lider sa Sitio Ibabaw.

Napagkaisahan din sa pulong na bawat isa’y mag-ambag ng anumang makakaya para sa pagpapalibing sa anak ni Mang Ramon. Napagkaisahan ding bago ilibing ang bata ay dalhin ito sa munisipyo upang humingi ng katarungan.

Napagkaisahan ding gumawa ng mga placard na nagpapahayag ng kanilang damdamin sa nangyaring karahasan. Ang ilan dito ay nakasulat: “Negosasyon, hindi demolisyon!” “Itigil ang demolisyon hangga’t walang relokasyon!” “Ang demolisyon ay terorismo sa maralita. Dapat labanan!” “Teroristang demolition teams, huwag papasukin!” “Labanan ang teroristang demolisyon!” “Katarungan kay Baby Angeline na namatay sa demolisyon!”

Mula nang araw na iyon, maraming nagbago. Hindi lamang lumakas ang pagkakaisa ng mga taong nakatira doon para ipaglaban ang kanilang karapatan. Kundi nagbago rin ang aking pananaw na ang mga mahihirap pala’y tunay ang pagdadamayan, lalo na’t buhay at karapatan na nila ang nakasalang. Hindi sila hampaslupa na kadalasang ipinapakita sa mga sinehan at telebisyon. Sila pala’y mga tao ring tulad ng bawat isa sa atin.

Nakita ko sa kanila na may pagkakamali rin ang pamahalaan, lalo na sa oryentasyon nito kung paano mabigyan ng solusyon ang kanilang problema sa iskwater. Para sa maralita, dapat na walang iskwater sa sariling bayan. Pero para sa pamahalaan, dapat umalis ang mga maralitang iskwater sa kalunsuran dahil nagmumura ang halaga ng lupa para sa negosyo kapag may mga iskwater. Ang problema pa sa pamahalaan, pabahay lang ang tangi nilang solusyon sa iskwater. Na kung kanilang uugatin lamang ang problema ng maralitang iskwater, hindi bahay ang dahilan nila kung bakit sila naging iskwater, kundi pagkukunan ng ikabubuhay. Sila’y nagluwasan sa kalunsuran dahil sa kakapusan ng hanapbuhay sa kanilang probinsya. Nag-alisan sa mga relokasyon at resettlement area dahil wala sila roong pagkakitaan. At nagbabaka-sakali sa kalunsuran para hanapin ang inaakala nilang maalwang pamumuhay.

Ang sitwasyon sa Sitio Estero ay bumagabag sa akin. Iminulat ako ng isang insidenteng hindi ko akalaing magaganap, kung saan ang karapatan ng maralita sa paninirahan ay nilalabag. Iminulat ako mismo ng aking paglalagalag, at ng mismong mga maralitang siyang sarili kong kababayan, mga maralitang hindi dapat naging ‘iskwater sa sariling bayan’.

Natagpuan ko ang aking sarili na nakikiisa na sa kanilang ipinaglalaban. O marahil, ang karanasang iyon ang nagbigay sa akin ng isang pagpapasiya. Ang mapagpasiyang pakikiisa sa laban ng mga maralita ng Sitio Estero. At sa laban ng mga tulad pa nila. Kahit hindi ako tagaroon.

Walang komento: