Miyerkules, Marso 29, 2023

Kapitbisig laban sa demolisyon

KAPITBISIG LABAN SA DEMOLISYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulantang kami sa tawag na may demolisyong nagaganap sa isang pamayanan sa Maynila, at kailangan daw nila ng tulong upang masawata ang nasabing demolisyon. Sa ganitong mga pagkakataon ay dapat maagap ang pagkilos at mabilis ang isipan dahil buhay at karapatan ang nakataya. Pag biglang nawalan ng tahanan ang isang pamilyang maralita, tiyak na malaking suliranin ito sa kanila. Saan na sila tutuloy pansamantala habang inaayos ang gusot na ito? Saan na ba titira ang kanilang mga anak? Paano ang eskwela ng mga bata?

Hindi ba’t kaya naman naroon sa iskwater ang pamilyang dukha ay dahil malapit iyon sa kanilang trabaho? Hindi sila titira roon kung malayo iyon sa pinakukunan nila ng ikabubuhay. Subalit nakatira sila sa nakatiwangwang na lupa, na noong una’y tinirhan ng kanilang mga magulang, na mula sa lalawigan ay umalis doon dahil sa hirap ng buhay. 

Nakakita ng trabaho o anumang mapagkakakitaan sa lungsod na umampon sa kanila, sa lungsod ng mga pangarap. Kaya sa lungsod ding iyon nila napiling manirahan kung saan malapit sa pinagkakakitaan nila.

Napakaraming kwento ng pakikipagsapalaran ng maralita upang maabot ang pinapangarap na buhay na maginhawa. Ngunit ngayon…

“Magbarikada tayo, mga kapitbahay! Hindi tayo papayag pasukin nila tayo upang wasakin ang ating mga tahanan at itaboy tayong parang mga daga sa malayo! Dito na tayo isinilang, nagkaisip, nagkaasawa, nagkaapo. Dito natin nakagisnan ang ating mga magulang, tapos ay basta na lang tayo palalayasin dahil nabili na ng isang malaking kumpanya ang kinatitirikan ng ating bahay? Ni wala man lang pag-uusap na naganap kung paano na tayo, kung may relokasyon bang malapit sa ating trabaho? Wala! Tayong mga maralita kasi ay masakit sa kanilang mga mata kaya para tayong hayop na tatanggalan nila ng karapatan at tahanan! May dignidad tayo bilang tao na di dapat binabalewala!” Ito ang mariing sabi ni Ate Lona sa kanyang talumpati sa magkakapitbahay.

Sang-ayon naman ang mga tao. At sinabi naman ni Mang Gusting, “Tama si Ate Lona, tayo ay mga taong may dignidad, may karapatan, may mga pangarap sa ating mga anak. Na kahit tayo’y mahirap, tayo ay may dangal na iniingatan. Kung tatanggalan nila tayo ng ating tahanan, winawasak nila ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan ng ating mga anak. Papayag ba tayo! Hindi! Tara na sa barikada, at ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan at kinabukasan ng ating mga anak!”

Nasa gayon silang pagkilos nang dumating ang mga lider-maralita mula sa kabilang barangay sa pangunguna ni Ka Linda. Lumakas ang loob ng mga tao. Sina Ka Linda ang isa sa mga nagtagumpay sa pakikipaglaban noon laban sa paggiba sa kanilang kabahayan sa Brgy. 143. Muli nilang itinayo ang kanilang bahay at buhay. Dumating din sina Ka Igme ng Brgy. 147. 

Nakaamba na ang demolition team sa pangunguna ng isang malaking tao. Inihatid nito ang liham na diumano’y order na pinaaalis na sila sa kanilang mga tahanan dahil gigibain na ang mga ito upang bigyang daan ang pagtatayo ng malaking mall sa lugar. Nakapalibot sa kanya ang demolition team na mukha rin namang galing sa iskwater, tulad nilang maralita.

“Hindi kami papayag na mapaalis sa aming mga tahanan!” Sabi ni Ka Lona. Nagkapit-bisig na ang mga tao. Habang naghahanda naman ang iba ng kanilang pandepensa tulad ng binalot na tae at ihi upang ibato sa mga demolition team sakaling umatake na ang mga ito.

Umawat sina Ka Linda at Ka Igme at kinausap ang nagpapademolis na mukhang goons. “Bakit hindi man lang kinausap ang mga maralita tungkol sa proyekto? Wala silang kaalam-alam na may ganyang proyekto. Labag iyan sa UDHA! Dapat may negosasyon muna bago demolisyon! Saan sila titira, kakain at matutulog? Sa kalsada? Paano ang mga bata?” Ani Ka Igme.

“Bahala kayo! Basta sabi ng aking amo, dapat lumayas na kayo sa lupaing ito dahil nabili na niya ito. Maghabol na lang kayo sa korte! Sige, layas!” At sinenyasan ang demolition team na pumasok na. Dumating ang mga midya at kinunan ang nagaganap na tensyon. Patuloy pa ring kapitbisig ang mga maralita. Tila bato silang hindi matinag, habang nasa likod nila ang mga nakaalalay pang maralita sakaling magkaduguan.

Pumagitna si Ka Lona. Nakahanda na rin ang mga tao. Subalit…

Nahupa lang ang tensyon nang dumating ang isang taga-City Hall na pinahihinto ang demolisyon. “Huwag ituloy ang demolisyon, inatasan kami ni Mayora, ihinto na ang demolisyon. May negosasyong naka-iskedyul. Hintayin muna iyon.” Ilang sandali pa’y umalis na ang demolition team. 

Alam nila, pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Kailangan pa rin nilang maghanda at maging mapagbantay. Dahil anumang sandali ay maaari pang bumalik ang mga iyon sa araw na hindi nila inaasahan. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 18-19.

Martes, Marso 7, 2023

Bayanihan sa dyip

BAYANIHAN SA DYIP
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mama, bayad po,” sabi ng babae sa dulo ng sinasakyan kong dyip. Inabot naman ng katabi niyang lalaki sa akin ang isang lukot na bente pesos, na iniabot ko naman sa tsuper ng dyip. Ang ruta niyon ay mula Tayuman hanggang Lardizabal sa Maynila.

“Ito po ang sukli,” ang sabi naman ng tsuper, at iniabot ko naman mula sa tsuper patungo sa lalaki ang baryang otso pesos, hanggang iyon na’y kunin ng babaeng nakaupo sa dulo ng dyip.

Mayroon na namang nagbayad. At ganoon muli ang naging proseso. “Bayad po. Diyan lang sa may España.” “Sukli po, ale.” “Bayad. Pakibaba lang po sa Honradez.” “Para! Ito po ang bayad,” sabay baba.

Minsan, sa tapat ng Pantranco ay sumakay ako ng dyip na may karatulang Quiapo-SM West upang makarating sa SM North. Paano nangyari iyon? Ang West ay kalye, habang mall ang North.

Napansin ko sa araw-araw kong pagsakay ng dyip, rutang Bustillos patungong Divisoria, Pasig-Palengke-Quiapo, Balic-Balic-España, Cubao-Welcome Rotonda,  aba’y ganoon pa rin lagi ang proseso.  Bayad-sukli-bayad-sukli ng mga hindi naman magkakakilala. At saka ko napagtanto na ito ang kasalukuyang bayanihan. Ang alam kasi natin sa bayanihan ay yaong pagtutulungan ng mga magkakanayon sa sama-sama nilang pagbubuhat at paglilipat ng bahay. Subalit bihira na ito ngayon dahil karamihan lalo na sa lalawigan, ay kongkreto na ang mga bahay. Kaya bihira nang nagaganap ang ganoong uri ng bayanihan. Subalit sa loob ng dyip ay kitang-kitang buhay na buhay ang bayanihan.

Matindi pa, ang nagtutulungan at kusang nag-aabot ng bayad at sukli ay mga di magkakilala at doon lang sa dyip unang nagkasama. 

Makikita mo ang diwa ng tiwalaan, dahil di nila ibinubulsa ang iniabot na bayad o sukli ng kapwa pasahero, kundi iniaabot talaga sa tsuper ang bayad at ibinabalik naman ang sukli sa pasaherong nagbayad.

Minsan pa, pag nasiraan ang dyip ay nagkukusa na ang tsuper na ibalik ang bayad ng mga pasahero. Dahil na rin hindi niya nakumpleto ang serbisyo, o hindi niya naihatid ang pasahero sa dapat nitong babaan. Para bang may batas na hindi nakasulat subalit madalas nangyayari. At alam na alam nila iyon. Walang lamangan. Parehas sila kung lumaban.

Sinabi ko ang aking ideya o nakita sa ilan kong mga tula, at nag-usap kami ng isang magaling na guro hinggil dito. Sabi ko’y may makabagong bayanihan na dapat maisalibro rin, at ito nga ang bayanihan sa loob ng mga pampasaherong dyip. Ang mga taong hindi magkakakilala ay nag-aabutan ng bayad at sukli nang walang samaan ng loob, o wala nang anumang usapan. Ang nasabi ng guro, “Tama. Iyan nga ang buhay na halimbawa ng bayanihan na dapat nating ituro sa mga estudyante.”

Subalit sa nakaambang jeepney modernization, imbes na mukhang dyip, ay parang minibus na ang itsura. Ngayon nga sa mga nasasakyan kong ejeep o electronic jeep ay may konduktor na sa dyip, tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Hindi tulad ng mga dyip sa Maynila na bihira ang konduktor. Ang tanong agad na sumagi sa aking isipan, “Mawala kaya ang makabagong bayanihan ng mga pasahero sa dyip?”

Habang isinusulat ito’y nagaganap ang isang linggong protesta ng mga tsuper at opereytor ng dyip upang iparating sa pamahalaan na tutol sila sa PUV modernization, dahil bukod sa uutangin sa Tsina ang dyip, hindi pa kaya ng mga tsuper na bayaran ang milyones na halaga ng bagong dyip. At nakita rin natin sa mga balita na ang Francisco Motors ay handang gumawa ng mga dyip na kailangan. Ngunit bakit di masuportahan ang gawang sariling atin? Dahil ba wala ritong limpak na kickback?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2023, pahina 18-19.