Huwebes, Agosto 29, 2024

Nang minsang mapadaan sa marker ni Kian Delos Santos, biktima ng EJK

NANG MINSANG MAPADAAN SA MARKER NI KIAN DELOS SANTOS, BIKTIMA NG EJK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napadaan ako sa isang simbahan sa Kalookan dahil sa nakatakdang aktibidad ng aming samahan, at habang naghihintay sa mga kasamang hindi pa nakararating ay nakita ko ang marker na inilagay doon hinggil sa pagpaslang sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos.

Mula pa nang magsimula ang administrasyong Digong ay naging madugo na ang lansangan ng kalunsuran. Dahil na rin sa pananalita ng pangulo sa unang araw pa lang ng panunungkulan. Dapat mawala na ang mga adik na tingin niya’y walang karapatang mabuhay sa mundo.

At isa nga sa naging biktima ay ang estudyanteng si Kian Delos Santos, na sinasabi’y napagkamalan o kaya’y nanlaban kaya pinaslang. Isa umanong inosenteng biktima ng war on drugs ni Digong.

Ayon sa ulat sa mga balita, napaslang noong Agosto 2017 ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Kalookan na sinasabing dapat ay protektor ng mamamayan. Gabi iyon nang makuha si Kian ng mga pulis sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagmamakaawa pa si Kian na mapakawalan dahil iniisip niya ang kanyang exam kinabukasan: “Huwag po, may exam pa po ako bukas”. 

Subalit sawimpalad na napatay ang estudyanteng si Kian. Mabuti na lamang at may CCTV sa lugar na siyang naging ebidensya laban sa mga pulis. Nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sanhi ng kamatayan ni Kian. Gayunman, napakarami pa ring walang hustisya at patuloy pa rin ang mga patayan kaugnay sa kampanyang war on drugs.

Sa panahong iyon ng tokhang, o toktok bangbang, maraming basta na lamang pinaslang nang walang due process o wastong proseso ng batas. Nakilala ko ang ilan sa mga nanay ng mga namatayan dahil sa naging aktibo ako sa kilusan para sa karapatang pantao.

Tagos sa puso’t isipan ko ang mga nakasulat sa marker ni Kian: “SA ALAALA NI KIAN DELOS SANTOS

“Sa alaala ni Kian Delos Santos, 17 taong gulang, na naging biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. 160, Caloocan City. Si Kian ay pinaslang sa araw ng kapistahan ni San Roque, Patron ng Diocese of Kalookan. Isa lamang siya sa 81 katao na pinatay sa loob ng apat na araw (Agosto 15-18, 2017) sa Kalakhang Maynila. Ayon sa talaan,  libu-libo  na ang mga mamamayang naging  biktima  ng patuloy na itinataguyod na giyera sa ilegal na droga ng kasalukuyang pamahalaan. Ang marahas at abusadong pamamaraan na ito ay taliwas sa pananampalatayang Kristyano ukol sa dangal ng buhay ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.”

“Nawa ang panandang ito ay magsilbing alaala sa mga buhay na pinaslang, mga asawang nabalo at mga anak na naulila. Nawa'y antigin ng Diyos ang budhi ng mga nasa kapangyarihan upang matigil na ang pagpatay, masimulan na ang paghilom ng mga kababayang biktima ng adiksyon sa droga, at makamtan ang tunay na katarungan para sa lahat.”

Matapos kong basahin iyon ay nakita ko na ang aking mga kasama upang simulan na namin ang aming aktibidad. Subalit sa aking pag-iisa ay aking napagninilayan ang nakasulat sa marker na nagpatibay pa sa aking pagtaya o commitment bilang aktbista para sa karapatang pantao. At bilang makata ay nakapagsulat ako ng maraming tula hinggil sa EJK o sa extrajudicial killings na balang araw ay nais kong malathala bilang ambag sa panawagang hustisya ng mga namatayang pamilya, at sa panawagang due process kung may pagkakasala. Sana’y wala nang mga salvagings at EJK sa hinaharap. At wala na ring nagdudroga dahil naisip nilang hindi iyon ang kasagutan sa anumang problema.

Mabuti’t napadaan ako sa marker na iyon na nagbigay sa akin ng bagong alab at inspirasyon bilang makata at aktibista upang ipagpatuloy na ipaglaban ang pangarap na kamtin ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 29, 2024

Bigong-Bigo ang Masa

BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.

Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”

Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”

Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”

“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”

“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”

“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.

“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.

“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.

Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang  tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.” 

Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 19, 2024

Budul-Budol sa Maralita

BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).

Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.

Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.

Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”

Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”

Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”

“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”

"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."

Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"

Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”

“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 14, 2024

Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hunyo 30, 2024

Tax the Rich, Not the Poor! Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!

TAX THE RICH, NOT THE POOR!
KAHIRAPAN WAKASAN! KAYAMANAN BUWISAN! 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan lang iyon sa mga islogan sa plakard na aking nakita nang ako’y dumalo sa isang Wealth Tax Assembly ngayong taon: “Tax the Rich, Not the Poor!” “Kahirapan Wakasan! Kayamanan Buwisan!” Subalit dalawang taon na ang nakararaan, sa kampanyahan ng Halalan Pampanguluhan 2022 ko pa unang nabatid ang hinggil sa wealth tax. Isa iyon sa plataporma ng noon ay tumatakbo para maging pangulo ng Pilipinas, si Ka Leody de Guzman, isang kilalang lider-manggagawa.

Mataman akong nakinig sa asembliyang iyon kung saan mula sa iba’t ibang saray ng sagigilid o marginalized sector ang tagapagsalita. Ilan sa mga naging tagapagsalita ay sina Tita Flor ng Oriang na grupo ng kababaihan, Ka Luke ng BMP, Rovik ng Freedom from Debt Coalition (FDC), Sir Benjo mula sa Teachers Dignity Coalition (TDC), ang lider kabataang si John na ngayon ay nasa Asian People’s Movement on Debt and Development (APMDD), si Jing mula sa Women, si Paolo sa kalusugan, ako sa maralita, at umawit din ang grupong Teatro Pabrika.

Maghapon iyon, at nang mag-uwian na ay nagkausap kami nina Mang Igme, Aling Isay, Mang Inggo, Aling Ines, Mang Igor, at Aling Ising, na pawang mga lider-maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Animo’y pagtatasa iyon malapit sa sakayan ng dyip mula UP patungong Philcoa.

“Alam n’yo, mga kasama, “ panimula ni Mang Igme. “Tama naman na magkaroon tayo ng ganitong pag-uusap hinggil sa wealth tax. Aba’y minsan nga, nababalitaan natin na hindi raw nagbabayad ng tamang tax ang mga bilyonaryo, tulad ni Lucio Tan. Habang tayong nagdaralita ay nagbabayad pa rin ng buwis, kahit indirect tax tulad ng 12% VAT sa bawat produkto, na siya ring binabayaran ng mayayaman sa bawat produkto. Aba’y hindi yata patas ang ganoon,”

Sumagot si Aling Isay, “Natatandaan ba ninyo noong nakaraang halalan, nang binanggit ni Ka Leody na plataporma niya ang wealth tax, aba’y agad tinutuian iyon ng Makati Business Club, na isa sa malalaking grupo ng mayayamang negosyante sa ating bansa. Ibig sabihin, talagang matindi ang isyu ng wealth tax na iyan pagkat kukunan ng pera ay ang mga mayayaman. Ano ba namang kunan sila ng malaking buwis ay hindi naman nila mauubos iyon sa buong buhay nila?!”

“Para bagang tinamaan ang kanilang sagradong pag-aaring pribado, kaya sila umaaray!” Sabi ni Aling Ising.

“Sinabi mo pa,” sabat naman ni Mang Inggo, “Kaya bukod sa 4PH na di naman makamaralita, iyang wealth tax ang maganda nating maibabahagi sa mga kapwa maralita na dapat nating ipaglaban!”

Nagtanong si Aling Ines, “Subalit paano ba natin maikakampanyang magkaroon ng wealth tax sa mga tao nang malaliman at tagos sa puso, upang maunawaan talaga nila? Eh, ako nga’y di pa malalim ang kaalaman diyan.”

Sumagot si Mang Igme, “Sa ngayon, gagawa muna tayo ng polyeto, at magbibigay ng mga pag-aaral, na matatalakay natin sa mga pulong ng samahan. Isasama natin ang wealth tax sa kursong Aralin sa Kahirapan (ARAK), maging sa kursong Puhunan at Paggawa (PAKUM), Landas ng Uri (LNU), at PAMALU (Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod). Bigyan natin ito ng dalawang linggo upang matapos, at sa ikatlong linggo ay mag-iskedyul na tayo ng mga pag-aaral sa mga kasaping lokal na organisasyon (LOs). Ayos ba sa inyo iyan?”

“Tutulong ako sa pagpa-repro ng polyeto.” Sabi ni Mang Igor.

“Baka nais mong tumulong na rin sa paggawa ng mga metakard para sa pag-aaral dahil wala tayong projector na ginagamit ng mga guro natin. Ayos ba sa iyo, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Sige po, tutulong po ako riyan. Nais ko na po talagang umpisahan na iyan. Maraming salamat po sa tiwala.”

Maya-maya ay may dumating nang dyip patungong Philcoa at sabay-sabay na kaming sumakay. Si Mang Igme ang taya sa pamasahe.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 29, 2024

Hindi Haka-Haka ang Kahirapan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

HINDI HAKA-HAKA ANG KAHIRAPAN

Nabalita sa mga komunidad ng maralita ang sinabi ni Larry Gadon, ang itinalaga ni BBM bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation o PAPA, na haka-haka lang daw ang kahirapan. Katwiran niya, hindi totoong naghihirap ang mga Pilipino, dahil malaki raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang.

Inihalimbawa ni Gadon, kaya niya nasabing haka-haka ang sinasabing naghihirap daw ang mga Pilipino ay ang pagdagsa ng mga tao sa mall, at lagi raw puno ang mga fastfoods. Napakarami rin daw ng mga sasakyan sa kalsada. Dahil sa dami ng sasakyan, kaya nagtatrapik. Kaya sabi ni Gadon, maganda raw ang ekonomiya. Kaya haka-haka lang daw ng marami ang tungkol sa kahirapan. Hindi raw totoong may naghihirap.

Napag-usapan iyon sa maraming komunidad ng maralita. Tulad ng napag-usapan ng mga maralita sa Navotas. Ani Mang Igme, “Malala na ang kahirapan sa bansa ay mas malala pa itong si Gadon. Kung wala nang mahihirap sa bansa ay dapat na siyang umalis sa pwesto dahil ano pang silbi ng kanyang opisina kung wala na palang naghihirap?”

Sumagot din si Aling Isay, “Aba’y hindi siya bumababa sa komunidad at nasa de-erkon lang siyang opisina. Hindi ba niya nakikita ang mga nakatira sa ilalim ng tulay na tinatawag na bat people, at mga walang bahay na nakatira lang sa mga kariton? Habang hindi niya sinasabing may naghihintay na mga maralita sa mga tirang pagkain ng mga kostumer sa fastfood tulad ng Jollibee at McDo upang gawing pagpag. O yaong lulutuin muli ng maralita ang tinapong pagkain upang kanilang kainin. Iyan ba ang haka-haka lang ang kahirapan? ”

Pati si Mang Inggo ay napatanong, “Anong batayan niya kundi ang datos na hindi natin nararamdaman. Bumaba raw ang poverty rate mula  24.7% sa 23.4% subalit baka ang mga numerong ito’y haka-haka lamang, dahil di natin alam paano nila ito sinukat kaya di natin ramdam.”

Nagmungkahi naman si Aling Ising, “Mabuti pa’y maglakad-lakad siya sa komunidad ng maralita. Baka lagi na lang siyang nakakotse at di sumasakay ng dyip. Baka nga kaya hindi siya makatapak sa mga lugar ng iskwater ay nandidiri siya sa ating mga mahihirap. Bumaba siya upang makita talaga niya ang totoong kalagayan nating mga mahihirap!”

“Maganda ang mungkahi ni Aling Ising,” ani Mang Igme, “Bakit hindi natin siya hamuning bumaba sa mga tinatawag na slum area upang makita niya ang totoong kalagayan ng mga maralita.”

“Paano?” Tanong ni Aling Isay.

“Kausapin natin sina Ka Kokoy ng samahang KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod upang ralihan si Larry Gadon, at hamunin siyang bumaba sa ating mga lugar.”

“Bakit pa? Sisikat lang iyon! Sinupalpal na nga iyan ni Ka Luke Espiritu sa debate, papatulan pa natin?” Sabi naman ni Mang Inggo.

“Oo nga.” Susog ni Aling Isay.

“Nais kasi nating ilantad pa siyang lalo, na ang tulad niya’y hindi dapat malagay sa pwesto sa gobyerno. Pupuntahan ko muna si Ka Kokoy bukas din.” Ani Mang Igme.

Kinabukasan, pagtungo ni Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa palengke ay pinag-usapan nila ito. Nabatid ni Mang Igme, na nagpadala na si Ka Kokoy ng pahayag sa midya na hindi totoo ang sinasabi ni Gadon na wala nang mahihirap. Iba pa kung maglulunsad sila ng pagkilos, tulad ng rali sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Napag-usapan nilang magkaroon muna ng talakayan at pag-aaral sa iba’t ibang lugar bago maglunsad ng pagkilos, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan) LSK2 (Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran), at iba pang isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay. 

Gayunman, nais pa rin ni Mang Igme na maikasa ang isang pagkilos upang tuligsain ang sinabi ni Gadon. Kaya napapayag si Ka Kokoy sa kanyang suhestiyon. Matapos ang pag-uusap, nagtakda na sila ng pagkilos sa Miyerkules sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Dumating ang araw ng Miyerkules, nasa limampung maralita ang lumahok sa pagkilos. Nagsalita si Mang Igme gamit ang megaphone.

“Sekretaryo Gadon, hinahamon ka naming pumunta sa lugar ng mga iskwater upang makita mo ang totoong kalagayan ng mahihirap!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Marso 14, 2024

Bawal Bastos Law


BAWAL BASTOS LAW
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkita ang mga magkakapitbahay na sina Ingrid, Ines, Isay, at Inday, at napag-usapan nila ang bagong batas na Bawal Bastos Law, dahil na rin sa isang kaso ng panghihipo sa kanilang kapitbahay na si Isabel. Umano’y kinasuhan ni Isabel ng panghihipo ang lasing na lalaki sa dyip na nasakyan niya. Hinuli ang lalaki ng mga pulis sa tulong na rin ng ibang pasahero, subalit itinatanggi umano ito ng lalaki nang mahimasmasan.

“Hoy, alam n’yo ba?” Pagsisimula ni Ingrid, “May bagong batas pala na tinatawag na Bawal Bastos Law, na siyang ginamit ni Isabel na batas upang kasuhan ang lalaking nanghipo sa kanya.”

Sumagot si Ines, “Hindi ko alam na may ganyang batas na pala. Dapat alam natin iyan. Lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan, mga amiga, buwan natin ngayon. Ano nga pala iyang Bawal Bastos Law.”

Si Isay ang nagpaliwanag, dahil aktibong kasapi siya ng Oriang Women’s Movement. “Ang tinatawag na Bawal Bastos Law sa batas ay ang Safety Spaces Act o Republic Act No. 11313, na isinabatas noong Agosto 3 2019, habang ang implementing rules and regulations nito (IRR) ay inaprubahan noong Oktubre 28, 2019. Ang panghihipo at pagsipol dahil nagagandahan sila sa atin, aba’y kabastusan na iyan, hindi ba? Pati nga malisyosong akto at komento ay pinagbabawal na ng batas.”

“Subalit may Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na, hindi ba? Di pa ba sapat iyon?” Tanong ni Inday.

Sumagot si Ines, “Mas pinaigting ng Bawal Bastos Law ang batas, na hindi lang panggagahasa ang kakasuhan kundi maging ang simpleng pagtitig sa katawan ng babae ay kahalayan na. Halimbawa, nakasakay ka sa dyip, bus o tren, at may isang pasahero na kung makatingin sa suso mo ay parang gusto ka agad sunggaban. Aba’y kaso na iyon.”

“Kaya pala agad nakasuhan ni Isabel ang lalaking lasing na iyon. Dahil may batas na palang ganyan.” Sabi ni Inday. “Buti naman.”

Naririnig pala sila nina Inggo at Igme na kanina pa nakaupo sa tabi habang nagkakape. Sumabat si Inggo, “Kung ganoon pala, pag sumipol pala ako habang naglalakad ka sa kalsada, maaari na akong kasuhan?”

“Aba’y oo, Inggo. Kung ako ang dalagang sinipulan mo, baka hindi lang kita isumbong sa pulis at kasuhan, makakatikim ka talaga sa akin. Subukan mo lang. Kahit ako’y matanda na, pag bastos ka, kakasuhan kita sa Safe Spaces Act. Kaya nga safe space, eh, wala dapat bastos.”

Si Igme naman, “Ibig nilang sabihin, pareng Inggo, iyang Bawal Bastos Law ay nagbabawal sa pambabastos sa sinumang tao, babae man o lalaki, bakla man o tomboy, anuman ang kasarian. Ipinagbabawal ang pangbabastos ng personal, harapan man o talikuran, at online.”

Sumagot muli si Isay, “Buti pa iyang kumpareng Igme mo, Inggo, ay alam kung ano ba itong pinag-uusapan natin. Aba’y ayaw din niyang pati sila ng kanyang mga anak na lalaki ay makasuhan ng pambabastos, kahit simpleng sipol lang iyan.”

Muling nagtanong si Ines, “Bukod sa pagsipol at panghihipo, ano pa ang mga bawal?”

Si Isay, “Iyong nasabi ko na, bawal iyang catcalling o pagsipol o pagtawag ng “sexy” sa mga dumaraan. Bawal din ang stalking o ang pagsunod-sunod nang walang pahintulot, pagtitig at paglapit sa isang tao na nagdudulot sa kanya ng takot. Pati mga kapraningan nga, ayon sa batas ay bawal, tulad ng pagma-masturbate sa pampublikong lugar, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan sa plasa o palengke, o paghawak sa katawan ng isang tao na wala siyang pahintulot. Bawal din ang pagpapakalat ng mga nakakabastos na larawan ng iba, pambubully dahil sa kasarian, pagcocomment sa facebook ng mga mahahalay na salita. Bawal na rin ang paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng waitress o pagyayayang makipagtalik sa saleslady.”

Nagtanong muli si Inggo, “Paano naman pag menor de edad ang nambastos, dahil hindi naman nila alam ang batas?”

“Alam mo, pareng Inggo,” sabi ni Igme, “May kasabihan ngang ignorance of the law excuses no one.”

Si isay muli, “May batas para riyan, at kung menor de edad, irereport ang bata sa Department of Social Welfare and Development o DSWD upang mabigyan ng kaukulang pagdisiplina.”

Tugon ni Ines, “Maraming salamat, Isay, sa mga paliwanag. Gabi na, uwi muna ako. Kita na lang tayo sa rali ng kababaihan sa Marso Otso.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2024, pahina 18-19.

Huwebes, Pebrero 29, 2024

Huwag gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan! Nukleyar, huwag payagan!


HUWAG GAWING 100% ANG ISKWATER SA SARILING BAYAN! NUKLEYAR, HUWAG PAYAGAN!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tumitindi ang bangayan ng mga elitista hinggil sa nagaganap na ChaCha, subalit animo’y moro-moro lang ito ng naghaharing uri. Kaya dapat kumilos ang mamamayan upang tutulan ang banta sa kanilang kabuhayan at kasarinlan ng bayan. Aba’y nais kasing distrungkahin ng mga mambabatas ang Saligang Batas ng Pilipinas, lalo na ang probisyong pang-ekonomya nito na dapat 60% ang pag-aari ng Pilipino at 40% sa dayuhan sa mga pampublikong interes, tulad ng lupa, masmidya, tubig, kuryente, at iba pa. 

Kaya ito ang napag-usapan nina Igme sa kanilang komunidad. “Hindi tayo dapat tagapanood lamang, na habang niloloko na tayo ng mga nasa poder ng kapangyarihan, tayo naman ay walang malay at nakatunganga lamang sa nagaganap. Aba, tulad na lang ng ChaCha na iyan, na nagsimula sa pagpapapirma sa atin kapalit ng ayuda, iyon pala’y ibinebenta na tayo sa dayuhan.”

Napatango naman si Inggo, habang nakikinig sina Ingrid at Isay, “Oo nga, tama kayo. Kaya nga iyang ChaCha na iyan ay hindi talaga tayong mga maralita ang makikinabang, kundi ang mga nasa poder na nais magpatuloy ang kanilang kapangyarihan. Dati na ngang isyu iyang term extension, di ba? Aba’y pag binuksan nila ang Konstitusyon nang wala tayong kamalay-malay, aba’y maraming mangyayari. Tiyak, matatanggal iyang political dynasty na bawal sa ating Konstitusyon.”

Sumabad naman si Isay, “ Kami nga rin ng aking anak ay napag-usapan iyan. At sa environmental group nila, iyang nukleyar ay baka raw payagan, dahil iyan daw ang gusto ng pangulo, ang mabuksan ang Bataan Nuclear Power Plant. Aba’y wala ba silang malay sa naganap sa Fukushima disaster sa Japan? Baka kung may nukleyar pang makapasok, madamay pa ang ating bansa sa digmaang nukleyar ng US, di ba?”

“Political dynasty, nukleyar, maraming bawal ang papayagan dahil lang sa kapritso ng iilan. Baka tulad din iyan ng 4PH na para raw sa ISF, na dating tawag sa iskwater, subalit para lang pala sa may pay slip. Kaya sa panawagang magkilos-protesta laban sa ChaCha na iyan, dapat sumama tayo. Dahil kinabukasan natin, ng ating mga anak at apo ang nakasalalay diyan. Kung hindi tayo kikibo at kikilos ngayon, baka masisi pa tayo ng ating mga apo balang araw.” Mahabang paliwanag ni Igme.

Napatango rin si Ingrid at nagsalita, “Nabanggit din sa mga balita na economic provision lang daw ang gustong palitan. Gusto nilang gawing one hundred percent na mag-ari ang dayuhan, kaya magpapasukan daw ang malalaking negosyo sa atin, at uunlad tayo. Pero pambobola pa rin, di ba? Kung 100% pag-aari na ng dayuhan ang marami nating lupain, paano na tayo, 100% iskwater na rin ba sa sariling bayan?”

Maya-maya’y dumating si Ines at may ibinalita. “Galing ako sa pulong ng ating mga kasama sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at nais nilang sumama tayo sa ilulunsad na pagkilos laban sa Charter Change. Sa Martes na ito, sasama ba kayo? Ako kasi, gigil na isiwalat ang magiging kahihinatnan natin kung basta na lang magtsa-ChaCha nang hindi naman kinunsulta ang mga tao. Para lang tayong mga isda na pinamumunuan ng mga lawin.”

Sumagot si Igme, “Heto nga at pinag-uusapan din namin iyan. Nais naming sumama sa pagkilos na iyan. Huwag mong tanungin kung may pamasahe kami, dahil kahit walang ibigay na pamasahe, sasama kami. Aba’y kinabukasan ng ating mga anak at apo ang nakasalalay dito. Ano, mga kasama, sasama ba tayo!” Nagtanguan ang lahat, na tandang lahat sila ay sasama sa rali kontra ChaCha.

Si Isay naman ang nagsalita, “Matagal na tayong hindi sumasama sa ganyang pagkilos. Subalit ngayon, binibigyan tayo ng kasaysayan ng isa pang pagkakataon na ipaglaban ang ating karapatan, lalo ang hustisyang panlipunan. Hindi makatarungang basta lang gawin ng mga mambabatas ang kanilang gustong pagbabago sa Konstitusyon nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan at damdamin ng tulad nating maralita, lalo na ang buong mamamayan. Muli tayong kikilos, kahit matatanda na tayo, upang ipakita sa mga kabataan ngayon, na tayo’y buhay pa at handang ipaglaban ang kinabukasan natin at ng bayang ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Sa demolisyon ba patungo ang 4PH?


SA DEMOLISYON BA PATUNGO ANG 4PH?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang pag-uusap ng ilang magkakapitbahay hinggil sa proyektong 4PH, at naisulat na ni Igor na dapat 10% lang sa kinikita ng pamilya ang pabahay, hindi sa market value, muli nilang nirebyu ang Operations Manual at ang EO 34 na hinggil sa programang 4PH.

“Alam nyo, nangangamba rin ako, kung nang dahil sa 4PH na ito ay biglaan tayong mademolis sa kinatitirikan ng ating tahanan.” Ani Igme.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ng asawa niyang si Isay habang sila’y nakaupo at nagtitinda sa karinderya.

“Ano ba ang tinatawag na bakanteng lote na kukunin ng LGU? Alam nating ang tinayuan ng mga bahay natin ay bakanteng lote. Nakasulat sa Operations Manual na upang mapatupad ang programang 4PH, eto, basahin ko. Sa titik B. “Site Identification / Land Ownership. To initiate their housing projects, the LGUs shall identify suitable vacant properties within or near blighted areas for low, medium to high-rise residential and/or mixed use development. Special attention shall be given to areas with greater housing needs, such as in Highly Urbanized Cities, Component Cities, Regional Centers, and areas with numerous ISFs.” O, di ba, kung saan nakatira ang mga ISF. Tayo iyon. Ibig sabihin, kung ang erya natin ang tinukoy na bakanteng lote, at dito itatayo ang proyekto nilang pabahay, hindi ba, maaalis tayo? May staging area ba tayo? O kung hindi natin kaya hulugan ang halos P1.5 milyong yunit na pabahay sa 4PH, baka sa kangkungan tayo pulutin.” Ani Igme.

Nabasa rin iyon ni Inggo, na kanina pa nakikinig sa usapan. Aniya, “May tatlo pa palang opsyon iyan. Yung LGU-owned property, yung inaari namang lupa ng NGA o national government agencies, at ang ikatlo ay yung private property. At tayo nga, Mang Igme, ay nakatira na ng mahabang panahon sa bakanteng loteng ito na noon ay kakaunti pa lang ang bahay. Aba’y dito na tayo lumaki, at ngayon, dito na rin nakapag-asawa ang ating mga anak. May apo na nga ako, at tama ka, parang nagbabanta iyang programang 4PH na baka maalis tayo dito.”

“Nakupo, huwag naman ganyan.” Sabi ng buntis na si Ines. “Sana po, maipaliwanag sa atin iyan ng maayos.”

“Maaari ba tayong magpatawag muli ng pulong, Mang Igme,” ani Inggo, “upang maklaro sa atin iyan. Kausapin na rin natin ang kakilala nating abugado upang maipaliwanag kung tama ba ang ating sapantaha? Aba’y mahirap na kung tayo’y masosorpresa. Buti nang handa.”

“Sige, mga kasama, dapat talagang malinawan natin ito. Kung marapat, kausapin na rin natin si Meyor. Hindi tayo papayag na basta na lang mademolis nang walang kalaban-laban. Mamayang alas-kwatro, magpupulong tayo. Tawagan na ninyo ang iba.” Ani Mang Igme.

Dumating ng ikaapat ng hapon ang mga magkakapitbahay, lalo na yaong mga opisyales ng samahan, at ipinaliwanag ni Mang Igme ang kanila na namang nabasa sa Operations Manual na talagang humuhugot ng sangkaterbang katanungan.

Si Isay naman ang nagsalita, “Bakanteng lupa ang inokupahan natin noon, at halos limammpung taon na tayo dito. Payag tayong magkaroon ng sariling bahay, subalit saan itatayo ang proyektong pabahay, kundi sa mga bakanteng lote, at tinukoy pa ang blighted land. Saan ba nakatira tayong maralita? Hindi ba’t sa mga danger zone, sa mga binabaha, dahil wala tayo noong matayuan ng bahay na matino. Ngayon, sa 4PH program, may opsyon ang LGU na kunin ang inaakala nilang bakanteng lupain, batay sa EO ni BBM, na ilista ang mga bakanteng lupa sa kanilang nasasakupan na maaaring pagtayuan ng bahay. Paano kung natukoy nina Meyor na bakanteng lupa noon ang inokupa natin, papayag ba tayong basta alisin?” 

“Hindi!” Ang sabi ng mga taong dumalo, na nasa dalawampu.

“Mungkahi ko,” ani Igor, “lumiham tayo kay Meyor at maglunsad ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD, upang sabihin natin sa kanila ang ating mga nararamdaman at agam-agam. Gumawa tayo ng position paper na ipapasa sa kanila, at kakausapin na rin natin ang iba pang samahang maralita upang mas may boses tayo.”

“Maganda ang mungkahi mo, Igor,” ani Mang Igme, “May posisyon na tayo hinggil sa 10% lang ang babayaran ng ISF sa pabahay, ay idagdag na rin nating isulat ang hinggil sa ating kritik sa 4PH. Ganoon lang muna, mga kasama. Isulat na agad, at sa Lunes, kung ayos sa inyo, tutungo na tayo kay Meyor, sunod ay sa DHSUD. Mabuhay kayo, mga kasama!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Enero 29, 2024

Ibatay sa kakayahan ng maralita, hindi sa market value, ang pabahay

IBATAY SA KAKAYAHAN NG MARALITA, HINDI SA MARKET VALUE, ANG PABAHAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang naging pag-uusap nila sa ipinatawag nilang pulong hinggil sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH na flagship project ng pamahalaang BBM. Dahil sa kanilang pagsusuri sa Operations Manual, nakita nilang hindi para sa mga maralita ang 4PH kundi sa may pay slip lamang na kayang bayaran ang isang yunit ng pabahay sa loob ng 30 taon na nagkakahalaga ng halos P2 milyon.

Nagpaliwanag si Mang Igme, “Nililinlang na naman tayong mga maralita. Ang naturingang ISF o informal settler families ay hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka kundi yaong may payslip at sumasahod na manggagawa. “

“Paano iyon nangyari?” Tanong ni Inggo.

Sinagot naman siya ni Aling Isay, “Heto, babasahin ko sa inyo, mga kasama ang nakasaad sa Operations Manual: "While low-salaried ISFs, employees and workers should be the priority beneficiaries, it is paramount that they must be capable of and committed to paying the monthly housing loan amortization over the 30-year loan term, to the GFIs or private banks. Employees or wage/salary earners shall be priorotized as potential beneficiaries, over those who derive regular income from sources other than salaries/wages (e.g., informal economy activities, remittances, etc.) Malinaw na mga may kakayahang tuloy-tuloy magbayad ang makikinabang sa 4PH na iyan, hindi tayo.”

“Aba’y akala ko ba ISF, hindi ba tayo iyon, mga impormal settler, mga iskwater, mga nabubuhay sa diskarte, tulad ko na isang pedicab driver. Hindi pala tayo kasama riyan.” Ani Inggo.

Si Mang Igme muli, “Kaya ang mungkahi ko ay magtungo tayo sa tanggapan ng DHSUD upang iklaro iyan. Kung hindi man ay magsagawa tayo ng malawakang pagkilos kasama ang iba pang komunidad upang malinawan tayo bakit ganyan ang Operations Manual nila, na palagay ko’y dapat baguhin. Sino ba talaga ang ISF? Malinaw naman sa Saligang Batas ang ISF ay yaong mga mahihirap na pamilya na nabubuhay lamang sa halos dalawang daang piso bawat araw.”

“Anong gusto mo, magrali na naman tayo,” sabad ni Aling Isay.

“Aba’y bakit hindi, kung ganitong ginigipit tayo,” ani Mang Igme, Hindi ba’t mas dapat tayong kumilos ngayon, lalo’t may ganyan ngang iskemang tatamaan na tayo, ngunit hindi pa rin tayo kikibo.”

Nagmungkahi naman si Igor, isa sa opsiyales sa komunidad, “Dapat may imungkahi tayong alternatiba, kaysa ngawa lang tayo ng nagawa. Ang mungkahi ko ay baguhin ang iskema sa Operations Manual na binasa natin kanina. Dapat na hindi batay sa market value ang pabahay, kundi dapat batay sa kakayahan ng maralita.”

“Paano naman iyon?” tanong ng isa pang medyo batang ginang, si Aling Ines, na may karga pang bata.

“Ganito iyon,” ani Igor. “Ang dapat ay maging makatao ang iskema ng pabahay para sa maralita. Gawing batay sa kakayahan ng maralita. Kung pedicab driver ka na kumikita ng P500 isang araw, dapat sampung porsyento lang niyon ang para sa pabahay. Ang 30% ay para sa pagkain, ang 30% para sa edukasyon ng mga bata, ang 10% ay para sa tubig, ilaw, at ang natitira pa ay para sa iba pang gastusin. Ibig sabihin, kung 10% sa pabahay, P50 isang araw sa P500 kada araw na kita. Sa isang buwan na may 30 araw, P50 x 30 = P1,500 kada buwan ang nakalaan para sa pabahay. Gayon din sa mga vendor, tsuper ng dyip, at iba pang nabubuhay sa diskarte. Kaya kung magbabayad ka ng tatlumpung taon ayon sa kontrata, 30 taon x 12 buwan kada taon x P1,500 kada buwan, ang babayaran mo sa kabuuan ay P540,000. Hindi na masama, hindi ba?”

“Maganda ang naisip mong iyon. Ngunit dapat pa iyang isulat. Gawin nating position paper na isusumite sa mga kinauukulang ahensya. Subalit aralin pa natin. Dapat mas malawak na mamamayan ang makaalam at mapaabutan natin niyan upang mas may lakas tayong ipaglaban iyan. Hindi ba, mga kasama.” Tugon ni Aling Isay.

“Simulan nang isulat iyan, at muli tayong umupo at magpulong upang ihanda rin ang ating mga kasama at iba pang karatig komunidad upang ipaliwanag ito sa kanila, na pupunta tayo sa tanggapan ng DHSUD para mapag-usapan ang ating mungkahi. Na tayong mga maralita na siyang talagang ISF ay hindi papayag sa kapitalismong iskema na patubo dahil sa market value ng pabahay. Ang pabahay ay serbisyo, hindi negosyo.” Pagtatapos ni Mang Igme. “Sige, pahinga muna kayo, mga kasama. At maraming salamat sa pagdalo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Enero 12, 2024

Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.