ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.
Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.
Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."
Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.
Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.
Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”
“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”
Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.
Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.
Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”
Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.