Huwebes, Hulyo 2, 2020

Tambak-tambak na kalupitan

Tambak-tambak na kalupitan
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"Ano namang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

* Unang nalathala ang kwentong ito sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Walang komento: